Huwag Matinag!
Manindigan. Maging matatag. “Manindigan para sa katotohanan at kabutihan.” Manindigan bilang saksi. Maging halimbawa sa daigdig. Tumayo sa mga banal na lugar.
Ngayong gabi nakatayo ako sa banal na lugar sa pulpitong ito, kasama ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at mariringal na anak na babae ng Diyos. Napakasayang mabuhay sa mundo sa panahong ito at maging dalagita. Kayo ay mga piling anak na babae ng ating Ama sa Langit. Umaasa ako na madama ninyo ang inyong identidad at kung gaano kayo kamahal ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya ang bawat isa sa inyo, at mahal ko rin kayo.
Sa mesa sa aking opisina, mayroon akong estatwang tanso ng dalagitang nagngangalang Kristina. Ang orihinal na estatwa ni Kristina na kasinglaki ng tao ay nakatayo sa Copenhagen, Denmark, na para bang nakatanaw sa dagat patungong Sion. Ang desisyon niyang sumapi sa Simbahan at iwan ang kanyang tahanan ay hindi madali, at nakikita ninyo na ang mga hangin sa magkabilang direksyon ay malakas na humahampas sa kanya. Matatag siyang nakatayo, ginagawa ang bagay na mahirap ngunit alam niyang tama. Inilagay ng kanyang mga inapo ang estatwang ito sa daungang iyon bilang pagkilala kay Kristina, dahil ang ipinasiya niya sa araw na iyon ay walang hanggan ang halaga sa maraming henerasyon.
Para sa akin ang estatwang ito ni Kristina ay kumakatawan sa bawat isa sa inyo. Tulad ni Kristina, nahaharap din kayo sa maraming mahahalagang desisyon at gumagawa ng mga pagpili araw-araw, mahirap ang ilan dito, na siyang huhubog hindi lamang sa inyong bukas kundi sa tadhana ng maraming henerasyon. Kayo man ay nakararanas ng matinding oposisyon, kahirapan, pamimilit ng mga kaibigan, at masamang moralidad. Subalit nananatili kayong hindi natitinag at ipinamumuhay ang ebanghelyo sa harap ng nagngangalit na mga unos sa ating lipunan. Tulad ni Kristina, ginagabayan kayo ng Espiritu Santo. Gumagawa kayo ng mga tamang desisyon. Kayo ay matapat, at marangal.
Wala na akong maiisip pa na mas mahalagang payo mula sa mapagmahal na Ama sa Langit kaysa sa payo Niya sa inyo na “tumayo … sa mga banal na lugar at huwag matinag.”1 Sinasabi Niyang: Manindigan. Maging matatag.2 “Manindigan para sa katotohanan at kabutihan.”3 Manindigan bilang saksi.4 Maging halimbawa sa daigdig. Tumayo sa mga banal na lugar. Kaya’t ang mensahe ko sa bawat isa sa inyo ay simple lang: Huwag matinag.
Una, huwag matinag sa pagpili ng tama. Sa mga huling araw na ito, walang maliliit na desisyon. Ang mga pagpiling ginagawa ninyo ngayon ay napakahalaga. Ang pagpili, o kakayahang pumili, ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. Bahagi ito ng plano ng kaligayahang pinili natin at ipinaglaban sa premortal na buhay. Mamuhay kayo sa paraang pakikinggan at maririnig ninyo ang Espiritu Santo, at tutulungan Niya kayong gumawa ng mga tamang desisyon. Sa katunayan, Siya ay magsasabi sa inyo ng “lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”5
Ilang linggo na ang nakalipas pumunta ako sa dati kong eskwelahan noong high school matapos ang maraming taon. Dumalo ako sa isang stake conference na ginanap sa auditorium ng eskwelahan. Habang ginagaygay ko ang mga pasilyo, nagbalik sa akin ang maraming alaala. Naalala ko ang mismong naramdaman ko noong dalagita ako at nag-aaral na sa hayskul—kimi, walang gaanong tiwala sa sarili, mahiyain, at gustung-gustong makibagay. Pumasok ako sa auditorium. Nagbalik na naman sa isip ko ang maraming alaala. Pamilyar sa akin ang bawat detalye ng auditorium na iyon. Isa lang ang nagbago—ako.
Nang araw na iyon nagkaroon ako ng pagkakataong tumayo sa entablado tulad ng madalas kong ginagawa noong high school bilang student officer. Nakita ko pa ang ilan sa dati kong mga kaklase na naroon at nakaupo—nakadeyt ko pa noon ang ilan sa kanila! Pero ngayon, sa halip na mangasiwa sa pulong, nagkaroon ako ng pribilehiyo—sa high school auditorium na “tumayo bilang saksi”6 at magpatotoo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Mga kabataang babae, tiyakin ninyo na sa pakikipag-ugnayan ninyo sa iba ay wala kayong ikahihiya 40 taon mula ngayon. Huwag ipagpalit ang pamantayan sa pamimilit ng kaibigan, pagtanggap ng iba, at popularidad. Ang impluwensya ninyo sa mga kabataang lalaki ay tutulong sa kanila na manatiling karapat-dapat sa kapangyarihan ng priesthood, mga tipan sa templo, at pagmimisyon. At malay ninyo? Apatnapung taon mula ngayon, baka isa sa kanila ang lumapit sa inyo, doon sa inyong high school auditorium, at pasalamatan kayo dahil tinulungan ninyo silang manatiling marapat sa tungkulin nila sa priesthood na maglingkod nang marangal sa misyon. At malay ninyo? Baka makatanggap pa kayo ng liham mula sa isa sa mga asawa ng mga lalaking iyon para pasalamatan kayo dahil sa impluwensya ninyo sa kanilang asawa at magiging pamilya noong nasa high school pa kayo. Mahalaga ang mga pagpili ninyo. Hindi lang kayo ang naaapektuhan ng mga pagpili ninyo ngayon, may epekto din ito sa iba. Walang-hanggan ang kahalagahan nito. Huwag matinag!
Pangalawa, huwag matinag sa hangarin at pangako ninyo na manatiling banal at dalisay ang puri. Pahalagahan ang dangal. Ang inyong kadalisayan ay isa sa mga pinakamalaking mapagkukunan ninyo ng lakas. Nang pumarito kayo sa mundo, ibinigay sa inyo ang mahalagang kaloob na katawan. Ang inyong katawan ay kinokontrol ng inyong isipan at ito ay kaloob ng langit kung saan nagagamit ninyo ang kalayaan ninyong pumili. Ito ay kaloob na ipinagkait kay Satanas, at dahil dito itinutuon niya ang halos lahat ng kanyang pag-atake sa inyong katawan. Gusto niyang walaing-halaga ninyo, gamitin sa mali, at abusuhin ninyo ang inyong katawan. Ang kahalayan, pornograpiya, imoralidad, mga tato at pagbutas ng iba’t ibang bahagi ng katawan, pagkalulong sa droga, at lahat ng uri ng pagkalulong ay mga pagtatangkang kontrolin ang mahalagang kaloob na ito—ang inyong katawan—at gawing mahirap para sa inyo na malayang makapili. Nagtanong si Pablo, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?”7
Ang inyong katawan ay templo. Bakit? Dahil ito ay may kapasidad na mapanahanan hindi lamang ng inyong walang kamatayang espiritu kundi ng mga walang kamatayang espiritu ng iba na paparito sa mundo bilang bahagi ng inyong walang hanggang pamilya. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, “Ang kapangyarihan ninyong lumikha ng buhay ay [isang] dakilang kapangyarihan.”8 Dakila ang papel na inyong ginagampanan. Binigyan kayo ng Diyos ng sagradong tungkulin! Naghahanda kayo sa pagiging mga ina ng susunod na mga henerasyon. Panatilihing dalisay at karapat-dapat ang inyong sarili at pangalagaan yaong “pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat”—ang inyong puri at dangal.9 Bilang Kanyang mga piling anak, ang matalinong payo Niya sa bawat isa sa inyo ay “lumakad … sa landas ng kabanalan.”10
Kalinisang-puri ang mahalagang susi sa templo. Kaya pangatlo, huwag matinag sa pagiging karapat-dapat na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Pananatilihin kayo ng tipan na ginawa ninyo sa binyag sa landas ng kabanalan at kaligayahan kapag pinapanibago ninyo ito bawat linggo sa pakikibahagi sa sakramento. Sa pagtupad ninyo sa mga tipan sa binyag, maiiba ang kaanyuan ninyo, maiiba ang pananamit ninyo, at maiiba ang kilos ninyo sa mundo. Sa pagtupad sa tipan na ito ay magagabayan kayo ng Espiritu Santo. Manatili sa mga banal na lugar, at ni huwag lumapit sa mga kapaligiran o musika, media, o mga samahan na maaaring maging sanhi ng paglayo sa inyo ng Espiritu Santo.11 Sa pagtupad ninyo sa inyong mga tipan, kayo ay magiging marapat at handang pumasok sa mga banal na templo ng Panginoon.
Panghuli, huwag matinag sa pagpapahalaga ninyo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang Pagbabayad-sala ay para sa inyo at sa akin. Ito ay nagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan. Kung pakiramdam ninyo ay hindi kayo karapat-dapat tumayo sa mga banal na lugar, huwag nang tiisin pa ang pasaning ito. Sa mortalidad, lahat tayo ay magkakamali. Dapat ninyong malaman na mahal na mahal kayo ng Tagapagligtas kaya ginawa Niyang posible na magbago kayo at magsisi kung nakagawa kayo ng pagkakamali. Ayaw ni Satanas na isipin ninyo na maaari kayong magbago.12 Susubukan niyang kumbinsihin kayo na wala nang pag-asa. Kasinungalingan iyan. Makababalik kayo. Makapagsisisi kayo. Maaari kayong maging dalisay at banal dahil sa walang hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Ngayon magtatapos ako sa isa sa mga pinakamagandang kuwento ng pag-ibig na naisalaysay. Siguro ay itatanong ninyo, “Ano ang kinalaman ng kuwento ng pag-ibig sa pagtayo sa mga banal na lugar?” May kinalaman ito sa pagtayo sa mga banal na lugar. Ito ang kuwento ng dalagang nagngangalang Rebeca.13
Sa simula ng kuwento, inutusan ni Abraham ang kanyang lingkod na maghanap ng karapat-dapat na dalagang mapapangasawa ng kanyang anak na si Isaac. Siya ay kailangang karapat-dapat sa kasal na pangwalang-hanggan—banal at dalisay at marapat. Kaya inutusan niya ang kanyang lingkod sa malayo at mapanganib na paglalakbay patungo sa tinatawag na Haran. Maliwanag ang dahilan ng pagpunta niya roon—kailangan ng mga banal na lalaki ng mga banal na babae na makakatuwang nila. Nang papalapit na ang lingkod sa lungsod ng Nahor, huminto siya sa balon para painumin ang kanyang mga kamelyo at ipinagdasal na ituro sa kanya ang karapat-dapat na dalaga at na matutukoy niya ang babae kapag pinainom siya nito at ang kanyang 10 kamelyo. Nakasakay na ako sa kamelyo, at alam na alam ko—malakas uminom ng tubig ang mga kamelyo!
Sa Genesis nabasa natin na hindi lamang umigib si Rebeca sa balon, kundi siya ay “dalidali,”14 o nagmamadali, para matapos ang gawaing ito. Pagkatapos ay nilagyan ng lingkod ng mga pulseras at alahas ang mga kamay ni Rebeca at itinanong kung may matutuluyan siya sa bahay ng kanyang ama. Natitiyak kong nakatulong ang alahas! Sabi sa banal na kasulatan, “At tumakbo ang dalaga at isinaysay sa sangbahayan ng kaniyang ina ang ayon sa mga salitang ito.”15 Siguro mabilis tumakbo si Rebeca!
Sinabi ng lingkod sa pamilya ni Rebeca ang dahilan ng mahaba niyang paglalakbay, at pumayag si Rebeca na mapangasawa si Isaac. Nais ng lingkod na umalis na kinabukasan kasama si Rebeca, ngunit nakiusap ang pamilya nito na mamalagi muna si Rebeca sa kanila ng 10 araw pa. Pagkatapos ay tinanong nila si Rebeca kung ano ang gusto niyang gawin, at simple lang ang sagot niya, “Sasama ako.”16 Pamilyar ba ang sagot na iyan sa isinagot ng libu-libo sa inyo na determinadong nagsabi, “Hahayo ako; gagawin ko”17 nang ipaalam ng ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na may pagkakataon na ngayong magmisyon ang mga kabataang lalaki at babae sa mas batang edad?
Ngayon, ito ang aral at katapusan ng kuwento ng pag-ibig na ito: Si Rebeca ay handa at karapat-dapat na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at maging asawa ni Isaac sa ilalim ng tipan. Hindi niya kailangang maghintay at ihanda ang kanyang sarili. Bago niya iniwan ang kanyang pamilya, binasbasan siya, at naantig ako sa mga salita sa basbas, dahil ipinangako sa kanya na siya ay magiging “ina ng yutayuta [milyun-milyon].”18 Ngunit ang pinakamagandang bahagi ng kuwento ng pag-ibig na ito ay nang unang magkita sina Rebeca at Isaac. Hindi ito sinabi sa Biblia, pero palagay ko umibig sila sa isa’t isa sa unang pagkikita! Sapagkat “ang karangalan ay nagmamahal sa karangalan; [at] ang liwanag ay kumukunyapit sa liwanag.”19 Nang lumabas si Isaac para salubungin ang pangkat, si Rebeca ay “bumaba sa [kanyang] kamelyo.”20 At sabi rito, “At kaniya namang sininta [siya].”21 Dito ako napabuntung-hininga!
Para kina Rebeca at Kristina, ang pagtayo sa mga banal na lugar ay hindi madali. Ang hindi pagkatinag ay hindi madali. Malakas ang ihip ng hangin, mabigat ang tubig na iniigib sa balon, at ang pag-alis sa kanilang mga tahanan at buhay na nakamulatan nila ay hindi madali. Ngunit tama ang kanilang mga pinili. Ginabayan sila ng Espiritu Santo. Sila ay mabubuti, at inihanda nila ang kanilang sarili na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Nagmula ang Tagapagligtas sa angkan ni Rebeca. Alam ba niya noon na mangyayari ito? Hindi! Mahalaga ba ang mga pagpili ninyo ngayon? Oo!
Mga kabataan, ang mga henerasyon ay nakadepende sa ginagawa ninyong pagpili, sa inyong kadalisayan, at marapat na pamumuhay. Huwag matinag. Dakilang tadhana ang naghihintay sa inyo. Ito ang pagkakataon ninyo! Naniniwala ako na ang isang banal na dalagita, na ginagabayan ng Espiritu, ay mababago ang mundo!
Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay buhay! Gagabayan Niya kayo. Tutulungan Niya kayo. At sa mahihirap na sandali, “ang kanyang mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”22 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.