2016
Pagbibigay ng Kagalakan
Disyembre 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagbibigay ng Kagalakan

giving away a Book of Mormon

Paglalarawan ni Stan Fellows

Kaming mag-asawa ay mga missionary noon na naglilingkod sa Tarbes, France, sa Pyrenees Mountains. Bisperas ng Pasko iyon, at nagpasiya kaming bumaba sa lungsod sa Verdun Plaza para mamigay ng mga kopya ng Aklat ni Mormon. Walang tao sa lansangan, at itinanong namin sa aming sarili kung ano ang gagawin namin sa napakaraming aklat na iyon. Walang anu-ano, nakita namin ang isang binata na tila hindi alam kung saan pupunta.

Nilapitan namin siya at inalok ng Aklat ni Mormon. Sumaya siya nang marinig niya kaming magsalita tungkol sa ebanghelyo. Ipinaliwanag niya na nag-iisa siya sa Paskong iyon at babasahin niya ang Aklat ni Mormon at hindi siya makadarama ng pag-iisa.

Pagkaalis niya, muli naming ginala ang kalye at nakita namin ang isang babaeng naglalakad palapit sa amin sa lamig ng gabi. Kumislap sa saya ang kanyang mga mata nang ibigay namin sa kanya ang Aklat ni Mormon. Sinabi niya na naging balo siya kamakailan at masaya siya na nagmalasakit kami sa kanya. Sinabi niya na labis-labis ang pasasalamat niya sa amin. Habang naglalakad siya palayo, nakita naming yakap niya ang aklat.

Nang gabing iyon ipinamigay namin ang lahat ng kopya ng Aklat ni Mormon na dala namin. Karamihan sa mga taong binigyan namin ay nag-iisa, balisa, at kailangang-kailangan ng pagmamahal. Umuwi kami nang gabing iyon na dama na natanggap na namin ang pinakamagandang Pamaskong regalo dahil sa kagalakang naibahagi namin sa iba.