Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan
Paano Maging Matiyaga
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010.
Mahirap ang maghintay. Alam iyan ng mga bata, gayon din ng matatanda. Nabubuhay tayo sa mundo na nag-aalok ng fast food, instant messaging, pelikulang madaling mapanood, at agarang sagot sa pinakamababaw o pinakamalalim na mga tanong. Ayaw nating maghintay. Tumataas pa nga ang presyon ng ilan kapag mas mabagal ang pila nila sa grocery kaysa sa ibang nasa paligid nila.
Ang pagtitiyaga—ang kakayahang magpigil sandali sa gusto natin—ay isang mahalaga at pambihirang katangian. Gusto natin ang gusto natin, at gusto natin ito ngayon din. Samakatwid, ang ideya mismo ng pagtitiyaga ay tila hindi kasiya-siya at kung minsan ay masaklap.
Magkagayunman, kung wala tayong tiyaga, hindi masisiyahan sa atin ang Diyos; hindi tayo magiging sakdal. Tunay ngang ang pagtitiyaga ay nagpapadalisay na proseso na nagpapahusay ng pang-unawa, nagpapalalim ng kaligayahan, nagtutuon sa pagkilos, at naghahandog ng pag-asa para sa kapayapaan.
Ang pagtitiyaga ay hindi lamang paghihintay. Ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot. Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng makakaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto! Ang pagtitiyaga ay pananatili sa isang bagay hanggang wakas. Ito ay pagpapaliban sa agarang kasiyahan para sa mga pagpapala sa hinaharap. Ito ay pagpipigil ng galit at masakit na pananalita. Ito ay paglaban sa kasamaan, kahit mukhang pinayayaman nito ang iba.
Ang pagtitiyaga ay pagtanggap sa isang bagay na hindi mababago at pagharap dito nang may tapang, gilas, at pananampalataya. Ito ay pagiging “handang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” [Mosias 3:19]. Sa huli, ang pagtitiyaga ay pagiging “matibay at matatag, at hindi matitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon” [1 Nephi 2:10] bawat oras ng bawat araw, kahit mahirap gawin iyon.
Ganito ang pagtitiyaga: sundin ang mga utos; magtiwala sa ating Diyos Ama sa Langit; paglingkuran Siya nang may kaamuan at pagmamahal na tulad ni Cristo; sumampalataya at umasa sa Tagapagligtas; at huwag sumuko kailanman. Ang mga aral na natutuhan natin mula sa pagtitiyaga ay magpapaunlad sa ating pagkatao, magpapasigla sa ating buhay, at magpapaibayo ng ating kaligayahan. Tutulungan tayo ng mga ito na maging tapat na disipulo ng ating Panginoong Jesucristo.