Mga Kabataan
Paano Mo Aalalahanin ang Tagapagligtas sa Linggong Ito?
Hinihikayat tayo ni Pangulong Eyring na “piliing alalahanin [ang Tagapagligtas] sa pinakamainam na paraan na mapapalapit ang inyong puso sa Kanya.”
Paano mo “lagi Siyang aalalahanin” sa buong linggo (tingnan sa D at T 20:77, 79)?
Mayroon ka bang paboritong talata tungkol sa Tagapagligtas? Maaari mong markahan ang iba pang talata araw-araw sa linggong ito at ibahagi ito sa isang tao.
Kumakanta ka ba ng himno o ng iba pang nakasisiglang awitin sa iyong isipan kapag mabigat ang iyong kalooban? Mainam siguro na pumili ka sa linggong ito ng isang himno o awitin tungkol sa Tagapagligtas.
Pinagbubulayan mo ba ang buhay ng Tagapagligtas at ang nagbabayad-salang sakripisyo sa sakramento bawat linggo? Maaari kang maghanda para sa sakramento sa pamamagitan ng paggunita sa ginawa mong mga pagpili sa buong linggo para laging maalala ang Tagapagligtas at pagsisisi sa mga pagkakataon na nahirapan kang alalahanin Siya.
Nagdarasal ka ba na magkaroon ka ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa bawat araw? Sikaping magkaroon ng talakayan ukol sa ebanghelyo sa linggong ito na nakapokus sa Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa family home evening o kausapin ang isang kaibigan sa paaralan tungkol sa karanasan mo sa simbahan.
Mithiing alalahanin ang Tagapagligtas sa espesyal na paraan sa linggong ito. Sabihin sa isang magulang, kapatid, lider, o kaibigan ang tungkol sa iyong mithiin. Sa katapusan ng linggo, sabihin sa kanila kung ano ang nangyari. Kapwa ninyo madarama ang kapayapaan at kaligayahang tinalakay ni Pangulong Eyring.