Kabanata 5
Panalangin, ang Pasaporte sa Espirituwal na Kapangyarihan
Sa pamamagitan ng tapat at taos-pusong panalangin, nakatatanggap tayo ng pagmamahal, kapangyarihan, at lakas mula sa ating Ama sa Langit.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
“Napakaganda ng pakiramdam ko tuwina pagdating sa panalangin at kapangyarihan at mga biyaya ng panalangin,” sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball. “Sa buong buhay ko nakatanggap ako ng mga biyaya na higit pa sa sapat kong mapasasalamatan. Napakabuti sa akin ng Panginoon. Napakarami kong naging karanasan sa oras ng karamdaman at kalusugan na nagdudulot nang walang bahid na alinlangan sa aking puso at isipan na mayroong Diyos sa langit, na siya ay ating Ama, at naririnig at sinasagot niya ang ating mga panalangin.”1
Nangyari ang isa sa mga karanasang ito nang sina Pangulong Kimball at kanyang asawang si Camilla ay nagpunta sa kumperensya sa New Zealand. Nang makarating sila sa lungsod ng Hamilton, nagkasakit sila kaya inatasan ni Pangulong Kimball si Pangulong N. Eldon Tanner, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na kumatawan sa kanya sa kaganapang-pangkulturang naiplano para sa gabing iyon. Pagkaraan ng ilang oras “biglang nagising si Pangulong Kimball at tinanong si Dr. Russell Nelson, na nakaupong nagbabantay sa kanya, ‘Brother Nelson, anong oras magsisimula ang programa ngayong gabi?’
“ ‘Alas-siyete po, Pangulong Kimball.’
“ ‘Anong oras na ba?’
“ ‘Mag-aalas-siyete na po.’
“Naliligo sa pawis si Spencer. Humupa na ang lagnat niya. Sabi niya. ‘Sabihin mo kay Sister Kimball pupunta tayo.’
“Mabilis na bumangon sa higaan si Camilla, at kapwa sila mabilis na nagbihis at nagpunta sa di kalayuang istadyum kung saan kasisimula pa lang ng programa. Ipinaliwanag ni Pangulong Tanner sa simula pa lang ng miting na maysakit sila at hindi makadadalo. Sa pambungad na panalangin isang kabataang taga- New Zealand ang taimtim na nagsumamo, ‘Tatlong libo kaming mga kabataan sa New Zealand na nagtipon at naghanda para umawit at sumayaw para sa inyong propeta. ‘Nawa’y pagalingin ninyo siya at ihatid dito.’ Nang matapos ang panalangin, pumasok ang kotseng naghatid kina Spencer at Camilla at dagling naghiyawan nang ubod lakas ang mga tao sa istadyum dahil nasagot ang panalangin nila.”2
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Hinihingi sa ating manalangin tayo, tulad din na hinihingi sa ating sundin ang iba pang kautusan.
Ang pananalangin ay hindi opsiyonal na ginagawa; pangunahing bahagi ito ng ating relihiyon.3
Bakit dapat tayong manalangin? Sapagkat tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, kung kanino nakasalalay ang lahat ng tinatamasa natin—ang pagkain natin at kasuotan, ang kalusugan, ang buhay natin mismo, ating paningin at pandinig, tinig, mga panggalaw, maging ating mga utak.
…Kayo ba ang nagbibigay sa inyo ng hininga, ng buhay ninyo, ng pagiging tao ninyo? Mapahahaba ba ninyo ang buhay ninyo nang isang oras? Napakalakas ba ninyo kahit walang mga kaloob mula sa langit? Sarili ba ninyo ang may gawa ng mga utak ninyo, at kayo ba ang humubog nito? Nakalilikha ba kayo ng buhay o napahahaba ba ninyo ito? May kapangyarihan ba kayong gumawa nang wala ang inyong Panginoon? Sa kabila nito nakikita kong marami pa rin ang hindi nananalangin. …
Kayong mga nagdarasal paminsan-minsan, bakit hindi kayo manalangin nang palagian, nang mas madalas, nang mas tapat. Napakahalaga ba ng oras, napakaikli ba ng buhay, o napakaliit ba ng pananampalataya kaya hindi ninyo ito magawa?…
Lahat tayo ay may mabigat na obligasyon sa ating Panginoon. Wala pang perpekto sa atin. Walang hindi nagkakamali sa atin. Ang manalangin ay hinihingi sa lahat ng tao tulad din na hinihingi rin sa lahat ng tao ang kalinisang-puri, at ang paggalang sa araw ng Sabbath, at pagbabayad ng ikapu, at pagsunod sa Word of Wisdom, pagdalo sa mga miting, at pagpapakasal para sa kawalang-hanggan. Totoong tulad din ng iba pa, ito ay kautusan ng Panginoon.4
Noong nagpupunta pa ako sa mga stake at misyon ng Simbahan noong mga naunang taon, madalas akong makakilala ng mga taong may problema o may matinding pangangailangan. Ang unang itinatanong ko sa kanila ay, “Kumusta naman ang pananalangin ninyo? Gaano ito kadalas? Gaano ninyo itinutuon ang sarili ninyo kapag nananalangin kayo?” Naobserbahan ko na karaniwang nagagawa ang kasalanan kapag walang panalanging nag-uugnay. Dahil dito sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat; manalangin tuwina at nang huwag magkaroon ang masama ng kapangyarihan sa inyo.” (D at T 93:49.)5
Matindi ang pangangailangang manalangin ng daigdig ngayon na siyang magpapanatili ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at magpapanatiling bukas ng mga linya ng pakikipag-usap. Isa man sa atin ay hindi dapat magpakaabala sa buhay sa puntong hindi na natin mapagnilayan pa ang pananalangin. Panalangin ang pasaporte sa espirituwal na kapangyarihan.6
Kailangang kasama sa ating panalangin ang pagpapahayag ng pasasalamat at mapagpakumbabang pagsumamo para pagpalain tayo ng Ama sa Langit at ang lahat ng nakapaligid sa atin.
Tungkol saan ang dapat nating ipanalangin? Kailangang magpahayag tayo ng galak at taimtim na pasasalamat sa mga naibigay na biyaya. Sinabi ng Panginoon, “At kayo ay kailangang magbigay ng pasalamat sa Diyos sa Espiritu sa anumang pagpapalang ipinagkaloob sa inyo.” (D at T 46:32.) Makadarama tayo ng kaluguran at katiyakan kapag nagpapahayag tayo ng taimtim na pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa ating mga biyaya—para sa ebanghelyo at kaalaman tungkol dito na nabiyayaan tayong tanggapin, para sa mga pagsisikap at ginagawa ng mga magulang at iba para sa atin, para sa mga pamilya at kaibigan natin, para sa mga oportunidad, para sa isip at katawan at buhay, para sa mga karanasang nakabubuti at nakatutulong sa ating buong buhay, para sa lahat ng tulong ng ating Ama at mga kabutihan at nasagot na mga panalangin.
Maipananalangin natin ang ating mga lider. Isinulat ni Pablo:
“Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;
“Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan.” (I Tim. 2:1–2.)
Magkakaroon tayo ng katapatan sa bansa at sa mga batas na namamahala sa atin kung mananalangin tayo. At magkakaroon tayo ng pagmamahal at pananampalataya sa pamunuan ng ating Simbahan, at igagalang sila ng ating mga anak. Sapagkat di magagawang batikusin ng isang tao ang mga opisyal ng Simbahan kung ipananalangin niya sila nang taimtim. Isang kagalakan para sa akin na sa buong buhay ko na sinuportahan ko ang aking mga lider, ipinanalangin ang kanilang kapakanan. At nitong mga kalilipas na taon, nakadama ako ng matinding lakas dahil sa gayon ding mga panalangin ng mga Banal, na ipinaabot sa langit alang-alang sa akin.
Ang malawak na gawaing misyonero ang dapat na laging pagtuunan ng ating mga panalangin. Ipinapanalangin natin na maging bukas ang mga pintuan ng mga bansa sa pagtanggap sa ebanghelyo. Nananalangin tayo para sa oportunidad at patnubay na maibahagi ang maluwalhating balita ng ebanghelyo sa iba. Kapag sa buong buhay niya ay ipinananalangin ng isang bata ang adhikain ng gawaing misyonero, magiging mabuti siyang misyonero.
…Ipinananalangin natin ang taong iyon na ipinapalagay nating kaaway, dahil naaalala natin ang maganda at makapangyarihang payo ng ating Panginoon: “Datapuwa’t sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo, Pagpalain ninyo ang sa inyo’y sumusumpa, at ipanalangin ninyo ang sa inyo’y lumalait.” (Lucas 6:27–28.) May tao bang magkakaroon ng matagal na kaaway kapag ipinananalangin niya ang mga taong nasa paligid niya na maaaring nakasamaan niya ng loob? (Lucas 6:27–28.)
Nananalangin tayo para sa karunungan, pagpapasiya, pagunawa. Nananalangin tayo para maprotektahan sa mapanganib na mga lugar, para mapalakas sa mga oras ng tukso. Naaalala natin ang mga mahal sa buhay at kaibigan. Umuusal tayo ng maikling panalangin sa salita o sa isip, nang malakas o lubos na tahimik. Laging may dalangin sa ating puso na nawa’y magawa natin nang maayos ang mga gawain natin sa maghapon. Makagagawa ba ng masama ang isang tao kapag may taimtim na mga panalangin sa kanyang puso at mga labi?
Ipinapanalangin natin ang ating mga pagsasama bilang magasawa, mga anak, kapitbahay, trabaho, desisyon, tungkulin sa simbahan, patotoo, damdamin, mithiin. Tunay ngang tinatanggap natin ang mabuting payo ni Amulek at nananalangin na kaawaan tayo, ipinananalangin natin ang ating ikinabubuhay, ang ating mga sambahayan at proteksyon laban sa kapangyarihan ng ating mga kaaway; nananalangin tayo “laban sa diyablo, na siyang kaaway ng lahat ng kabutihan,” at para sa mga pananim ng ating bukid. At kapag hindi tayo nagsusumamo sa Panginoon, “hayaan [natin ang ating] mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa [ating] kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid [natin].” (Tingnan sa Alma 34:18–27.)7
Nananalangin tayo para sa kapatawaran. Nakapag-interbyu na ako ng maraming magmimisyon. Madalas natutuklasan ko na hindi sila nananalangin, kahit may mga kalokohan sila na hindi pa napapatawad. “Bakit hindi ka nagdarasal,” itinanong ko, “gayong may malaki kang obligasyong dapat bayaran? Palagay mo ba maaaring basta mo na lang ipagwalang-bahala at ipagkibit-balikat ito at ikatwirang karaniwan na lang namang ginagawa ito? Nahihiya ka bang lumuhod, nahihiya kay Cristo? May pag-aalinlangan ka ba sa Diyos? Hindi mo ba alam na siya ay buhay at nagmamahal, nagpapatawad kapag may pagsisisi? Alam mo ba na hindi mabubura ang mga kasalanan, hindi mapapatawad ang mga paglabag sa pamamagitan ng pag-iwas at paglimot lamang?”…
Ipinananalangin natin ang lahat ng bagay na kailangan at marangal at angkop. Napakingggan ko ang isang labing-apat na taong gulang na batang lalaking nananalanging kasama ng kanyang pamilya na nagsusumamo sa Panginoon na protektahan ang tupa ng pamilya na nasa burol. Umuulan ng niyebe at nanunuot ang lamig noon. Napakinggan ko ang isang pamilyang nananalanging umulan noong panahon ng tagtuyot at kalunoslunos ang kundisyon. Napakinggan ko ang isang batang babae na nananalanging tulungan siya sa iksameng magaganap sa araw na iyon.
Nagsusumamo rin tayo para sa mga may karamdaman at naghihirap. Pakikinggan ng Panginoon ang taimtim nating mga panalangin. Maaaring hindi niya sila laging pagagalingin, ngunit maaari niyang bigyan sila ng kapayapaan o tapang o lakas na makayanan ito. Hindi natin nakakalimutan sa ating mga panalangin ang mga taong nangangailangan ng mga pagpapala nang higit pa sa mga may kapansanan sa katawan—ito ang mga taong bigo at lito, mga natukso, makasalanan, balisa.
Ipinananalangin din natin ang kapakanan ng ating mga anak. Kung minsan habang lumalaki ang mga anak, nagiging mapaghimagsik sila sa kabila ng lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Natuklasan ni Alma na walang katuturan sa kanyang [anak] ang mga payo niya at ipinanalangin niya [siya], at masisidhi ang kanyang mga panalangin. Kung minsan ganoon na lamang ang magagawa ng mga magulang. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng matwid na tao, sabi sa banal na kasulatan, at ganoon din sa kasong ito [tingnan sa Santiago 5:16; Mosias 27:14].8
Napakalaking pribilehiyo at kagalakang manalangin sa ating Ama sa Langit, isang biyaya ito para sa atin. Ngunit hindi natatapos ang ating karanasan matapos ang ating panalangin. Itinuro nang wasto ni Amulek: “At ngayon, masdan, mga minamahal kong kapatid, … matapos ninyong [manalangin], kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.” (Alma 34:28.) Sa ating pananalangin hindi natin dapat kalimutan kailanman na kailangang ipamuhay natin ang ebanghelyo nang kasingtapat at kasingtaimtim ng ating panalangin.9
Sa ating pribado at personal na mga panalangin, maaari nating makaugnay ang Diyos at malaman ang Kanyang kalooban.
May mga bagay na pinakamainam na ipinananalangin nang pribado, kung saan hindi isinasaalang-alang ang oras at pagiging kumpidensyal. Ang pananalangin nang sarilinan ay puno ng pagpapala at kapaki-pakinabang. Ang pribadong pananalangin ay nakatutulong sa atin na mailabas ang kahihiyan o pagkukunwari, o anupamang matagal nang panlilinlang; tinutulungan tayo nitong buksan ang ating mga puso at maging ganap na tapat at marangal sa pagpapahayag ng lahat ng ating mga inaasam at saloobin.
Matagal nang nakakintal sa isipan ko ang pangangailangang manalangin nang pribado sa ating mga personal na panalangin. Kinailangan ng Tagapagligtas na lumayo paminsan-minsan patungo sa bundok o sa disyerto para manalangin. Gayundin, ninais ni Apostol Pablo na pumunta sa disyerto at mapag-isa matapos na matawag sa mabigat na tungkulin. Natagpuan ni Enos ang kanyang mga pribadong lugar at mag-isang nakipag-ugnayan sa Diyos. Natagpuan ni Joseph Smith ang pribado niyang lugar sa kakahuyan at ang mga ibon at puno lamang ang kasama at pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin. Pansinin ninyo ang ilang mahalagang salita sa kuwento niya: “Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. … Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)
Tayo man ay kailangan ding maghanap, kung saan maaari, ng kuwarto, ng sulok, ng munting silid, ng lugar kung saan “makatutungo” tayo para “manalangin nang malakas” nang palihim. Maaalala nating maraming beses tayong tinagubilinan ng Panginoon na manalangin nang malakas: “At muli, iniuutos ko sa iyo na ikaw ay manalangin nang malakas gayon din sa iyong puso; oo, sa harapan ng sanlibutan gayon din nang palihim, sa madla gayon din sa sarili.” (D at T 19:28.)10
Kung sa mga natatanging sandaling ito ng panalangin ay nagpigil tayo ng damdamin sa Panginoon, maaaring mangahulugan ito ng pagkakait sa atin ng ilang biyaya. Tutal tayo naman ay nagsusumamo sa ating panalangin sa harap ng ating napakatalinong Ama sa Langit, kaya bakit natin pipigilin ang ating mga nararamdaman at naiisip na siyang naglalaman ng ating mga pangangailangan at mga biyaya?11
Sa ating mga panalangin, dapat ay walang pagtatakip ng kasalanan, walang pagkukunwari, yamang din lang na walang maaaring maging panlilinlang dito. Alam ng Panginoon ang totoo nating kalagayan. Sinasabi ba natin sa Panginoon kung gaano tayo kahusay, o kung gaano tayo kahina? Alam Niya ang tunay nating pagkatao. Nagsusumamo ba tayo nang marangal, taimtim, at nang may “bagbag na puso at nagsisising espiritu,” o tulad tayo ng isang Fariseo na ipinagmamalaki ang mahusay niyang pagsunod sa batas ni Moises? [Tingnan sa Eter 4:15; Lucas 18:11–12.] Sumasambit ba tayo ng pangkaraniwan at palasak na mga salita, o nakikipag-usap tayo nang taimtim sa Panginoon hangga’t hinihingi ng pagkakataon? Nananalangin ba tayo paminsan-minsan gayong dapat ay nananalangin tayo nang regular, madalas, palagian?12
Ang panalangin ay isang pribilehiyo—hindi lang pribilehiyong makipag-usap sa ating Ama sa Langit, kundi makatanggap din ng pagmamahal at inspirasyon mula sa kanya. Sa katapusan ng ating mga panalangin, kailangan nating makinig nang mabuti—kahit na ilang minuto. Nananalangin tayong payuhan at gabayan tayo. Ngayon kailangan nating “magsitigil at kilalanin na [siya] ang Dios.” (Mga Awit 46:10.)13
Kailangang mag-ukol tayo ng panahong makapanalangin araw-araw bilang pamilya
Hinihikayat ng Simbahan na manalangin ang pamilya nang gabi at umaga. Ito’y nakaluhod na panalangin kasama ang lahat o ang maraming miyembro ng pamilya hangga’t maaari. … Lahat ng miyembro ng pamilya, kasama na ang maliliit na anak, ay kailangang magkaroon ng pagkakataong manalangin, ayon sa paggabay ng nangungulo, na karaniwang ang ama na may taglay ng priesthood, pero kung siya’y wala ang ina, at kung wala sila ang pinakamatandang anak na naroon.14
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang pagpapalang makapanalangin para tulungan tayong magtagumpay sa napakahalaga nating gawain sa tahanan at sa buhay. Alam ko na kung mananalangin tayo nang taimtim at matwid, nang mag-isa at nang kasama ang pamilya paggising sa umaga at pagtulog sa gabi, sa ating hapag-kainan sa oras ng pagkain, hindi lang tayo mabibigkis sa ating mga mahal sa buhay kundi lalago din tayo sa espirituwal. Napakarami nating kailangang tulong mula sa Ama sa Langit habang naghahangad tayong matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at pagkatapos ay ipamuhay ang mga ito, at habang hinahangad natin ang tulong Niya sa mga desisyon sa ating buhay.15
Ang haba at nilalaman ng panalangin ng pamilya ay dapat na angkop sa pangangailangan. Ang panalangin ng … mag-asawa ay dapat na iba sa panalangin ng pamilyang malalaki na ang mga anak o maliliit pa ang mga anak. Siyempre pa, kailangang maikli lang ito kapag kasama ang maliliit na anak, at baka mawalan sila ng gana at magsawa at ayawan na ito. Kapag nananalangin ang mga bata malamang na hindi nila habaan ito. Ang panalangin ng Panginoon, bilang halimbawa, ay mga tatlumpung segundo lang kaya’t walang alinlangang marami nang maipapasalamat at mahihiling ang nananalangin sa loob ng isa o dalawa o tatlong minuto, bagama’t may mga pagkakataong maaaring angkop na makipag-usap pa sa Diyos nang mas matagal.16
Kapag nakaluhod tayong nananalangin bilang pamilya, katabi ang mga nakaluhod din nating mga anak, makagagawian nila ito sa buong buhay nila. Kapag hindi tayo nag-ukol ng oras sa panalangin, para na ring sinasabi natin sa ating mga anak na, “Kunsabagay, hindi naman ito gaanong importante. Hindi na tayo nag-aalala dito. Kung magagawa natin ito kapag maluwag tayo sa panahon, mananalangin tayo, pero kung magsisimula na ang klase at parating na ang bus at oras na ng trabaho—hindi naman gaanong importante ang panalangin at gagawin natin ito kapag may panahon tayo.” Maliban kung naiplano, tila hindi kailanman magkakapanahon dito.17
Walang ina ang di pagmamalasakitang papasukin ang maliliit niyang anak sa paaralan sa napakalamig na umaga nang walang pangginaw laban sa niyebe at ulan at lamig. Ngunit maraming ama at ina ang pinapapasok sa paaralan ang kanilang mga anak nang wala ang panlabang makukuha nila sa pamamagitan ng panalangin—proteksyon laban sa pagkalantad sa di inaasahang panganib, masasamang tao, at tukso.18
Noon, sapat lamang na manalangin bilang pamilya minsan sa isang araw. Ngunit sa hinaharap hindi ito sasapat kung nais nating iligtas ang ating mga pamilya.19
Sa ating mga pamilya, matututuhan ng ating mga anak kung paano makipag-usap sa kanilang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga magulang. Di magtatagal makikita nila kung gaano kataus-puso at kataimtim ang ating mga panalangin. Kung minamadali ang ating mga panalangin, na halos paulit-ulit at di na pinag-isipan, makikita rin nila ito. Makabubuting manalangin tayo kasama ng ating pamilya o nang nag-iisa sa paraang isinamo ni Mormon, “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso.” (Moroni 7:48.)20
Sa panalangin ng pamilya hindi lamang ito pagsusumamo at pasasalamat. Ito ay pasulong na hakbang tungo sa pagkakaisa at pagkakasundo ng pamilya. Ipinaaalam nito sa mga tao na may pamilya silang maaasahan at makaaasa sa kanila. Ito ang sandali kung kailan sinasara ang maingay na radyo, pinadidilim nang bahagya ang mga ilaw, at ibinabaling ang mga isip at puso sa isa’t isa at sa kawalang-hanggan; ito ang sandali kung kailan isinasantabi ang mundo at ipinapalibot ang langit.21
Kapag nananalangin tayo na may kasamang iba sa isang grupo, kailangang manalangin tayo nang angkop sa okasyon.
Kapag nananalangin tayo na may kasamang iba sa isang grupo, sa tahanan, Simbahan, pagtitipon o sa komunidad man, kailangang tandaan natin ang layunin kung bakit tayo nananalangin—ito’y upang makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit. Mahirap man ito, nalaman ko na kapag nananalangin tayo na kasama ang iba ay makabubuting pagtuunan natin ang pakikipag-ugnayan nang magiliw at tapat sa Diyos sa halip na alalahanin ang maaaring iniisip ng nakikinig. Siyempre pa, kailangang isaalang-alang ang lugar na pinagdadasalan, ito ang isang dahilan kung bakit ang panalanging pampubliko, o maging ang panalanging pampamilya, ay hindi maaaring siyang tangi nating panalangin.22
Ang mga pampublikong panalangin ay kailangan na laging angkop sa okasyon. Ang panalangin ng paglalaan ay maaaring mas mahaba ngunit mas maikli naman ang pambungad na panalangin. Kailangang hilingin ang mga bagay na kailangan para sa partikular na okasyong iyon. Ang pangwakas na panalangin ay maaari ring mas maikli—isang panalangin ng pasasalamat at pagtatapos. Ang pagpapahid ng langis ay maikli at partikular na bahagi ng isang ordenansa at hindi dapat gamitan ng mga salitang ginagamit sa panalangin ng pagbubuklod na siyang kasunod nito at kung saan maaaring habaan kung angkop para sa paghingi ng mga biyaya para sa binabasbasan. Hindi kailangang mahaba ang pagbasbas sa pagkain, kundi kailangang magpahayag ng pasasalamat at paghingi ng basbas para sa pagkain. Hindi dapat ulitin dito ang panalanging inusal sa panalangin ng pamilya.23
Gaano tayo kadalas makarinig ng mga taong nagpapakahusay sa pagsasalita sa kanilang panalangin sa puntong halos mangaral na ng kumpletong sermon? Napagod na ang mga nakikinig at nawalan na ng bisa ang panalangin.24
Sapagkat ganap tayong kilala at mahal ng Ama sa Langit, mapagtitiwalaan nating sasagutin Niya ang ating mga panalangin.
Sa panalangin ba may tagapagsalita lang ngunit walang tagapakinig? Mali! …
Panghabambuhay na masayang karanasan ang matuto ng wika ng panalangin. Kung minsan dumadaloy ang mga ideya sa ating isipan habang nakikinig tayo matapos ang panalangin. Kung minsan may matindi tayong nadarama. Binibigyang-katiyakan tayo ng diwa ng kapanatagang magiging maayos ang lahat. Ngunit sa tuwina, kung tayo ay naging tapat at taimtim, makadarama tayo ng magandang pakiramdam—pagmamahal para sa ating Ama sa Langit at pagmamahal niya para sa atin. Ikinalulungkot ko na hindi pa natututuhan ng ilan sa atin ang kahulugan ng payapa at espirituwal na kaaliwang iyon, sapagkat ito ay patunay sa atin na naririnig ang ating mga panalangin. At dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit nang higit pa sa pagmamahal natin sa ating mga sarili, ibig sabihi’y makapagtitiwala tayo sa kanyang kabutihan, mapagkakatiwalaan natin siya; ibig sabihin kung patuloy tayong mananalangin at mamumuhay nang tulad ng nararapat, gagabayan at pagpapalain tayo ng Ama.
Kaya sa ating panalangin ay sinasabi natin, “Mangyari nawa ang inyong kalooban”—at panindigan ito. Hindi tayo hihingi ng payo sa lider, pagkatapos ay ipagwawalang-bahala ito. Hindi tayo hihiling ng mga biyaya sa Panginoon at pagkatapos ay hindi ito papansinin. Kaya ipinananalangin natin, “Mangyari nawa ang inyong kalooban, O Panginoon. Alam ninyo ang pinakamabuti, mahabaging Ama. Tatanggapin ko at susundin nang maluwag sa dibdib ang tagubilin ninyo.”25
Dapat tayong manalangin nang may pananampalataya, ngunit nalalamang kapag sumagot ang Panginoon maaaring hindi ito ang sagot na gusto natin. Dapat tayong sumampalataya na ang pinili ng Diyos para sa atin ay tama.26
Sa buong buhay ko na nananalangin ako, alam ko ang pagmamahal at kapangyarihan at lakas na nagmumula sa taimtim at taos-pusong panalangin. Alam ko ang kahandaan ng ating Ama sa Langit na alalayan tayo sa buhay natin sa mundo, turuan tayo, akayin tayo, gabayan tayo. Kaya nga, taglay ang dakilang pagmamahal, sinabi ng ating Tagapagligtas, “Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat; manalangin tuwina.” (D at T 93:49.)
Kung gagawin natin ito, malalaman natin sa ating sarili mismo na talagang pinakikinggan at sinasagot ng ating Ama sa Langit ang mga panalangin. Ito ang kaalamang nais niyang taglayin natin. Hangarin ito, mahal kong mga kapatid! Hangarin ito!27
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Paano magiging kaiba ang inyong buhay kung hindi kayo nagdarasal? Isiping mabuti ang mga dahilan kung bakit inuutusan tayo ng Panginoon na manalangin (mga pahina 59–60).
-
Rebyuhin ang mga pahina 60–64. Sa paanong mga paraan tayo naiimpluwensyahan kapag nagpapahayag tayo ng pasasalamat sa panalangin? kapag ipinananalangin natin ang iba?
-
Rebyuhin ang huling talata sa pahina 64. Bakit hindi kumpleto ang mga panalangin natin kung hindi natin “ipinamumuhay ang ebanghelyo nang kasingtapat at kasingtaimtim ng ating pananalangin”?
-
Sinabi ni Pangulong Kimball, “Ang pananalangin nang sarilinan ay puno ng pagpapala at kapaki-pakinabang” (pahina 65). Ano ang magagawa natin para magawang makahulugan ang ating mga personal na panalangin? Sa inyong palagay, bakit nakatutulong kung minsan ang pananalangin nang malakas sa ating mga personal na panalangin? Bakit mahalagang bahagi ng panalangin ang pakikinig?
-
Sa pahina 68 sinabi ni Pangulong Kimball ang mga biyayang dulot ng pananalangin pamilya. Ano ang mga naging karanasan ninyo sa mga pagpapalang ito? Ano ang magagawa ng mga pamilya para makapaglaan ng panahon na makapanalangin ang pamilya tuwing umaga at gabi?
-
Itinuro ni Pangulong Kimball na ang mga panalanging ginagawa sa grupo ay dapat na angkop sa okasyon (mga pahina 69–70). Kapag nahilingan tayong manalangin, ano ang responsibilidad natin? Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng isang kabataang taga New Zealand sa kuwento sa mga pahina 57–59?
-
Basahin ang talata na nagsisimula sa gitna ng pahina 70. Paano naimpluwensiyahan ng panalangin ang inyong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 55:17; Mateo 6:5–15; Santiago 1:5–6; 2 Nephi 32:8–9; 3 Nephi 18:18–21