2016
Maging Isang Tunay na Action Hero
Disyembre 2016


Maging Isang Tunay na Action Hero

Ang pagsulong ay hindi isang isport na pinanonood lang. Tumayo at kumilos!

young man

Isipin ang paborito mong action hero. Ngayon mismo! Naisip mo ba ang isang matapang at mapagsapalarang pangahas na pinipilit na labanan ang mga sigang kaaway? O siguro’y isang magalang na abenturero na ayos na ayos ang buhok? Naisip mo ba ang sinuman sa mga banal na kasulatan?

Si Nephi kaya, si Noe, si Abis, o si Pedro? Hindi nila nilabanan ang mga hukbo gamit lamang ang mga kamao at matalinong pananalita, kundi sila ang matatawag mong tunay na mga action hero. Sumampalataya sila, nagtiwala sa Diyos, at kumilos. Kumilos sila.

Iniiwasan mo bang magsimula dahil hindi mo pa natatanggap ang malinaw at paisa-isang hakbang na mga tagubilin? Siguro may isang tao sa klase o korum ninyo na hindi na nagsisimba. Nag-aatubili ka bang tulungan sila dahil hindi mo sigurado kung paano gawin iyon? Mahalaga ang inspirasyon, at dapat nating hangarin ito palagi. Pero hindi iyan nangangahulugan na uuupo lang tayo at maghihintay ng text message mula sa isang anghel bago tayo gumawa ng mabuti. Nanaisin ng Ama sa Langit na kaibiganin mo ang taong iyon. Nais niya tayong magpakatapang at kumilos!

Paano kung naghintay sina Nephi, Noe, Abis, at Pedro? Lahat sila ay may mahihirap na bagay na gagawin. Ano kaya kung pinili nilang umupo at magpahinga hanggang sa makatanggap sila ng iba pang mga tagubilin? Ibang-iba siguro ang nangyari …

Maghintay at Tingnan ang Mangyayari?

scripture figures

“Maghihintay ako na gawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila, kaya wala akong gagawin hangga’t hindi ko nalalaman ang paraang iyon mismo” (hindi totoong bersyon ng 1 Nephi 3:7).

Di-nagtagal matapos lisanin ng pamilya ni Lehi ang kanilang tahanan sa Jerusalem, inutusan ng Panginoon ang mga anak ni Lehi na bumalik at kunin ang mga lamina kay Laban. Pero ang alam natin, hindi Niya sila binigyan ng anumang pahiwatig kung paano gawin iyon. Ang alam lang ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ay ipinapakuha sa kanila ng Panginoon ang mga lamina. Pakiramdam mo ba ay wala kang ideya kung paano gawin ang mga bagay na dapat mong gawin? (Siguro isang dahilan iyan kaya umangal sina Laman at Lemuel!) Si Nephi ang bahala kung gagamitin niya ang utak niya at sasampalataya siya at hahayo at gagawin iyon. Pero paano kung nanatili siya at nagsayang lang ng oras? Paano kung ayaw kumilos ni Nephi hangga’t hindi siya binibigyan ng Diyos ng isang plano? Mahirap kunin ang mga lamina! Dalawang beses sila nagtangka ng kanyang mga kapatid at nabigo sila! Paano kung naupo lang si Nephi na nakasandal sa pader ng Jerusalem at naghintay na sabihin sa kanya ng Diyos ang gagawin?

Nasa kabang-yaman pa siguro ni Laban ang mga lamina. Mabuti na lang at hindi naghintay si Nephi.

Sa halip, sinunod niya ang Espiritu, “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin. Gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:6–7; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi siya naghintay; hindi siya nagpapigil sa mga bagay na hindi niya alam. Alam niya na maglalaan ng paraan ang Diyos, at tama siya. Nang gumalaw si Nephi, kumilos, at sumulong, ginabayan at tinulungan siya ng Panginoon.

Nephi

Pero Bakit?

“At nagduda si Noe sa lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon” (hindi totoong bersyon ng Genesis 7:5).

Kung minsan ay talagang nagbibigay ang Diyos ng eksaktong mga tagubilin. Halimbawa’y si Noe. Nang utusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arka, ibinigay ng Diyos ang mga sukat, ipinaliwanag ang mga materyal na gagamitin, at ibinigay pa kay Noe ang listahan ng mga isasakay. Siguro nakatanggap ka na ng partikular na mga pahiwatig na kagaya niyon, at nakatanggap na tayong lahat ng partikular na mga kautusang tulad ng mga alituntunin sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Pero kapag alam mo na ang mismong dapat mong gawin, nag-aatubili ka pa ba? Natutukso ka bang pagdudahan ang Panginoon sa halip na sundin Siya?

Paano kung narinig ni Noe ang Panginoon at sinabi niyang, “Pero bakit? Hindi ko maintindihan.” Ano kaya kung humilata siya sa sopa at ayaw niyang kumilos hangga’t hindi niya nauunawaan mismo kung bakit magpapadala ng baha ang Panginoon, at nag-iisip kung ang mga tagubilin ay talagang nagmula sa Diyos?

Magkakaroon nga ng baha, pero magkakaroon kaya ng arka? At paano naman ang lahi ng tao? Mabuti nga at hindi lang umupo si Noe at pinagdudahan ang lahat ng bagay.

Sa halip ay “ginawa [niya] ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon” (Genesis 7:5). Hindi siya nagduda; kumilos siya nang may pananampalataya. Kung magdududa sa tamang paraan, mabuti ang magduda. Matutulungan tayo nitong lumago at aakayin tayo sa iba pang katotohanan. Pero kapag tumanggi tayong gawin ang anuman hangga’t hindi natin natatanggap ang mga sagot na nais natin, makakapigil sa atin ang pagdududa. Maaaring may mga pagdududa si Noe, pero hindi niya ito hinayaang makapigil sa kanya. Kahit tila kakatwa, binuo niya ang sasakyang-dagat sa tuyong lupa, tinipon ang lahat ng hayop at isinakay ang kanyang pamilya sa arka. At nang magsimulang umulan, malamang na tuwang-tuwa siya na ginawa niya iyon. Kumilos si Noe nang may pananampalataya, at pinagpala siya ng Diyos at ang kanyang buong pamilya.

Noah building the ark

Mag-atubili at Manood?

“Nang makita niya na ang lahat ng tagapagsilbi ni Lamoni ay nalugmok sa lupa, … alam niyang ito ay kapangyarihan ng Diyos; at inaakala na … [ang] pagmalas ng tagpong ito ay [magiging] dahilan upang [ang iba] ay maniwala sa kapangyarihan ng Diyos, kaya nga, siya ay nag-atubili at umasa na titipunin ng iba ang mga tao” (hindi totoong bersyon ng Alma 19:17).

Si Abis ay isang babaeng Lamanita. Nagbalik-loob siya sa Panginoon sa loob ng maraming taon, pero dahil namuhay siya na kasama ang mga Lamanitang walang pananalig, inilihim niya ang kanyang pananampalataya. Nang ituro ni Ammon ang ebanghelyo kay Haring Lamoni, nadaig ng kapangyarihan ng Panginoon ang hari at ang kanyang buong sambahayan. Kinilala ito ni Abis na isang pagkakataon upang sa wakas ay makasaksi at maniwala ang kanyang mga kaibigan sa kapangyarihan ng Diyos. Siya ang nagpasiyang tipunin ang mga tao upang saksihan ang himala.

Pero paano kung hindi niya iyon ginawa? Pagkaraan ng maraming taon ng paglilihim ng kanyang pananampalataya, malamang na medyo nakakatakot ang magbahay-bahay para sabihin ito sa iba! Nakadama ka na ba ng pahiwatig na magsalita pero kinabahan ka? Maaaring mahirap ibahagi ang iyong mga paniniwala! Paano kung hindi kumilos at umasa na lang si Abis na masaksihan ito ng mga tao mismo? O na may ibang taong magsalita?

Kung gayo’y wala sanang nagtipon para masaksihan si Haring Lamoni at ang kanyang sambahayan na nangakahilata na parang mga patay o ang kanilang mahimalang paggaling. Wala sana sila roon para pakinggan si Haring Lamoni, ang reyna, at si Ammon na magturo ng ebanghelyo.

Mabuti na lang at hindi siya nag-atubili. Sa halip siya ay “tumakbo sa bahay-bahay, ipinaaalam ito sa mga tao” (Alma 19:17; idinagdag ang pagbibigay-diin). Mayroon siyang patotoo tungkol sa Panginoon, at hindi niya hinayaang mapigilan siya ng takot. Hindi niya hinintay na magsalita ang iba. Nang magkaroon siya ng pagkakataon, hindi siya nag-atubili—tumakbo siya! Kumilos si Abis, at pinagpala siya ng Panginoon na makita ang marami sa kanyang mga kababayan na magbalik-loob sa ebanghelyo (tingnan sa Alma 19).

Pakinggan ang Mundo?

Peter walking on water

“At sinabi [ni Jesus], Halika. At [nang] umupo si Pedro sa bangka, siya ay hindi lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus” (hindi totoong bersyon ng Mateo 14:29).

Bilang mamamalakaya, maraming alam si Pedro tungkol sa mga bangka. Halimbawa, alam ni Pedro na kapag may nananalantang unos sa dagat, dapat ay manatili ka sa bangka. Alam niya na ang mga taong tumuntong sa tubig ay lumubog. Mawawari mo ba kung ano ang naisip niya nang makita niya si Cristo na naglalakad sa tubig?

Pero paano kung nanatili siya sa bangka? Alam ng lahat na hindi makakalakad sa tubig ang mga tao. Paano kung nagtuon lang si Pedro sa “alam” ng mundo? Kung minsan ang mga turo ni Cristo at ng Kanyang mga propeta ay tila salungat sa sinasabi ng mundo. At nakakahiyakat ang mundo at madali itong pakinggan. Paano kung sinabi ni Pedro kay Cristo na hindi tanggap ng siyensya o hindi makatuturan ang paglakad sa tubig? Paano kung natakot nang husto si Pedro na bumaba ng bangka at lumakad papunta kay Cristo?

Hindi sana niya naikuwento ang isang pambihirang karanasan sa piling ng Panginoon. Hindi sana siya nagkaroon ng pagkakataong palakasin ang kanyang pananampalataya, at maaaring pinagdudahan niya ang kanyang pananampalataya kalaunan nang kailanganin niya ng lakas. Mabuti na lang at hindi nanatili si Pedro sa bangka. Sa kabila ng mga alon, ng unos, at ng karanasan niya sa dagat, ginusto ni Pedro na bumaba ng bangka at lumakad papunta kay Cristo. Sa kabila ng lahat ng “alam” ng mundo, lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig. Kahit lumubog siya, naroon si Cristo upang iligtas siya (tingnan sa Mateo 14:28–31).

Ako? Isang Action Hero?

young women

Ipinadala ka rito para maging action hero ng iyong buhay na puno ng aksyon! Hindi iyan nangangahulugan na tumalon ka sa sumasabog na mga gusali o araw-araw na magmaneho ng mga kotse para tumakas. Nangangahulugan iyan ng paggawa ng mga pasiya, pagkilos, at pagsulong.

Itinuro ng Panginoon na tayo ay “nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay.” Hindi Niya sinasabi mismo kung ano ang mabuting bagay na iyon kundi sa halip ay nais Niya tayong “gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (D at T 58:27). Nangangahulugan iyan na tiwala Siya na gagawa ka ng sarili mong mga desisyon at magpapasiya kung paano ka magsasagawa ng kabutihan. Kadalasan, dumarating ang tulong matapos tayong manampalataya at sumunod sa mga unang hakbang na iyon.

Laging nariyan ang Panginoon upang gabayan tayo kapag kailangan natin ito, ngunit kung tatanggi kang kumilos at sumulong sa sarili mo at aasahan mong sabihin sa iyo ng Diyos ang bawat munting bagay na gagawin, ikaw ay magiging isang “tamad at hindi matalinong tagapaglingkod” (tingnan sa D at T 58:26). At sino ang gustong maging tamad na tagapaglingkod samantalang puwede kang maging isang action hero?