Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Di-makasariling Paglilingkod


Kabanata 8

Di-makasariling Paglilingkod

Kapag kinalilimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba, nakasusumpong tayo ng higit na espirituwalidad at kaligayahan.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Hinimok ni Pangulong Spencer W. Kimball ang mga Banal sa mga Huling Araw na gumawa ng “mga simpleng paglilingkod” na magpapala sa buhay nila at ng iba.1 Siya mismo ay madalas magkaroon ng mga oportunidad na makapaglingkod, tulad ng nasa sumusunod na salaysay:

“Isang kabataang ina na nasa magdamagang biyahe kasama ang isang dalawang taong gulang na anak na babae ang nabinbin sa paliparan sa Chicago dahil sa kasamaan ng panahon na walang pagkain, o malinis na damit para sa bata at walang salapi. Siya ay buntis … at nanganganib na makunan, kaya’t siya ay tinagubilinan ng doktor na huwag buhatin ang bata maliban kung ito ay kinakailangan. Oras-oras siyang nagpalipat-lipat sa mga pila, nagsisikap na makakuha ng biyaheng patungong Michigan. Maingay ang paliparan, puno ng mga pagod, bigo, at maiinit [ang] ulong mga pasahero, at nakarinig siya ng mga pamimintas tungkol sa umiiyak niyang anak at sa kanyang pagtulak nang pausad sa bata sa sahig sa pamamagitan ng kanyang paa habang gumagalaw ang linya nang pasulong. Walang sinumang nag-alok ng tulong para sa basang-basa, gutom, at patang-patang bata.

“Pagkatapos, iniulat na sinabi ng babae na, ‘May isang taong lumapit sa amin at may mabait na ngiting sinabing, “Mayroon ba akong maitutulong sa iyo?” May buntong-hininga ng pasasalamat na tinanggap ko ang kanyang alok. Binuhat niya ang umiiyak kong anak mula sa malamig na sahig at buong pagmamahal na niyakap habang marahang tinatapik-tapik ang likod. Itinanong niya kung maaari itong ngumuya ng babolgam. Nang mapanatag na ang bata, binuhat niya ito at magiliw na sinabi sa ilang nakapila sa dakong unahan, na nangangailangan ako ng tulong nila. Tila sumang-ayon sila at pagkatapos ay pumunta siya sa bilihan ng tiket [sa unahan ng pila] at nakipag-ayos sa kawani na mailagay ako sa eroplanong lilipad sa [lalong] madaling panahon. Lumakad kami patungo sa isang bangko, kung saan nag-usap kami sandali, hanggang matiyak niyang maayos na ako. Lumakad na siya. Makalipas ang isang linggo ay nakakita ako ng larawan ni Apostol Spencer W. Kimball at nakilala siya bilang ang di-kilalang tao sa paliparan.’ ”2

Pagkaraan ng ilang taon, natanggap ni Pangulong Kimball ang liham na may nakasaad na:

“Mahal na Pangulong Kimball:

“Isa akong mag-aaral sa Pamantasan ng Brigham Young. Kararating ko lamang mula sa aking misyon sa Munich, Kanlurang Alemanya. Maganda ang aking misyon at marami akong natutuhan. …

“Nakaupo ako sa pulong [ng priesthood] noong isang linggo, nang isalaysay ang isang kuwento tungkol sa mapagmahal na paglilingkod na inyong ginampanan may 21 taon na ang nakalilipas sa paliparan ng Chicago. Sinabi sa kuwento kung paano ninyo nakilala ang batang inang buntis na may isang batang nagsusumigaw, sa … pagkabagabag, sa paghihintay sa mahabang pila para sa kanyang mga tiket. Siya ay nanganganib na makunan kaya’t hindi niya mabuhat ang anak niya upang aliwin ito. Apat na ulit na siyang nakunan, na nagbigay ng karagdagang dahilan upang ipagbawal ng doktor ang pagyuko o pagbubuhat.

“Inaliw ninyo ang batang umiiyak at ipinaliwanag ang suliranin sa ibang mga pasahero na nasa pila. Ang gawang ito ng pagibig ay nakapawi sa pag-aalala at paghihirap ng aking ina. Ipinanganak ako pagkaraan ng ilang buwan sa Flint, Michigan.

“Ibig ko po lamang pasalamatan kayo sa inyong pagmamahal. Salamat po sa inyong halimbawa!”3

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Dapat nating sundin ang halimbawa ng di-makasariling paglilingkod ng Tagapagligtas.

Inialay [ng Tagapagligtas] ang kanyang sarili para sa kanyang mga alagad. … Alam niya ang tamang gagawin tuwina at tinugunan ang mga tunay at totoong pangangailangan ng mga pinaglingkuran niya.4

Inuna niya ang mga pangangailangan ng iba kaysa sa sarili niya at nagministeryo sa iba nang higit sa tawag ng tungkulin, walang pagod, buong pagmamahal, mabisa. Napakaraming problema sa mundo ngayon ang nagmumula sa kasakiman at pagkamakasarili na napakaraming malulupit na hiling sa buhay at sa iba upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.5

Kapag higit nating naunawaan ang tunay na nangyari sa buhay ni Jesus ng Nazaret sa Getsemani at sa Kalbaryo, higit nating mauunawaan ang kahalagahan ng sakripisyo at pagiging di-makasarili sa ating buhay.6

Kung susundin natin ang mga yapak [ng Tagapagligtas], makapamumuhay tayo sa pananampalataya sa halip na matakot. Kung makababahagi tayo sa kanyang pananaw tungkol sa mga tao, mamahalin natin sila, paglilingkuran, at tutulungan—sa halip na mabahala at matakot sa iba.7

Madalas tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan ng iba sa pamamagitan ng maliliit nating paglilingkod.

Kailangan nating tulungan ang mga hangad nating paglingkuran para malaman nila mismo na hindi lang sila mahal ng Diyos, kundi lagi silang inaalala at ang kanilang mga pangangailangan. …

Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Samakatuwid, lubhang mahalaga na paglingkuran natin ang bawat isa sa kaharian. Kailangan ng mga miyembro ng Simbahan ang lakas, suporta, at pamumuno ng bawat isa sa komunidad ng mga nananalig bilang isang grupo ng mga disipulo. Sa Doktrina at mga Tipan ay nababasa natin ang tungkol sa kung gaano kahalaga na “… tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.” (D at T 81:5.) Napakadalas na ang ating paglilingkod ay mga karaniwang paghihikayat o pagbibigay ng mga karaniwang tulong sa mga karaniwang gawain, ngunit anong mga maluwalhating bunga ang nagmumula sa mga karaniwang kilos at mula sa maliliit ngunit mga kusang gawa! …

Kung tutuon tayo sa mga simpleng alituntunin at paglilingkod, makikita natin na kapagdaka ay nawawalan ng kabuluhan ang mga hangganan ng organisasyon. Noong araw, napakadalas maging balakid ang mga hangganan ng organisasyon sa Simbahan kaya hindi natin matulungan nang husto ang mga tao. Matutuklasan din natin habang unti-unting nawawala ang paghahangad nating mapuri tayo o ang organisasyon na higit nating aalalahaning paglingkuran ang taong dapat nating tulungan. Makikita rin natin na hindi na natin gaanong inaalala na makilala tayo sa ating organisasyon at higit na inaalala natin ang ating totoo at orihinal na pagkatao bilang anak ng ating Ama sa Langit at maipadama sa iba na sila man ay kabilang din.8

Dapat nating gamitin ang ating mga talento at kakayahan sa paglilingkod sa iba.

Hindi dapat maging lubhang abala ang sinuman sa atin sa mga pormal nating tungkulin sa Simbahan na wala nang puwang para sa simpleng paglilingkod sa ating kapwa bilang Kristiyano.9

Madali tayong makaakma sa mga nakatatag nang programa, gumawa ng mga bagay na ipinagagawa sa atin, mag-ukol ng ilang oras, kumanta at magdasal nang napakaraming beses, pero alalahaning sinabi ng Panginoon na tamad ang tagapaglingkod na kailangan pang pilitin sa lahat ng bagay [tingnan sa D at T 58:26.].10

“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan.” (D at T 58:27.)

Lahat ng lalaki ay binigyan ng mga natatanging kapangyarihan at sa ilang limitasyon ay dapat linangin ang mga kapangyarihang iyon, gamitin ang sarili nilang imahinasyon, at hindi maging gaya-gaya. Dapat nilang linangin ang sarili nilang mga talento at kakayahan at kapasidad sa abot-kaya nila at gamitin ito upang itatag ang kaharian.11

Malaki ang pananagutan ng miyembro ng Simbahan na may ugaling ipabahala sa iba ang kanyang gawain. Maraming nagsasabi: “Gawain ng Simbahan ang ginagawa ng asawa ko!” Sabi naman ng iba: “Hindi lang ako relihiyoso talaga,” na para bang madali lang sa karamihan ang maglingkod at gampanan ang kanilang tungkulin. Ngunit pinagkalooban tayo ng Diyos ng mga talento at oras, ng mga tagong kakayahan at oportunidad na gamitin at linangin ang mga ito sa paglilingkod sa kanya. Samakatuwid ay malaki ang inaasahan niya sa atin, na mapapalad niyang anak.12

Sa kuwento ng puno ng igos na ayaw mamunga (tingnan sa Mat. 21:19) isinumpa ang puno dahil ayaw nitong mamunga. Kaylaking kawalan sa tao at sangkatauhan kung hindi yumabong ang ubasan, hindi namunga ang puno, hindi umunlad ang kaluluwa sa pamamagitan ng paglilingkod! Ang tao ay dapat mabuhay, hindi lang umiral; dapat siyang gumawa, hindi paikut-ikot lang; dapat siyang umunlad, hindi tatahi-tahimik lang. Dapat nating gamitin ang ating mga talento alang-alang sa ating kapwa, sa halip na itago ito dahil sa pagkamakasarili.13

Maaaring magtaka ang ilang nagmamasid kung bakit natin inaalala ang mga simpleng bagay na tulad ng paglilingkod sa iba sa isang mundong naliligiran ng malalaking problema. Gayunman, ang isa sa mga kabutihan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinauunawa nito sa atin ang tungkol sa mga tao sa planetang ito, pati na tayo, para makita natin ang mga bagay na talagang mahalaga at maiwasan nating lubhang masangkot sa napakaraming di-gaanong mahalagang bagay na nag-aagawan sa pansin ng sangkatauhan. …

Papayuhan ko kayo na kapag pumili kayo ng mga layong paguukulan ninyo ng oras at mga talento at yaman sa paglilingkod sa iba, tiyaking piliin ang mabubuting layunin. Napakarami sa mga layong ito na ganap at malaya ninyong maibibigay ang inyong sarili at magdudulot ng malaking galak at kaligayahan sa inyo at sa mga pinaglilingkuran ninyo. May iba pang manakanakang mga layon na mukhang mas uso at pupurihin ng mundo, pero karaniwan ay likas itong higit na makasarili. Ang mga huling layong ito ay tila galing sa tinatawag sa mga banal na kasulatan na “mga utos ng tao” [Mateo 15:9] sa halip na mga utos ng Diyos. May magagandang katangian at pakinabang ang gayong mga layon, pero hindi sila singhalaga ng mga layuning nagmula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.14

Uunlad ang mga kabataan dahil sa mga oportunidad na maglingkod nang makabuluhan.

Hindi tayo dapat matakot na hilinging maglingkod ang ating mga kabataan sa kanilang kapwa o magsakripisyo para sa kaharian. May angking ideyalismo ang mga kabataan natin, at hindi natin kailangang matakot na manawagan sa ideyalismong iyon kapag pinaglilingkod natin sila.15

Sa nababasa nating kapabayaan at krimen, … at sa napapansin natin na maraming batang lalaki’t babae ang sangkot dito, tinatanong natin sa sarili, ano ang dahilan at mga lunas? Napag-alaman sa isang karampatang pagsisiyasat na hangad ng karamihan sa mga kabataan ang magkaroon ng responsibilidad at magtagumpay rito.

“Ano ang magagawa namin?” tanong [ng mga kabataan]. …

Mamili, magtrabaho sa ospital, tumulong sa mga kapitbahay …, maghugas ng pinggan, magwalis ng sahig, mag-ayos ng kama, maghanda ng mga pagkain, mag-aral manahi.

Magbasa ng magagandang aklat, magkumpuni ng muwebles, gumawa ng isang bagay na kailangan sa bahay, maglinis ng bahay, mamalantsa, magkalaykay ng mga tuyong dahon, magpala ng niyebe.16

Nag-aalala tayo … sa ating pangangailangang patuloy na maglaan ng makabuluhang mga oportunidad para mas bumait ang ating mga kabataang lalaki sa paglilingkod. Hindi karaniwan sa mga binatilyo ang maging di-aktibo sa Simbahan dahil sa napakaraming makabuluhang bagay na ipinagagawa sa kanila. Walang kabataang lalaking talagang nasaksihan mismo na nakakaimpluwensya ang ebanghelyo sa buhay ng mga tao ang tatalikod sa mga tungkulin niya sa kaharian at iiwanan itong hindi tapos.17

Sana ay maagang makaugalian sa buhay ng mga kabataang babae ng Simbahan ang paglilingkod bilang Kristiyano. Kapag tinutulungan natin ang ibang tao sa mga problema nila, nagbabago ang pananaw natin sa ating mga problema. Hinihikayat namin ang kababaihan ng Simbahan—bata’t matanda—na maging “sabik sa paggawa” [D at T 58:27] sa mga simpleng paglilingkod sa mga kaibigan at kapitbahay. Bawat alituntunin ng ebanghelyo ay may hatid na sariling patunay na ito ay totoo. Kaya nga natutulungan ng paglilingkod hindi lamang ang mga nakikinabang dito, kundi pati na ang naglingkod.18

Ang di-makasariling paglilingkod ay nag-aakay sa atin sa kasaganaan.

Ang paglilingkod sa iba ay nagpapatatag at nagpapatamis sa buhay na ito habang naghahanda tayong mabuhay sa mas mainam na daigdig. Sa paglilingkod tayo natututong maglingkod. Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, hindi lang nakakatulong sa kanila ang ating ginawa, kundi nagbabago rin ang pananaw natin sa sarili nating mga problema. Kapag higit nating inalala ang iba, mababawasan ang oras natin sa pag-aalala sa ating sarili! Sa gitna ng himala ng paglilingkod, nangako si Jesus na kapag nilimot natin ang ating sarili, nasusumpungan natin ito! [Tingnan sa Mateo 10:39.]

Hindi lang natin “nasusumpungan” ang ating sarili kapag kinilala natin ang banal na patnubay sa ating buhay, kundi kapag higit nating pinaglingkuran ang ating kapwa sa mga angkop na paraan, nagiging mas makabuluhan ang ating kaluluwa. Higit tayong nagkakaroon ng halaga sa paglilingkod sa iba. Nagiging mas makabuluhan tayo sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling “masumpungan” ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman! …

…Ang masaganang buhay na nakasaad sa mga banal na kasulatan [tingnan sa Juan 10:10] ang espirituwal na kabuuan ng maraming paglilingkod natin sa iba at sa paggamit ng ating mga talento sa paglilingkod sa Diyos at sa tao. Sabi ni Jesus, maaalala ninyo, na sa unang dalawang utos nauuwi ang lahat ng batas at mga propeta, at kailangan sa dalawang utos na iyon ang pagkakaroon ng pagmamahal natin sa Diyos, sa sarili, sa ating kapwa, at sa lahat ng tao [tingnan sa Mateo 22:36–40]. Walang tunay na kasaganaan sa buhay na hindi nauugnay sa pagsunod at pagtupad sa dalawang dakilang kautusang iyon.

Maliban kung ilapit tayo ng ating pamumuhay sa ating Ama sa Langit at sa ating kapwa, magiging hungkag ang buhay natin. Natatakot akong makita, halimbawa, kung paanong ang pamumuhay ng napakaraming tao sa mundo ngayon ay nagwawalay sa kanila sa pamilya at mga kaibigan at kabarkada tungo sa walang katuturang paghahangad ng kasiyahan o materyalismo. Napakadalas maisantabi ang katapatan sa pamilya, sa komunidad, at sa bansa para sa iba pang mga hangaring inaakalang magpapaligaya samantalang, ang totoo, kasakiman ang madalas na hangad ng kaduda-dudang kasiyahang dagling lumilipas. Isa sa mga pagkakaiba ng tunay na kagalakan at ng simpleng kasiyahan ay yaong kasiyahan na natatamo lang ng isang tao kapag nasasaktan ang iba. Ang kagalakan, sa kabilang dako, ay nagmumula sa pagiging di-makasarili at paglilingkod, at kapaki-pakinabang sa halip na makasakit sa iba.19

May kilala akong lalaki na walang inisip kundi sarili lang niya at kapakanan niya sa buong 75 taon. … Hinangad niyang iukol sa sarili ang kanyang buhay, at tipunin ang lahat ng magagandang bagay sa buhay para sa sarili niyang pag-unlad at kasiyahan. Ang nakakapagtaka, sa pagsisikap na magawa iyon, … nanliit siya, nawalan ng mga kaibigan, at nilayuan ng sarili niyang pamilya.

At ngayon, habang unti-unti siyang pinapanawan ng buhay, natagpuan niyang siya ay nag-iisa, pinabayaan, naghihinanakit, at di pansin; at kahit naaawa sa sarili, sarili pa rin niya ang iniisip niya. Hinangad niyang iukol na lang sa sarili ang kanyang oras, mga talento, at kabuhayan. Nawala sa kanya ang masaganang buhay.

Sa kabilang banda, may kilala akong isa pang lalaki na kailanman ay hindi inisip ang sarili. Lagi niyang hangad ang kaligtasan at kasiyahan ng mga nasa paligid niya. Walang mabigat na gawain, walang malaking sakripisyong hindi niya gagawin para sa kanyang kapwa. Ang kabuhayan niya ay nagpaginhawa sa pisikal na pagdurusa; ang kabaitan at pagkamaalalahanin niya ay umaliw at nagpasaya at nagpalakas ng loob. Saanman may mga taong naghihirap, nariyan siya, pinasisigla ang walang pag-asa, inililibing ang patay, inaalo ang namatayan, at pinatutunayang siya ay kaibigan sa oras ng pangangailangan. Ang kanyang oras, kabuhayan, at lakas ay bukas-palad niyang ibinigay sa mga nangangailangan. Sa bukas-palad na pagtulong niya, naragdagan ang kanyang talino, kalusugan, at moralidad at hanggang ngayong tumatanda na siya ay impluwensya pa rin siya sa kabutihan, isang halimbawa at inspirasyon sa marami. Umunlad siya at lumago hanggang sa siya ay purihin, mahalin, at pasalamatan sa lahat ng dako. Nagbigay siya ng buhay at sa tunay na paraan ay talagang nakasumpong ng masaganang buhay.20

Habang hinahasa [ng sitwasyon] ang kaibahan sa pagitan ng mga pamamaraan ng daigdig at mga pamamaraan ng Diyos, higit pang susubukin ang pananampalataya ng mga kasapi ng Simbahan. Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin ay ang ipahayag ang ating mga patotoo sa pamamagitan ng paglilingkod, na, sa kabilang dako, ay lilikha ng espirituwal na pag-unlad, mas matinding pangako, at higit na kakayahang sundin ang mga utos. …

May malaking kaligtasan sa espirituwalidad, at hindi tayo magiging espirituwal nang hindi naglilingkod!21

Kung hangad natin ay tunay na kaligayahan, dapat nating ubusin ang ating lakas sa mga layuning higit kaysa sarili nating kapakanan. Taimtim nating ipagdasal kung paano natin epektibo at mapagmahal na mapaglilingkuran ang ating pamilya, kapitbahay, at kapwa Banal.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Rebyuhin ang kuwento sa mga pahina 97–99. Pag-isipan ang mga epekto ng simpleng pagpapakita ng kabaitan ni Pangulong Kimball. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng kanyang paglilingkod?

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang paraan ng paglilingkod ng Tagapagligtas sa iba? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 99–100.) Ano ang magagawa natin para masunod ang Kanyang halimbawa?

  • Basahin ang ikaapat na talata sa pahina 100. Kailan natugunan ng Diyos ang inyong mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao? Ano ang magagawa natin upang maging handang tugunan ang mga pangangailangan ng iba?

  • Rebyuhin sandali ang mga pahina 101–102, na hinahanap ang mga balakid na hahadlang sa ating di-makasariling paglilingkod. Paano natin madaraig ang mga balakid na ito?

  • Itinuro ni Pangulong Kimball na kailangan ng mga kabataan ng mga oportunidad na maglingkod (mga pahina 103–104). Bakit kaya? Ano ang magagawa ng mga magulang at lider ng Simbahan upang mabigyan ang mga kabataan ng makabuluhang mga oportunidad na maglingkod?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “kasaganaan sa buhay”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa pahina 104–106.) Bakit humahantong sa masaganang buhay ang di-makasariling paglilingkod?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 25:40; Santiago 1:27; Mosias 2:17; 4:14–16; D at T 88:123

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Small Acts of Service,” Ensign, Dis. 1974, 7.

  2. Edward L. Kimball at Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball (1977), 334.

  3. Sa “Do Ye Even So to Them,” ni Gordon B. Hinckley, Ensign, Dis. 1991, 5.

  4. Seminar ng mga kinatawan ng rehiyon, Mar. 30, 1979, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 3.

  5. “Jesus: The Perfect Leader,” Ensign, Ago. 1979, 6.

  6. “The Abundant Life,” Ensign, Hulyo 1978, 7.

  7. Ensign, Hulyo 1978, 5–6.

  8. Ensign, Dis. 1974, 4, 5, 7.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1976, 71; o Ensign, Mayo 1976, 47.

  10. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 257.

  11. “How to Evaluate Your Performance,” Improvement Era, Okt. 1969, 16.

  12. The Miracle of Forgiveness (1969), 100.

  13. “President Kimball Speaks Out on Service to Others,” New Era, Mar. 1981, 49.

  14. Ensign, Hulyo 1978, 4, 5.

  15. “President Kimball Speaks Out on Being a Missionary,” New Era, Mayo 1981, 48.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1963, 38–39; o Improvement Era, Dis. 1963, 1073.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1976, 68–69; o Ensign, Mayo 1976, 45.

  18. “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 104.

  19. Ensign, Hulyo 1978, 3, 4.

  20. The Teachings of Spencer W. Kimball, 250–51.

  21. Ensign, Dis. 1974, 5.

  22. “Seek Learning, Even by Study and Also by Faith,” Ensign, Set. 1983, 6.

President Kimball holding child

Malawak ang mga epekto ng simpleng pagpapakita ng kabutihan ni Pangulong Kimball sa paliparan ng Chicago.

boy washing window

“Hindi tayo dapat matakot na hilinging maglingkod ang ating mga kabataan sa kanilang kapwa o magsakripisyo para sa kaharian.”