Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: Mga Pastol ng Kawan


Kabanata 23

Mga Pastol ng Kawan

May kaligtasan sa pagsang-ayon at pagsunod sa propeta at iba pang mga lider ng Simbahan.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Madalas ituro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kahalagahan ng pagsang-ayon sa lokal at pangkalahatang mga lider ng Simbahan. Sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1978, ginunita niya ang damdamin niya noong kanyang kabataan ukol sa bawat taong naglingkod bilang kanyang bishop: “Palagi kaming may mabuting bishop. Mahal namin siya. Sina Bishop Zundel at Bishop Moody at Bishop Tyler at Bishop Wilkins. Mahal ko lahat ang aking mga bishop. Umaasa akong minamahal din ng lahat ng kabataang lalaki ang kanilang mga bishop tulad ng ginawa ko.”1

Sa isa pang pananalita sinabi niya: “Naalala ko noong papunta ako sa tabernakulong ito [ang Salt Lake Tabernacle] noong bata pa ako mula sa Arizona, kasama ang aking ama para dumalo sa pangkalahatang kumperensya. Masaya kong pinakikinggan ang lahat ng mga Kapatid na nagsasalita. … Tuwang-tuwa ako sa kanilang mga sinasabi at pinakinggang mabuti ang kanilang mga babala, kahit na ako’y binatilyo pa lamang noon. Ang mga taong ito ay kabilang sa mga propeta ng Diyos, tulad ng mga propeta sa Aklat ni Mormon at Biblia.”2

Madalas magpasalamat si Pangulong Kimball sa mga miyembro dahil sa kahandaan nilang sang-ayunan siya at ang iba pang mga lider ng Simbahan: “Saanman ako pumunta, may malaking pagpapadama ng pagmamahal at kabaitan, at dahil dito ako’y mapagpakumbabang nagpapasalamat. Ito’y manna sa aking kaluluwa. Itinataguyod ako ng inyong panalangin at pagmamahal. Dinidinig ng Panginoon ang inyong mga panalangin at pinagkakalooban ako at ang mga Kapatid ng kalusugan at lakas at pinapatnubayan kami sa mga gawain ng kanyang kaharian dito sa lupa. Dahil dito lahat kami ay lubos na nagpapasalamat.”3 Binanggit din niya ang pagmamahal na nadarama niya at ng iba pang lider ng Simbahan sa mga Banal: “Mahal namin kayo at hangad ang lubos ninyong pag-unlad at kagalakan at kaligayahan, na nalalaman naming mangyayari lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang mga propeta at lider.”4

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Pinangangasiwaan ng Panginoon ang Kanyang Sinbahan sa pamamagitan ng mga lider na banal ang pagkahirang.

Ang Panginoon at Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo mismo, ang tumatayong pinuno ng Simbahang ito sa lahat ng kanyang kamaharlikahan at kaluwalhatian. Pinangangasiwaan niya ang kanyang mga gawain sa pamamagitan ng kanyang hinirang at sinang-ayunang mga propeta at apostol.5

Ang mga gawain ng Simbahan ni Jesucristo ay pinangangasiwaan ng Panguluhan ng Simbahan at ng Labindalawang Apostol, kasama ang maraming iba pang tumutulong na mga General Authority at sa pamamagitan din ng mga pangulo ng stake at misyon at mga bishop. Ang mga kalalakihang ito ay mga pastol ng kawan. Inilagay ng Panginoon ang mga kalalakihang ito para pangasiwaan ang kanyang kaharian dito sa lupa, at sa kanila’y ibinigay niya ang awtoridad at responsibilidad, bawat isa sa kanyang nasasakupan. Ibinigay niya sa mga kalalakihang ito ang Melchizedek Priesthood, na sarili niyang kapangyarihan at awtoridad na ipinagkatiwala niya sa tao. Kinikilala niya at pinagtitibay ang mga gawain ng mga piniling ito at hinirang na mga tagapaglingkod.6

Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga lider ng Simbahang ito ni Jesucristo ay tinawag ng Diyos at itinalaga na mamuno sa pamamagitan ng diwa ng propesiya tulad sa iba pang mga dispensasyon.”7

Sa bawat miyembro ng Simbahang ito, nagbigay ang Panginoon ng mga lider sa tatlong antas: ang Bishop o Branch President, ang Stake President o Mission President, at ang mga General Authority. Ang mga lider na ito ay maaasahan. Ang isa sa kanila marahil ay limitado sa kaalaman, edukasyon o pagsasanay, subalit siya ay may karapatan sa mga paghahayag ng Panginoon para sa kanyang mga tao at bukas sa pakikipag-ugnayan sa Diyos mismo.8

Pagkatapos ng pagkapako sa krus, libu-libong kalalakihan ang tinawag ng Tagapagligtas para punan ang mga katungkulan, wala ni isa kanila ang perpekto, gayunpaman lahat ay tinawag ng Panginoon at dapat suportahan at sang-ayunan ng mga taong magiging mga disipulo ng Panginoon. Iyan ang tunay na diwa ng ebanghelyo.9

Ang pinili, sinang-ayunan, inordenan na mga lider ang mangangalaga sa atin laban sa “daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian.” [Mga Taga Epeso 4:14.] Di kailanman malilinlang ang tao kung pinoprotektahan niya ang sarili sa bulag o masamang taga-akay sa pamamagitan ng pagsunod sa Espiritu at sa tinawag na mga lider ng Simbahan.10

Wala nang mas nasasabik pa kaysa sa mga Kapatid na namumuno sa Simbahang ito na matanggap ang gayong patnubay na ibibigay sa kanila para sa kapakanan ng sangkatauhan at ng mga tao ng Simbahan.11

Alam ko na nakikipag-ugnayan ang Panginoon sa kanyang mga propeta, at inihahayag niya ang katotohanan ngayon sa kanyang mga tagapaglingkod tulad ng ginawa niya noong panahon nina Adan at Abraham at Moises at Pedro at Joseph at sa napakarami pa sa buong panahon. Ang mga mensahe ng liwanag at katotohanan ng Diyos ay tiyak na naibigay sa tao ngayon tulad sa alinmang dispensasyon.12

Magkakatulad ang mga mensaheng itinuturo ng mga propeta.

Marahil nagtataka ang ilan kung bakit magkakatulad ang sinasabi ng mga General Authority sa bawat kumperensya. Sa pag-aaral ko sa mga sinabi ng mga propeta sa nagdaang mga siglo, maliwanag ang kanilang huwaran. Hinahangad namin, sa mga salita ni Alma, na turuan ang mga tao ng “walang hanggang pagkapoot laban sa kasalanan at kasamaan.” Nangangaral kami ng “pagsisisi, at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.” (Alma 37:32, 33.) Pinupuri namin ang kababaang-loob. Hinahangad naming turuan ang mga tao na “paglabanan ang bawat tukso ng diyablo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginooong Jesucristo.” (Alma 37:33.) Tinuturuan natin ang ating mga tao na “huwag manghinawa sa mabubuting gawa.” (Alma 37:34.)

Magkakatulad ang sinasabi ng mga propeta dahil magkakatulad ang mga problemang karaniwang kinakaharap natin. Mga kapatid, ang mga solusyon sa mga problemang ito ay hindi nagbabago. Walang-kuwenta ang parolang magbibigay ng kaibang signal na gagabay sa bawat barkong dadaong. Mangmang na giya ang taong bagamat alam ang ligtas na daan patungo sa gilid ng bundok, ay isinama pa rin ang mga ginagabayan niya sa masalimuot at mapanganib na daan kung saan walang manlalakbay ang makababalik pa.13

Hindi magagawa ng mga lider ng Simbahan, sa tuwing tuturuan namin kayo, na mag-alok ng bago o mas magandang daan na magbabalik sa inyo sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Dati pa rin ang daanan. Dahil dito, ang panghihikayat ay dapat ibigay nang madalas hinggil sa gayunding mga bagay at dapat ulit-ulitin ang mga babala. Hindi dahil sa inuulit ang isang katotohanan ay hindi na ito gaanong mahalaga o totoo. Sa katunayan, mahalaga ito.14

Nakikinita-kinita ko na kung ang Panginoon mismo ay nakatayo sa Bundok ng mga Olivo at kung nagbibilin siya sa mga tao, sasabihin rin niya ang mga bagay na nasabi na at sasabihin pa lang [sa ating mga kumperensya]. Nakikinita-kinita ko na kung nakatayo siya sa Dagat ng Galilea at may mga bangka sa tubig at nakapalibot sa kanya ang mga tao, ay sasabihin rin niya ang gayunding mga bagay: ipamuhay ang mga utos ng Diyos, panatilihing walang bahid-dungis ang sarili mula sa mundo, at sundin ang bawat utos na ibinigay ng Diyos sa atin. Iyan ang sasabihin niya, at kaya ngayon ito ang sinasabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga tagapaglingkod.15

Kadalasang binabale-wala o tinatanggihan ang mga propeta sa kani-kanilang kapanahunan.

Kapag sinusunod ng sangkatauhan ang mga propeta, ito’y umuunlad; kapag binabale-wala sila, ang resulta nito ay di-pag-unlad, pagkaalipin, kamatayan.16

Maging sa Simbahan ay maraming tila nahihilig na palamutian ang mga libingan ng mga propeta noon at sa isipa’y binabato ang mga buhay na propeta [tingnan sa Mateo 23:29–30, 34].17

Huwag nating gawin ang kamalian ng mga sinaunang tao. Napakaraming makabagong panatiko ang naniniwala sa mga propetang tulad nina Abraham, Moises, at Pablo subalit tumatangging maniwala sa mga propeta ngayon. Tinanggap rin ng mga tao noon ang mga naunang propeta, subalit itinakwil at isinumpa ang mga propeta ng kapanahunan nila.18

Iba’t ibang dahilan ang sinasabi sa mga nagdaang siglo upang paalisin ang mga banal na sugong ito [mga buhay na propeta]. May pagtatatwa dahil ang propeta’y nanggaling sa isang di-kilalang lugar. “Mangyari bagang lumitaw ang anumang magaling na bagay sa Nazaret?” (Juan 1:46.) Itinanong din kay Jesus ang, “Hindi baga ito ang anak ng anluwagi?” (Mateo 13:55.) Sa ano pa mang kaparaanan, ang pinakamabilis na paraan ng pagtatakwil sa mga banal na propeta ay ang humanap ng idadahilan kahit na mali o taliwas, upang mawala ang tao nang sa gayo’y mawala rin ang kanyang mensahe. Ang mga propetang hindi magaling magsalita kundi kimi sa pangungusap, ay itinuturing na walang kabuluhan. Sa halip na tumugon sa mensahe ni Pablo, nakita ng ilan na ang anyo ng katawan niya ay mahina at itinuring na walang kabuluhan ang kanyang pananalita [tingnan sa II Mga Taga Corinto 10:10]. Marahil hinatulan nila si Pablo sa tono ng kanyang tinig o sa kanyang istilo ng pananalita, at hindi sa mga katotohanang sinabi niya.

…Ang mga gawain sa mundo ay napakarami at ginagawa tayong abala, kahit ang napakababait na tao ay nalilihis sa pagsunod sa katotohanan dahil masyado silang abala sa mga bagay ng mundo. …

Kung minsan hinahayaan ng mga tao na matuon ang puso nila sa mga bagay at papuri ng mundong ito kaya hindi nila natututuhan ang aralin na kailangan nilang matutuhan. Madalas ay tinatanggihan ang mga simpleng katotohanan at mas tinatanggap ang di gaanong mahihirap na pilosopiya ng mga tao, at isa itong dahilan ng pagtatakwil sa mga propeta. …

Hindi lamang tinatanggihan ng mga banal na propeta ang pagsunod sa mga maling gawi ng mga tao, kundi tinutuligsa nila ang mga kamaliang ito. Kaya’t di nakapagtataka na ang tugon sa mga propeta ay hindi palaging pagwawalang-bahala. Kadalasan ay tinatanggihan ang mga propeta dahil una nilang tinanggihan ang mga maling pag-uugali ng sarili nilang lipunan. …

Ang mga propeta ay may paraan sa pagtuligsa sa masasamang isipan. Kadalasan ay napagkakamalan ang mga propeta na masakit magsalita at gusto lang makapagtala para masabing, “Sinabi ko na sa inyo ang mangyayari.” Ang mga propetang nakilala ko ang mga pinakamapagmahal na tao. Dahil sa kanilang pagmamahal at katapatan kung kaya’t di nila maaaring baguhin ang mensahe ng Panginoon para lamang masiyahan ang mga tao. Napakabait nila para maging malupit. Lubos akong nagpapasalamat na hindi naghahangad ng popularidad ang mga propeta.19

Kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na sang-ayunan at sundin ang mga lider ng Simbahan.

Paano ninyo tuturuan ang inyong mga anak na mahalin ang mga awtoridad ng Simbahan? Kung palaging mabubuting bagay ang sinasabi ninyo tungkol sa panguluhan ng branch, district, misyon at Panguluhan ng Simbahan, magsisilaki ang inyong mga anak na nagmamahal sa mga kapatid na namumuno.20

Ipinagdarasal natin ang mga lider ng Simbahan. Kung ang mga anak sa buong buhay nila sa kanilang panalangin ng pamilya at sa mga sariling panalangin ay naaalala sa harapan ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan, hindi sila kailanman mag-aapostasiya. …

Ang mga batang nananalangin para sa mga lider ay magsisilaking nagmamahal sa kanila, nagsasalita nang maganda tungkol sa kanila, iginagalang at pinamamarisan sila. Ang mga palaging nakakarinig na binabanggit sa panalangin ang mga lider ng Simbahan nang may pagmamahal ay mas malamang na maniwala sa mga mensahe at payo na maririnig nila.

Kapag ang mga batang lalaki ay nakikipag-usap sa Panginoon tungkol sa kanilang bishop, malamang na seryosohin nila nang husto ang mga interbyu ng bishop kung saan tinatalakay ang pagkakaroon ng priesthood at pagmimisyon at mga pagpapala ng templo. At ang mga batang babae ay magkakaroon din ng lubos na respeto sa lahat ng gawain sa simbahan kapag ipinagdarasal nila ang mga lider ng Simbahan.21

Ang mga sumusunod sa mga lider ng Simbahan ay makahahanap ng kaligtasan.

Ang mga miyembro ng Simbahan ay ligtas tuwina kung susundin nilang mabuti ang mga tagubilin at payo at pamumuno ng mga awtoridad ng Simbahan.22

Ang mga lider na inilagay ng Panginoon sa kanyang Simbahan ay hinirang para sa mga tao ng Simbahan, bilang isang kublihan, isang kanlungan, himpilan sa madaling salita. Walang sinuman sa Simbahang ito ang maliligaw kung susundin niyang mabuti ang mga Awtoridad ng Simbahan na inilagay ng Panginoon sa kanyang Simbahan. Hindi kailanman maliligaw ang Simbahang ito; hindi kayo kailanman aakayin ng Korum ng Labindalawa sa mga maling landas; hindi ito kailanman nangyari at hindi mangyayari. Maaaring may mga indibiduwal na manghihina; hindi kailanman mangyayari na ang karamihan sa Konseho ng Labindalawa ay mapupunta sa maling landas. Pinili sila ng Panginoon; binigyan Niya sila ng mga partikular na tungkulin. At ang mga taong magiging malapit sa kanila ay maliligtas. At sa kabaligtaran, kapag ang isang tao’y nagsimulang magsarili para kalabanin ang awtoridad, siya’y nasa matinding panganib. Hindi ko sasabihing ang mga lider na iyon na pinili ng Panginoon ay kailangang pinakamatatalino, o sinanay na mabuti, kundi sila ang mga pinili, at kapag pinili ng Panginoon sila ang kinikilalang awtoridad, at ang mga taong mananatiling malapit sa kanila ay maliligtas.23

Kung ipamumuhay natin ang ebanghelyo at susundin ang payo ng mga lider ng Simbahan, pagpapalain tayo na maiwasan ang marami sa mga problemang nagpapahirap sa mundo.24

Makinig tayo sa mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta at tagakita, gayundin ang iba pang mga kapatid, na para bang ang ating buhay na walang hanggan ay nakasalalay rito, sapagkat gayon nga ito!25

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Isipin kung paano pinagpala ang inyong buhay sa pagsangayon ninyo sa mga lider ng Simbahan na nasa tatlong antas ng awtoridad na inilarawan ni Pangulong Kimball (tingnan sa pahina 297–298). Sa paggawa nito, anong mga karanasan ang naiisip ninyo?

  • Rebyuhin ang bahagi na nagsisimula sa pahina 298. Ano ang ilang inulit na mensahe na napansin ninyo sa pinakahuling kumperensya?

  • Rebyuhin ang ikalawa at ikatlong buong talata sa pahina 300. Sa inyong palagay, bakit nahihirapang sundin ng ilang tao ang mga buhay na propeta? Anong mga karanasan kamakailan lang ang naiisip ninyo?

  • Ano ang magagawa natin para mahikayat ang mga bata at ang iba pa na igalang at sundin ang mga lider ng Simbahan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa pahina 302.)

  • Rebyuhin ang huling bahagi ng kabanata. Bakit may kaligtasan sa pagsunod sa payo ng mga lider ng Simbahan?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–16; Helaman 13:24–29; D at T 1:14, 38; 21:4–6; 121:16–21

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1978, 68; o Ensign, Mayo 1978, 45.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1978, 115; o Ensign, Mayo 1978, 76.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1978, 110–11; o Ensign, Nob. 1978, 73.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1974, 65; o Ensign, Mayo 1974, 46.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1976, 7; o Ensign, Mayo 1976, 6.

  6. The Miracle of Forgiveness (1969), 325.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1958, 57.

  8. That You May Not Be Deceived, Brigham Young University Speeches of the Year (Nob. 11, 1959), 12–13.

  9. The Miracle of Forgiveness, 274.

  10. That You May Not Be Deceived, 13.

  11. “Second Century Address, Brigham Young University Studies, tag-init ng taong 1976, 447.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1976, 164; o Ensign, Nob. 1976, 111.

  13. Sa Conference Address, Abr. 1976, 7; o Ensign, Mayo 1976, 6.

  14. President Kimball Speaks Out (1981), 89.

  15. Sa Conference Report, Manila Philippines Area Conference 1975, 4.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1970, 121; o Improvement Era, Hunyo 1970, 94.

  17. “… To His Servants the Prophets,” Instructor, Ago. 1960, 257.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1977, 115; o Ensign, Mayo 1977, 78.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1978, 115, 116; o Ensign, Mayo 1978, 76–77.

  20. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 460.

  21. The Teachings of Spencer W. Kimball, 121.

  22. The Teachings of Spencer W. Kimball, 461.

  23. Sa Conference Report, Abr. 1951, 104.

  24. Sa Conference Report, Abr. 1980, 128; o Ensign, Mayo 1980, 92.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1978, 117; o Ensign, Mayo 1978, 77.

President Kimball greeting people

Binabati ni Pangulong Kimball ang mga tao habang papasok siya sa Salt Lake Tabernacle para sa pangkalahatang kumperensya.

Paul teaching

“Sa halip na tumugon sa mensahe ni Pablo, nakita ng ilan na ang kanyang pangangatawan ay mahina at itinuring na walang kabuluhan ang kanyang pananalita.”