Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Bombilyang Asul
Hindi nagkasundo ang nanay at tatay ko sa pagdedekorasyon sa bahay nila sa Kapaskuhan. Color-blind ang tatay ko, kaya pare-pareho at maputla ang tingin niya sa pula, berde, at brown. Gayunman, ang tingin niya sa kulay asul ay matingkad at maganda. Malaking tagahanga rin siya ng Brigham Young University football, na kabilang ang asul sa mga kulay ng paaralan.
Dahil asul ang paborito niyang kulay, gusto niyang magsabit ng asul na Christmas lights. Pero sabi ng nanay ko hindi kulay ng Pasko ang asul, kaya taun-taon ay maayos na nagsasabit si Itay ng pula, berde, at puting Christmas lights sa bubong nila. Para inisin si Inay, pinalitan niya ng matingkad na kulay asul ang isa sa mga bombilya. Kung titingnan ninyong maigi, makikita ninyo ang isang bombilyang asul sa gitna ng pula, berde, at puting Christmas lights.
Taun-taon ay kumikinang ang bombilyang asul sa iba-ibang lugar. Kung minsan nakatago ito sa bandang likod na walang makakapansin, pero kung minsan ay inilalagay niya ito sa garahe o sa balkon sa harapan. Masayang laro iyon nina Inay at Itay.
Dumating ang taon na di-inaasahang pumanaw si Itay dalawang araw bago sumapit ang Pasko. Sa kanyang burol, ikinuwento ang bombilyang asul na isinasabit niya taun-taon. Nang sumunod na gabi, dumungaw ang nanay ko sa bintana. Sa kabila ng kalye, nagniningning ang isang asul na Christmas light na kasama ng puting Christmas lights sa balkon ng kanyang kapitbahay. Sa loob ng ilang araw, nagdagdag ng mga bombilyang asul ang maraming kapitbahay at kaibigan sa kanilang Christmas lights. Dinekorasyunan pa ng ilan ng asul ang buong Christmas tree nila.
Nagpapasalamat ako na ipinakita ng mga kaibigan at kapitbahay ng nanay ko ang kanilang pagmamahal sa kanya sa pamamagitan ng pagdedekorasyon ng asul na Christmas lights. Ipinaalam nila sa akin ang kahulugan ng “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Nagpapasalamat ako na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak. Dahil kay Jesucristo, makikita kong muli ang tatay ko.