Pagkakaroon Natin ng Masayang Buhay
Ang awtor ay naninirahan sa Voronezh, Russia.
Matagal ko nang ipinagdarasal na makita ang aking magiging walang-hanggang kabiyak, pero hindi ko inasahan na makakatabi ko siya sa tren papunta sa templo!
Miyembro na ako ng Simbahan nang 10 taon nang matanggap ko ang patibay na kailangan ko nang maghanap ng mapapangasawa. Naunawaan ko ang doktrina ng selestiyal na kasal, at taimtim kong ipinagdasal na magkaroon ng gayong klaseng kasal at makabuo ng pamilya. Hindi ko alam kung paano ako makakakita ng isang babaeng LDS sa Samara, Russia, kung saan ako nakatira, ngunit nagtiwala ako na tutulungan ako ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Noong 2009 inanyayahan akong makilahok sa magkakasunod na single adult conference na gaganapin sa 10 lungsod sa buong Russia Samara Mission. Umasa ako na magiging daan ang mga aktibidad na ito para makilala ko ang aking magiging walang-hanggang kabiyak.
Masaya akong dumalo sa mga kumperensya, na nakasisiya sa maraming paraan, ngunit nagdaan ang mga buwan ay wala pa rin akong makadeyt.
Nag-alala na ako at humingi ako ng tulong sa Panginoon. Bilang tugon, pumasok ang mga ideya sa aking isipan na nagbababala sa akin na baka matukso akong makipagrelasyon sa hindi miyembro ng Simbahan.
Alam kong itinuturo ng mga propeta na dapat nating sikaping makasal sa templo, at alam ko na imposibleng magkaroon ng lubos na kagalakan kung hindi kami nagkakaisa ng aking asawa sa pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas. Patuloy kong ipinagdasal na magkaroon ng espirituwal na lakas na makayanan ang gayong mga tukso at tulungan ako ng Panginoon na sundin ang Kanyang plano para sa akin.
Samantala, naghanda na ako para sa aking regular na biyahe papuntang Helsinki Finland Temple, kung saan ako mamamalagi nang isang linggo.
Sa tren nakilala ko ang tatlong iba pang pasahero, kabilang na ang babaeng nagngangalang Mariya, na nalaman kong dalaga pa. Nakakaakit siya kapwa sa pisikal at sa espirituwal, at inisip ko kung bakit wala pa akong nakilalang katulad niya noon. Naalala ko ang naunang babala sa akin na baka matukso akong makipagrelasyon sa hindi miyembro ng Simbahan.
“Magpakatatag ka,” naisip ko. “Maging tapat ka sa mga prinsipyo mo. Makakakita ka ng karapat-dapat at kahanga-hangang babae sa Simbahan.”
Iniisip na puwede akong maging mabuting member missionary man lang at siguro’y ibabahagi ko ang ebanghelyo sa kanya, at dahil kailangan ko ng inspirasyon, inilabas ko ang aking Aklat ni Mormon para basahin, na iniisip kung mapapansin niya. Laking gulat ko nang bumulalas si Mariya, “Palagay ko alam ko na kung saan ka pupunta!”
Tumingin ako at nakita kong hawak niya ang sarili niyang kopya ng Aklat ni Mormon. Miyembro din pala siya ng Simbahan at papunta rin sa templo.
Kinaumagahan patuloy kaming nagbiyahe sa bus papuntang Helsinki. Nalaman ko na si Mariya ay taga-Voronezh, isang lungsod sa Russia Moscow West Mission. Agad ko siyang nagustuhan at taimtim kong ipinagdasal na patnubayan ako. Bilang tugon, gumanda ang pakiramdam ko sa puso ko.
“Panginoon, isang linggo lang kami sa templo,” pagdarasal ko. “Tulungan naman po ninyo kami na mas makilala ang isa’t isa ngayon.”
At mas nakilala nga namin ang isa’t isa. Sa pagitan ng mga sesyon sa templo, namasyal kami, kumain, nagpunta sa tindahan, at nag-usap. Sa pagtatapos ng linggong iyon, umuwi kami pareho—si Mariya sa Voronezh at ako sa Samara. Pero nagtungo kami sa lungsod ng bawat isa para mas makilala ang isa’t isa, at noong Setyembre 14, 2010, ikinasal kami sa bagong laan na Kyiv Ukraine Temple.
Nakatira kami ngayon ni Mariya sa Voronezh at maligaya kami. Nauunawaan namin na ang mga fairy tale ay nagtatapos sa mga katagang “at nabuhay sila nang maligaya magpakailanman.” Sa tunay na buhay lumilikha tayo ng sarili nating masasayang buhay sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatunay ng ating katapatan sa Panginoon sa pagtupad ng ating mga tipan sa templo, patuloy na pagsisikap na mapatatag ang pagsasama natin ng ating asawa, at pagsisikap na tularan si Jesucristo.
Nagpapasalamat kami para sa aming mahimalang pagkikilala at sana’y maghatid ng pag-asa at magpatatag ang aming kuwento sa iba pang mga naghahanap ng kanilang magiging walang-hanggang kabiyak. Ang mga kuwento ng iba ay maaaring hindi maging katulad ng sa amin, ngunit alam namin ni Mariya na anuman ang mga hamon, dinidinig ng Panginoon ang ating taimtim na mga dalangin. Mahal Niya ang bawat isa sa atin at inaalala Niya ang bawat isa sa atin. Kung hahayaan natin Siya, gagabayan Niya ang ating landas at gagawin ang lahat para sa ating ikabubuti (tingnan sa D at T 90:24).