Sa Pamamagitan ng Pag-aaral at sa Pamamagitan ng Pananampalataya
Nawa’y masumpungan ninyo ang kagalakan at kapayapaang nagmumula sa pagkaalam na sa pamamagitan ng inyong pagtuturo, naantig ninyo ang buhay ng isang tao at napasigla ninyo ang isa sa mga anak ng Ama sa Langit sa paglalakbay pabalik sa Kanyang piling.
Sa isang General Authority training meeting, ganito ang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa pagtuturo ng doktrina ng Simbahan: “Kailangang maging maingat na maingat tayo. Kailangan tayong mag-ingat na hindi tayo malihis [ng landas]. Sa pagsisikap nating maging orihinal at bago at kakaiba, maaaring makapagturo tayo ng mga bagay na hindi lubos na tugma sa mga pangunahing doktrina nitong ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. … Maging mas alerto tayo. … Maging mga bantay tayo sa tore.”1
Sa pagsulong ng edukasyon sa Simbahan sa ika-21 siglo, kailangang isipin ng ating mga tagapagturo ang anumang mga pagbabagong dapat nilang gawin sa paraan ng paghahanda nilang magturo, kung paano sila nagtuturo, at kung ano ang kanilang itinuturo kung nais nilang magtatag ng matibay na pananampalataya sa buhay ng mahal nating mga kabataan.
Lipas na ang panahon na tapat na nagtatanong ang estudyante at sumasagot ang guro ng, “Huwag mong alalahanin iyan!” Lipas na ang panahon na nagtatapat ng isang matinding problema ang estudyante at nagpapatotoo ang guro bilang sagot para maiwasan ang isyu. Lipas na ang panahon na protektado ang mga estudyante sa mga taong bumatikos sa Simbahan.
Mabuti na lang at ibinigay ng Panginoon ang napapanahon at walang-kamatayang payo na ito sa mga guro: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).
Angkop ito lalo na ngayon dahil hindi lahat ng estudyante natin ay may pananampalatayang kailangan sa pagharap sa darating na mga hamon at dahil marami sa kanila ang lantad na sa Internet sa nakasisirang mga puwersa ng napaka-sekular na mundo na kumakalaban sa pananampalataya, pamilya, at mga pamantayan ng ebanghelyo. Lumalaganap ang impluwensya ng Internet sa buong mundo sa halos lahat ng tahanan at napupunta sa mga kamay at pumapasok sa isipan ng ating mga estudyante.
Matutulungan ninyo ang mga estudyante sa pagtuturo sa kanila ng kahulugan ng pagsamahin ang pag-aaral at pananampalataya habang natututo sila. Turuan sila sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa ng kasanayan at paraang ito sa klase.
Napansin ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):
“Ipinapaalala namin sa inyo na ang pagtatamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi madaling paraan para matuto. Kailangan ng matinding pagsisikap at patuloy na pagsisikap nang may pananampalataya. …
“Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi gawaing para sa tamad na lalaki [o babae]. May nagsabi nga na ang gayong proseso ay nangangailangan ng pagsuko [sa Diyos] nang buong kaluluwa, ng pag-uugnay ng kaibuturan ng isipan ng tao sa Diyos—kailangang magkaroon ng tamang ugnayan. Sa gayon lamang matatamo ang ‘kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya.’”2
Ang kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay magbubunga ng dalisay na patotoo, at ang dalisay na patotoo ay may kapangyarihang baguhin ang buhay, tulad ng inilarawan sa sumusunod na maiikling kuwento.
Tatlong Kuwento
Iniwan ni Phoebe Carter ang kanyang tahanan sa Maine, USA, para sumama sa mga Banal sa Ohio noong 1830s. Paggunita niya: “Namangha ang mga kaibigan ko sa aking pasiya, katulad ko, ngunit may nagtulak sa akin na gawin iyon. Ang kalungkutan ng aking ina sa aking pag-alis ay halos hindi ko makayanan; at kung hindi lang dahil sa espiritu sa aking kalooban ay baka bumigay na rin ako sa huli.”3
Sinunod ni Phoebe si Propetang Joseph Smith at sumama sa mga Banal sa Ohio at kalaunan sa Utah, kung saan siya pumanaw na isang tapat na Banal sa mga Huling Araw at bilang maybahay ng Pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff (1807–98).
Noong nag-aaral siya sa kolehiyo, nagpasiya si Marion G. Romney (1897–1988) na hindi siya makapagmimisyon dahil mahirap lang sila. Gayunman, minsan ay narinig niyang nagsalita si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939). Sabi sa isang talambuhay, “Walang kamalay-malay [si Marion] na ang landas ng kanyang buhay, sa isang iglap, ay lubos na magbabago.”
Sabi pa sa kuwento: “Sa unang pagkakataon ay lubos na naunawaan ni Marion … kung ano ang [pakiramdam] ng maimpluwensyahan ng inspirasyon. Napuspos ng tumatagos at matinding damdamin ang kanyang kaluluwa. Noon lang siya … naantig nang gayon, habang nakikinig sa mga salita ng pinakabagong Apostol na ito. …
“… Sa ningning ng mukha ng Apostol at sa [kanyang] taos na patotoo, hindi niya napaglabanan ang kanyang hangaring magmisyon. … Batid niya na kailangan niyang ipagpaliban ang plano niyang magpatuloy sa pag-aaral.”4
Hindi nagtagal, nagtungo na si Marion sa Australia, kung saan siya tapat na naglingkod. Kalaunan ay naging isa siyang tapat na Apostol at miyembro ng Unang Panguluhan.
Ang huling kuwento ay mula kay Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa impluwensya ng isang matandang guro kay William E. Berrett. Ang guro, na isang convert mula sa Norway, ay di-gaanong marunong ng Ingles. Sa kabila ng mga limitasyon ng guro, paggunita ni Pangulong Packer, nagpatotoo si Brother Berrett tungkol sa kanyang guro na, “Mapapainit namin ang aming mga kamay sa alab ng kanyang pananampalataya.”5
Kalaunan, si William ay naging pinuno ng mga seminary, institute, at paaralan ng Simbahan.
Para kina Phoebe, Marion, at William, ang narinig nilang dalisay na patotoo ang nagtulak sa kanila na magbagumbuhay. Maaari ding mangyari ito sa mga tinuturuan ninyo. Gayunman, dahil sa mga nangyayari sa mundo ngayon, maaaring hindi laging sumapat ang dalisay na patotoo. Sina Phoebe, Marion, at William ay malinis at dalisay at hindi naimpluwensyahan ng pornograpiya at kamunduhan nang turuan sila ng inspiradong mga missionary, guro, at lider. Madaling naantig ng Espiritu ang kanilang malambot at dalisay na puso.
Ngayon ay ibang-iba na ang kuwento. Ang ilan sa inyong mga estudyante ay nalantad na sa pornograpiya at kamunduhan bago pa sila nakapasok sa klase ninyo.
Isang henerasyon pa lang ang nakalipas na ang access ng ating kabataan sa impormasyon ukol sa kasaysayan, doktrina, at mga kaugalian ay limitado sa mga materyal na limbag ng Simbahan. Ilang estudyante lang ang naka-access sa mga alternatibong pakahulugan. Kadalasan, masyadong protektado ang ating mga kabataan.
Ang kurikulum natin noon, bagama’t maganda ang layon, ay hindi naihanda ang mga estudyante para sa ngayon—isang panahon na may dagliang access sa halos lahat ng tungkol sa Simbahan mula sa lahat ng posibleng opinyon. Ngayon ang nakikita nila sa kanilang mga mobile device ay malamang na magpalago o humamon sa kanilang pananampalataya. Marami sa ating mga kabataan ang mas pamilyar sa Google kaysa sa ebanghelyo, mas sanay sa Internet kaysa sa inspirasyon, at mas subsob sa Facebook kaysa sa pagsampalataya.
Doctrinal Mastery
Dahil sa mga hamong ito, inaprubahan kamakailan ng Church Board of Education ang isang inisyatibo sa seminary na tinatawag na Doctrinal Mastery. Batay sa nagawa na sa Scripture Mastery, ang bagong inisyatibong ito ay nakapokus sa pagpapalago at pagpapalakas ng pananampalataya ng ating mga estudyante kay Jesucristo at pagpapaibayo ng kakayahan nilang mamuhay ayon sa ebanghelyo. Sa paghugot ng lakas mula sa mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta, matututo silang kumilos nang may pananampalataya kay Cristo upang magtamo ng espirituwal na kaalaman at pang-unawa sa Kanyang ebanghelyo. At magkakaroon sila ng mga pagkakataong matuto kung paano iangkop ang doktrina ni Cristo at mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga tanong at hamong naririnig at nakikita nila araw-araw sa mga kaedad nila at sa social media.
Ang inisyatibong ito ay inspirado at napapanahon. Kahanga-hanga ang magiging impluwensya nito sa ating kabataan. Gayunman, ang tagumpay ng Doctrinal Mastery, at ng lahat ng iba pang mga programa ng pag-aaral sa Church Educational System, ay nakasalalay nang husto sa ating mga guro.
Sa harap ng mga hamong ito, ano ang mga oportunidad at responsibilidad ng mga guro ng ebanghelyo sa ika-21 siglo? Malinaw na kailangang mahalin ninyong mga guro ang Panginoon, ang Kanyang Simbahan, at ang inyong mga estudyante. Kailangan din kayong magbahagi ng dalisay na patotoo nang taos at madalas. At, higit kailanman sa ating kasaysayan, kailangan ding mapagpala ang inyong mga estudyante sa pagkatuto sa nilalaman at konteksto ng doktrina at kasaysayan sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng pananampalataya na sinamahan ng dalisay na patotoo upang magkaroon sila ng husto at matibay na paniniwala sa ebanghelyo at habambuhay na katapatan kay Jesucristo. Ang ibig sabihin ng husto at matibay na paniniwala ay “mananatili [sila] sa bangka at kakapit nang mahigpit” habang sila ay nabubuhay.6
Para maunawaan ninyo ang nilalaman ng doktrina at kasaysayan at konteksto ng mga banal na kasulatan at ng ating kasaysayan, kailangan ninyong mag-aral mula sa “pinakamabubuting aklat,” gaya ng utos ng Panginoon (D at T 88:118). Kasama sa “pinakamabubuting aklat” ang mga banal na kasulatan, mga turo ng makabagong mga propeta at apostol, at pinakamahusay na pag-aaral sa Simbahan. Sa inyong masigasig na pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, matutulungan ninyo ang mga estudyante na matuto ng mga kasanayan at pag-uugaling kailangan para matukoy ang mapagtitiwalaang impormasyong hihikayat sa kanila at ang nakalilinlang at maling interpretasyon ng doktrina, kasaysayan, at kaugalian na magpapahina ng kanilang loob.
Turuan sila tungkol sa mga hamong haharapin nila kapag umasa sila sa Internet para sagutin ang mga tanong na walang-hanggan ang kahalagahan. Ipaalala sa kanila na hindi sinabi ni Santiago na, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, magsaliksik siya sa Google!” (tingnan sa Santiago 1:5).
Ang matatalinong tao ay hindi umaasa sa Internet para suriin at gamutin ang mga hamon sa damdamin, isipan, at kalusugan, lalo na kung nakamamatay iyon. Sa halip, naghahanap sila ng mga eksperto sa kalusugan, mga taong naturuan at lisensyado ng kilalang mga medical at state board. Gayon pa man, ang maiingat at matatalino ay humihingi ng pangalawang opinyon.
Kung iyan ang tamang paraan para masagot ang mga problema sa damdamin, isipan, at kalusugan, mas lalo itong kailangan kapag buhay na walang hanggan na ang nakataya. Kapag ang isang bagay ay maaaring maging banta sa ating espirituwal na buhay, sa napakahalagang mga ugnayan natin sa pamilya, at sa pagiging kabilang natin sa kaharian, dapat tayong maghanap ng mapagmalasakit at matatapat na lider ng Simbahan na tutulong sa atin. At, kung kailangan, dapat tayong humingi ng tulong sa mga taong may wastong pinag-aralan, karanasan, at kahusayan.
Ito mismo ang ginagawa ko kapag kailangan ko ng sagot sa sarili kong mga tanong na hindi ko masagot mismo. Humihingi ako ng tulong sa aking mga Kapatid sa Korum ng Labindalawa at sa iba na dalubhasa sa larangan ng kasaysayan at doktrina ng Simbahan.
Dapat ay kabilang ang mga guro ng ebanghelyo—bukod sa sariling pamilya ng mga estudyante—sa unang magpapakilala ng opisyal na pagkukunan ng mga paksa na maaaring hindi gaanong popular o kontrobersyal para maikumpara ng mga estudyante ang narinig o nabasa nila sa naituro na sa kanila.
Mga Espirituwal na Pagbabakuna
Nagbibigay kami ng bakuna sa mahal nating mga missionary bago sila ipadala sa misyon upang maprotektahan sila laban sa mga karamdamang maaaring makasakit o pumatay sa kanila. Sa gayunding paraan, bago ninyo isabak sa mundo ang inyong mga estudyante, bakunahan sila sa pamamagitan ng paglalaan ng tapat, pinag-isipan, at tumpak na interpretasyon ng doktrina ng ebanghelyo, ng banal na kasulatan, ng ating kasaysayan, at ng mga paksang kung minsan ay mali ang pagkaunawa.
Ang ilan sa mga paksang di-gaanong popular o kontrobersyal na sinasabi ko ay ang poligamya, mga bato ng tagakita, iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain, ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon o ng Aklat ni Abraham, mga isyu tungkol sa kasarian, lahi at priesthood, o tungkol sa Ina sa Langit.
Ang mga pagsisikap na bakunahan ang ating mga kabataan ay madalas na nakaatang sa mga guro ng Chuch Educational System. Habang nasasaisip iyon, isipin ang inyong mga oportunidad at responsibilidad.
Alam ng mga lider ng Simbahan ngayon na walang limitasyon ang ating access sa impormasyon, at sinisikap nating maglaan ng tumpak na konteksto at pag-unawa sa mga turo ng Panunumbalik. Isang magandang halimbawa ng pagsisikap na ito ang 11 sanaysay sa Gospel Topics sa LDS.org7 na naglalaan ng balanse at mapagtitiwalaang interpretasyon sa mga pangyayari tungkol sa kontrobersyal at di-pamilyar na mga paksang may kaugnayan sa Simbahan.
Mahalagang malaman ninyo ang nilalaman ng mga sanaysay na ito. Kung may mga tanong kayo tungkol dito, magtanong sa isang tao na napag-aralan na at nauunawaan ang mga ito. Sa madaling salita, “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118) habang isinasaulo ninyo ang nilalaman ng mga sanaysay na ito.
Dapat din kayong maging pamilyar sa Joseph Smith Papers website,8 sa history section ng Simbahan sa LDS.org, at sa iba pang mga sangguniang ginawa ng matatapat na LDS scholar.
Ang pagsisikap na liwanagin ang ebanghelyo at maglaan ng espirituwal na pagbabakuna sa pamamagitan ng pag-aaral ng doktrina at kasaysayan, na sinamahan ng nag-aalab na patotoo, ang pinakamahusay na panlaban natin sa pagtulong sa mga estudyante na iwasan at harapin ang mga tanong, pagdududa, o kawalan ng pananampalataya ngayong madali silang makakuha ng impormasyon.
Sa pagsisikap ninyong mga guro na mas maunawaan ang ating kasaysayan, doktrina, at mga kaugalian—nang higit kaysa ngayon—mailalaan ninyo ang pinag-isipan, maingat, at inspiradong mga sagot sa tanong ng inyong mga estudyante.
Ang isang paraan para malaman kung ano ang tanong ng inyong mga estudyante ay pakinggan sila nang husto. Lahat ng mabubuting guro ay kailangang maging mabubuting tagapakinig. Bukod sa pakikinig sa inyong mga estudyante, hikayatin silang magtanong sa inyo sa klase o nang sarilinan tungkol sa anumang paksa. Ang isa sa pinakamahahalagang maaaring itanong ng mga estudyante ay “Bakit?” Kapag itinanong nang may tapat na hangaring makaunawa, ang “Bakit?” ay isang napakagandang tanong. Iyan ang gusto ng mga missionary na itanong ng mga investigator nila. Bakit tayo narito? Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? Bakit tayo dapat manalangin? Bakit natin dapat sundin si Cristo? Kadalasan ang mga tanong na “bakit” ay humahantong sa inspirasyon at paghahayag. Ang pagkaalam sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ay makakatulong sa pagsagot ninyo sa karamihan sa mga tanong na “bakit”.
Narito ang isang huling paunawa tungkol sa pagsagot sa mga tanong. Mahalagang ituro sa inyong mga estudyante na bagama’t maraming nasasagot ang ebanghelyo, kung hindi man halos lahat, sa pinakamahahalagang tanong sa buhay, may ilang tanong na hindi masasagot sa buhay na ito dahil kulang tayo sa impormasyong kailangan para sa mga tamang sagot. Gaya ng natutuhan natin sa Jacob: “Masdan, dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon. O kayhirap tarukin ang kalaliman ng kanyang mga hiwaga; at hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan. At walang sino man ang nakaaalam ng kanyang mga pamamaraan maliban kung ipahahayag ito sa kanya” (Jacob 4:8; tingnan din sa D at T 101:32–34).
Isang Babala
Ngayon, narito ang isang babala. Unawain na maaari kayong maniwala, gaya ng marami sa inyong mga estudyante, na kayo ay eksperto sa banal na kasulatan, doktrina, at kasaysayan. Kamakailan ay inihayag sa isang pag-aaral na “kapag mas inisip ng mga tao na may alam sila tungkol sa isang paksa mas malamang na sabihin nila na nauunawaan nila ito nang higit kaysa alam nila, hanggang sa magkunwari sila na alam nila ang mga bagay na hindi totoo at gawa-gawa lamang ng tao.”9
Ang tuksong ito, na tinatawag na overclaiming, o pag-iisip na mas marami tayong alam, ay kailangang iwasan ng ating mga guro ng ebanghelyo. Okey lang na sabihing, “Hindi ko alam.” Gayunman, kapag nasabi na ito, responsibilidad ninyong humanap ng mga pinakaposibleng sagot sa tanong ng inyong mga estudyante (tingnan sa D at T 101:32–34).
Sa pagtuturo sa inyong mga estudyante at pagsagot sa kanilang mga tanong, binabalaan ko kayo na huwag magbahagi ng mga sabi-sabing nagpapalakas ng pananampalataya pero wala namang basehan o mga lipas nang pag-unawa at paliwanag tungkol sa ating doktrina at mga kaugalian noong araw. Katalinuhan palagi na ugaliing pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta at apostol; alamin ang mga isyu, patakaran, at pahayag sa Simbahan sa mormonnewsroom.org at sa LDS.org; at tingnan ang mga gawa ng kilala, mapag-isip, at tapat na mga LDS scholar para matiyak na hindi kayo nagtuturo ng mga bagay na hindi totoo, lipas na, o kakatwa at kataka-taka.
Napansin ng mga awtor ng pag-aaral tungkol sa overclaiming na “ang tendensiyang ito, lalo na ng mga taong itinuturing ang sarili na eksperto na sila, ay maaari talagang magpahina ng loob ng mga tao na turuan ang kanilang sarili sa mismong mga aspetong iyon na itinuturing nilang maalam na sila.”10
Bukod pa sa pagkatuto habambuhay, kailangan din ninyong gawin ang mga bagay na iyon para maimpluwensyahan kayo ng Banal na Espiritu. Kabilang dito ang araw-araw na panalangin, tapat na pag-aayuno, regular na pag-aaral at pagninilay sa banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, pagkalugod sa araw ng Sabbath, pakikibahagi ng sakramento nang may pagpapakumbaba at pag-alaala sa Tagapagligtas sa tuwina, pagsamba sa templo nang madalas hangga’t maaari, at, sa huli, pagtulong sa nangangailangan, maralita, at nalulumbay—kapwa sa malalapit at sa nasa lahat ng panig ng mundo.
Para maisagawa nang wasto ang inyong mga oportunidad at responsibilidad, kailangan ninyong gawin ang inyong ipinapangaral!
Magkaroon ng lakas-ng-loob na humingi ng payo at pagwawasto mula sa mga pinagkakatiwalaan ninyo—sa asawa, mga lider ng priesthood, o superbisor. Itanong kung ano ang dapat ninyong pagbutihin pa sa inyong pagiging disipulo. Iwasan ang anumang nagtataboy sa Espiritu.
At bilang dagdag, hayaang imungkahi ko na magkaroon kayo ng personal na interbyu sa inyong sarili paminsan-minsan at rebyuhin ang 2 Nephi 26:29–32, Alma 5:14–30, at Doktrina at mga Tipan 121:33–46? Ang paggawa nito ay makatutulong para matukoy ang uri ng mga tuksong makakaharap nating lahat. Kung may kailangang baguhin sa inyong buhay, magpasiyang ayusin ito.
Iwasan ang tuksong magduda sa mga motibo ng inyong mga katrabaho. Sa halip, suriing mabuti ang inyong kalooban at suriin ang inyong mga hangarin at motibo. Saka lamang mababago ng Tagapagligtas ang inyong puso at maiaayon ang inyong mga hangarin at motibo sa Kanya.
Kailangang malaman, maunawaan, tanggapin, at makibahagi ang lumalaking henerasyon sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang pagkaunawa sa plano ay magbibigay sa kanila ng banal na pananaw kung saan makikita nila ang kanilang sarili bilang mga anak ng Diyos, na nagsisilbing lente upang maunawaan halos bawat doktrina, kaugalian, at patakaran ng Simbahan.
Bilang mga guro ng ebanghelyo ngayon, kailangan ninyong tanggapin ang oportunidad at responsibilidad na ituro sa mga kabataan ng ika-21 siglo ang mga tamang alituntunin tungkol sa plano, kabilang ang banal na doktrina ng kasal at ang papel ng pamilya gaya ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak.11
Ang Doktrina ng Walang Hanggang Kasal
Ang doktrina ng walang-hanggang kasal at pamilya ay napakahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos. Kabilang dito ang sarili nating pamilyang ibinuklod sa templo bilang bahagi ng walang-hanggang pamilya ng Ama sa Langit sa kahariang selestiyal. Dahil tuwirang nauugnay ito sa Kanyang sariling pamilya at sa Kanyang mga espiritung anak, itinuro sa atin sa Genesis na “nilalang niya sila na lalake at babae” at inutusan Niya sina Amang Adan at Inang Eva na “magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa” (tingnan sa Genesis 1:27–28).
Sinasabi na ang plano ng kaligayahan ay nagsisimula at nagwawakas sa pamilya. Tunay ngang ang simula ng pamilya ay sa mundo bago pa tayo isinilang, kung saan tayo nanirahan bilang mga miyembro ng pamilya ng ating mga magulang sa langit. At sa huli, ang katapatan sa pamilya at mapagmahal na ugnayan ay hindi lamang patuloy na iiral kundi mag-iibayo sa proseso ng pagpaparami (tingnan sa D at T 131:1–4; 132:19).
Ang mahalagang elementong nag-uugnay sa lahat—na saligan ng plano ng Diyos at ng sarili nating tadhana at ng lahat ng iba pa—ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ginagawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang lahat, kabilang na ang, ngunit hindi limitado sa, mapagmahal, mapag-aruga, at walang-hanggang kasal at pamilya.
Itinuro sa atin ng Panginoon na walang taong walang asawa, gaano man siya kabuti, na magkakamit ng lahat ng inilalaan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang taong walang asawa ay kalahati lang ng buong kailangan, na hindi makakatahan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa I Mga Corinto 11:11; D at T 131:1–4).
Kailangang maunawaan ng inyong mga estudyante na ang layunin ng mortalidad ay maging higit na katulad ng Diyos sa pagtatamo ng pisikal na katawan, paggamit ng kalayaan, at pag-ako sa dati-rati’y mga tungkulin lamang ng ating mga magulang sa langit—mga papel na ginagampanan ng asawang lalaki, asawang babae, at magulang.
Tiniyak ng mga propeta na lahat ng karapat-dapat at umaasa kay Jesucristo ngunit hindi pa naibuklod sa isang kabiyak o hindi nagkaanak sa buhay na ito ay magkakaroon ng gayong mga pagkakataon sa mundong darating.
Ituro sa ating mga kabataan na sa Simbahan ng Panginoon, may puwang para sa lahat upang sumamba, maglingkod, at lumago bilang magkakapatid sa ebanghelyo. Ipaalala sa kanila ang itinuro ni Lehi—na ang mithiin at pag-asa ng Diyos para sa lahat ng Kanyang anak ay maibubuod nang ganito: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).
Nais ng Diyos na tanggapin natin ang Kanyang pakahulugan sa kasal at sundin ang Kanyang unang utos na “magpakarami, at kalatan [ang mundo]” (Genesis 1:28)—hindi lamang para isakatuparan ang Kanyang plano kundi para makasumpong din ng kagalakan na plano Niyang ibigay sa Kanyang mga anak na lalaki at babae.
Bilang mga tagapagturo sa Simbahan, tulungan natin ang ating mga kabataan na magkaroon ng malinaw na pag-unawa sa plano ng kaligayahan ng Diyos kung saan nadarama ng Kanyang mga anak ang tunay na kagalakan. Tulungan silang malaman ito, tanggapin ito, makibahagi rito, at ipagtanggol ito. Sa 40 taong karanasan ko bilang General Authority, nag-aalala ako sa malaking bilang ng mga miyembro ng ating Simbahan, na mas bata at mas matanda, na hindi nakauunawa sa plano para sa kanilang walang-hanggan at banal na tadhana.
Kaya, mga kapwa ko guro, dapat nating hanapin at lasapin ang mga pagkakataong ito na ipaliwanag, ayon sa doktrina at espiritu, kung bakit tayo naniniwala na ang kaalaman tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos ang sasagot sa karamihan ng mga tanong natin na “bakit.” Ang pagpapahayag ng paniniwala natin sa premortal na buhay kung saan tayo nanirahan bilang mga espiritung anak ng isang Ama sa Langit at ng isang Ina sa Langit ay tinutulutan tayong ipaliwanag kung bakit nilikha ang daigdig na ito. Ang isang mahalagang layon ng mortal na buhay ay para matularan natin mismo ang karanasang iyon sa pamilya, sa pagkakataong ito bilang mga magulang sa halip na bilang mga anak lamang. Pahalagahan ang inyong pagkaunawa sa doktrina at layunin ng plano ng ating Ama sa Langit para sa ating walang-hanggang kaligayahan. At patuloy itong ituro.
Katapusan
Kaya, sa pagtatapos at bilang buod, ang mga puntong ibinahagi ko sa inyo ay:
-
Ituro sa mga estudyante na samahan ng dalisay na patotoo ang pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
-
Ituro sa mga estudyante na manatili sa bangka at kumapit nang mahigpit!
-
Ituro sa mga estudyante na kontrolin ang paggamit ng kanilang mga mobile device at magpokus sa pag-ugnay sa Banal na Espiritu sa halip na sa Internet.
-
Bakunahan ang mga estudyante ng mga katotohanan ng plano ng kaligtasan na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Tandaan na ang “Bakit?” ay maaaring isang napakagandang tanong na humahantong sa pagkaunawa sa ebanghelyo.
-
Sauluhin ang nilalaman ng mga sanaysay sa Gospel Topics.
-
Huwag isiping mas marami kayong alam at huwag matakot na sabihing, “Hindi ko alam.”
-
Matuto habambuhay.
-
Humingi ng payo at pagwawasto mula sa mga taong pinagkakatiwalaan ninyo.
-
Isaisip ang pagkakaroon ng personal na interbyu paminsan-minsan para rebyuhin ang inyong espirituwal na paghahanda, sigasig, at pagiging epektibo.
-
Ituro na ang plano ng kaligayahan ay nagsisimula at nagwawakas sa pamilya. Laging isaisip ang plano ng kaligtasan.
-
Ituro na ang pag-aasawa at pamilya ay naghahatid ng walang-kupas na kagalakan.
Tandaan, kapag pinagsama-sama ang pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at dalisay na patotoo, naghahatid ito ng tunay at walang-kupas na pagbabalik-loob. Higit sa lahat, ang malakas na pananalig sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay mahalaga sa ating espirituwal na kalakasan at pag-unlad.
Nawa’y masumpungan ninyo ang kagalakan at kapayapaang nagmumula sa pagkaalam na sa pamamagitan ng inyong pagtuturo, naantig ninyo ang buhay ng isang tao at napasigla ninyo ang isa sa mga anak ng Ama sa Langit sa paglalakbay pabalik sa Kanyang piling.