Mga Tanong at mga Sagot
Nahihirapan akong pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Bakit ba napakahalagang pag-aralan ang mga ito?
Sa tema ng Mutwal ngayong taon, natutuhan mo kung paano “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20). Itinuturo sa talatang ito sa banal na kasulatan na kasama sa pagpapatuloy sa paglakad ang “[p]agpapakabusog sa salita ni Cristo.” Bakit ito mahalaga? Narito ang ilang paraan na tinutulungan tayo ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na magpatuloy sa paglakad:
-
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na “kung kayo ay masigasig na mag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang kapangyarihan ninyong umiwas sa tukso at tumanggap ng patnubay ng Espiritu Santo sa lahat ng inyong ginagawa ay mag-iibayo” (“Kayo ay Magpakahusay,” Liahona, Mayo 2009, 68).
-
Maaari kang magkaroon ng patotoo at mapapalakas mo ang iyong pananampalataya kapag mapanalangin mong pinag-aralan ang mga banal na kasulatan. Matutulungan ka ng pag-aaral lalo na ng Aklat ni Mormon at pagkakaroon ng patotoo tungkol sa katotohanan nito na malaman na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay isang propeta, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo. (Marami ka pang matututuhan tungkol sa mga pangakong ito sa pambungad ng Aklat ni Mormon.)
-
Maaari kang tumanggap ng personal na inspirasyon at mga sagot sa iyong mga tanong sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Kapag nangusap ang Diyos sa iyo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Kanyang Espiritu, magkakaroon ka ng tiwala at lakas na magpatuloy sa paglakad sa kabila ng mga balakid na kinakaharap mo.
-
Marahil ang pinakamahalagang dahilan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagtuturo ito tungkol kay Jesucristo at kung paano mo masusunod ang Kanyang halimbawa at mga turo. Tutulungan ka ng pamumuhay ayon sa mga alituntuning binasa mo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Mga Sagot sa Aking mga Tanong
Kung may mga tanong ako, alam ko na makakabaling ako sa mga banal na kasulatan at matatagpuan ko roon ang mga sagot. Ito ang mga salita ng Panginoon, at ang Kanyang doktrina ay hindi nagbabago kailanman. Alam ko na anumang oposisyon ang kinakaharap ko, laging nariyan sa mga banal na kasulatan ang mga sagot sa akin. Sinasagot din nito ang mga tanong kung ano ang mga opisyal na patakaran ng Simbahan tungkol sa maraming paksa. Alam ko na kung babasahin kong mabuti ang mga banal na kasulatan, tutulungan ako nitong mapasaakin ang Espiritu Santo, na tumutulong sa akin na malaman ang tama sa mali.
Emily A., edad 17, Washington, USA
Gumaan ang Aking mga Pasanin
Isang school year, nabigatan ako sa mga problema ko sa buhay. Sa isa sa mga araw na ito na puro problema, nagdasal ako at binasa ko ang Aklat ni Mormon sa loob nang 10 minuto. Habang nagbabasa ako, nadama ko na nag-alab ang puso ko. Nadama ko na may nagmamahal sa akin, sumigla ako, at sumaya sa kabila ng mga pagsubok. Nakadama ako ng matinding kapayapaan na di ko pa nadama kailanman. Dahil sa karanasang ito naunawaan ko na rin kung ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo: ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27). Nang sumunod na ilang linggo, naranasan ko ito nang maraming beses, at ito ang nagbunsod sa akin na sumulong sa kabila ng aking mga paghihirap.
Chloe K., edad 18, Wisconsin, USA
Kapangyarihang Magbago
Dati-rati, talagang wala akong patotoo sa Aklat ni Mormon, pero nang taimtim kong ipagdasal na patnubayan ako ng Espiritu Santo, napakaganda ng naging damdamin ko tungkol sa Aklat ni Mormon. Nagkaroon na ako ng hangaring malaman na ang aklat ay totoo, kaya sinimulan kong mapanalanging basahin at pag-aralan ito. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, tumanggap ako ng personal na paghahayag na ang aklat ay totoo (tingnan sa 2 Nephi 28:30). Mahal ko ang Aklat ni Mormon. Pinahahalagahan ko ang mga turong natatanggap ko habang pinag-aaralan ko ito. Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang maaaring umakay sa atin para magpakabuti.
Ariel Candawan T., edad 18, Philippines
Pag-ibig ng Diyos
Sa pamamagitan ng kapangyarihan, halimbawa, at mga turo sa banal na kasulatan, naging sensitibo ako sa Banal na Espiritu. Ang mga banal na kasulatan ay may banal na kapangyarihan upang magabayan at maturuan tayo ng Diyos. Kaya tuwing madarama mo na ikaw ay nag-iisa o pinabayaan, basahin ang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay alalahanin na iningatan ito ng iyong Ama sa Langit lalo na para sa iyo para malaman mo na mahal ka Niya.
Scott H., edad 19, Wisconsin, USA
Kabutihan at Liwanag
Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon noong Beehive na ako. Binasa ko ito mula simula hanggang wakas at akala ko’y iyon na ang katapusan. Pero maling-mali pala ako. Parang may kulang sa buhay ko. Kaya nagpasiya akong basahin itong muli, at sa pagkakataong ito ay mas inintindi ko ito. At nang gawin ko ito, ang buhay ko ay napuno ng liwanag na nanlabo na simula nang matapos ko ito. Mas naunawaan ko ito at talagang napamahal ito sa akin. Basahin ito sa tuwina, at makatitiyak ka ng buhay na puno ng kabutihan at liwanag.
Kellie M., edad 15, Utah, USA
Pagdaig sa mga Tukso
Tinutulungan ako ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na ipamuhay ang ebanghelyo sa paaralan. Nagsisimula pa lang ako sa middle school, at maraming masasamang bagay at tukso. Kapag nahihirapan akong paglabanan ang tukso, sinisikap kong basahin ang mga kuwento sa banal na kasulatan para mahanap ang mga sagot sa mga problema ko. Nakakatulong itong iwaksi ang tukso at bumaling sa ebanghelyo.
Blake C., edad 12, Idaho, USA
Bisa ng Banal na Kasulatan
Ito ang unang pagkakataon na sinubukan kong basahin ang Aklat ni Mormon. Ang mga paborito kong kabanata ay nasa 2 Nephi 25–33. Sa ngayon, lubos akong napalakas ng mga ito. Noon lang naging tumpak sa akin ang awitin sa Primary na “Bisa ng Banal na Kasulatan.” Saksi ako sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at matindi kong ipinapayo sa inyo na pag-aralan ito araw-araw.
Sariah J., edad 13, Arizona, USA
Isang Bukal ng Kaalaman
“Dapat tayong magutom at mauhaw araw-araw sa espirituwal na kaalaman. Ang personal na paggawa nito ay nakasalig sa pag-aaral, pagninilay-nilay, at panalangin. Kung minsan ay maaari tayong matuksong isiping, ‘hindi ko kailangang pag-aralan ang mga banal na kasulatan ngayon; nabasa ko nang lahat ito noon.’ …
“Ngunit ang ebanghelyo ay bukal ng kaalaman na hindi kailanman matutuyo. Laging may bago kang matututuhan at madarama … sa bawat talata ng banal na kasulatan.”
Bishop Gérald Caussé, Presiding Bishop, “Kamangha-mangha pa rin ba Ito sa Inyo?” Liahona, Mayo 2015, 99–100.
Susunod na Tanong
“Matagal ko nang ipinagdarasal ang isang mahalagang bagay, pero hindi ko alam kung nasagot na ako. Paano ko ito malalaman?”
Ipadala ang sagot mo at, kung gusto mo, isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Enero 15, 2017, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article”) o sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org.
Mangyaring isama ang sumusunod na impormasyon: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at retrato.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.