2016
Mga Pagpapala mula kay Blessy
Disyembre 2016


Mga Batang Naninindigan

Mga Pagpapala mula kay Blessy

Blessings from Blessy

Hi! Ako si Blessy!

Nakatira kami ng pamilya ko sa India. Nagplano ako ng isang espesyal na aktibidad sa Pasko para sa eskuwela namin at ibinahagi ko ang ebanghelyo sa mga kaibigan ko!

Mga Bata pang Missionary

Itinuturo ng mga Primary leader ko na dapat tayong maging mga missionary. Kung minsa’y niyayaya kong magsimba ang mga kaibigan ko. Kadalasan, ayaw nila. Naisip ko na baka napakabata ko pa para maging missionary.

Isang Hamon sa Pamilya

Pagkatapos, sa family home evening, hinamon ni Itay ang aming pamilya na mag-anyaya ng isang tao sa simbahan buwan-buwan. Gusto kong gawin iyon, pero mahirap! Nagpatulong ako kay Itay. Sabi niya puwede akong magdasal. Kaya ginawa ko iyon.

Ang Ideya

Kinabukasan sa eskuwela, nanghingi ng mga ideya ang prinsipal para sa isang aktibidad sa Pasko. May magandang ideya ako! Sinabi ko sa kanya na lahat ng batang edad-Primary ay maaaring bumisita sa simbahan namin. Tinawagan niya ang mga magulang ko, at kinausap nila ang bishop para maiplano ang aktibidad. Tumulong din ang mga Primary leader at missionary namin.

Isang Nakatutuwang Araw

Di-nagtagal at sumapit ang araw. Kinabahan ako at natuwa rin. Nang sinamahan ako ni Itay sa eskuwela, nakita ko na naroon silang lahat at handang sumama. Halos 500 estudyante at guro ang dumating!

Magkakasama sa Simbahan

Sa simbahan pinanood namin ang isang video tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Kumanta ng mga awiting Pamasko ang mga young adult at missionary. Nagsalita ang bishop at si Itay tungkol sa pagmamahal ni Jesus sa mga bata at tungkol sa pagmamahalan. Nagsalita ako tungkol sa Pasko. Naging masaya ang lahat! Nagtanong pa ang prinsipal at titser ko sa mga missionary.