Kabanata 7
Personal na Patotoo
Ang tiyak na kaalaman ng katotohanan ng ebanghelyo ay nagbibigay-daan sa mga dakilang gantimpala at di-masambit na galak.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong 1947 tumanggap ng isang liham si Elder Spencer W. Kimball mula sa anak niyang si Andrew, na nasa full-time mission. Isinulat ni Andrew: “Sinabi ko sa isang tao … na alam ko ang katotohanan ng sinabi ko sa kanya, at sinabi kong pinatotohanan ito sa akin ng Espiritu Santo. … Nang pag-isipan ko ito kalaunan medyo nag-alala ako kung bakit ko iyon ginawa.” Dahil sa pag-aalala sabi niya, “Maingat kong iniwasang magpatotoo kaninuman nang higit pa sa pagsasabing ‘Nadarama ko, naniniwala ako, atbp.’ ”
Sinagot ni Elder Kimball ang liham ng kanyang anak. “Palagay ko naiintindihan ko ang nadama mo,” wika niya, “dahil naranasan ko rin iyan sa misyon ko. Gusto kong maging tapat sa sarili ko at sa programa at sa Panginoon. Sandali kong piniling mabuti ang aking sasabihin sa pagsisikap na hikayatin ang iba nang hindi talagang tiyak at malinaw na sinasabing alam ko. Medyo nag-alangan din ako tungkol dito, dahil noong sundin ko at gampanan ang tungkulin ko nadama ko ang Espiritu. Gusto kong sabihin talaga ang tunay kong nadama, na batid ko, pero hindi ako umimik. Nang malapit na akong magbigay ng tiyak na pahayag, natakot ako subalit nang lubos akong sumunod at nabigyan ng inspirasyon, ginusto kong magpatotoo. Akala ko naging tapat ako, napakatapat, pero naisip kong niloloko ko lang ang sarili ko. …
“Walang duda, nang magpatotoo ka sa investigator mo na ALAM mong ito ay totoo, labis na nagsisikap ang Panginoon na ihayag sa iyo ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nang mapasaiyo ang Espiritu at sumunod ka at ipinagtanggol ang ebanghelyo, lubusan mo itong nadama, pero nang ‘mawala ang Espiritu’ sa iyo at magsimula kang mangatwiran at magduda sa sarili mo, gusto mong bawiin ang sinabi mo. …
“Wala akong duda sa patotoo mo. Tiyak ko na ikaw (kagaya ko) ay may napakaraming mahahalagang hibla ng patotoo sa buo mong pagkatao na naghihintay lamang na kunin ng kamay ng Dalubhasang Tagahabi upang buuin at gawing perpekto. Ngayon anak ko, sundin mo ang payo ko at HUWAG PATAYIN ANG NINGAS NG ESPIRITU, kundi tuwing bubulong ang Espiritu, sundin ang mga banal na panghihikayat nito. Manatiling espirituwal at makinig sa mga panghihikayat at kapag nagkainspirasyon ka matapang na ipahayag ang iyong nadama. Palalakasin ng Panginoon ang iyong patotoo at maaantig ang mga puso. Sana ay malaman mo na hindi ako namimintas, kundi gusto ko lang makatulong. …
“Hindi ko mawawakasan ang sulat ko sa iyo nang hindi nagpapatotoo. Alam ko na ito ay totoo—na si Jesus ang Maylikha at Manunubos, na ang Ebanghelyong itinuturo natin at ng ating 3,000 misyonero ay ipinanumbalik at inihayag sa pamamagitan ng tunay na Propeta, si Joseph Smith, at ito ay sa Diyos, at inialay ko na ang buhay ko sa ‘pangangaral ng kaharian.’ Matapang ko [nang naipahayag] ang aking patotoo … at paulit-ulit ko itong pinagtitibay. Tiyak ko na gayon din ang iyong patotoo maliban marahil sa mahahalagang hiblang kailangan lamang mahubog nang ganap at mabilis itong maisasagawa sa iyong gawaing misyonero kapag sinunod mo ang iyong nadarama at pinanaig ito sa iyong isipan.
“Nawa ay tulungan ka ng Diyos na magtamo ng magandang patotoo mula sa iyong karanasan at inspirasyon at nawa sa pagiibayo ng iyong lakas tuwina ay patuloy mong … ipamuhay at ituro ang walang-hanggang katotohanan.”1
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Bawat isa sa atin ay maaaring tumanggap ng patotoo—isang paghahayag mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Tinanong ng Tagapagligtas si Pedro, “Datapuwa’t ano ang sabi ninyo kung sino ako?” At sabi ni Pedro, alang-alang sa iba pa niyang mga kapatid na Apostol, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” Napakahalaga ng sumunod na sinabi ng Tagapagligtas. Sabi niya, “Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mat. 16:13–17).
Sino ang naghayag ng nakakagulat na katotohanang ito sa kanya? Ang ating Ama sa Langit. Paano niya ito ginawa? Sa paghahayag. Ang mahalagang kaalaman na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos, ang Tagapagligtas, ay hindi nanggaling kaninuman o saanmang aklat o kolehiyo. Tuwiran itong natanggap ni Pedro mula sa ating Ama sa Langit sa tulong ng Espiritu Santo. …
…Bawat kaluluwa sa mundong ito ay maaaring tumanggap ng paghahayag, na katulad ng kay Pedro. Ang paghahayag na iyon ay magiging patotoo, isang kaalaman na buhay si Cristo, na si Jesucristo ang Manunubos ng mundong ito. Bawat kaluluwa ay makatitiyak dito, at kapag natamo niya ang patotoong ito, ito ay nanggaling sa Diyos at hindi lamang sa pag-aaral. Mahalagang elemento ang pag-aaral, siyempre, pero kailangan itong lakipan ng labis na pagdarasal at pagsisikap, at saka darating ang paghahayag na ito.
Kapag alam ng bawat isa sa inyo na si Jesus ay hindi lamang isang dalubhasa sa pilosopiya kundi tunay na Anak ng Diyos, na dumating siya sa mundo sa paraang sinabi natin, at nilisan ang mundo para sa layuning sinabi natin—kapag natiyak ninyo ito, at alam ninyo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at na ito ang banal na Simbahang itinatag ni Jesucristo, kung gayon ay nakatanggap kayo ng paghahayag.2
May mga taong ipinagyayabang ang kanilang talino, na akala ay maipaliliwanag nila ang mga misteryo, ngunit hindi nila mailalarawan o maipaliliwanag o mauunawaan ng kanilang diwa o pag-iisip ang mga bagay na espirituwal kailanman. Mauunawaan lamang ang mga bagay na espirituwal sa pamamagitan ng Espiritu. Dapat itong manggaling sa puso at doon matatagpuan ang patotoo.3
Ang tiyak na kaalaman tungkol sa espirituwal ay nagbibigaydaan sa mga dakilang gantimpala at di-masambit na galak. Ang pagbabalewala sa patotoo ay pangangapa sa pusikit na kadiliman, at paglantad sa mga mapanganib na daan. Dapat kaawaan ang taong iyon na lumalakad pa rin sa kadiliman sa tanghaling-tapat, na nadarapa sa mga balakid na maaari namang alisin, at nananatili sa kawalang-katiyakan at pag-aalinlangan samantalang maiiwasan naman ito. Ang espirituwal na kaalaman sa katotohanan ang ilaw na nagbibigay liwanag sa silid; ang hangin at araw na humahawi sa ulap; ang kapangyarihang nag-aalis sa mga balakid sa daan.4
Ang patotoo ay natatamo at napapatatag sa matitinding pagpupunyagi.
Ang patotoo ay personal na paghahayag—isa sa mahahalagang kaloob—at matatamasa ng bawat taong gagawin ang nararapat para matamo ito.5
Maganda ang tanong ng milyun-milyon mula nang banggitin ito ni Joseph Smith: Paano ko malalaman kung alin sa lahat ng organisasyon, kung mayroon man, ang tunay, banal, at kinikilala ng Panginoon?
Naibigay na niya ang susi. Maaari mo nang malaman. Hindi mo na kailangang magduda. … Ang kailangang gawin ay: magaral, mag-isip, magdasal, at kumilos. Paghahayag ang susi. Ipaaalam ito sa inyo ng Diyos sa sandaling isinuko ninyo ang inyong sarili at nagpakumbaba at nakinig. Kapag naiwaksi na ninyo ang buong kayabangan sa inyong isipan, tinanggap sa harapan ng Diyos ang inyong pagkalito, napigil ang inyong pagkamakasarili, at isinuko ang inyong sarili sa turo ng Banal na Espiritu, handa na kayong matuto.6
Maaari tayong magkaroon ng positibong katiyakan sa katotohanan ng katauhan ng Diyos; ang tuluy-tuloy na aktibong buhay ng Cristo, na hiwalay ngunit kagaya ng kanyang Ama; ang makalangit na pagpapanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith at ng iba pang mga propeta ng organisasyon at mga doktrina ng simbahan ng Diyos sa lupa; at ang kapangyarihan ng banal at makapangyarihang priesthood na bigay sa tao sa pamamagitan ng mga paghahayag mula sa Diyos. Ang lahat ng ito ay maaaring malaman ng bawat responsableng tao tulad ng tiyak na kaalamang sumisikat ang araw. Ang pagkabigong makamit ang kaalamang ito ay pag-amin na hindi ginawa ng isang tao ang nararapat. Gaya ng mga digri sa pag-aaral, natatamo ito sa matitinding pagpupunyagi. Natatanggap ito ng kaluluwang nalinis dahil sa pagsisisi at sa mga ordenansa kung hinahangad at sinisikap niyang makamit ito, masusing nag-iimbestiga, nag-aaral, at tapat na nagdarasal.7
Ipinahayag ng Manunubos:
“Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.
“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito ay sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” (Juan 7:16–17.)
Ano ang ibig sabihin ng malaman ang doktrina? Ito ay matatag na katiyakan. Naghandog ng mahalagang gantimpala ang Panginoon ngunit makakamit lamang ito sa pagtugon sa ilang hinihingi. Sa pagkakataong ito ang ipinangakong pagpapala ay kaalaman ng kabanalan ng doktrina. At sa pagkakataong ito ang batas o hinihingi sa isang tao ay “sundin ang kanyang kalooban.”…
…Hindi maghahatid ng patotoo ang simpleng pagtanggap ng mga doktrina; hindi maghahatid ng katiyakan ang wala-sa-loob na pagsunod sa ebanghelyo, kundi ang lubos na pagsisikap na ipamuhay ang kanyang mga utos.
Madalas natin itong makita sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan. May nagsabi sa akin sa stake na binisita ko, “Lagi kong iniiwasan ang pulong-patotoo. Hindi ko masikmura ang sentimental at madamdaming mga pagpapahayag ng ilang tao. Hindi ko matanggap ang mga doktrinang ito maliban kung mapatunayan ko ang bawat hakbang sa matalino at makatwirang paraan.” Alam ko ang ganitong klaseng tao dahil may kilala akong katulad niya. Kahit kailan hindi nila lubos na ipinamuhay ang mga utos: kakaunti o walang ikapung ibinibigay, paminsan-minsan lang dumalo sa mga miting, maraming pintas sa mga doktrina, organisasyon, at mga lider, at alam na alam natin kung bakit wala silang patotoo. Tandaan ang sinabi ng Panginoon:
“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10).
Bigo ang mga taong iyon na “gawin ang sinabi niya,” kaya siyempre, wala silang pangako. …
…Hindi bulag na katapatan kundi tapat na pagsunod at pagpihit ng mga susi ang nagbubukas sa kamalig ng espirituwal na kaalaman. Hindi namimili ang Panginoon sa kanyang mga anak kundi nalulugod na angkinin at biyayaan tayong lahat, kung tutulutan natin siya.8
Ano ang gagawin ninyo sa inyong patotoo? Hahasain ba ninyo ito gaya ng kutsilyong pinanghihiwa ng karne ng ating mga ina? Hahayaan ba ninyo itong pumurol at mangalawang? … Medyo katulad ito ng rosas. Di lang ito maulanan; di lang ito madiligan kahit sandali at ano ang nangyayari sa rosas ninyo? Namamatay ito. Namamatay ang patotoo ninyo. Namamatay ang pagmamahal ninyo. Lahat ay kailangang pakainin. Pinakakain ninyo ang inyong katawan tatlong beses isang araw. Sabi ng Panginoon panatilihin ang inyong patotoo, pasiglahin ang inyong espiritu, kailangan ninyo itong pakainin araw-araw. … Kaya niya sinasabing magdasal gabi’t araw. Kaya niya sinasabing patuloy na magdasal para manatili kayong nakaugnay [sa Panginoon].9
Kailangan nating makilahok sa mga pulong-patotoo.
Kasama ang mga pulong-patotoo sa pinakamaiinam na miting sa [Simbahan] sa buong buwan, kung taglay ninyo ang espiritu. Kung naiinip ka sa pulong-patotoo, ikaw ang may problema, at hindi ang ibang tao. Maaari kayong tumayo at magpatotoo at isiping ito ang pinakamainam na miting sa buong buwan; pero kung uupo lang kayo at magbibilang ng mga mali sa pagsasalita at pagtatawanan ang taong hindi makapagsalita nang maayos, maiinip nga kayo. … Tandaan ninyo iyan! Kailangan ninyong pagsikapan na magkaroon ng patotoo. Kailangan ninyong patuloy na pagsikapan iyan!
Sabi ng Panginoon sa ika-60 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, “Sa iba ako ay hindi lubos na nalulugod, sapagkat hindi nila binubuksan ang kanilang mga bibig” (D at T 60:2). Ano ang ibig niyang sabihin? Sabi niya kung hindi nila ito ginagamit, mawawala ang ibinigay niya sa kanila. Nawawalan sila ng inspirasyon. Nawawala ang kanilang patotoo. At ang napakahalagang bagay na ito na nakamtan ninyo ay mawawala sa buhay ninyo.
Buwan-buwan ay pinupulong ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang lahat ng General Authority sa templo. Nagpapatotoo sila at nagsasabihan kung gaano nila kamahal ang isa’t isa na gaya ninyong lahat. Bakit kailangan ng mga General Authority ang pulong-patotoo? Kapareho rin ng pangangailangan ninyo sa pulong-patotoo. Akala ba ninyo ay tatagal kayo nang tatlo, at anim, at siyam, at labindalawang buwan nang hindi nagpapatotoo at mapanatili pa rin itong malakas? …
Alam ninyo na malaking bagay ang patotoong ito, napakahalagang bagay. Sinumang pastor o pari ay makababanggit mula sa banal na kasulatan at makapagkukuwento. Ngunit hindi lahat ng pari o pastor ay makakapagpatotoo. Huwag kayong paupo-upo lang diyan sa pulong-ayuno at dayain ang inyong sarili at sabihing, “Palagay ko hindi ako magpapatotoo ngayon. Hindi yata makatarungan iyon sa iba pang mga miyembrong ito dahil napakarami kong naging oportunidad.” Magpatotoo kayo. At sapat na ang isang minuto para magpatotoo.
May patotoo kayo! Kailangan itong patatagin at pasiglahin at palaguin, siyempre; at iyan nga ang ginagawa ninyo. Tuwing magpapatotoo kayo lumalakas ito.10
Ang mga patotoo ay ipinapahayag sa mga salitang simple ngunit makapangyarihan.
“Alam kong ito ay totoo.” Hindi dahil bilyun-bilyong beses nang sinambit ng milyun-milyong tao ang ilang salitang iyon ay wala na itong saysay. Hinding-hindi ito maluluma. Naaawa ako sa mga taong pilit itong ipinapahayag sa ibang mga kataga, dahil walang katulad ang mga katagang “alam ko.” Walang mga katagang nagpapahayag ng marurubdob na damdaming mula sa puso na katulad ng “alam ko.”11
Takot na takot gumamit ng karaniwang mga salita ang ilang mabubuting miyembro natin kaya pilit nilang tinatalakay ang ibang bagay para maiwasang ipahayag ang kanilang patotoo. Huwag mag-alala sa kasimplehan ng patotoo. Kapag nagpapatotoo ang Pangulo ng Simbahan, sinasabi niyang, “Alam ko na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos, isang banal na kinatawan. Alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.” Kita na ninyo, iyon din ang sinasabi ninyong lahat. Ganyan ang isang patotoo. Hinding-hindi ito naluluma, hinding-hindi nalalaos! Sabihing madalas sa Panginoon kung gaano ninyo siya kamahal.
Ang patotoo ay hindi isang payo; ang patotoo ay hindi isang sermon (walang sinuman sa inyo ang naroon para payuhan ang iba); hindi ito isang kuwento ng paglalakbay. Naroon kayo para ipahayag ang sarili ninyong patotoo. Kamangha-mangha ang masasabi ninyo sa 60 segundong patotoo, o 120, o 240, o ilang minuto man ang ibigay sa inyo, kung puro patotoo lang ang sasabihin ninyo. Gusto naming malaman ang inyong nadarama. Talaga bang mahal ninyo ang gawain? Maligaya ba kayo sa inyong gawain? Mahal ba ninyo ang Panginoon? Nagagalak ba kayong maging miyembro ng Simbahan?12
Sabihin lang ninyo ang inyong nadarama. Ganyan ang patotoo. Kapag nagsimula kayong mangaral sa iba, natatapos ang inyong patotoo. Sabihin lang ninyo sa amin ang inyong nadarama, ang sinasabi ng puso’t isipan ninyo at ng bawat himaymay ng inyong katawan.13
Dahil lubos kong nalalaman na sa likas na takbo ng mga pangyayari, di magtatagal at dapat akong humarap sa Panginoon at isulit ang mga sinabi ko, idaragdag ko ngayon ang personal at taimtim kong patotoo na nagpakita ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang nagbangong Panginoong Jesucristo sa batang si Joseph Smith. Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay pagsasalin ng sinaunang talaan ng mga bansang minsan ay nanirahan sa western hemisphere, kung saan umunlad sila at naging makapangyarihan nang sundin nila ang mga utos ng Diyos, ngunit winasak ng kakila-kilabot na mga digmaang sibil nang malimutan nila ang Diyos. Ang aklat na ito ay nagpapatotoo sa buhay na katotohanan ng Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan.
Pinatototohanan ko na ang banal na priesthood, kapwa ang Aaronic at Melchizedek, na may awtoridad na kumilos sa ngalan ng Diyos, ay ipinanumbalik sa lupa ni Juan Bautista, at nina Pedro, Santiago, at Juan; na ang iba pang mga susi at awtoridad ay sumunod na ipinanumbalik; at ang kapangyarihan at awtoridad ng iba’t ibang mga banal na kaloob ay nasa atin ngayon. Taimtim kong pinatototohanan ang mga bagay na ito sa lahat ng nakakarinig sa akin. Ipinangangako ko sa ngalan ng Panginoon na lahat ng nakikinig sa ating mensahe, at tumatanggap at ipinamumuhay ang ebanghelyo, ay lalago ang pananampalataya at pang-unawa. Higit na mapapayapa ang kanilang buhay at tahanan at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ay sasambitin ang mga kataga ring iyon ng patotoo at katotohanan.14
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Rebyuhin ang liham ni Elder Spencer W. Kimball sa kanyang anak na si Andrew (mga pahina 86–87), na tinatandaan ang paghahambing ng patotoo sa isang tapiserya. Anong mga karanasan at damdamin ang bumubuo sa inyong pansariling “mahahalagang hibla ng patotoo”? Pag-isipan kung ano ang nagawa ng Panginoon para tulungan kayong mahubog nang lubusan ang mga hibla ng inyong patotoo.
-
Sa palagay ninyo paano nakatulong kay Andrew Kimball ang natanggap na liham mula sa kanyang ama? Ano ang mga oportunidad ng mga magulang para makapagpatotoo sa kanilang mga anak? Paano natin matutulungan ang mga kabataan na matanggap at maunawaan ang mga espirituwal na panghihikayat na humahantong sa patotoo?
-
Rebyuhin sandali ang mga pahina 88–94, na naghahanap ng mga salita at katagang ginamit ni Pangulong Kimball para ilarawan ang mga pagsisikap nating matamo at mapalakas ang ating patotoo. Kung nadarama ng isang tao na nanghihina ang kanyang patotoo, ano ang magagawa niya?
-
Pag-aralan ang payo ni Pangulong Kimball tungkol sa mga pagaayuno at pulong-patotoo (mga pahina 92–93). Sa palagay ninyo bakit tayo may ganitong mga miting? Bakit lumalakas ang ating patotoo kapag ibinabahagi natin ito? Ano ang magagawa natin para matiyak na magiging isa sa pinakamaiinam na miting ng buwan ang pulong-patotoo para sa atin?
-
Rebyuhin ang payo ni Pangulong Kimball kung paano tayo dapat magpatotoo (mga pahina 94–95). Bakit napakamakapangyarihan ng mga katagang “alam ko”?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 12:3; I Ni Pedro 3:15; Alma 5:45–46; Moroni 10:4–7; D at T 42:61; 62:3