Library
Mga Kautusan


“Mga Kautusan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

si Moises at ang sampung utos

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Kautusan

Mga banal na katotohanan na gagabay sa atin sa landas ng tipan ng Diyos

Napansin mo na ba kung gaano karami ang mga palatandaan na nakalagay sa mga daan at highway? Ang ilang palatandaan ay nagbibigay ng direksyon para tulungan ang mga drayber na maglakbay kung saan nila gustong pumunta. Ang iba pang mga palatandaan ay nagpapakita ng mga limitasyon sa bilis ng pagpapatakbo ng sasakyan o mga babala tungkol sa mga kundisyon ng daan para sa ligtas na paglalakbay. Kung ipapasiya ng mga drayber na balewalain ang mga palatandaan sa kalsada, maaari nilang mailagay ang kanilang sarili at ang iba sa panganib. Ang mga kautusan ng Ama sa Langit ay medyo katulad ng mga palatandaan sa daan. Kapag sinunod, ang mga kautusan ay gagabay sa iyo sa landas na patungo sa kinaroroonan ng Diyos. Tuturuan ka ng mga ito kung paano magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa buhay na ito. Matutulungan ka rin ng mga kautusan ng Diyos na maiwasan ang marami sa mga espirituwal at temporal na panganib sa mundong ito.

Ang mga kautusan ay pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa iyo. Ang pagpiling sundin ang mga kautusan ay naghahatid ng mga pagpapala at kagalakan sa iyong buhay. Ang pagsunod sa mga kautusan ay maghahanda rin sa iyo na makabalik sa piling ng Diyos magpakailanman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:8–10). Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang pangkalahatan at perpektong pag-ibig ng Diyos ay ipinakikita sa lahat ng mga pagpapala ng plano ng Kanyang ebanghelyo, pati na ang katotohanang ang Kanyang mga pinakapiling pagpapala ay nakalaan para sa mga sumusunod sa Kanyang mga batas.”1

Ano ang mga Kautusan?

Ang mga kautusan ay mga banal na batas at mga kinakailangan na ibinibigay ng Diyos para sa ating kapakinabangan. Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay kailangan para sa ating kadakilaan. Sa pagsunod sa mga kautusan, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at tumatanggap tayo ng mga espirituwal at temporal na pagpapala.

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo Pagsunod, Kalayaan, Pananampalataya kay Jesucristo, Pagsisisi

Bahagi 1

Ang mga Kautusan ay Mahalagang Bahagi ng Pamumuhay ng Ebanghelyo

Tinuturuan ni Jesus ang mayamang batang pinuno

Itinuro ni Jesucristo na ang pinakadakilang mga utos ay mahalin ang Diyos at mahalin ang kapwa-tao. Lahat ng iba pang mga kautusan ay nagbibigay ng patnubay kung paano gawin ang dalawang bagay na iyon. (Tingnan sa Mateo 22:37–40.)

Ipinapakita ng mga banal na kasulatan na itinuro ng Diyos ang mga kautusan sa pamamagitan ng mga propeta simula noong panahon nina Adan at Eva (tingnan sa Moises 5:4–5). Maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang pamilyar sa Sampung Utos na inihayag ni Jehova kay Moises (tingnan sa Exodo 20:3–17). Ang mga banal na batas na ito ay muling binigyang-diin sa ating panahon kasama ang iba pang mahahalagang katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:19–29; 59:5–13). Ang mga kautusan ng Diyos ay nagbabawal sa imoral na mga gawain, tulad ng pagsisinungaling, pangangalunya, at pagpaslang. Nagbigay rin ang Diyos ng mga kautusan na gumawa ng mabuti, tulad ng manalangin, 2 magpatawad, 3 at pangalagaan ang mga nangangailangan.4

Ang pagsunod natin sa mga kautusan ay bunsod ng ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Kapag nahihirapan tayong sundin ang mga kautusan ng Diyos, inaanyayahan Niya tayong magsisi at bumalik sa Kanya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Mateo 22:37–40. Sa iyong palagay, bakit sinabi ni Jesus na ang pinakadakilang mga utos ay mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa? Sa paanong paraan nakikita sa iba pang mga kautusan ang kahulugan ng dalawang kautusang ito?

  • Isipin kunwari na may nagsabi na hindi mahalaga ang pagsunod sa bawat kautusan ng Diyos. Paano ka sasagot? Ano ang mga naranasan mo na nagpadagdag ng pasasalamat mo para sa mga kautusan ng Diyos?

  • Basahin ang Marcos 10:17–22, na inaalam ang nadama ng mayamang binata tungkol sa mga kautusan. Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagsunod sa mga kautusan mula sa pakikipag-usap niya kay Jesucristo? Kung ikaw ang nasa katayuan ng lalaking ito, ano sa palagay mo ang pagbabagong hihilingin ni Jesus na gawin mo?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Panoorin ang “Why Does God Give Us Commandments?” (0:39). Matapos panoorin ang video, maaari kayong gumawa ng listahan ng mga kautusan na ipinamuhay ninyo at ang mga pagpapalang natanggap ninyo sa inyong pagsunod. Maaari ding pag-usapan ninyo kung bakit mahalagang makita ang mga kautusan mula sa pananaw ng Diyos.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang mga Kautusan ay Naglalapit sa Atin kay Jesucristo

paglalakad sa arrow

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15; tingnan din sa talata 21). Bawat hakbang ng pagsunod ay pagpapakita ng iyong pagmamahal sa Diyos at mas inilalapit ka kay Jesucristo. Noong nabinyagan ka, gumawa ka ng tipan, o pangako na susundin mo ang mga kautusan ng Diyos. Ngunit kung minsan ay nahihirapan kang gawin ito. Dahil mahal ka ng Diyos, inaanyayahan ka Niyang magsisi nang madalas at bumalik sa Kanya. Maaaring may mga pagkakataon din na hindi malinaw kung bakit nagbigay ang Diyos ng isang partikular na kautusan. Sa pagkakataong iyon, nais ng Diyos na manampalataya ka sa Kanya. Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa iyong ikabubuti kapag nagtiwala ka sa Diyos at nagsikap na sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:15).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ipinahayag ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay yaong pinakamahirap ninyong masunod ngayon.”5 Ano ang maaari mong gawin para pagtuunan mo ang pagsisikap na sundin ang kautusang iyon?

  • Kung minsan ang pagsunod sa mga kautusan ay parang pagsubok sa ating pananampalataya. Basahin ang 1 Nephi 3:7. Paano makatutulong ang scripture passage na ito kung nahihirapan kang sundin ang isa sa mga kautusan ng Diyos, tulad ng pagbabayad ng ikapu o pagsunod sa Word of Wisdom?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maaari mong gamitin ang video na “Following God” (1:25) para talakayin kung paano naging mahalagang bahagi ng pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos ang palagiang pagsisisi.

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa kahalagahan ng mga kautusan ng Diyos