2016
Paghahanda sa Pagharap sa Diyos
Disyembre 2016


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

PAGHAHANDANG HUMARAP sa Diyos

Ang Sunday School ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagtulong sa ating lahat na maghanda sa pagharap sa Diyos. Inuuna mo ba ito?

scripture study

Sa Aklat ni Mormon, nangangaral si Amulek ng napakabisang sermon tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Alma 34). Sa magagandang talata sa kabanatang ito, ang isang talatang nangingibabaw sa akin ay nang sabihin ni Amulek na, “Sapagkat, masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32).

Sa paniniwala na ang layunin ng buhay na ito ay “maghanda para sa pagharap sa Diyos,” maaari nating itanong ito sa ating sarili: Ano ba ang ginagawa ko sa bawat araw, bawat linggo, at bawat buwan upang makapaghanda para sa napakagandang muling pagkikita namin ng ating Ama sa Langit? Paano ko gagamitin ang mahalagang oras na ibinigay sa akin?

Paano Tayo Maghahanda?

Maraming paraan ng paggamit ng ating oras sa paghahandang humarap sa Diyos. Sa bawat linggo, naniniwala ako na magkakasundo tayo na ang pinakamahalagang oras ng linggo ay ang oras na iniuukol natin sa pakikibahagi ng sakramento, pagpapanibago ng ating mga tipan sa Ama sa Langit, habang pinagninilayan ang pagmamahal na nadarama natin mula sa Kanya at ang pag-asang maaaring mapasaating lahat bunga ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak, na si Jesucristo.

Naniniwala rin ako na ang oras na iniuukol natin sa ating mga klase sa Sunday School ay maaaring magkaroon ng mas malaking epekto sa ating paghahanda kaysa inaakala natin. Ngunit para masamantala ang pagkakataong iyan, maaari nating kailanganing suriin kung ano ang pananaw natin ukol sa Sunday School.

Ang layunin ng Sunday School ay “palakasin ang [pananampalataya] ng mga indibiduwal at pamilya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtuturo, pagkatuto, at pakikipagkapatiran.”1 Ang mahahalagang elementong ito ng pagbabalik-loob ay kailangan sa ating mga pagsisikap na maghanda sa pagharap sa Diyos. Natutuwa kami na ang mga guro sa buong Simbahan ay nagsisikap na paghusayin ang kakayahan nilang magturo gamit ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at mga teacher council meeting.

Ngunit ang pinahusay na pagtuturo ay hindi sapat. Kailangan itong itugma sa ating mga pagsisikap na matuto sa paraan ng Tagapagligtas. Sinabi Niya na dapat tayong matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 109:7). Ang pananampalataya ay isang alituntunin ng pagkilos. Kailangan tayong gumawa kung nais nating makaalam (tingnan sa Juan 7:17).

Ang ating mga klase sa Sunday School ay makahihikayat ng ganitong uri ng pagtuturo at pagkatuto kapag ito ay ligtas na lugar sa pagbabahagi ng mga karanasan at inspirasyong nadama natin sa buong linggo habang pinag-aaralan at ipinamumuhay natin ang mga turo sa banal na kasulatan sa paghahanda para sa klase. Habang “[tinu]turuan [natin] ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian … lahat ay mapa[pa]sigla ng lahat” (D at T 88:77, 122).

Tawagin ang Sabbath na Kaluguran

Kamakailan ay inanyayahan ng Unang Panguluhan ang bawat isa sa atin na “tawagin ang sabbath na kaluguran” (Isaias 58:13) sa ating buhay. Ang tatlong-oras na pagsamba sa araw ng Linggo ay nakatutulong sa atin na magawa ang mithiing iyan.

Sa diwang iyan, may isa pa akong tanong: Bakit ba natin pinipili kung minsan na hindi lubusang tanggapin ang pagkakataong alok ng Sunday School?

Nitong mga huling taon, nasaksihan ko ang iba-ibang “alternatibo” sa Sunday School sa oras ng Sunday School, kabilang na ang pag-uusap sa mga pasilyo, pag-iinterbyu ng mga lider ng ward, pagbibigay ng training ng mga lider ng stake sa mga counterpart nila sa ward, at paglutas ng mga lider ng mga kabataan ng mga problema sa programa nila.

Dahil napakarami nilang kailangang gawin, nauunawaan ko kung bakit maaaring gamitin ng mga lider ang oras ng Sunday School para gawin ang ibang bagay. Ngunit napakalaking pagpapala sa lahat ng kasali kapag nag-ukol ng isang oras ang mga lider ng ward para makilahok sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo kasama ang mga miyembro ng kanilang kawan!

Natitiyak ko na naranasan na ninyo ang iba pang mga halimbawa ng “kapabayaan sa Sunday School.” Sa anumang dahilan, nadarama ng marami sa atin na kakaunti lang ang nakukuha natin sa mga klase sa Sunday School. Napag-alaman ko na ang yaman ng karanasan ko sa Sunday School ay batay na rin sa aking paghahanda at partisipasyon na gaya ng aking guro. Isinulat ni Brother Tad R. Callister, Sunday School General President, na, “Tuwing pag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, dadalo tayo sa klase na mas handa, makikilahok tayo sa mga talakayan sa klase, magtatanong tayo, at magtatala ng mga sagradong impresyon, lalo tayong nagiging katulad ng Diyos, at sa gayo’y madaragdagan ang kakayahan nating madama ang kagalakang nadarama Niya.”2

Paghandaan at Protektahan ang Oras ng Sunday School

Inaanyayahan ko kayong gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para paghandaan at protektahan ang oras ng Sunday School. Bawat miyembro ng ward at branch, kabilang na ang ating mga lider, ay dapat makamit ang matamis na biyayang hatid ng paghahanda sa pagharap sa Diyos sa mahalagang oras na ito bawat linggo.

Mga Tala

  1. Handbook 2: Administering the Church (2010), 12.1

  2. Tad R. Callister, “Ang Kagalakan na Matuto,” Liahona, Okt. 2016, 14.