Pag-aaral ng Doktrina
Kalayaang Panrelihiyon
Ang kalayaang panrelihiyon ay isang mahalagang alituntunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at isang mahalagang karapatang pantao. Ang kalayaang moral, ang kakayahang piliin ang tama sa halip na ang mali at kumilos para sa ating sarili, ay mahalaga sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Tinitiyak ng kalayaang panrelihiyon na magagamit ng mga tao ang kanilang kalayaan sa mga bagay na nauukol sa pananampalataya.
Buod
Nakasaad sa ikalabing-isang saligan ng pananampalataya ng Simbahan, “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.” Ang kalayaang panrelihiyon ay sumasaklaw hindi lamang sa karapatang sumamba nang malaya kundi pati na rin sa karapatang magsalita at kumilos ayon sa mga paniniwalang panrelihiyon ng isang tao. Sa makabagong paghahayag, sinabi ng Panginoon na ang mga makatarungang batas ay dapat na “panatilihin para sa mga karapatan at kaligtasan ng lahat ng laman, … nang ang bawat tao ay makakilos … alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom” (Doktrina at mga Tipan 101:77–78). Ang mga pamahalaan ay hindi “makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang gayong mga batas ay binalangkas at ipinalagay na hindi malalabag nang masiguro sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi” (Doktrina at mga Tipan 134:2). Kaya nga, ang mga pamahalaan ay may pananagutang “ipatupad ang mga batas para sa pangangalaga ng lahat ng mamamayan sa malayang pagtupad ng kanilang pangrelihiyong paniniwala” (Doktrina at mga Tipan 134:7).
Pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon ang karapatan ng lahat ng tao na panatilihin ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon at hayagang ipahayag ang mga ito nang hindi nangangambang mausig o mapagkaitan ng pantay na karapatan bilang mamamayan. Tinitiyak nito na ang mga tao ay malayang makapipili o makapagpapalit ng kanilang relihiyon, makapagtuturo ng kanilang mga paniniwala sa kanilang mga anak, makatatanggap at makapagbabahagi ng impormasyon tungkol sa relihiyon, makapagtitipon kasama ang iba upang sumamba, at makababahagi sa mga seremonya at gawain ng kanilang relihiyon. Pinoprotektahan nito ang mga indibiduwal mula sa diskriminasyon sa trabaho, tirahan, at iba pang mga pangunahing serbisyo at tinutulungan nito ang mga tao na hindi mapagkaitan ng karapatan na magtayo ng negosyo, magtrabaho, o magkaroon ng propesyonal na lisensya batay sa kanilang relihiyon.
Hindi lamang ang mga indibiduwal ang pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon kundi pati na rin ang mga organisasyong panrelihiyon na nagbibigay-daan upang maging relihiyoso o makadiyos ang mga tao. Saklaw nito ang karapatang magtatag ng mga simbahan at iba pang mga institusyong panrelihiyon, tulad ng mga paaralang panrelihiyon at mga organisasyong pangkawanggawa. Binibigyan nito ang gayong mga institusyon ng kalayaang itatag ang kanilang mga doktrina at paraan ng pagsamba; iorganisa ang kanilang sariling gawain sa kanilang simbahan; pagpasiyahan ang mga kinakailangan upang maging miyembro nito, magkaroon ng katungkulan dito, at makapagtrabaho rito; at magkaroon ng ari-arian at magtayo ng mga lugar na pagsasambahan. “Kami ay hindi naniniwala na ang batas ng tao ay may karapatang makialam sa mga iniatas na alituntunin ng pagsamba” o “magdikta ng mga uri para sa pangmadla o pansariling pagsamba” (Doktrina at mga Tipan 134:4).
Marami sa mga alituntuning ito ang nasa First Amendment to the United States Constitution, na nagsasabing “ang Kongreso ay hindi dapat gumawa ng batas ukol sa pagtatatag ng relihiyon, o pagbabawal sa malayang pagsasagawa nito.” Kinikilala rin ng mga dokumento ng pandaigdigang karapatang pantao na ang kalayaan sa relihiyon at paniniwala ay para sa lahat ng tao. Nakasaad sa artikulo 18 ng Universal Declaration of Human Rights [Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao] ng United Nations, “Lahat ay may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala, at kalayaan, mag-isa man o kasama ang iba at sa publiko man o pribado, na ihayag ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasagawa, pagsamba at pagsunod.”
Ang kalayaang panrelihiyon ay mayroon ding limitasyon. Ang paglilimita sa mga gawaing panrelihiyon ay naaangkop kapag kinakailangang protektahan ang mahahalagang bagay, tulad ng buhay, ari-arian, kalusugan, o kaligtasan ng iba. Ngunit ang gayong mga limitasyon ay dapat talagang kinakailangan, sa halip na dahilan lamang upang limitahan ang kalayaang panrelihiyon. Kung nililimitahan ng batas ang kalayaang panrelihiyon, naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsunod sa batas habang naghahangad ng proteksyon para sa kanilang mga pangunahing karapatan sa pamamagitan ng mga legal na paraan na mayroon sa bawat nasasakupang lugar o bansa.
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtatanggol sa kalayaang panrelihiyon ng iba tulad ng pagtatanggol nila sa sarili nilang kalayaang panrelihiyon. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili” (History of the Church, 498–99 [diskursong ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards]).
Isinabatas ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw ang pahayag na ito sa isang ordenansa ng Lungsod ng Nauvoo na tumitiyak sa pagpapahintulot para sa lahat ng relihiyon: “Ipinababatid ng Konseho ng Lungsod ng Nauvoo, na ang mga Katoliko, Presbiteryano, Metodista, Baptist, Banal sa mga Huling Araw, Quaker, Episkopal, Unibersalista, Unitarian, Mohammedan [Muslim], at lahat ng iba pang sektang panrelihiyon at anumang denominasyon, ay malayang pahihintulutan, at magkakaroon ng pantay-pantay na pribilehiyo sa lungsod na ito” (Ordinance in Relation to Religious Societies, City of Nauvoo, Illinois, headquarters of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Marso 1, 1841).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Citizenship [Pagkamamamayan]
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalayaang Mamili”
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pamahalaan”
Resources sa Pag-aaral
Mga Magasin ng Simbahan
Eva Walburger, “Pagtakas Alang-alang sa Pananampalataya at Kalayaan,” Liahona, Disyembre 2016
“Sumusuporta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Liahona, Hulyo 2016