2016
Tapang na Pumili
Disyembre 2016


Tapang na Pumili

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Magmisyon o maging professional bodybuilder? Isang talata at isang siping ibinahagi sa akin ng kaibigan ko ang nakatulong sa aking pagpapasiya.

weightlifting

Ang saya-saya ko nang tawagan ako at sabihan ng isang lalaki isang araw na napanood niya ang bodybuilding shows ko at gusto niya akong suportahan. Siya ang magbabayad ng mga damit ko at protina at dadalhin niya ako sa Europa para magpalabas doon. Sinabi pa niya na maaari akong malathala sa magasin. Bodybuilding ang hilig ko, at ito ang pangarap ko! Ang problema lang ay naipadala ko na ang mission papers ko ilang araw na ang nakalipas. Sinabi ko sa lalaki na pag-iisipan ko ang kanyang alok at tatawagan ko siya.

Naharap ako sa pinakamahirap na desisyon sa buhay ko. Para sa mga magulang ko, hindi opsyon ang tanggapin ang alok ng sponsor. Sabi nila, “Baka magkaroon ka ng ganitong pagkakataon pagkatapos ng misyon mo.” Pero hindi ito mawala sa isipan ko. Alam ko na dapat akong magmisyon at maglingkod sa Panginoon, pero abot-kamay ko na ang pangarap ko.

Tinanong ko ang marami sa mga kaibigan ko kung ano sa palagay nila ang dapat kong gawin. Sabi ng ilan dapat kong tanggapin ang alok ng sponsor, at sabi naman ng iba pinipigilan ako ni Satanas dahil ayaw niyang magmisyon ako.

Isang araw, ibinahagi sa akin ng isang matalik kong kaibigan ang isang sipi mula kay Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan.”1

Tinamaan ako sa siping iyon. Gayundin sa isang talatang nabasa ko sa Aklat ni Mormon: “At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila” (1 Nephi 17:3).

Sa tulong ng siping ito at ng talatang ito at ng suporta ng aking mga kaibigan at pamilya, nagpasiya akong magmisyon at tinawag na maglingkod sa Bolivia Cochabamba Mission.

Ang pagmimisyon ang pinakamagandang desisyong nagawa ko. Nakita ko ang napakaraming pagpapala habang naglilingkod ako, kabilang na ang pagpapalang mabilis na matuto ng Espanyol.

Pinagpala rin ng Panginoon ang aking pamilya. Habang nasa misyon, nakatanggap ako ng email mula sa aking mga magulang na nagsasabi sa akin na nagsimba ang kuya ko sa unang pagkakataon sa loob ng 12 taon. Kalaunan ay binago niya ang kanyang oras ng pasok sa trabaho para makasimba siya tuwing Linggo, at nagtakda siya ng mithiing basahin ang Aklat ni Mormon. Gumawa rin ng ilang pagbabago sa buhay niya ang nakababata kong kapatid na nahihirapan at pinalakas ang kanyang pananampalataya. Naging aktibong muli ang pinsan ko at nagsimulang magpunta sa templo linggu-linggo para magpabinyag para sa mga patay. Tunay ngang pinagpala kami.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 49–50; idinagdag ang pagbibigay-diin.