2016
Pagtakas Alang-alang sa Pananampalataya at Kalayaan
Disyembre 2016


Pagtakas Alang-alang sa Pananampalataya at Kalayaan

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Nang hangarin nilang maging malayang sumamba sa Diyos, biniyayaan ang mga magulang ko ng kabaitan at pagtanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw sa paligid nila, mula Czechoslovakia hanggang Canada.

fleeing the country at nighttime

Lumaki kaming magkakapatid na nakikinig sa mga kuwento kung paano nagsakripisyo ang aming mga magulang na ipamuhay ang ebanghelyo, at napagpala kami ng kanilang mga pagsisikap. Nagkaroon ako ng matinding pasasalamat sa lahat ng ginawa nila at ng iba pang Czech na LDS para matanggap ng kanilang mga inapo ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Ang nanay ko ay isinilang sa Poprad ng dating Czechoslovakia (ngayo’y Slovakia). Naglingkod ang kanyang ama sa Czech army noong World War II, at isa ang kanyang pamilya sa maraming pamilya ng mga sundalo na tumakas sa kalapit na kakahuyan para makaligtas sa mga mananakop na German. Sa loob ng limang araw, nagsiksikan ang mga lolo’t lola ko sa ilalim ng isang kumot kasama ang nanay ko, isang taong gulang, at ang ate niya, limang taong gulang, at kumain ng rasyon sa kanila na sugar cubes.

Ang lolo’t lola ko ay hindi mga miyembro ng Simbahan noon, ni hindi sila madalas magdasal. Gayunman, sa karanasang ito, lumambot ang kanilang puso. Isinulat ng lola ko sa kanyang journal, “Sa gabing ito mismo inasam kong lumuhod para humingi ng tulong sa isang taong mas mataas ang awtoridad. Kaya pumasok ako nang kaunti sa gubat, lumuhod, at nanalangin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Humingi ako ng tulong.”

Nasagot ang kanyang panalangin. Pinatay ang ilang pamilya sa kakahuyan nang matuklasan sila ng mga sundalo, pero himalang naprotektahan ang lolo’t lola ko at ang dalawa nilang anak na babae. Sa nakakapagod at mahirap na karanasang ito, nagtanim ng binhi ng pananampalataya at pagtitiwala ang Panginoon sa puso ng lolo’t lola ko.

Pananampalataya at Pang-aapi

Pagkatapos ng World War II makalipas ang ilang taon, nakatira pa rin ang lolo’t lola ko sa Czechoslovakia nang kumatok ang dalawang binatang missionary sa kanilang pintuan. Matapos dumalo sa maliit na branch at makinig sa mga talakayan, nagkaroon sila ng patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo at nagpasiyang magpabinyag. Gayunman, noong gabi ng interbyu para sa binyag, hindi dumating ang mga missionary at lider ng Simbahan. Nang sumunod na miting ng branch, nalaman ng mga lolo’t lola ko na dahil sa kaguluhan sa pulitika, inutusan ang lahat ng missionary na lisanin ang bansa. Anumang iba pang aktibidad sa simbahan ay ipagbabawal na rin. Gayunpaman, ang maliit na grupo ng mga Banal sa lugar ay nanatiling sumasampalataya, na pinamamahalaan na ngayon ng mga lokal na lider at mga susi ng priesthood. Ang lolo’t lola at tita ko ay nabinyagan nang palihim noong 1950.

Nang sumunod na ilang taon, ang mga miyembro ng branch, kabilang na ang lola at nanay ko (na noo’y tinedyer na), kung minsan ay dinarakip ng mga sekreta para tanungin tungkol sa mga aktibidad nila sa simbahan. Minsa’y marahas na pinagtatanong ang lola ko nang limang oras. Sinabihan siya ng mga nagtanong sa kanya na ibibilanggo nila siya sa loob ng limang taon kung malalaman nila na nagtuturo siya ng relihiyon sa kanyang mga anak.

Itinala niya, “Nanatili akong payapa at sinabi ko, ‘Kung sa palagay ninyo ay mali ang ginagawa ko sa pagtuturo ng relihiyon sa mga anak ko, ibilanggo ninyo ako.’ Hindi sila sumagot. Simula noon paulit-ulit na nila akong ipinatawag. Nagsalita sila laban sa Simbahan, at sinubukan nilang patalikurin kami sa aming pananampalataya. Nang lalo nilang subukang gawin ito, lalo akong kumapit sa Simbahan, [sapagkat] ang tunay na Simbahan ay palaging inuusig noon.”

Isinulat ng aking ina sa kanyang journal, “Sa pinakamahihirap na taon na iyon, nagpulong ang mga miyembro tuwing Linggo sa apartment ng aming branch president. Hindi kami makakanta nang malakas kaya kumanta kami nang pabulong. Ayaw naming mabilanggo ang branch president namin. Sa loob ng 18 taon nagtipon kami sa gayong paraan at pinangarap namin ang panahon na makapunta kaming lahat sa Rocky Mountains at makapanirahan sa [Salt Lake City].” Nagkaroon sila ng pag-asa kahit na noon ay bihirang gawaran ng papeles ang mga pamilya na magtutulot sa kanila na makalabas ng bansa.

Nang mga dalawampu at mahigit pa ang edad ng nanay ko, ipinagdasal niyang makapag-asawa ng isang miyembro ng Simbahan at kahit paano’y mabuklod sa templo.

Pagsisimula ng Bagong Buhay

Ang tatay ko, na laki sa bukid, ay nanirahan sa lungsod para mag-aral nang makilala niya ang nanay ko. Nagsisimula noon ang nanay ko sa kanyang propesyon bilang professional opera singer. Nang magkakilala sila, ikinuwento ni Inay kay Itay ang tungkol sa Simbahan. Bagama’t hindi pa nabibinyagan si Itay, nagpakasal na sila ni Inay noong Pebrero 18, 1967.

Sa pagtatapos ng taong iyon nabiyayaan sila sa pagsilang ng kuya ko. Walong buwan matapos isilang si kuya, tumanggap ng paghahayag ang branch president na dapat maghanda ang mga miyembro na umalis ng bansa patungo sa isang lugar kung saan malaya silang makasasamba. Noong Agosto 1968 nilusob ng mga Russian ang Czechoslovakia, na lumikha ng kaguluhan sa mga hangganan at sa buong bansa. Ang mga miyembro ng branch na masunuring naghanda ay tumakas patungong Vienna, Austria.

Isinulat ng lola ko, na nilisan ang bayan kasama ng mga magulang ko: “Sa gabi habang tulog ang lahat ng tao sa apartment, nilisan namin ang aming tahanan at tahimik na pumuslit sa takot na baka umiyak ang sanggol. Kinailangan naming gawin nang palihim ang lahat ng ito dahil may tatlong espiya sa gusali namin na nagtatrabaho para sa mga sekreta. Pinagpala kami ng Panginoon. Nakatakas kami. Nang umalis kami alam naming hindi [na] kami babalik kailanman, pero hindi rin namin alam kung saan pupunta mula sa Vienna. Sa oras na ito hindi namin puwedeng problemahin iyon. Inihayag ng Panginoon sa branch president ang Kanyang mga pangako sa amin kung mananatili kaming tapat sa Kanya.”

Malugod na Tinanggap sa Isang Bagong Lupain

Ang lola ko, ang mga magulang ko, at dalawang iba pang pamilya ay nanirahan sa silong ng gusali ng simbahan sa Böcklinstrasse sa Vienna nang mahigit isang buwan. Sa buwang ito nakinig ang tatay ko sa mga talakayan ng mga missionary at nabinyagan. Maraming miyembro ng tatlong pamilyang ito ang nakakita ng trabaho, at pinagsama-sama nila ang kanilang mga sahod hanggang sa makapandayuhan sila sa Calgary, Alberta, Canada. Dahil masama ang panahon sa Calgary, lumapag sa Edmonton ang eroplanong sinasakyan nila noong Nobyembre 5, 1968.

arriving in Canada

Nakakapanghina sigurong magsakripisyo na iwanan ang mga kamag-anak, kultura, at ang lupaing mahal nila, ngunit sa maraming paraan ay nagsisimula pa lang ang mga paghihirap. Pagdating sa Calgary na ang tanging dala ay isang maleta, isang baby buggy, at CAD $32, kapos na kapos ang mga magulang ko.

Agad sinimulang paglingkuran ng mga miyembrong Canadian ang pamilya ko, at bukas-palad na tumulong sa transportasyon, pamimili, at paghahanap ng bahay na mauupahan. Sa loob ng isang linggo nakakita ang mga magulang at lola ko ng isang bahay na mayroon nang mga kama, isang mesa at mga silya, sopa, kuna, mga gamit sa pagtulog, mga pinggan, at may kaunti pang pagkain sa paminggalan. Isinulat ng nanay ko sa kanyang journal kung gaano siya nagulat at natuwang makita ang di-inaasahang mga kasangkapang ito at kung gaano kalaki ang pasasalamat niya sa ibinigay na paglilingkod.

Gayunman, kasabay ng matinding pasasalamat ang iba pang mga emosyon. Tunay na nabigla siya sa ibang kultura at nahirapan siyang harapin ito. Ang unang taon ng paninirahan sa Calgary ay puno ng mga English class at maginaw na paglalakad ni Itay papunta sa trabaho. Ginawa nila ang lahat ng posible para makapagtatag ng isang tahanan, ngunit mahirap na panahon pa rin iyon na puno ng maraming pagbabago. Sinikap silang kausapin ng mga Banal sa bago nilang ward sa Calgary kahit iba ang wika nila para masuportahan ang bagong-dating na mga miyembro. Bawat Linggo nagtamo ng lakas ang pamilya ko sa pagdalo nila sa sacrament meeting para magpanibago ng kanilang mga tipan, na umaasa na matututo sila ng Ingles sa tulong ng Espiritu.

Ang mga Pagpapala ng Kawalang-Hanggan

Kaming lima sa pamilya ay nabuklod sa Cardston Alberta Temple noong Oktubre 1976. Inasam ng nanay ko ang araw na ito mahigit 20 taon na ang nakararaan at sa wakas, sa ibang bansa at wika na hindi niya inakala noong kabataan niya, nasagot ang kanyang mga dalangin. Noo’y halos walong taong gulang na ako, at napakaganda ng mga alaala ng kislap sa mga mata at ngiti ng aking mga magulang nang pumasok kaming mga anak sa sealing room.

Nasa templo rin ang lola ko sa araw na iyon. Naaalala ko ang katuwaan niyang makita ang mga ilaw sa templo nang makarating kami sa Cardston. Ilang taon kalaunan, matapos magretiro si Inay sa kanyang trabaho sa Calgary, lumipat siya sa Cardston at naglingkod nang maraming oras sa templo. Mahilig siyang tumugtog ng organo at tumulong na maging mapitagan ang kapaligiran doon. Ang kanyang patotoo at pagmamahal sa Tagapagligtas ay nakita sa kanyang kabaitan sa lahat ng nakapaligid sa kanya. Siya ay halimbawa ng isang matatag na babaeng LDS para sa akin.

Matindi ang pasasalamat ko sa aking mga magulang—ang mga pioneer sa aming pamilya—sa kanilang mga sakripisyo sa trabaho, kamag-anak, bayan, at mga ari-arian. Tila napakalaki ng kanilang tinalikuran, ngunit sagana silang pinagpala ng Panginoon—at ang kanilang angkan—sa pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.