Pagbibigay ng Higit Pa sa mga Regalo
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Anong klaseng tagabigay ang nais mong maging?
Ang Kapaskuhan ay tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa diwa ng pagbibigay. Bagama’t maaaring masayang magregalo at tumanggap ng mga regalo, alalahanin na maaari tayong magbigay ng higit pa kaysa mga pisikal na regalo. Bawat araw maaari tayong magbigay ng oras, mga talento, at kabaitan—at ilan lamang iyan sa mga makabuluhang paraan na makapaglilingkod tayo.
Kaya, gaano kahusay mong napagtutuunan ng pansin ang pagbibigay nang hindi iniisip ang iyong sarili? Sagutin ang quiz na ito at alamin.
Quiz
1Naghahanda kang pumasok sa eskuwela. Pinag-aalmusal ka ng nanay mo, at nag-ukol siya ng oras para maihanda ang paborito mong pagkain. Ano ang gagawin mo?
-
Sisigaw ka ng, “Hindi pa po ako handa!” at pagkatapos ay babagalan mo ang paghahanda, magmamadali kang mag-almusal, at magpapahuli ka sa bus para ihatid ka niya sa kotse.
-
Mag-aalmusal ka nang mabilis at magmamadali kang lumabas ng pintuan; lagi naman niyang ginagawa iyon—ganyan talaga ang mga nanay.
-
Pasasalamatan mo si Inay, maghahanda nang mabilis, at mag-aalmusal na kasabay ng pamilya mo.
2Alas-10:00 n.u. na, at magbibigay na ng test ang titser mo. Hindi mo gaanong kilala ang katabi mo sa upuan, pero napuna mo na balisa siyang naghahalungkat sa backpack niya. Ano ang gagawin mo?
-
Hindi mo siya papansinin. Namomroblema ka rin at kailangan mong magkumahog na mag-aral para sa test.
-
Sasabihan mo siya ng good luck.
-
Itatanong mo kung may hinahanap siya. Kapag sinabi niyang kailangan niya ng lapis, bibigyan mo siya ng lapis. “Sa ’yo na ’to,” sasabihin mo sa kanya nang nakangiti.
3Paglabas ng eskuwela nahihirapan ang isang kasama sa football team ninyo na ipasa nang tumpak ang bola—samantalang doon ka magaling. Lumapit siya pagkatapos ng praktis at nagtanong kung puwede mo siyang tulungan. Ano ang sasabihin mo?
-
Sasabihin mo sa kanya na marami kang ginagawa. Sa ibang araw na lang siguro.
-
Atubiling papayag ka at magpapasahan kayo ng bola nang ilang beses, at bibigyan mo siya ng tip bago ka magmadaling umalis para makasama ang mga kaibigan mo.
-
Mag-uukol ka ng ilang minuto para bigyan siya ng mga tip at pipili ng ibang oras para sabay kayong magpraktis.
4Pagsapit ng alas-5:30 n.h., inihatid ka ng nanay mo sa tindahan para bumili ng regalo sa Pasko para sa kapatid mong babae. Ano ang bibilhin mo?
-
Madali iyan. Bibilhin mo ang bagong bola ng basketball na ilang buwan mo nang gustong bilhin para sa sarili mo. … Malamang na magustuhan din niya iyon, tama ba?
-
Pipiliin mo ang pinakamura sa listahan niya—hindi siya magagalit, at nakatipid ka pa.
-
Hahanapin mo ang pinakabagong aklat ng paborito niyang awtor. Nasasabik ka nang makita ang tuwa sa mukha ng kapatid mo kapag binuksan niya ang regalo!
5Oras na para matulog at pagod na pagod ka. Pero hindi ka pa nakakapagbasa ng scriptures mo. Ano ang gagawin mo?
-
Bibilangin mo na lang ang binasa mo noong Linggo.
-
Habang hinahanap mo ang scriptures mo, nakita mo ang paborito mong nobela. Pagkaraan ng tatlumpung minuto maaalala mo ang scriptures at dali-dali kang magbabasa ng isang maikling talata bago mo patayin ang mga ilaw.
-
Titingnan mo pareho ang scriptures mo at ang paborito mong nobela, pero magpapasiya kang unahin ang Ama sa Langit at uusal ng maikling panalangin bago ka magbasa. Isusulat mo ang ilan sa mga naiisip mo habang nag-aaral ka, at pasasalamatan mo Siyang muli sa panalangin bago ka matulog.
Mga Resulta!
Kung halos lahat ng sagot mo ay (a), baka gusto mong magtuon pa nang kaunti sa iba. Tandaan, ang pagbibigay at paglilingkod sa iba ay magdudulot ng mas malaking kaligayahan sa lahat (tingnan sa Mateo 25:34–46).
Kung halos lahat ng sagot mo ay (b), isipin na “tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad” (Mateo 10:8). Pag-isipan kung paano ka matutulungang makasumpong ng mas malaking kagalakan sa pagbibigay nang mas maluwag sa kalooban.
Kung halos lahat ng sagot mo ay (c), ipagpatuloy mo iyan! Nakikita sa mga kilos mo ang tunay na diwa ng Pasko.
Isipin kung paano mo taos-pusong mabibigyan ng regalo ang mga nakapaligid sa iyo ngayong Kapaskuhan. Anuman ang mga talento mo, makakakita ka ng paraan para maipakita ang iyong pagmamahal at pasasalamat para sa iba kapwa sa mga regalong ibinibigay mo at kung paano mo ibinibigay ang mga iyon bawat araw. Ang pagbibigay ay nagiging isang pagpapala at hindi isang gawain kapag naunawaan natin na sa paglilingkod sa iba, talagang naglilingkod tayo sa ating Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 2:17).