Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Kagalakan ng Pamilya ay Matatagpuan sa Katuwiran
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano palalakasin ng pag-unawa sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang Diyos ay “nagtatag ng mga pamilya upang paligayahin tayo, tulungan tayong malaman ang mga tamang alituntunin sa isang mapagmahal na kapaligiran, at ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan.”1 Tungkol sa “dakilang plano ng kaligayahan” ng Diyos (Alma 42: 8), sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakasaad sa Kanyang plano na ang mga lalaki at babae ay gayon ‘upang sila ay magkaroon ng kagalakan’ [2 Nephi 2:25]. Dumarating ang kagalakang iyan kapag pinili nating mamuhay nang naaayon sa walang hanggang plano ng Diyos.”2
Ang isang tahanang nakasentro kay Cristo ay naglalaan ng pinakamagagandang pagkakataon para magtagumpay. Inilarawan ito ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang isang lugar “kung saan itinuturo ang ebanghelyo, tinutupad ang mga tipan, at may pagmamahalan,” kung saan ang mga pamilya ay maaaring maging “masunurin sa buhay” at “matibay na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo.”3
Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Maaari nating ipasiya na gagawin natin ang lahat upang pababain ang mga kapangyarihan ng langit sa [ating] pamilya.” At malamang ay makahikayat tayo ng pagmamahal, paglilingkod, pagsunod, at kaligayahan sa ating tahanan sa “pakikinig ng [ating mga anak] sa salita ng Diyos at pagsubok dito nang may pananampalataya pagkatapos. Kung gagawin nila ito, magbabago ang kanilang likas na pagkatao sa isang paraan na nagdudulot ng kaligayahang hangad nila.”4
Mga Tahanang Nakasentro kay Cristo
Mayroon tayong mga huwaran ng mga tahanang nakasentro kay Cristo sa mga banal na kasulatan. Pagkamatay ng kanyang amang si Lehi, inilayo ni Nephi ang kanyang pamilya at ang iba pang naniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos at nakinig sa kanyang mga salita mula sa lupain ng mga Lamanita. Sa bagong lugar na ito, masusunod ng mga Nephita ang mga kahatulan, batas, at kautusan ng Panginoon sa lahat ng bagay, alinsunod sa batas ni Moises (tingnan sa 2 Nephi 5:6–10). Subalit kahit ang ilan sa mga Nephita ay naging suwail kalaunan.
At habang ang ating mga kapamilya ay lumilihis sa katuwiran kung minsan tulad ng ginawa ng mga Nephita, sinabi ni Elder Scott na ang isang tahanang nakasentro kay Cristo pa rin “ang naglalaan ng pinakamalaking katiyakan ng kapayapaan at kapanatagan sa ating tahanan.” Tanggap niya na “magkakaroon pa rin ng maraming hamon o kasawian, ngunit sa gitna ng paghihirap, maaari tayong magtamasa ng kapayapaan ng kalooban at malaking kaligayahan.”5