Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Marangal, Masaya, Matagumpay na Pag-aasawa


Kabanata 18

Marangal, Masaya, Matagumpay na Pag-aasawa

Ang mga mag-asawa ay nagtatamasa ng matiwasay at walang hanggang ugnayan kapag nananatili silang tapat sa Panginoon at sa isa’t isa.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Bago siya matawag sa Korum ng Labindalawang Apostol, si Spencer W. Kimball ay kasosyo sa isang kumpanya ng insurance at realty sa Safford, Arizona. Naalala ng isa sa kanyang mga empleyado, si Carmen Richardson Smith, ang katapatan nina Spencer at Camilla Kimball nang mapolyo ang kanilang anak na si Edward noong mga unang taon ng 1930s:

“Ang relasyon nina Brother Kimball at ng kanyang asawa ay isang bagay na hinangaan ko nang lubos. Noong nasa California si Eddie at nagpapagamot pa, namalagi sa tabi niya si Sister Kimball at nagpunta doon si Pangulong Kimball sa kritikal na mga panahon. Habang nagpapagaling si Eddie matapos ang operasyon, umuuwi si Brother Kimball para alagaan ang ibang miyembro ng pamilya, samantalang naiiwan ang kanyang asawa para bantayan si Eddie.

“Palagay ko araw-araw siyang sumusulat kay Camilla. Hindi lamang basta liham na may 50 salita. Kung minsan kapag kapos siya sa oras, idinidikta niya sa akin ang liham, at naaalala ko pa ang nadama ko noon: halos sagradong karangalan iyon.

“Mabuti at masaya ang pagsasama nila, at malaki ang pagpapahalaga nila sa isa’t isa. Tila umiikot nang lubos ang buhay nila sa isa’t isa.”1

Ang pagmamahalan nina Spencer at Camilla Kimball, na kitang-kita na noong bata pa sila, ay lalong tumindi at lumalim habang nagkakaedad sila. Madalas na nagpapahayag ng pasasalamat si Pangulong Kimball sa samahan nilang mag-asawa: “Sa bawat pangyayari ay nasa tabi ko palagi si Camilla. Inilibing namin ang aming mga magulang at ibang mahal sa buhay, at nawalan kami ng maliliit na anak na isinilang nang wala pa sa tamang panahon. Naranasan namin ang matinding lungkot at saya. … Magkasama kaming umiyak at magkasamang nagtawanan. … Ang buhay namin ay puno ng saya sa kabila ng lahat ng malulungkot at malulubhang bagay. Kami ay nagsayaw; umawit; nag-asikaso ng mga panauhin; nagmahal at minahal. Sa isang asawang tulad ni Camilla Eyring, ang buhay ay naging kumpleto, masigla, at masagana.”2

Sa pagkakaroon ng matagal at masayang buhay may-asawa, napuna niyang: “Kailangan natin ng mabuti at mabait na asawang hindi magbibilang ng kulubot sa ating mukha, hindi tatandaan ang mga kahangalan natin ni ang ating mga kahinaan; … kailangan natin ng mapagmahal na asawa na nakasama nating nagdusa at tumangis at nanalangin at sumamba; isang taong kasama nating dumanas ng lungkot at kabiguan, isang taong nagmamahal sa atin sa kung ano tayo o nais na maging sa halip na kung ano tayo sa panlabas na kaanyuan.”3

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Ang kasal na walang hanggan ay inordena ng Diyos, at ang pamilya ay mahalaga sa plano ng Ama sa Langit para sa atin.

Ang pag-aasawa, marangal na pag-aasawa ay inordena ng Diyos. Ipinahayag niya na ang pangunahing yunit ng lipunan ay dapat ang tahanan at pamilya, at dapat mabalaan tayo na ang maling kultura ng panahon ay ang pagtalikod sa planong ito na inordena ng Diyos. …

Tila tumitindi ang pagtutol sa kasal mula sa masasamang tao ng mundo at lalong dumarami ang mga mag-asawa na hindi mag-aanak. Siyempre ang susunod na tanong ay, “Bakit magpapakasal pa?” At maiintindihan natin ang ilang dahilan kung bakit “kinokontra ang pagpapakasal.” Sinasabi nila na isang pasanin, pagkatali, responsibilidad ang mga anak. Nakumbinsi ng maraming tao ang kanilang sarili na ang edukasyon, kalayaan mula sa mga limitasyon at responsibilidad—ang siyang pinakamagandang buhay. At sa kasamaang-palad ang kahangalan at nakapipinsalang ideyang ito ang unti-unting pinaniniwalaan ng ating mga tao mismo.4

Upang malabanan at mapigilan ang masasamang itinuturo sa media at sa pelikula at sa telebisyon at sa kalye, dapat nating ituro ang kasal, wastong kasal, kasal na walang hanggan.5

Ang pangunahing dahilan sa kasal na walang hanggan ay sapagkat walang hanggan ang buhay; at ang pag-aasawa, upang makaakma sa walang hanggang mga layunin, ay dapat akma sa haba ng buhay. Ang pagkakasal na ginagawa ng mga opisyal ng batas, o ng opisyal ng Simbahan sa labas ng mga templo ay para sa buhay lamang na ito, “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan” o “hangga’t kayo ay kapwa buhay.” Natatapos ito sa kamatayan. … Ang kasal na walang hanggan ay isinasagawa ng propeta ng Panginoon o ng iilan na binigyan niya ng awtoridad. Isinasagawa ito sa mga banal na templong itinayo at inilaan para sa layuning iyon. Ang ganitong kasal lamang ang lumalampas sa libingan at naipagpapatuloy nito ang ugnayan ng mag-asawa at ng magulang at anak tungo at hanggang sa kawalang-hanggan.6

Tiyak na ang marangal, masaya, at matagumpay na pag-aasawa ang siyang pinakapangunahing mithiin ng bawat normal na tao. Ang kasal ay dinisenyo ng Panginoon upang magpatatag, magpasaya ng mga tahanan at angkan. Ang sinumang tahasang umiiwas sa pag-aasawa ay hindi lang hindi normal, kundi binibigo rin niya ang sariling buhay.

Binibigyang-katwiran ko ang salitang normal dahil nagtakda mismo ang Panginoon ng pamantayan nang pagsamahin niya sina Adan at Eva, ang unang lalaki at babaeng nilikha niya sa mundong ito, at nagsagawa ng banal na seremonya ng kasal upang maging mag-asawa sila. Magkaiba sila ng katangian, na may magkaibang papel na gagampanan. Pagkatapos na pagkatapos niyang isagawa ang seremonya, sinabi niya sa kanila: “Magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin; at magkaroon kayo ng kapangyarihan” (Gen.1:28).

Normal na magpakasal at normal at tamang magkaroon ng mga anak. Dapat naisin at planuhin ng bawat tao na magpakasal dahil iyon ang naiplano ng Diyos sa langit para sa atin. Sa ganyang paraan niya ito isinagawa.7

Ang buong plano [ng Panginoon] ay matalinong binuo upang maipadala sa mundo ang mga anak nang may pagmamahal at pag-asa sa kanilang magulang. Kung nanaig ang mga mababaw na ideya ng maraming mortal ngayon, matagal na sanang nagwakas ang daigdig, ang sangkatauhan, at lahat ng wastong bagay. …

… Sinabi ng Panginoon na upang matamo ang pinakamataas sa tatlong kalangitan o antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, “ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal];

“At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo.” (D at T 131: 2–3.)

Ito ang tamang paraan.

May ilang kalalakihang hindi makapag-asawa dahil iyon ang gusto nila. Pinagkaitan nila ng mga biyaya ang kanilang sarili. Maaaring marami ring kababaihan ang nagkakait sa kanilang sarili ng mga biyaya. May ibang hindi kailanman nakapag-asawa dahil hindi sila nagkaroon ng pagkakataon. Alam natin, siyempre pa, na maglalaan nang sapat na palugit ang Panginoon at walang taong maparurusahan sa isang bagay na wala siyang magagawa. …

Ngunit, tungkol sa pag-aasawa at papel na ginagampanan ng lalaki at babae, huwag hayaang suwayin ninuman ang Diyos. …

Taimtim akong umaasa na ang ating mga dalagita at dalaga, at mga binata at binatilyo, ay malayang iinom sa tubig ng buhay at iaayon ang kanilang buhay sa maganda at malinaw na tungkuling iniatas sa kanila ng Panginoon.

Umaasa ako na hindi natin tatangkaing perpektuhin ang planong perpekto na, kundi hangarin ng ating buong kapangyarihan, isipan, at lakas na perpektuhin ang ating sarili sa malinaw na planong ibinigay sa atin. Dahil ang ilan sa ati’y nabigo, tunay na di makatarungang isisi iyon sa plano. Kontrolin natin ang ating mga pag-uugali, aktibidad, ang buong buhay natin, nang tayo’y maging tagapagmana sa sagana at napakaraming biyayang ipinangako sa atin.8

Ang kasal na walang hanggan ay nangangailangan ng mabuting paghahanda.

Ang pag-aasawa marahil ang pinakamahalaga sa lahat ng desisyon at may pinakamalalaking epekto, dahil may kinalaman ito hindi lamang sa panandaliang kaligayahan, kundi sa kagalakang walang hanggan. Naaapektuhan nito hindi lamang ang magasawa, kundi pati ang kanilang pamilya at lalung-lalo na ang kanilang mga anak at mga anak ng kanilang mga anak sa paglipas ng maraming henerasyon.

Sa pagpili ng makakasama sa buhay na ito at sa walang hanggan walang alinlangang kailangang gawin ang pinakamabuting pagpaplano at pag-iisip at pagdarasal at pag-aayuno upang matiyak na sa lahat ng desisyon, hindi dapat magkamali sa isang ito. Sa tunay na pag-aasawa kailangang may pagkakaisa ng isip at maging ng puso. Hindi lamang nakabatay sa emosyon ang desisyon, kundi ang isip at puso na pinalalakas ng pag-aayuno at pagdarasal at seryosong pag-iisip, ang magbibigay sa isang tao ng pinakamalaking pagkakataon na lumigaya sa buhay may-asawa. Kasama rito ang sakripisyo, pagbabahagi, at kailangang magparaya nang lubos. …

… Ang “dalawang taong tugmang-tugma sa isa’t isa” ay kathang-isip at ilusyon lamang; at bagama’t buong sigasig at panalanging sikapin ng bawat binata at dalaga na makatagpo ng mapapangasawa na lubos na makakasundo at maganda, tiyak na halos kahit sinong mabuting lalaki at babae ay magiging maligaya at matagumpay sa pag-aasawa kung kapwa sila handang magsakripisyo. …

Dapat matanto ng dalawang ikakasal na upang lumigaya sa buhay may-asawa na inaasam nila, kailangang maunawaan nila na ang kasal ay hindi solusyon sa lahat ng problema, kundi ang ibig sabihin nito ay sakripisyo, pagbibigayan, at pagkabawas ng ilang pansariling kalayaan. Ito’y nangangahulugan ng mahaba, mahirap na pamumuhay. Ito’y nangangahulugan ng mga anak na magdudulot ng mga pasaning pinansyal, mahirap na pagsisilbi, mga pag-aaruga at pag-aalala; ngunit nangangahulugan din ito ng pinakamalalim at pinakamatamis na damdamin sa lahat.9

Ang pagpapaliban sa pag-aasawa … ay hindi lubusang katanggap-tanggap. Dapat planuhin ng lahat ng normal na tao ang kanilang buhay at isama ang tamang pagpapakasal sa templo sa kanilang kasibulan at magpakarami at magkapamilya hangga’t di pa katandaan.10

Ang mga kabataang iyon na nagpaplano na makasal sa templo ay nakabuo na ng huwarang susundin na kanilang sasang-ayunan sa pagpaplano nila ng napiling katuwang sa sandaling matagpuan nila ito. Bago pa man sila ikasal sa banal na lugar, magkasama na nilang pinaplano ang kanilang buhay, at ipagpapatuloy ang prosesong ito bilang mag-asawa sa kanilang pag-uusap upang ituon ang kanilang landas sa masaya, matagumpay at espirituwal na buhay tungo sa kadakilaan sa kaharian ng Diyos.11

Maglilibot ang sinuman sa inyo sa buong mundo para sa ordenansa ng pagbubuklod kung alam ninyo ang kahalagahan nito, kung natatanto ninyo kung gaano kadakila ito. Hindi makahahadlang sa inyo ang layo, kakulangan ng pera, at sitwasyon, sa pagpapakasal sa banal na templo ng Panginoon.12

May bagong diwa sa Sion kapag sinabi ng mga kabataang babae sa kanilang mga kasintahan, “Kung hindi ka makakakuha ng rekomend sa templo, hindi ko itatali ang sarili ko sa iyo, maski dito lang sa mundo.” At sasabihin ng mga binatang misyonerong galing sa misyon sa kanilang mga kasintahan, “Ipagpaumanhin mo, kahit mahal na mahal kita, hindi ako magpapakasal sa labas ng banal na templo.” …

… Nagtataka tayo na sa kabila ng mga pagpapala at pangakong ito, hindi pa rin nagpapakasal nang wasto ang mga tao at bunga nito ay sinasayang ang kanilang buhay sa isang nagyeyelong kagubatan na hindi na kailanman matutunaw. Bakit naiisip pa ng sinumang kabataan na magpakasal sa labas ng templo at ilagay sa panganib ang mga kaluwalhatiang matatamo?13

Maaaring sundin ng mga mag-asawa ang subok nang mabisang pormula upang magkasama nilang mahanap ang kaligayahan.

Halos lahat ng buhay may-asawa ay magiging maganda, matiwasay, masaya, at walang hanggan kung magpapasiya ang dalawang taong pangunahing sangkot na dapat, kailangan, at mangyayari ito.14

Ang pagsasagawa lamang ng seremonya ay hindi nagdudulot ng kaligayahan at matagumpay na buhay may-asawa. Hindi nagmumula ang kaligayahan sa pagpindot sa buton, tulad sa ilawang de-kuryente; ang kaligayahan ay nasa isipan at nagmumula sa kalooban. Dapat itong pagsikapan. Hindi ito nabibili ng salapi; hindi ito nakakamtan nang walang kapalit.

Iniisip ng ilan na ang kaligayahan ay marangyang pamumuhay, na puno ng ginhawa, yaman, at saya tuwina; ngunit ang tunay na buhay may-asawa ay batay sa kaligayahang higit pa rito, yaong nagmumula sa pagbibigayan, paglilingkod, pagbabahagi, pagsasakripisyo, at pagpaparaya.

Di magtatagal matapos ang seremonya, matatanto ng dalawang taong magkaiba ang pinagmulan na dapat nilang harapin ang malinaw na katotohanan. Wala na ang buhay ng pag-iilusyon o pagkukunwari; dapat na tayong lumabas mula sa mga ulap at ituntong nang matatag ang ating mga paa sa lupa. Dapat nang gawin ang responsibilidad at tanggapin ang mga bagong tungkulin. Dapat nang limitahan ang ilang pansariling kalayaan, at gawin ang maraming pakikibagay, mapagparayang pakikibagay.

Di magtatagal matapos ang kasal matatanto ng isang tao na may mga kahinaan ang asawa na hindi naihayag o natuklasan noon. Ang magagandang katangiang kitang-kita noong panahon ng pagsusuyuan ay hindi na gaanong napapansin ngayon, at ang mga kahinaang napakaliit at wala namang epekto noon ay lumalaki at damang-dama na ngayon. Dumating na ang panahon para sa maunawaing puso, para sa mas mataas na pagpapahalaga sa sarili, at para sa mabuting pag-iisip, pagbibigay-katwiran, at pagpaplano. …

May isang subok nang mabisang pormula na makagagarantiya sa masaya at walang hanggang kasal ng bawat mag-asawa; ngunit tulad ng lahat ng pormula, hindi dapat isaisantabi, bawasan o limitahan ang pangunahing mga sangkap. Ang pagpili bago manligaw at ang patuloy na pagsusuyuan matapos ang kasal ay parehong mahalaga, ngunit hindi hihigit ang kahalagahan sa mismong pagsasama, na ang tagumpay ay nakasalalay sa dalawang tao—hindi sa isa, kundi sa dalawa.

Sa pag-aasawang nagsimula at nakasalig sa mga makatwirang pamantayan …, walang pinagsanib na kapangyarihang makawawasak nito maliban sa kapangyarihang nasa isa o sa magasawa mismo; at kailangan nilang akuin ang pananagutan sa lahat ng ito. Maaaring makaimpluwensya sa mabuti o masama ang ibang tao at ahensya. Maaaring makaimpluwensya ang kalagayan sa pera, lipunan, pulitika, at iba pa; ngunit ang pagsasama ay nakasalalay unang-una sa mag-asawa na laging magagawang matagumpay at masaya ang kanilang pagsasama kung sila ay determinado, mapagparaya, at matwid.

Simple lang ang pormula; kaunti ang mga sangkap, bagama’t marami ang maidaragdag sa bawat isa.

Una, kailangan ang tamang saloobin sa pag-aasawa, kung saan pinag-isipan ang pagpili ng mapapangasawa na hangga’t maaari’y halos perpekto na ito sa lahat ng bagay na mahalaga sa bawat isa sa kanila. At pagkatapos kailangang dumulog sa altar ng templo ang dalawang taong iyon na natatantong kailangang magsikap silang mabuti tungo sa matagumpay na pamumuhay nang magkasama.

Ikalawa, kailangan ang lubos na pagpaparaya, paglimot sa sarili at pangangasiwa sa buhay-pamilya at sa lahat ng bagay na may kinalaman dito para sa kabutihan ng pamilya, at supilin ang sarili.

Ikatlo, kailangan ang patuloy na pagsusuyuan at pagpapadama ng pagmamahal, kabaitan, at konsiderasyon sa isa’t isa upang mapanatiling masigla at matindi ang pagmamahalan.

Ikaapat, kailangan ang ganap na pamumuhay ng mga kautusan ng Panginoon tulad ng nakasaad sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Kung pagsasama-samahing mabuti ang mga sangkap na ito at patuloy na gagawin, parang imposibleng dumating ang kalungkutan, magpatuloy ang di pagkakaunawaan, o maganap ang paghihiwalay. Maghahanap na ng ibang trabaho ang mga abogadong humahawak sa mga kaso ng diborsyo at magsasara na ang mga korteng dumirinig ng kaso ng diborsyo.15

Ang pagpaparaya at pagsunod sa mga kautusan ay humahantong sa matagumpay na pag-aasawa.

Dapat matanto ng mga magkasintahan bago sila magpakasal na dapat literal at ganap na tanggapin ng bawat isa na ang kapakanan ng bagong pamilya ang dapat laging unahin kaysa kapakanan ng sinuman sa mag-asawa. Dapat alisin ng bawat isa ang “ako” at ang “akin” at palitan ng … “tayo” at “atin.” Kailangang isiping mabuti sa bawat desisyon na may dalawa o higit pang maaapektuhan. Sa paggawa ng babae ng malalaking desisyon ngayon, aalalahanin na niya ang magiging epekto nito sa mga magulang, mga anak, tahanan, at sa kanilang espirituwal na buhay. Ang pagpili ng lalaki na trabaho, ang kanyang pakikihalubilo sa mga tao, mga kaibigan, bawat hilig niya ay dapat na ngayong isipin nang may pag-unawa na siya ay bahagi lamang ng isang pamilya, na ang kapakanan ng buong grupo ang dapat isaalang-alang.16

Para maging maayos ang pagsasama ng dalawang tao, kailangan nila ng badyet, na ginawa mismo ng mag-asawa, at sunding mabuti ang badyet na iyon. Maraming mag-asawa ang nagkakaproblema sa pera kapag bumili nang wala sa takdang panahon. Alalahaning ang pag-aasawa ay pagiging magkatuwang at malamang na hindi magtagumpay kung hindi gagawin iyon.17

Ang buhay may-asawa ay maaaring hindi laging matiwasay at walang problema, ngunit maaari pa ring maging lubos na payapa ito. Maaaring dumanas ang mag-asawa ng kahirapan, sakit, kalungkutan, kabiguan, at maging kamatayan sa pamilya, ngunit maging ang mga ito ay hindi magkakait sa kanila ng kapayapaan. Magiging matagumpay ang kanilang pagsasama hangga’t walang kasakimang sangkot dito. Ang kaguluhan at problema ay maglalapit sa mga magulang tungo sa di matitinag na pagsasama kung may ganap na pagpaparaya roon. …

Ang pag-ibig ay parang bulaklak, at, tulad ng katawan, kailangang pakainin ito palagi. Hindi magtatagal manghihina at mamamatay ang katawang mortal kung hindi pakakainin nang palagian. Hindi magtatagal malalanta at mamamatay ang bagong sibol na bulaklak kung walang pagkain at tubig. At gayundin hindi maaasahang tatagal magpakailanman ang pag-ibig kung hindi ito patuloy na pangangalagaan ng mga aspeto ng pagmamahal, ng pagpapakita ng pagpapahalaga at paghanga, ng pagpapahayag ng pasasalamat, at mapagparayang pagsasaalang-alang.

Ang ganap na pagpaparaya ay tiyak na katuparan ng isa pang aspeto sa matagumpay na pagsasama ng mag-asawa. Kung ang hangarin sa tuwina ng isang tao ay ang interes, ginhawa, at kaligayahan ng asawa, ang pag-ibig na nadama sa pagsusuyuan at binigkis ng kasal ay lalago nang lubusan. Maraming mag-asawa ang hinahayaang humina ang kanilang pagsasama at manlamig ang kanilang pagmamahal na tulad ng lumang tinapay o laos na biro o malamig na sarsa. Walang alinlangan na ang pagkaing napakahalaga sa pag-ibig ay konsiderasyon, kabaitan, pagkamaalalahin, pagpapakita ng pagmamahal, mga yakap ng pagpapahalaga, paghanga, pagmamalaki, pagsasamahan, pagtitiwala, katapatan, pagtutuwang, pagkakapantay, at pag-asa sa isa’t isa.

Upang tunay na maging masaya sa pag-aasawa, kailangan ang matapat na pagsunod ng isang tao sa mga kautusan ng Panginoon. Walang sinuman, may-asawa man o wala, na tunay na maligaya maliban kung siya ay matwid. May mga pansamantalang kasiyahan at pakunwaring saya sa ngayon, ngunit ang palagian at ganap na kaligayahan ay darating lamang sa pamamagitan ng kalinisan at pagiging marapat. …

… Kung mahal ng dalawang tao ang Panginoon nang higit sa sariling buhay at pagkatapos ay mahal nila ang isa’t isa nang higit sa sariling buhay, magkasamang nagsisikap na ganap na nakaayon sa programa ng ebanghelyo bilang kanilang pangunahing batayan, tiyak na mapapasakanila ang malaking kaligayahang ito. Kapag ang mag-asawa ay madalas magpunta sa banal na templo, magkasamang nagdarasal nang nakaluhod kasama ang pamilya sa kanilang tahanan, magkahawak-kamay na dumadalo sa kanilang mga miting sa simbahan, pinananatiling ganap na malinis ang buhay—ang isipan at katawan—nang sa gayon ang kanilang buong pag-iisip at hangarin at pagmamahal ay nakatuong lahat sa nilalang na iyon, na kanilang asawa, at kapwa nagsisikap na itaguyod ang kaharian ng Diyos, kung gayon nasa sukdulan na ang kaligayahan.18

Kailangan sa pag-aasawa ang ganap na pagpisan at ganap na katapatan.

May mga may-asawa na tumitingin-tingin pa at nagkakagusto sa ibang tao, iniisip na hindi naman masama na makipagharutan nang kaunti, na hatiin ang kanilang damdamin at gustuhin ang isang tao bukod sa kanilang asawa. Malinaw na sinabi ng Panginoon: “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba.” (D at T 42:22.)

At, kapag sinabi ng Panginoon na buo ninyong puso, hindi puwede rito ang pagbabahagi ni paghahati ni pagkakait. At sa kababaihan ang ibig sabihin nito’y: “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba.”

Ang mga salitang wala nang iba ay nag-aalis sa sinuman at anuman. Kung gayon ang asawa ang siyang nagiging pangunahin sa buhay ng mag-asawa, at ni ang kasiyahan sa pakikihalubilo sa iba, ni pagtatrabaho, ni pulitika o anupamang ibang interes o tao o bagay ay hindi dapat mauna sa asawa. Kung minsan nakakakita tayo ng kababaihan na masyadong abala at laging nakatuon ang pansin sa mga anak at kinalilimutan na ang asawa, at kung minsan pa nga’y inilalayo ang mga ito sa kanya.

Ang sabi ng Panginoon sa kanila: “Pumisan sa kanya at wala nang iba.”19

Kadalasan, patuloy pa ring nakapisan ang mga tao sa kanilang ina at ama at mga kaibigan. Kung minsan ayaw pang bitawan ng mga ina ang impluwensya nila sa kanilang mga anak. Ang mga mag-asawa ay bumabalik sa kanilang ina at ama para humingi ng mungkahi at payo at magpahayag ng saloobin, gayong dapat na ang pagpisan sa lahat ng bagay ay sa maybahay na, at lahat ng maseselang bagay ay dapat panatilihing lihim at hindi ibunyag sa iba.20

Kailangan sa pag-aasawa ang ganap na pagpisan at ganap na katapatan. Inaangkin ng bawat mag-asawa ang isa’t isa nang may pagkaunawang ibibigay niya nang lubos sa asawa ang buong puso, lakas, katapatan, dangal, at pagmamahal nang may ganap na dignidad. Anumang paglihis dito ay kasalanan; anumang damdamin para sa iba ay paglabag. Tulad ng dapat tayong magkaroon ng “matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos,” gayundin naman na dapat na ang ating mata, tainga, puso ay nakatuon sa pagsasama at asawa at pamilya.21

Sumasamo ako sa lahat ng nabibigkis sa mga pangako at tipan ng kasal, na gawing banal ang kasal na iyon, panatilihing sariwa ito, at buong katapatan at madalas na ipadamang mabuti ang pagmamahal.

Mga lalaki, magsiuwi—taglay ang katawan, espiritu, isipan, katapatan, interes, at pagmamahal—at mahalin ang inyong asawa sa isang banal at di natitinag na ugnayan.

Mga babae, magsiuwing taglay ang lahat ng inyong interes, katapatan, pagnanais, at pagmamahal—magkasamang sikaping gawing makalangit ang inyong tahanan. Sa gayo’y malulugod nang labis ang inyong Panginoon at Guro at makatitiyak kayo na sukdulan ang inyong magiging kaligayahan.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Sa inyong palagay, ano ang ilang katibayan na ang pag-aasawa ay marangal? masaya? matagumpay? Alin sa mga katibayang ito ang nakita sa pakikitungo ni Pangulong Kimball sa asawa niyang si Camilla? (Tingnan sa mga pahina 226–228.).

  • Rebyuhin ang bahagi na nagsisimula sa pahina 228. Ano ang ilan sa mga impluwensya sa daigdig ngayon na itinuturing ninyong tutol sa pagpapakasal? Ano ang mga epekto ng gayong mga pag-atake? Ano ang magagawa natin para malabanan at mapigilan ang mga ito, lalo na sa ating mga tahanan?

  • Alin sa mga turo ni Pangulong Kimball tungkol sa paghahanda para sa kasal na walang hanggan ang lubos na hinangaan ninyo at bakit? (Tingnan sa mga pahina 231–233.). Alin sa mga turo ang makatutulong sa mga may-asawa na?

  • Binanggit ni Pangulong Kimball ang “subok nang mabisang pormula” sa buhay may-asawa (mga pahina 234–235). Kung nawawala ang isa sa mga sangkap, paano maaapektuhan ang pagsasama ng mag-asawa?

  • Itinuro ni Pangulong Kimball na dapat “pumisan” ang magasawa sa isa’t isa at wala ng iba (mga pahina 237–239.) Ano ang magagawa ng mag-asawa upang matiyak na hindi makasasagabal sa kanilang relasyon ang mga gawain at interes nila sa labas?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Genesis 2:18, 21–24; I Mga Taga Corinto 11:11; Mga Taga Efeso 5:22–25; D at T 132:7–21

Mga Tala

  1. Sa “President Spencer W. Kimball: On the Occasion of His 80th Birthday,” Ensign, Mar. 1975, 6, 8.

  2. Sa Caroline Eyring Miner at Edward L. Kimball, Camilla: A Biography of Camilla Eyring Kimball (1980), viii.

  3. The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball (1982), 310.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1979, 5–6, 7; o Ensign, Mayo 1979, 6.

  5. “Marriage Is Honorable,” sa Speeches of the Year, 1973 (1974), 266.

  6. The Miracle of Forgiveness (1969), 243.

  7. “The Importance of Celestial Marriage,” Ensign, Okt. 1979, 5.

  8. “The Lord’s Plan for Men and Women,” Ensign, Okt, 1975, 4–5.

  9. “Oneness in Marriage,” Ensign, Mar. 1977, 3, 4.

  10. Sa Conference Report, Stockholm Sweden Area Conference 1974, 10.

  11. The Miracle of Forgiveness, 249.

  12. Ensign, Okt. 1979, 4–5.

  13. “The Marriage Decision,” Ensign, Peb. 1975, 6.

  14. “Marriage Is Honorable,” 257.

  15. Ensign, Mar. 1977, 3, 4.

  16. Ensign, Mar. 1977, 4.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1975, 6; o Ensign, Nob. 1975, 6.

  18. Ensign, Mar. 1977, 4, 5.

  19. Faith Precedes the Miracle (1972), 142–43.

  20. Ensign, Mar. 1977, 5.

  21. Faith Precedes the Miracles, 143.

  22. Faith Precedes the Miracle, 148.

President and Sister Kimball at piano

“Sa bawat pangyayari ay laging nasa tabi ko si Camilla.”

couple talking

“Halos sinumang mabuting lalaki at babae ay magkakaroon ng kaligayahan at matagumpay na pag-aasawa kung kapwa sila handang magsakripisyo.”