Library
Pagkamasunurin


“Pagkamasunurin,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

dalagitang nakangiti

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pagkamasunurin

Pagsunod sa Diyos nang may nakahandang puso

Nauunawaan ng mga magulang ang kahalagahan ng pagtuturo sa maliliit na bata na iwasang hawakan ang isang mainit na kalan o tumakbo sa kalye sa harap ng mga kotse. Kung susunod ang mga bata, nauunawaan man nila o hindi kung bakit kailangan ang pagkamasunurin, matatamasa nila ang higit na kaligtasan at proteksyon.

Sa ating premortal na buhay, ipinahayag ng Panginoon na ang pagbibigay sa mga anak ng Diyos ng karanasan sa mundo ay kinakailangan upang “[subukin] … sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Nais ng Diyos na matutuhan ng bawat isa sa atin na sundin Siya at ang Kanyang mga kautusan. Kapag ginawa natin ito, matatanggap natin ang pagpapalang makasama Siya sa “kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41). Sa paggamit ng ating kalayaang moral at patnubay ng Espiritu, makikita natin kung bakit binigyan tayo ng Diyos ng mga batas na susundin. Nangangako ang Ama sa Langit ng kaligayahan at mga pagpapala sa lahat ng susunod sa Kanyang mga salita at handang sumunod sa Kanyang mga kautusan.

Ano ang Pagkamasunurin?

Sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang pagkamasunurin ay nauunawaan bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang mga kautusan. Kabilang dito ang paggamit ng ating kalayaan, o kalayaang pumili, na sundin ang Diyos nang may nakahandang puso. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag pinipili nating magtiwala at sumunod sa Kanyang kalooban.

Buod ng Paksa: Pagkamasunurin

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Kautusan, Pagsisisi, Mga Tipan at mga Ordenansa, Pamumuhay sa Ebanghelyo ni Jesucristo

Bahagi 1

Sinunod ni Jesucristo ang Diyos Ama sa Lahat ng Bagay

si Jesus sa Getsemani

Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). Sa buong buhay Niya sa mundo, ipinakita ni Jesus ang pagkamasunurin sa lahat ng batas at kautusan ng Kanyang Ama. Sinabi Niya, “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya” (Juan 8:29).

Sa Halamanan ng Getsemani, nanalangin si Jesus, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42). Matapos magdusa sa Getsemani, mapagpakumbaba Siyang sumunod sa kalooban ng Kanyang Ama at Siya ay ipinako sa krus, na inihandog ang Kanyang sarili para tubusin tayong lahat (tingnan sa Mosias 15:7). Dahil masunurin si Jesucristo sa Kanyang Ama sa lahat ng bagay, ginawa Niyang posible ang kaligtasan at kadakilaan para sa mga anak ng Diyos.

Sa ating panahon, iniuutos sa atin ng Panginoon na sundan ang Kanyang mga yapak at “mamuhay sa pamamagitan ng bawat salita na namumutawi sa bibig ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 98:11; tingnan din sa Deuteronomio 8:3). Nilinaw ni Jesucristo ang pinakamahalagang dahilan para sundin natin ang Diyos nang ipahayag Niya ang tuwiran at simpleng paanyayang “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Si Jesucristo ay namuhay nang banal at walang bahid ng kasalanan. Inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya. Basahin ang 2 Nephi 31:7–10. Ano ang hinihingi sa mga taong nagnanais na sundin si Jesucristo?

  • Ipinahayag ng Diyos na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:20 at isipin kung ano ang tinutukoy ng Panginoon na “iyong gawain.”

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Itinuro ni Elder Robert D. Hales, “Dahil masunurin ang ating Tagapagligtas, nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan, kaya naging posible ang ating pagkabuhay na mag-uli at naihanda ang daan para tayo makabalik sa ating Ama sa Langit.”1 Talakayin kung anong mga pagpapala ang tinatamasa natin dahil lubos na masunurin si Jesucristo sa Diyos Ama. Ano ang nais ipagawa sa atin ng Diyos upang maipakita natin ang ating pasasalamat para sa maraming pagpapalang natatanggap natin?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Iyong Pagsunod sa Diyos ay Hahantong sa Kaligayahan at mga Pagpapala

pamilya na tumatawa

Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na lahat ng nakarinig sa mahalagang sermon ni Haring Benjamin ay malalim na nagbalik-loob kay Jesucristo. Bunga nito, nagpahayag sila ng kahandaang makipagtipan na sundin ang mga kautusan ng Diyos (tingnan sa Mosias 5:1–7). Isa sa mga responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo sa ating panahon ay sundin ang lahat ng kautusan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:78). Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung gaano kahalaga ang tungkuling ito sa kanya nang sabihin niyang, “Ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.2

Inihayag ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang walang hanggang alituntunin na namamahala sa kung paano ibinibigay ang mga pagpapala: “Kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). May iba’t ibang dahilan kung bakit maaari nating piliing sundin ang mga kautusan ng Diyos. Kung minsan, maaaring ginagawa natin ito dahil sa takot tayong maparusahan. Kung minsan maaaring gusto lang nating matamo ang ipinangakong gantimpala. Ngunit ang pinakamahalagang dahilan para sa pagsunod ay mahal natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo at nais nating paglingkuran Sila. “Hinihingi ng [Diyos] ang puso at may pagkukusang isipan” (Doktrina at mga Tipan 64:34).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Isipin ang lahat ng paraan na ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa iyo. Basahin ang Mosias 2:20–24. Bakit ang ating pagkamasunurin ang tanging hinihingi sa atin ng Diyos? Ngayon ay basahin ang Mosias 2:41. Paano mo ilalarawan sa ibang tao kung gaano kabuti ang Diyos sa mga taong taos-pusong nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan?

  • Ang pamilya ni Lehi ay dumanas ng matitinding hirap habang naglalakbay sila sa ilang nang ilang taon. Dahil sinikap nilang sundin ang mga kautusan ng Diyos, pinagpala sila ng Panginoon. Basahin ang 1 Nephi 17:1–4. Ayon sa talata 3, ano ang inihandang gawin ng Diyos para sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan?

  • Hindi natin palaging mauunawaan kung bakit nagbibigay ang Diyos ng ilang partikular na kautusan. Gayunman kapag ginamit natin ang ating kalayaang pumili at pinipiling magtiwala at sumunod sa Diyos, makatitiyak tayo na lahat ng bagay ay gagawa para sa ating ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:15). Ipinangako sa atin ng Tagapagligtas, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ipinahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay.”3 Ano ang kahulugan sa inyo ng “[unahin] ang Diyos”? Sabihin sa mga kagrupo na pag-usapan ang mga pagkakataon kung saan nakita nila na “lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay” kapag inuuna natin ang Diyos.

Alamin ang iba pa