2016
Kapayapaan sa Buhay na Ito
Disyembre 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Kapayapaan sa Buhay na Ito

emblems of the sacrament

Sa ating lahat na isinilang sa buhay na ito, sinabi ng Tagapagligtas, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian” (Juan 16:33). Subalit ibinigay Niya ang napakagandang pangakong ito sa Kanyang mga disipulo noong Kanyang mortal na ministeryo: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27). Nakapapanatag na malaman na ang pangakong ito ng personal na kapayapaan ay nagpapatuloy sa lahat ng Kanyang disipulo ngayon.

Ang ilan sa atin ay nakatira sa maganda at payapang kapaligiran, subalit naguguluhan tayo. Ang iba naman ay nakadarama ng kapayapaan at ganap na katahimikan sa gitna ng malaking personal na kawalan, trahedya, at patuloy na mga pagsubok.

Maaaring nakita na ninyo ang himala ng kapayapaan sa mukha ng isang disipulo ni Jesucristo o narinig na ito sa kanyang mga salita. Maraming beses ko na itong nakita. Kung minsan ito ay sa isang silid sa ospital kung saan nakapaligid ang isang pamilya sa isang lingkod ng Diyos na naghihingalo.

Naaalala ko nang bisitahin ko ang isang babae sa ospital ilang araw bago siya namatay sa kanser. Nagpasama ako sa dalawang anak kong dalaga dahil naging Primary teacher nila ang mabait na babaeng ito.

Nakapaligid sa kama niya ang kanyang mga kapamilya, na gusto siyang makasama sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Nagulat ako nang umupo siya sa kama. Pinalapit niya ang mga anak ko at ipinakilala sila pareho, nang isa-isa, sa bawat miyembro ng kanyang pamilya. Ipinakilala niya ang aking mga anak na para bang mga maharlika sila na ipinakikilala sa kaharian ng isang reyna. Nakahanap siya ng paraan para masabi kung paano naging disipulo ng Tagapagligtas ang bawat tao sa silid. Naaalala ko pa ang katatagan, kabaitan, at pagmamahal sa kanyang tinig. At naaalala ko na nagulat ako sa kanyang masayang ngiti kahit alam niya na malapit na siyang mamatay.

Nakatanggap na siya ng basbas ng priesthood para sa kapanatagan, ngunit binigyan niya kaming lahat ng isang buhay na patotoo na ang pangako ng kapayapaan ng Panginoon ay totoo: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33).

Natanggap na niya ang Kanyang paanyaya, tulad ng maaari nating gawin, anuman ang ating mga pagsubok at problema:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29).

Tanging sa pagsunod sa Tagapagligtas matatagpuan ng sinuman sa atin ang kapayapaan at katahimikan sa mga pagsubok na darating sa ating lahat.

Ipinaaalam sa atin ng mga panalangin sa sakramento kung paano matatagpuan ang kapayapaang iyan sa gitna ng mga paghihirap sa buhay. Kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, maipapasiya nating maging tapat sa ating mga tipan na sumunod sa Kanya.

Nangangako ang bawat isa sa atin na alalahanin ang Tagapagligtas. Mapipili ninyong alalahanin Siya sa paraang higit na maglalapit ng inyong puso sa Kanya. Kung minsan para sa akin, ito ay pagkakita sa Kanya sa aking isipan na nakaluhod sa Halamanan ng Getsemani o pagkakita sa Kanya na pinababangon si Lazaro mula sa libingan. Kapag ginagawa ko ito, nadarama ko na malapit ako sa Kanya at nagpapasalamat ako at napapayapa niyan ang puso ko.

Nangangako rin kayong sundin ang Kanyang mga kautusan. Nangangako kayong taglayin ang Kanyang pangalan at maging Kanyang saksi. Nangangako Siya na kapag tinupad ninyo ang inyong mga tipan sa Kanya, mapapasainyo ang Banal na Espiritu. (Tingnan sa D at T 20:77, 79.)

Naghahatid ito ng kapayapaan kahit sa dalawang paraan man lang. Nililinis tayo ng Espiritu Santo mula sa kasalanan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At maaari tayong bigyan ng kapayapaan ng Espiritu Santo na nagmumula sa pagsang-ayon ng Diyos at sa pag-asa ng buhay na walang hanggan.

Binanggit ni Apostol Pablo ang kamangha-manghang pagpapalang ito: “Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat” (Mga Taga Galacia 5:22).

Nang ibalita ng mga sugo ng langit ang pagsilang ng Tagapagligtas, ipinahayag nila, “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan” (Lucas 2:14; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pinatototohanan ko bilang saksi ni Jesucristo na maisusugo ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang Espiritu upang matagpuan natin ang kapayapaan sa buhay na ito, anumang mga pagsubok ang dumating sa atin at sa mga mahal natin sa buhay.