Ang Banal na Kapangyarihan ng Biyaya
Mula sa isang mensahe sa Church Educational Devotional, “His Grace Is Sufficient for You,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Hunyo 3, 2014. Para sa buong mensahe, magpunta sa devotional.byuh.edu.
Layon ng biyaya na bigyan tayo ng kakayahang mas lubos na masunod ang mga kautusan at maging mas makadiyos sa ating mga gawain, hanggang sa marating natin ang kaganapan ni Cristo.
Sa lahat ng katangian ni Jesucristo, ang pinakamahalaga marahil ay na Siya ay “puspos ng biyaya” (Juan 1:14). Sa mga banal na kasulatan ang katagang biyaya ay kadalasang tumutukoy sa banal na patnubay at kapangyarihang magpala, magkaloob, o kaya naman ay kumilos nang pabor sa tao. Ganito naman ang sabi sa Bible Dictionary: “Ang pangunahing ideya ng salitang [biyaya] ay kapangyarihang mula sa Diyos na nagbibigay ng tulong o lakas. … Ang biyaya ay nagbibigay ng kakayahan o kapangyarihan” (“Grace”). Binibigyang-kakayahan nito ang tumatanggap na magawa at marating ang hindi niya magagawa at mararating sa sarili niyang paraan.
Kailangan nating lahat ng kapangyarihang iyon na nagbibigay-kakayahan. Tayo ay mga anak ng Diyos. Dahil doon, tayo ay may potensyal na maging katulad Niya.
Ang Kawalan Natin ng Kakayahan sa Espiritu at Katawan
Bagama’t inaasahan na maaabot natin ang “kaganapan ni Cristo” (Efeso 4:13), talagang hindi natin ito magagawang mag-isa. Bawat isa sa atin ay binubuo ng dalawang bagay—isang walang-hanggang espiritu at isang mortal na katawan (tingnan sa Abraham 3:18). Ang ating walang-hanggang espiritu ay naparito sa daigdig bunga ng mga pagpiling ginawa natin sa premortal na daigdig. Ang mga premortal na pagpiling ito ay bahagi ng ating pagkatao, ugali, at espirituwal na katalinuhan. Mahalaga na walang dalawang espiritung magkapareho (tingnan sa Abraham 3:19). Bawat espiritu ay nagtataglay ng ibang antas ng espirituwal na katalinuhan, o liwanag at katotohanan (tingnan sa D at T 93:36), alinsunod sa kanyang mga premortal na pagpili. Bagama’t bawat isa sa ating mga espiritu ay maaaring pumasok sa mortal na katawan nito sa pagsilang na malinis at dalisay, at magiting at dakila pa, wala ni isa sa ating mga espiritu ang lubos na umabot sa kaganapan ni Cristo. Ang pagiging sakdal ng espiritu ay maaaring ipagpatuloy habang natututo sa buhay na ito at habang nadaragdagan ang karanasan sa daigdig ng mga espiritu, ngunit ang kaganapan ng espiritu ay hindi tuluyang nakakamit hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Bukod pa sa hindi sakdal ang kalagayan sa ngayon ng ating espiritu, hindi rin sakdal ang ating mortal na katawan. Bagama’t kahanga-hanga ang mga ito, ang ating mortal na katawan ay dumaranas ng pagkabulok, panghihina, at kamatayan at ng pagnanasa, pita, at simbuyo ng damdamin na hindi natin alam noon. Sa gayong mga kundisyon napakahirap na lubusang pasakop ang katawan sa kagustuhan ng espiritu. Kadalasan ay sumusuko ang espiritu sa mga dikta ng katawan. Ang ilan sa mga dakilang espiritung naparito sa lupa ay nahirapang gapiin ang kanilang pisikal na katawan. “Ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman,” daing ni Nephi. “Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin” (2 Nephi 4:17, 18; tingnan din sa talata 27).
Ang digmaan sa pagitan ng espiritu at katawan ay lalo pang humirap dahil sa isa pang katotohahan ng mortalidad. Ang ating pisikal na katawan ay binubuo ng mga materyal ng “nahulog o makasalanang” daigdig, na nagbibigay kay Satanas ng partikular na “kapangyarihang bumihag” (2 Nephi 2:29). Ganito ang puna ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Huwag akalain na magiging malaya tayo sa mga panunuksong magkasala,” sabi niya. “Inaakala ng ilan na sa laman ay magiging napakabanal ng katawan at espiritu na hindi na nila kailanman madarama ang mga epekto ng kapangyarihan ng kaaway ng katotohanan. Kung posible lamang na makamit ng isang tao ang ganitong antas ng kasakdalan sa laman ay hindi siya mamamatay, ni hindi siya mananatili sa isang daigdig kung saan nangingibabaw ang kasalanan. … Sa palagay ko kahit paano ay dapat nating madama ang mga epekto ng kasalanan habang tayo ay nabubuhay, at sa huli ay kailangan tayong dumanas ng kamatayan.”1
Ang Banal na Kapangyarihan ng Biyaya
Kailangan natin ng banal na kapangyarihan na maaaring magpabago sa ating kaluluwa sa kabila ng ating mga kahinaan at kakulangan sa ngayon tungo sa pagiging mga diyos na kaakibat ang lahat ng kalakasan, kabanalan, at kakayahan. Salamat na lang at may gayong banal na kapangyarihan; ito ang biyaya ng Diyos. Tanging sa pamamagitan ng kaloob na biyaya ng Diyos tayo “nadaragdagan” (Abraham 3:26), kaya nga, pagdating ng panahon, makakamit natin ang kaganapan ni Cristo. Tunay ngang sa ganitong paraan nakamit ni Cristo ang Kanyang kaganapan.
Tulad ng sabi ng Panginoon kay Joseph Smith, “Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24). Ngunit kung hindi natin seseryosohin, kung isasantabi o babalewalain natin ang mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Panginoon, ang “mga bagay na higit na dakila [ay] ipagkakait” sa atin (3 Nephi 26:10). Sa gayong mga sitwasyon, tinatanggap natin ang “biyaya ng Dios na walang kabuluhan” (II Mga Taga Corinto 6:1) at sa huli ay tuluyan na tayong “mahulog mula sa biyaya” (D at T 20:32).
Lahat ng ito ay nagsasaad na kailangan tayong matutong magtiyaga sa ating sarili at sa iba sa ating mga kahinaan at kakulangan sa ngayon, at kailangan tayong matutong magsumigasig sa di-maiiwasang dahan-dahang proseso ng pag-unlad tungo sa pagiging sakdal.
Pananampalataya kay Jesucristo
Ang pagkaunawa kung paano ipinagkakaloob ang biyaya ay tumutulong upang maunawaan natin kung paano tayo pinupuspos ng biyaya ng ilang alituntunin. Pananampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin na bukas sa pagtanggap ng biyaya (tingnan sa Mga Taga Roma 5:1–2). Katotohanan, pag-asa, pagkilos, at nagpapatibay na patotoo ang mahahalagang sangkap ng pananampalataya at siyang landas tungo sa pagtanggap ng biyaya ng Panginoon.
Isaisip, halimbawa, ang karanasan ni Pedro nang lumakad siya sa ibabaw ng tubig papunta sa Panginoon. Tulad natin kung minsan, si Pedro at ang mga disipulo ay nasa gitna ng maunos na karagatan. Nagpunta si Jesus sa kanila, na naglalakad sa tubig at pinalalapit sila sa Kanya. Taglay ang pag-asa, umibis ng bangka si Pedro pababa sa maalon na karagatan at naglakad papunta sa Panginoon. Ang kanyang pag-asa kay Cristo, na may determinasyong kumilos, ang naging daan para matanggap niya ang kapangyarihang lumakad sa ibabaw ng tubig. Ngunit, nang tingnan niya ang unos sa paligid niya, nagduda si Pedro at nagsimulang lumubog. “Panginoon, iligtas mo ako,” sigaw niya. Bilang tugon, nakatala sa mga banal na kasulatan na “pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya” (Mateo 14:30–31). Nang magtuon ng mga mata si Pedro sa Panginoon at kumilos nang may pananampalataya, nagkaroon siya ng kapangyarihang hindi niya kayang gawing mag-isa—ang lumakad sa ibabaw ng tubig.
Nang mag-alis ng tingin si Pedro sa Panginoon at magduda, pinutol ni Pedro ang kapangyarihang iyon, naiwan siyang mag-isa, at nagsimulang lumubog. Pansining mabuti ang tugon ng Panginoon sa paghingi ng tulong ni Pedro. “Pagdaka’y” iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay para iligtas siya. Gayon kadaling makuha ang biyaya ng Panginoon sa oras ng ating pangangailangan.
Pagsisisi
Pagsisisi ang ikalawang alituntunin na pinupuspos tayo ng biyaya. Itinuro ni Mormon: “Pinagpala sila na magsisisi at makikinig sa tinig ng Panginoon nilang Diyos; sapagkat sila ang mga yaong maliligtas. At nawa’y ipagkaloob ng Diyos … na ang mga tao ay madala sa pagsisisi at mabubuting gawa, upang sila ay mapanumbalik nang biyaya sa biyaya, alinsunod sa kanilang mga gawa” (Helaman 12:23–24). Mula sa talatang ito, malinaw na ang pusong nagsisisi at mabubuting gawa ay naaayon sa biyaya.
Isipin ang halimbawa ni Nakababatang Alma. Siya, kasama ang mga anak ni Mosias, “ang pinakamasama sa lahat ng makasalanan” (Mosias 28:4). Nang magpakita ang anghel ng Panginoon kay Alma, naisip niya ang lahat ng kasalanan at kasamaang nagawa niya sa buhay. Nang sandaling iyon siya ay “giniyagis ng walang hanggang pagdurusa” (Alma 36:12). “Ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos,” sabi niya, “ay giniyagis ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na masidhing takot” (Alma 36:14). Ngunit naalaala ni Alma na nagsalita ang kanyang ama hinggil sa pagdating ni Jesucristo na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Dahil sa paggunitang ito ay napabulalas ang kanyang puso, “O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako” (Alma 36:18). Pagdaka’y “hindi [na niya] naalaala pa ang [kanyang] mga pasakit” at “hindi na [siya] sinaktan pa ng alaala ng [kanyang] mga kasalanan” (Alma 36:19).
Ang matinding pagdurusa ng kaluluwa na hatid ng pagsisisi ni Alma ay nagdulot ng kapangyarihang nagpapalinis at siya ay naging isang bagong nilalang. Hindi na niya hinangad na wasakin ang Simbahan ng Diyos. Sa halip, para mabalanse ang kanyang buhay, nagsikap si Alma na itatag ang Simbahan sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na magsisi at tanggapin ang Espiritu Santo. Ang pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma mula sa pinakamasama sa lahat ng makasalanan tungo sa pagiging propeta ng Diyos ay pambihirang halimbawa ng kapangyarihan ng biyaya ng Panginoon upang kapwa dalisayin at pabanalin ang bawat isa sa atin.
Pagpapakumbaba
Ang pangatlong alituntunin ay pagpapakumbaba. Sabi ng Panginoon kay Moroni, “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Ang gawing malakas ang mahihinang bagay ay gawain ng biyaya.
Kung kailangan ang pagpapakumbaba, makabubuting itanong natin kung ano ang pagpapakumbaba. Sa maikling salita, ang pagpapakumbaba ay pagpapailalim ng kalooban ng isang tao sa kalooban ng Diyos at pagbibigay sa Kanya ng karangalan sa bagay na nagawa. Hinggil sa bagay na ito, si Jesucristo ang ating pinakadakilang halimbawa. Ang Kanyang pagpapakumbaba at pagpapasakop ay lubos na nakita sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. “Oh Ama ko,” dasal ni Jesus, “kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Ang kaganapan ng biyaya ng Diyos ay pumuspos kay Cristo sa pagkakataong ito.
Kasigasigan
Ang pang-apat na alituntunin ay kasigasigan. Gaya ng itinuro ni Nephi sa kanyang mga tao, “Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Maaaring ipakahulugan ng ilang nakabasa ng talatang ito na hindi ibinibigay ang biyaya ng Diyos hangga’t hindi natin ginagawa ang lahat ng ating makakaya. Hindi ganyan ang pakahulugan ko rito. Talagang napakaraming halimbawa ng biyaya ng Diyos na ibinibigay sa tao kahit wala siyang ginagawa. Ang kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli, halimbawa, ay ibinigay sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, gaano man nagsikap ang bawat isa. Nauunawaan ko na ang ibig sabihin ng salita ni Nephi na “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” ay ibibigay sa atin ang biyaya ng Diyos kapag masigasig tayo. Gaya ng isinulat ni Elder Bruce C. Hafen, dating miyembro ng Pitumpu, “Ang kaloob na biyaya sa atin ng Tagapagligtas ay hindi nalilimitahan ng panahon sa ‘kabila’ ng lahat ng ating magagawa. Maaari nating matanggap ang kanyang biyaya bago natin maubos, habang ating inuubos, at matapos nating maubos ang sarili nating mga pagsisikap.”2
Isipin ang halimbawa ng kapatid ni Jared. Inutusan siyang gumawa ng mga gabara at gamitin ang mga ito sa pagtawid sa karagatan. Sa paisa-isang hakbang, buong sigasig na sinunod ng kapatid ni Jared ang mga tagubilin ng Panginoon. Matapos niyang gawin ang mga gabara, nag-alala ang kapatid ni Jared tungkol sa kadiliman sa loob ng mga gabara at hiniling sa Panginoon na maglaan ng liwanag. Bagama’t madali sanang mabibigyan ng solusyon ng Panginoon ang kapatid ni Jared, sa halip ay nagtanong Siya, “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:23). Bilang tugon, ang kapatid ni Jared ay masigasig na naghanda ng 16 na bato, ipinakita ito sa Panginoon, at hiniling na hipuin Niya ang mga ito upang “ang mga ito ay kuminang sa kadiliman” (tingnan sa Eter 3:1–4).
Hindi natapos ng kapatid ni Jared ang lahat ng ipinagawa sa kanya ng Panginoon, ngunit ipinakita pa rin ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa kapatid ni Jared, at hinipo ang bawat bato at nagliwanag ang mga ito na siyang kailangan sa napipintong paglalakbay. Sa paggawa nito, ipinakita ng Panginoon ang kahandaan Niyang ipadama sa atin ang Kanyang mga banal na kapangyarihan habang masigasig nating ginagawa ang lahat ng ating makakaya.
Pagsunod
Ang panlimang alituntunin ay pagsunod. “Kung inyong susundin ang aking mga kautusan,” sabi ng Panginoon, “kayo ay makatatanggap ng biyaya sa biyaya” (D at T 93:20). Ganito ang sabi ni Moroni: “Kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang biyaya ng Diyos ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).
Nang hindi minamaliit ang utos ng Panginoon na sundin ang mga kautusan o ang payo ni Moroni na pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan, dapat nating maunawaan na ang biyaya ay hindi batay sa ating lubos na pagsunod. Kung ang biyaya ay nakadepende sa lubos nating pagsunod sa mga kautusan o lubos na pagkakait sa ating sarili ng lahat ng kasamaan, ang patuloy nating pagkakamali sa mortalidad ay habampanahong hahadlang sa pagkakamit natin ng biyaya. Tutal naman, ang biyaya ay nilayong tulungan tayo na lalo pang masunod ang mga kautusan at magpatuloy sa makadiyos nating gawain, hanggang sa marating natin ang kaganapan ni Cristo.
Ang utos ng Panginoon na sundin ang mga kautusan at ang payo ni Moroni na pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan ay kailangang unawain bilang paggawa ng mga bagay na ito sa abot ng ating makakaya. Kung mahalaga ang ating mga kilos, mas mahalaga ang mga layon ng ating puso.
Pagtanggap sa Espiritu Santo at Paghahangad sa mga Kaloob ng Espiritu
Ang pinakahuling alituntunin ay ang tanggapin ang Espiritu Santo at hangarin ang mga kaloob ng Espiritu (tingnan sa Mosias 18:16). Tunay na napupuspos tayo ng biyaya ng Diyos kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo, sapagkat ang Espiritu Santo ang namamahagi at naghahatid sa atin ng nagpapabanal, nagbibigay-kakayahan, at nakasasakdal na mga kapangyarihan ng Diyos.
Hinggil sa bagay na ito, itinuro ni Elder Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod: “Ang kaloob na Espiritu Santo … ang nagbibigay-buhay sa lahat ng kayang gawin ng isipan, nagdaragdag, nagpapalaki, nagpapalawak, at nagpapadalisay sa lahat ng likas na damdamin, at iniaakma ang mga ito, sa pamamagitan ng kaloob na karunungan, sa angkop na gamit ng mga ito. Ito ay nagbibigay-inspirasyon, bumubuo, lumilinang, at humuhusto sa lahat ng napakainam na simpatiya, kagalakan, panlasa, damdamin para sa iba, at iba pang damdaming likas sa atin. Naghihikayat ito ng kabanalan, kabaitan, kabutihan, kagiliwan, kaamuan, at pag-ibig sa kapwa. Pinayayabong nito ang kagandahan ng tao, anyo, at mga katangian. Nakadaragdag ito sa kalusugan, kalakasan, buhay, at pakikisama sa lipunan. Pinalalakas nito ang lahat ng katangian ng katawan at isipan ng tao. Pinalalakas at pinatitibay nito ang mga ugat. Sa madaling salita, ito, tulad ng dati, ang utak sa buto, kagalakan sa puso, liwanag sa mga mata, musika sa tainga, at buhay ng buong pagkatao.”3
Ang ganitong mga pagpapala ay dumarating sa atin kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo pagkatapos ng ating binyag at kumpirmasyon. Itinuro ni Elder Orson Pratt (1811–81) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “tuwing mananahanan ang Espiritu Santo sa isang tao, hindi lamang nito nililinis, pinababanal, at dinadalisay ang tao, ayon sa pagpapasakop niya sa impluwensya nito, kundi ibinabahagi rin sa kanya ang ilang kaloob, para sa kapakinabangan niya at ng iba. … Ang mga espirituwal na kaloob na ito ay ipinamamahagi sa mga miyembro ng Simbahan, batay sa kanilang katapatan, sitwasyon, likas na kakayahan, mga tungkulin, at calling; upang ang lahat ay maturuan nang maayos, mapagtibay, maging sakdal, at maligtas.”4
Ang Kasapatan ng Biyaya ng Diyos
Si Jesucristo ay puspos ng biyaya. Nakuha ni Cristo ang yaman ng Kanyang biyaya mula sa Kanyang Ama at nakuha ito nang “biyaya sa biyaya” (D at T 93:12). Sa gayon ding paraan tayo tumatanggap nang biyaya sa biyaya. Ipagkakaloob sa atin ang bawat katangian at pag-uugali ng Diyos. Sa huli, ang nagbibigay-kakayahan at nakasasakdal na kapangyarihang ito ng biyaya ay makukuha sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapakumbaba, kasigasigan, pagsunod, at paghahangad sa Espiritu at sa mga kaloob nito.
Ang biyaya ng Panginoon ay sapat upang hanguin kayo mula sa kamatayan at kasalanan at pagkalooban kayo ng buhay na walang hanggan. Sapat ito upang baguhin kayo, ibahin kayo, at gawin kayong sakdal. Sapat ito upang makaya ninyong kamtin nang lubusan ang inyong banal na potensyal bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.