2016
Paghahanda ng Isang Lugar para sa Panginoon
Disyembre 2016


Paghahanda ng Isang Lugar para sa Panginoon

Tuwing maririnig ko ang kuwento ng pagsilang at paglilingkod ng Tagapagligtas sa lupa, iniisip ko ang ating personal na responsibilidad na maghanda ng mga lugar na malugod na tatanggap sa Kanya sa araw na Siya ay magbalik.

Salt Lake Temple during Christmastime

Larawan ng mga ilaw © iStock/Thinkstock

Noong isang taon bago sumapit ang Pasko, dumalo ako sa isang hapunang ibinigay bilang parangal sa isang French official na mataas ang katungkulan na hindi miyembro ng Simbahan. Ang hapunan ay ginanap sa Joseph Smith Memorial Building sa Salt Lake City, Utah.

Bago umupo sa hapag-kainan, dinala namin ang aming panauhin sa observation window sa ika-10 palapag, kung saan matatanaw ng mga bisita ang kagandahan ng Temple Square. Parang himala ang tagpo, kung saan nakatayo ang Salt Lake Temple sa gitna ng napakaraming ilaw na nagniningning. Tumayo kami roon nang ilang minuto, na halos hindi makaimik.

Pagbalik namin sa kinaroroonan ng salu-salo, tinanong kami ng opisyal ng isang di-inaasahang tanong: “Naniniwala ba kayo sa katapusan ng mundo?” Humantong ito sa isang nagbibigay-inspirasyong talakayan tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon at sa kahalagahan ng pagiging handa nating salubungin Siya sa araw ng Kanyang pagbalik.

Habang nag-iisip ako tungkol sa templong hinangaan namin, may naisip akong isang magandang ideya: “Pagbalik ni Jesus, sa wakas ay magkakaroon Siya ng magandang lugar na tatahanan!”

Nakasaad sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang templo ay “literal na bahay ng Panginoon.”1 Sa madaling salita, hindi lang ito isang simbolikong lugar. Ang mga templo sa ating dispensasyon ay handa at lubos na inilaang mga bahay kung saan pisikal Siyang makakapasok. Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang Simbahan ay dapat itatag “upang ang aking mga pinagtipanang tao ay matipon bilang isa sa araw na yaong ako ay paroroon sa aking templo” (D at T 42:36; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kaylaking kaibhan sa hamak na mga panimula sa buhay ng Tagapagligtas sa lupa. Siya, na Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, ay isinilang sa isang simpleng kuwadra at inihiga sa pasabsaban “sapagka’t wala nang lugar … sa tuluyan” (Lucas 2:7). Noong Siya ay bata pa, hindi palaging tinatamasa ni Jesus ang kaginhawahan ng isang permanenteng tahanan, tulad noong tumakas ang Kanyang pamilya patungong Egipto para takasan ang kalupitan ng isang pinuno (tingnan sa Mateo 2:13–14).

Hindi natin alam ang mga detalye ng pansamantalang paninirahan ng Kanyang pamilya sa Egipto, ngunit malamang na nahirapan sa buhay ang Kanyang mga magulang bilang mga refugee—isang buhay na maihahambing sa maraming dayuhan sa ating panahon na tinakasan ang digmaan at giyera sibil sa Africa at Middle East.

Kahit noong binata na Siya, ipinahiwatig ni Jesus na wala Siyang permanenteng tahanan. Isang araw nilapitan Siya ng isang lalaki at sinabi nito, “[Panginoon], susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.” Sumagot ang Tagapagligtas, “May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo” (Lucas 9:57, 58).

Mga kapatid ko, tuwing maririnig ko ang kuwento ng pagsilang at paglilingkod ng Tagapagligtas sa lupa, iniisip ko ang ating personal na responsibilidad na maghanda ng mga lugar na malugod na tatanggap sa Kanya sa araw na Siya ay magbalik. Ano ang magagawa natin?

Magpunta sa Templo

Una, maging handa tayong salubungin Siya sa Kanyang sariling bahay—ang templo. Sino sa atin ang hindi nangarap na bumisita sa mga lugar kung saan isinilang, nanirahan, at naglingkod ang Tagapagligtas sa lupa? Marami, sa di-mumunting sakripisyo, ang nakapaglakbay na sa Banal na Lupain. Ngunit napakahalagang mabisita natin ang mga lugar na maaari Niyang balikan balang-araw. Ang isa sa pinakamagagandang paraan na makapaghahanda tayo, bilang Kanyang mga disipulo, para sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay ang magtungo nang regular sa Kanyang banal na bahay at ibigkis ang ating sarili sa Kanya sa mga sagradong tipan.

Ihanda ang Inyong Tahanan

Pangalawa, magagawa natin ang ating tahanan na mga lugar na nanaising pamalagian ng Panginoon. Sa mga banal na kasulatan, nababasa natin ang maraming salaysay tungkol sa mababait na tao na tinanggap at hinandaan ang Tagapagligtas sa kanilang tahanan. Kaya itanong natin ang mga ito sa ating sarili: Katanggap-tanggap ba ang aking tahanan sa Panginoon? Ito ba ay isang lugar na ligtas, payapa, at puspos ng Espiritu kung saan Siya magiging panatag? Hindi kailangang maging maluwag o marangya ang ating tahanan. Ang isang hamak na tirahan, na nakasentro sa ebanghelyo at puno ng mapagmalasakit na mga kapamilya at kaibigan, ay magpapasaya sa Kanya.

Tipunin ang mga Hinirang

Pangatlo, makakatulong tayo sa pagtipon ng Kanyang mga hinirang mula sa lahat ng dako ng mundo—kahit kailanganin pa nating panandaliang lisanin ang ating tahanan para tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa lupa. Ang kasaysayan ng mga tao ng Diyos ay isang kasaysayan ng mga Banal na laging handa at gustong pumunta sa nais ng Panginoon na puntahan nila. Iniisip ko ang mga sinaunang propeta, tulad nina Abraham, Isaac, Jacob, Jose, Moises, Lehi, at marami pang iba. Iniisip ko ang mga Apostol ng Panginoon sa kalagitnaan ng panahon na walang-humpay na ipinalalaganap ang ebanghelyo sa buong Mediterranean.

Ang mga propeta at apostol sa mga huling araw, kasama ang libu-libong missionary, ay naihatid at patuloy na inihahatid ang mensahe ni Cristo sa apat na sulok ng daigdig. Handa silang lisanin ang kaginhawahan ng kanilang tahanan upang maglingkod sa ubasan ng Panginoon.

Tulungan ang mga Nangangailangan

Sa huli, ang isang paraan para makapaghanda ng isang lugar para sa Panginoon ay tulungan ang ating kapwa na walang tahanan. Kabilang sa naunang mga araw ng Panunumbalik ang mga panahon na walang masilungan ang mga Banal. Sa paghahanap nila sa Sion, kadalasa’y napilitan silang lisanin ang kanilang tahanan dahil sa kakitiran ng isip at kasamaan ng kanilang mga kaaway.

Ginamit ni Pangulong Brigham Young (1801–77) ang nakaaantig na mga salitang ito upang ilarawan ang kanilang kalagayan: “Paulit-ulit kaming itinaboy mula sa aming payapang tahanan, at ang kababaihan at mga anak ay napilitang mamuhay sa mga kaparangan, kagubatan, kalye, at tolda, sa gitna ng taglamig, na nagdurusa sa lahat ng uri ng kahirapan, maging tungo sa kamatayan mismo.”2

Isa sa pinaka-nakaaantig na mga pangyayari sa panahong ito ang nagtatampok sa munting nayon ng Quincy, Illinois, noong taglamig ng 1839. Sa panahong iyon, kasama sa komunidad na ito ng mga dayuhan at magsasaka, na nasa pampang ng Mississippi River, ang halos 1,500 kaluluwa na mahirap ang kalagayan. Sa gitna ng malupit na taglamig, bigla silang naharap sa pagdating ng halos 5,000 miyembro ng Simbahan na tumatakas sa utos na panlilipol na inilabas ng gobernador ng Missouri. Ang mga Banal ay lubos na hikahos at balisa, matapos tawirin nang nakapaa ang nagyeyelong ilog ng Mississippi. May pambihirang kabutihang-loob, ang mga mamamayan ng Quincy ay malugod silang tinanggap, at binuksan ang kanilang tahanan at ibinahagi ang kaunti nilang kabuhayan.

Inilarawan ng isang residente ng Quincy ang pagdating ng mga refugee na ito: “Marami sa mga Banal ang nagalak na makakita ng masisilungan sa bahay ko mula sa mga unos, hanggang sa makakita sila ng matitirhan. Napakaraming gabi na ang mga sahig, sa itaas at ibaba, ay puno ng magkakatabing kama kaya imposibleng umapak saan man nang hindi naaapakan ang isang kama.”3

Para sa atin na mapalad na manirahan sa mas panatag at saganang sitwasyon, malaki ang kabuluhan ng mga kuwentong ito. Tinuturuan tayo nito na maging mga tao na laging handang tumulong sa mga walang tirahan at nangangailangan. Nakatira man tayo sa mga lugar na maraming refugee o sa maliliit na komunidad sa ilang, maraming paraan para makapaglingkod tayo sa mga nahihirapang magkaroon ng pinakamaliliit na pangangailangan sa buhay. Makapag-aambag tayo sa humanitarian fund ng Simbahan. Maaari tayong makipagtulungan sa iba sa ating komunidad na mapagmahal na naglilingkod sa mga nangangailangan. Maaari nating kaibiganin ang mga itinaboy mula sa kanilang tahanan pagdating nila sa ating komunidad. Maaari nating taos na tanggapin ang mga estrangherong bumibisita sa ating mga ward at branch.

Isa sa pinakamagaganda nating himno ang nagkukuwento tungkol sa isang estranghero na nakatagpo ng kanlungan sa isang lalaking may malaking pag-ibig sa kapwa.

Minsan, hangi’y nagngangalit;

Gabi na’t mayro’n pang unos;

Tinig n’ya’y aking narinig,

S’ya’y pinapasok kong lubos.

Binihisan s’ya’t inalo,

Higaan pa’y inalay ko.

At sa sahig man nahimbing,

Ako’y tila nasa Eden. …

Bigla sa aking paningin,

Nagbago ang kanyang anyo;

Sa sugat ng kanyang kamay,

Natanto kong s’ya si Cristo.

Sinabi N’ya, “Dahil ako

Ay hindi mo ’kinahiya,

H’wag kang matakot, ang lahat

Ay sa akin din ginawa.”4

hands of the Christus statue

Ipinagmamalaki ko na kabilang ako sa isang Simbahan na hinding-hindi tumitigil sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan sa daigdig. Nakakadama ako ng pagpapakumbaba sa napakaraming beses na pagpapakita ng pagmamahal at pag-ibig sa kapwa, maliliit at malalaki, ng Simbahan at ng mga miyembro nito araw-araw. Ang mga gawaing ito ay laging magiging mahalagang bahagi ng misyon ng Simbahan dahil ito ang Simbahan ni Jesucristo at sinisikap nating sundan ang Kanyang halimbawa.

Si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinatototohanan ko na Siya ay isinilang sa kalagitnaan ng panahon, na Siya ay buhay, at na balang-araw Siya ay magbabalik sa kaluwalhatian upang mamuno at maghari sa Kanyang kaharian sa lupa.

Para makapaghanda, inaanyayahan ko kayong magpunta nang mas madalas sa Kanyang banal na bahay; lumikha ng ligtas, mapagmahal, at payapang kapaligiran sa inyong tahanan; at makilahok sa pagtitipon ng Kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok ng daigdig. Dalangin ko rin na madama ninyo ang espesyal na hangarin na mapagmahal na tumulong sa mga nauna sa atin na walang tirahan at nangangailangan. Sa paggawa nito, makapaghahanda kayo ng isang lugar sa inyong puso at tahanan para salubungin ang Tagapagligtas, at ang Kanyang pagbabalik ay tunay na magiging isang dakila at kagila-gilalas na araw.

Mga Tala

  1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Templo”; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Brigham Young, sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 2:509.

  3. Wandle Mace, sa Ora H. Barlow, The Israel Barlow Story and Mormon Mores (1968), 156; tingnan din sa 154–55.

  4. “Isang Taong Manlalakbay,” Mga Himno, blg. 22.