Pag-aaral ng Doktrina
Kasal
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Kapag ang isang lalaki at isang babae ay ikinasal (o ibinuklod) sa templo, ang kanilang pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman.
Buod
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Ano ang kasal?
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Kapag ang isang lalaki at isang babae ay ikinasal sa templo, ang kanilang pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman. Ito ay karaniwang mithiin ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang pinakamalalaking kagalakan ay matatagpuan sa pamilya. Ang matitibay na pagsasama ng pamilya ay nangangailangan ng pagsisikap, at ang gayong pagsisikap ay naghahatid ng malaking kaligayahan sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, ang isang lalaki at isang babae ay maaaring ibuklod sa isa’t isa para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mga yaong ibinuklod sa templo ay nakatitiyak na magpapatuloy magpakailanman ang kanilang pagsasama kung tapat sila sa kanilang mga tipan. Alam nila na walang makapaghihiwalay sa kanila nang tuluyan, kahit kamatayan.
Ang tipan ng walang hanggang kasal ay kinakailangan para sa kadakilaan. Inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith: “Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas; at upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]; at kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo. Maaari siyang pumasok sa iba, subalit iyon na ang katapusan ng kanyang kaharian; hindi siya magkakaroon ng pag-unlad” (Doktrina at mga Tipan 131:1–4).
Matapos matanggap ang ordenansa ng pagbubuklod at gumawa ng mga sagradong tipan sa templo, dapat magpatuloy sa katapatan ang mag-asawa upang matanggap ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at kadakilaan. Sinabi ng Panginoon:
“Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinakda ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito; … at kung [sila] ay susunod sa aking tipan, … ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig” (Doktrina at mga Tipan 132:19).
Dapat ituring ng mga mag-asawa ang kanilang pagsasama bilang pinakamahalagang ugnayan nila sa mundo. Ang asawa ang tanging tao maliban sa Panginoon na iniutos sa atin na mahalin natin nang buong puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:22).
Ang pag-aasawa, sa tunay na diwa nito, ay pagsasama ng dalawang taong pantay sa pananagutan, na walang isa man sa kanila ang nangingibabaw, bagkus ay nanghihikayat, umaaliw, at tumutulong sa isa’t isa.
Dahil ang pagsasama ng mag-asawa ay napakahalagang ugnayan sa buhay, ito ay nangangailangan at marapat na pag-ukulan ng panahon kaysa sa mga bagay na di-gaanong mahalaga. Mapapatibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama kapag nag-ukol sila ng panahon sa pag-uusap at pakikinig sa isa’t isa, sa pagiging maalalahanin at magalang, at sa madalas na pagpapahayag ng pagsuyo at pagmamahal.
Ang mag-asawa ay dapat maging tapat sa isa’t isa at tapat sa kanilang mga tipan sa kasal sa isip, salita, at gawa. Sinabi ng Panginoon, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (Doktrina at mga Tipan 42:22). Ang pariralang “wala nang iba” ay nagtuturo na walang tao, gawain, o pag-aaring dapat ituring na mas mahalaga kaysa sa asawa.
Dapat lumayo ang mag-asawa sa anumang bagay na maaaring humantong sa pagtataksil sa anumang paraan. Ang pornograpiya, hindi nakalulugod na imahinasyon, at pakikipaglandian ay magpapahina sa espirituwalidad ng tao at wawasak sa pundasyon ng pagsasama. (Alamin kung paano pinoprotektahan at pinagagaling ng ebanghelyo ang mga pamilya mula sa mga epekto ng pornograpiya.)
Ang mag-asawa ay dapat magtulungan sa pangangasiwa ng kanilang pananalapi at sa pagbuo at pagsunod ng isang badyet. Ang matalinong pangangasiwa ng pera at hindi pagkakaroon ng utang ay nakaaambag sa kapayapaan sa tahanan.
Higit sa lahat, dapat ituon ng mag-asawa ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag ang mag-asawa ay nagtutulungan sa pagtupad ng mga tipang ginawa nila, dumadalo sa simbahan at sa templo nang magkasama, nag-aaral ng mga banal na kasulatan nang magkasama, at nananalangin nang magkasama, papatnubayan sila ng Diyos. Tatamis ang kanilang pagsasama sa paglipas ng mga taon; titibay ang kanilang pagmamahalan. Mag-iibayo ang pagpapahalaga nila sa isa’t isa.
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kasal, Pagpapakasal”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Video
Mga Video ng Tabernacle Choir
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Upholding the Doctrine of Marriage,” ChurchofJesusChrist.org
“Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagsuporta sa Asawa at Pamilya,” addictionrecovery.ChurchofJesusChrist.org
Mga Magasin ng Simbahan
Richard M. Romney, “Piliin ang Templo,” Liahona, Hulyo 2010
Irene Eubanks, “Higit na Pagpapahalaga sa Aking Asawa kaysa sa Aking Sarili,” Liahona, Enero 2008
Catherine Edwards, “Pananalig sa Takdang Panahon ng Diyos,” Liahona, Marso 2007
“Pagpapalakas sa Pamilya: Magpakarami at Kalatan ang Lupa,” Liahona, Abril 2005
“Paglalaho ng Pag-ibig … At Pagsisikap na Ibalik Ito,” Liahona, Enero 2005
“Pagpapatatag ng Pamilya: Ang Pamilya ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha,” Liahona, Disyembre 2004