Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Likas na Katangian ng Diyos
Mula sa “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70–73.
Si Jesucristo ang perpektong pagpapakita ng perpektong pagmamalasakit ng Ama.
Matapos sikapin ng mga henerasyon ng mga propeta na ituro sa pamilya ng tao ang kalooban at paraan ng Ama, na karaniwa’y di nagtagumpay, ang Diyos sa Kanyang panghuling pagsisikap na makilala natin Siya, ay isinugo sa lupa ang Kanyang Bugtong at perpektong Anak, na nilikhang kawangis at kamukha Niya, upang mamuhay at maglingkod sa mga tao sa araw-araw na hamon ng buhay.
Ang pagparito sa lupa na may gayong responsibilidad, para gampanan ang tungkulin ni Elohim—na nagsasalita ayon sa gusto Niya, humahatol at naglilingkod, nagmamahal at nagbababala, nagtitiyaga at nagpapatawad ayon sa gusto Niya—ito ang tungkuling napakalaki na hindi natin kayang unawain. Ngunit sa katapatan at determinasyong likas sa isang banal na anak, nauunawaan ito ni Jesus at ginampanan Niya ito. At, nang magdatingan ang papuri at karangalan, mapagpakumbaba Niyang iniukol ang lahat ng papuri sa Ama.
“Ang Ama … ay gumagawa ng kaniyang mga gawa,” taimtim Niyang sabi. “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na … ginagawa [ng Ama], ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan” [Juan 14:10; Juan 5:19]. Sa isa pang pagkakataon sinabi Niya: “Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama” [Juan 8:38]. …
… Ang ilan sa daigdig ngayon ay nadarama ang pagkaligalig sa maling pagkakilala sa [ating Diyos Amang Walang Hanggan]. Isa na rito ang paglayo ng damdamin sa Ama, at paghiwalay sa Kanya, kung naniniwala man sila sa Kanya. … Dahil sa maling pagkaunawa (at tiyak na, kung minsan, sa maling pagkasalin) ng Biblia, inaakala nila na magkaiba ang layon ng Diyos Ama at ni Jesucristo na Kanyang Anak, ito’y sa kabila ng katotohanan na kapwa sa Luma at Bagong Tipan, ang Anak ng Diyos ay iisa at di nagbabago, na laging kumikilos ayon sa gusto ng Ama, na Siya Mismo’y di nagbabago “kahapon, ngayon at magpakailanman.”1 …
Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na “maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan.”2 Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, “Ito ay ang habag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin.” Sa pagpapakita ng perpektong Anak ng pagkalinga ng perpektong Ama, sa Kanilang paghihirap at lungkot dahil sa kasalanan at pasakit natin, nakikita natin ang lubos na kahulugan ng pahayag na: “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan na ibinigay niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sinomang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” [Juan 3:16–17].