Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Integridad


Kabanata 12

Integridad

Magkaroon sana tayo ng integridad—ang uri ng kaluluwa na labis nating binibigyang halaga sa iba.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Bago siya natawag na Apostol, aktibo si Spencer W. Kimball sa negosyo at komunidad sa Arizona. Kapartner siya sa negosyong insurance at real estate at kasali sa mga organisasyong pangserbisyo sa lugar at sa buong estado. Sa mga bagay na ito, kilala siya sa kanyang katapatan at integridad. Nasusulat tungkol sa kanya: “Personal na kabutihan ang katangiang napapansin ng mga tao kay Spencer W. Kimball. … Lagi siyang tapat, tumutupad sa pangako at nakikipagkasundo nang may katapatan at walang halong panlilinlang.”1

Ang integridad ay bahagi ng kanyang pagkatao mula pa sa pagkabata, tulad ng mamamalas sa sumusunod na kuwento: “Nanghiram ng isang kabayo at isang lumang kalesang magagamit si Spencer at ilang batang lalaki nang mag-field trip ang klase nila sa agham sa paaralan. Sa mabakong daan nabali ang muwelye ng kalesa. Kinabukasan nagpaliwanag si Spencer sa kanyang mga kaibigan, ‘Dapat tayong mag-ambagan para sa nabaling muwelye,’ pero walang tumulong. Hinikayat niya sila, at sinabing, ‘Mababayaran ang muwelyeng iyan, kahit ako lang mag-isa.’2

Sa pagsasalita sa isang pangkalahatang miting ng priesthood noong Oktubre 1974, binanggit ni Pangulong Marion G. Romney, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang halimbawa ni Pangulong Kimball: “Sa mga taong lumipas naging huwaran siya ng integridad. Walang nagdududa na gagampanan niya ang sagradong tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng Panginoon kahit ikamatay pa niya. … Kayluwalhati sana, mga lalaki ng priesthood, kung lahat tayo ay may integridad ng isang Pangulong Kimball.”3

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Ang integridad ay mahalaga sa mabuting pagkatao.

Ang integridad (kahandaan at kakayahang ipamuhay ang ating mga paniniwala at pangako) ay isa sa mga saligang bato ng mabuting pagkatao, at kung hindi mabuti ang pagkatao ng isang tao wala siyang pag-asang makapiling ang Diyos dito o sa kawalang-hanggan.4

Ang integridad ay isang kalagayan o kalidad ng pagiging ganap, buo, o walang sira. Ito ay pagiging buo at walang kakulangan. Ito ay kadalisayan at katatagang moral. Ito ay dalisay at taos-pusong katapatan. Ito ay katapangan, isang katangian ng tao na hindi matatawaran. Ito ay katapatan, katuwiran, at kabutihan. Alisin ninyo ang mga ito at walang matitira kundi kahungkagan. …

Ang integridad sa mga tao at grupo ay hindi pagtatanong ng, “Ano ang iisipin ng ibang tao sa akin, at sa mga gawi ko?” kundi, “Ano ang iisipin ko sa aking sarili kung magawa ko ito o hindi ko magawa iyon?” Angkop ba ito? Tama ba ito? Sasang-ayon ba ang Guro?…

Ang integridad sa tao ay dapat maghatid ng kapayapaan ng kalooban, katiyakan ng layunin, at seguridad sa pagkilos. Kabaligtaran ang hatid ng kawalan nito: di-pagkakaisa, takot, kalungkutan, kawalang-katiyakan.5

Makabubuti kung madalas nating iisiping lahat na baka may nakatago o nalimutan tayo sa ating buhay na may kaunting bahid ng pagkukunwari at kapangitan o kamalian. O mayroon kaya tayong ilang maliliit na kasalanan at kasinungalingang binibigyang-dahilan o pinangangatwiranan? May mga nagawa ba tayong kasalanan na inaakala nating hindi mapapansin? Sinisikap ba nating itago ang maliliit na kakitiran ng isipan at kasiyahang lihim nating ginagawa—na pinangangatwiranan na walang halaga at balewala ang mga ito? May mga bahagi ba sa ating isipan at kilos at pag-uugali na gusto nating itago sa mga taong labis nating iginagalang?6

Nagpapamalas tayo ng integridad sa pagtupad sa ating mga tipan nang may dangal.

Kapag nakikipagtipan o nakikipagkasundo tayo sa Diyos, dapat natin itong tuparin anuman ang kapalit. Huwag tayong gumaya sa estudyanteng pumapayag na ipamuhay ang ilang pamantayan ng asal at pagkatapos ay sinisira ang kanyang sumpa at tinitingnan kung gaano katagal niya maitatago ang kanyang panloloko. Huwag tayong gumaya sa misyonerong pumapayag na maglingkod sa Panginoon nang dalawang taon, pagkatapos ay sinasayang ang kanyang oras sa katamaran at pangangatwiran. Huwag tayong gumaya sa miyembro ng Simbahan na nakikibahagi sa sakrament sa umaga, pagkatapos ay nilalapastangan ang Sabbath sa hapong iyon.7

Kapag hindi natin pinahalagahan ang ating mga tipan, mapipinsala natin ang ating sariling kawalang-hanggan. … Madaling magdahilan at nakakaakit mangatwiran, pero ipinaliwanag ng Panginoon sa makabagong paghahayag na “kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, [o] ang ating walang kabuluhang adhikain … ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at … [ang tao] ay naiwan sa kanyang sarili, upang sumikad sa mga tinik” (D at T 121:37–38).

Siyempre, puwede tayong mamili; may kalayaan tayong pumili, pero hindi natin matatakasan ang mga kahihinatnan ng ating mga pasiya. At kung mahina ang ating integridad, diyan tayo titirahin ng diyablo.8

Ang mga pakikipagtipan natin sa Diyos ay may kasamang mga pangakong gagawin, tulad ng paggawa ng kabutihan at pag-iwas sa kasalanan, at hindi lamang pag-iwas sa bagay na hindi dapat gawin. Nakipagtipan nang gayon ang mga anak ni Israel sa pamamagitan ni Moises, at sinabi, “Yaong lahat na sinalita ng Panginoon ay aming gagawin” (Exodo 19:8, idinagdag ang italics), bagama’t halos katatalikod pa lang ni Moises ay sinira na nila ang kanilang pangako at gumawa ng mali. Sa tubig ng binyag gayon din ang ipinapangako natin at pinaninibago natin ito sa ordenansa ng sakrament. Ang hindi paggalang sa mga pangakong ito, ang pagtangging maglingkod o tumanggap ng responsibilidad at hindi ito gampanan nang husto, ay kasalanan. …

Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood at yaong tumanggap ng kanilang mga endowment sa templo ay gumawa pa ng mga natatanging pangakong gumawa, gumawa ng kabutihan. Ipinahayag ng Panginoon ang mga pangako sa isa’t isa ng Ama sa Langit at ng mga maytaglay ng priesthood bilang isang “sumpa at tipan.” [D at T 84:39.]… Sinusuway ng isang tao ang tipan sa priesthood sa pamamagitan ng paglabag sa mga utos—ngunit gayundin sa hindi pagganap sa kanyang mga tungkulin. Alinsunod dito, huwag lang kumilos ang isang tao ay nasuway na niya ang tipang ito.9

Tuparin ang inyong mga pangako. Panatilihin ang inyong integridad. Ipamuhay ang inyong mga tipan. Ibigay sa Panginoon ngayong taon at taun-taon ang inyong katapatan at lubos na pananampalataya. Gawin ito “nang may dangal” at pagpapalain kayo ngayon at magpakailanman.10

Kung mandaraya tayo, niloloko natin ang ating sarili.

Ang pag-iral at paglaganap ng halos lahat ng pandaraya ay dahil sa pangit na saloobing tinatawag nating pangangatwiran. Ito ang una, at pinakamalala, at pinakamapanlinlang na anyo ng pandaraya: Dinadaya natin ang ating sarili.11

Ang pangangatwiran ay kaaway ng pagsisisi. Patuloy ang Espiritu ng Diyos sa pagpapalakas, pagtulong, at pagliligtas sa pusong tapat, ngunit tiyak na tumitigil ang Espiritu ng Diyos sa pagtulong sa taong nagdadahilan sa ginawang kamalian.12

Sinabi ng ating Tagapaglikha sa mensaheng nakaukit sa Sinai, “Huwag kang magnanakaw.” [Exodo 20:15.] Muli itong iginiit patungkol sa Panunumbalik, “Huwag kayong magnakaw.” (D at T 59:6.)

Sa katungkulang pampubliko at sa pribadong buhay, dumadagundong ang salita ng Panginoon: “Huwag kayong magnakaw; … ni gumawa ng anumang bagay tulad nito.” (D at T 59:6.)

Natatagpuan natin ang ating sarili na nangangatwiran sa lahat ng uri ng pagiging hindi matapat, kabilang na ang pang-uumit sa tindahan, na isang hamak at abang gawain ng milyun-milyong nagsasabi na sila ay kagalang-galang at disenteng tao.

Ang pagiging hindi matapat ay nangyayari sa maraming iba’t ibang anyo: … sa paglalaro sa pag-ibig at damdamin para magkapera; pagnanakaw ng benta ng tindahan o pagnanakaw ng mga kagamitan mula sa mga pinaglilingkuran; pandaraya sa mga libro; … sa pagpapalibre sa buwis; pangungutang sa gobyerno o pribadong tao na walang balak magbayad; pagpapahayag ng di-makatarungan at di-wastong pagkalugi upang makaiwas sa pagbabayad ng mga utang; pagnanakaw ng pera sa kalsada o sa tahanan at iba pang mahahalagang ari-arian; pagnanakaw ng oras, pagtatrabaho nang kulang sa oras; pagsakay sa mga pampublikong sasakyan nang hindi nagbabayad ng pamasahe; at lahat ng anyo ng pagiging hindi matapat sa lahat ng dako at sa lahat ng kalagayan. …

“Ginagawa iyon ng lahat” ang madalas na idahilan. Walang lipunang uunlad kung walang katapatan, pagtitiwala, at pagpipigil sa sarili.13

Mandaraya ang taong bibili nang higit sa kaya niyang bayaran. Ito ay pandaraya. Walang dangal ang hindi magbayad nang tapat sa kanyang mga utang. Sa tingin ko lahat ng luhong tinatamasa ng isang tao na nakapapahamak sa isang nagpautang ay malaking katiwalian. … Hindi palaging kahiya-hiya ang mangutang, ngunit talagang kahiya-hiya ang hindi magbayad ng mga utang.14

Maaaring medyo maghirap ang isang taong pinagnakawan ng kaunti o malaking halaga o ng mga bagay, ngunit nakapanlulumo at nakakaaba ang prosesong ito sa nagnakaw.15

Nakakaimpluwensya ang pamantayan ng ating integridad sa ating pamilya at sa iba.

Ang isang magulang na pinababata ang edad ng anak para makaiwas sa pagbabayad nang buo sa mga sinehan at eroplano at tren at bus ay tinuturuang mandaya ang bata. Hindi niya malilimutan ang mga leksyong ito. Tinutulutan ng ilang magulang na labagin ng anak ang batas ukol sa mga paputok, paggamit ng baril, pamimingwit at pangangaso nang walang lisensya. Tinutulutang magmaneho ang mga anak nang walang lisensya o pinatatanda ang kanilang edad. Yaong nangunguha ng maliliit na bagay nang hindi nagpapaalam, tulad ng bunga ng puno mula sa bakuran ng kapitbahay, bolpen mula sa lamesa, pakete ng babolgam mula sa bukas na estante, lahat ay tahimik na nagtuturo na walang masama sa pagnanakaw ng kaunti at pagsisinungaling.16

Ang mga magulang na “pinagtatakpan” ang kanilang mga anak, inihihingi sila ng paumanhin at binabayaran ang kanilang ninakaw, ay nawawalan ng mahalagang pagkakataong maturuan ng leksyon ang anak kaya’t lalong napapahamak ang kanilang anak. Kung ipasasauli sa bata ang pera o lapis o prutas kasabay ng paghingi ng paumanhin, malamang na matigil ang hilig niyang magnakaw. Kung hahangaan siya at gagawing munting bayani, kung ituturing na biro ang kanyang pagnanakaw, malamang na lalo pa siyang magnakaw.17

Dapat turuan ng mga magulang ang lumalaki nilang mga anak ng paggalang sa pag-aari at karapatan ng iba sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin. Ang mga magulang na pahihingin ng tawad ang kanilang mga anak at pababayaran at ipapabalik sa kanila—nang siguro ay doble o triple pa—ang kanilang ninakaw, nabasag, o nasira—magiging mararangal na mamamayan ang mga batang iyon at magdudulot ng karangalan at kaluwalhatian sa kanilang mga magulang. Ang mga magulang na gumagalang mismo sa batas at kaayusan at sumusunod sa lahat ng patakaran, sa pamamagitan ng huwarang iyon at sa kanilang pagsang-ayon o di pagsang-ayon, ay dinidisiplina at pinoprotektahan ang kanilang mga anak laban sa kaguluhan at paghihimagsik.18

Hinihimok namin kayong turuan ang inyong mga anak ng karangalan at integridad at katapatan. Posible ba na hindi alam ng ilang anak natin kung gaano kalubhang kasalanan ang magnakaw? Hindi kapani-paniwala—ang kalalaan ng paninira, pagnanakaw, panloloob, at pang-uumit. Protektahan ang inyong pamilya laban dito sa pamamagitan ng wastong pagtuturo.19

Tiyakin nating isama sa mga home evening ang leksyon tungkol sa katapatan at integridad.20

Maaaring malakas ang kalaban natin, pero dapat nating ituro sa ating mga anak na ang kasalanan ay kasalanan. Tinutulutang makalusot ang pandaraya ng mga bata sa isports at mga laro. Ang pandarayang ito ay umiiral din sa kolehiyo at maging sa propesyon at negosyo. Maliban pa sa ito ay mali, maling-mali, pinahihina rin nito ang pinakapundasyon ng kanilang kultura at pagkatao.21

Sa tren mula New York patungong Baltimore ay umupo kami sa bagon na kainan sa tapat ng isang mangangalakal at nagsabi, “Bihirang umulan [na]ng ganito sa Lungsod ng Salt Lake.”

Di nagtagal at napunta ang pag-uusap sa ginintuang tanong: “Gaano ang nalalaman mo tungkol sa Simbahan?”

“Kaunti lamang ang nalalaman ko tungkol sa Simbahan,” sabi niya, “ngunit may kilala akong kasapi nito.” Nagtatayo siya ng mga subdibisyon sa New York. “May isang pangalawang kontratista na gumagawa para sa akin,” pagpapatuloy niya. “Siya ay lubhang tapat at may integridad na hindi ko siya kailanman [hinilingan] na sumali sa subasta sa isang gawain. Siya ang dakilang halimbawa ng karangalan. Kung ang mga Mormon ay tulad ng lalaking ito, gusto kong malaman ang tungkol sa isang simbahan na nakagagawa ng ganitong karangal na mga tao.” Iniwanan namin siya ng babasahin at ipinadala ang mga misyonero upang turuan siya.22

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaan ng mga halimbawa ng dakilang katapangan at integridad.

Kaylaki ng paghanga ng isang tao kay Pedro … nang makita siyang nakatayo nang buong tikas at katapangan at lakas sa harap ng mga hukom at pinunong puwede siyang ipakulong, ipahagupit, at baka nga ipapatay pa. Para nating naririnig ang walang takot na mga salitang iyon nang harapin niya ang kanyang mga kaaway at sinabing: “Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.” (Mga Gawa 5:29.)

Tumitig si Pedro sa mga mata ng madla at pinatotohanan sa kanila ang Diyos na kanilang ipinako sa krus [tingnan sa Mga Gawa 3:13–15]. …

Sa mga nakarinig sa patotoo at utos na ito, 5,000 katao ang nakakita sa labis na katapangan at integridad na ito! At 5,000 katao ang naniwala.

Balikan natin si Daniel, isang bihag at alipin ngunit isa ring propeta ng Diyos na handang mamatay para sa kanyang mga paniniwala. Pinahalagahan ba ang integridad? Ipinamuhay ni Daniel ang ebanghelyo. … Sa hukuman ng hari, halos walang maipintas sa kanya, ngunit kahit para sa isang pinuno ay ni hindi siya uminom ng alak ng hari ni nagpakabundat sa karne at masasarap na pagkain. Ang kanyang kahinahunan at kadalisayan ng kanyang pananampalataya ay nagbigay sa kanya ng kalusugan at karunungan at kaalaman at kasanayan at pang-unawa, at napalapit siya sa kanyang Ama sa langit dahil sa kanyang pananampalataya, at dumating sa kanya ang mga paghahayag tuwing kailangan niya. Ang pagbubunyag niya ng mga panaginip ng hari at mga interpretasyon niyon ay naghatid sa kanya ng karangalan at papuri at mga handog at mataas na katungkulang nais kamtin ng maraming tao kahit ipagbili nila ang kanilang kaluluwa. Pero nang papiliin siya kung titigil siya sa pagdarasal o itatapon siya sa kulungan ng mga leon, hayagan siyang nagdasal at nagpailalim sa parusa. [Tingnan sa Daniel 1–2, 6.]

Ipinaaalala natin sa ating sarili ang integridad ng tatlong Hebreo na sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na gaya ni Daniel ay hinamon ang mga tao at pinuno, na magpakatotoo sa sarili at manalig sa kanilang pananampalataya. Inutusan sila ng batas ng emperador na lumuhod at sambahin ang isang malaking imaheng ginto na ipinagawa ng hari. Bukod pa sa pagkawala ng reputasyon at posisyon, at napagalit ang hari, hinarap nila ang nagniningas na hurno sa halip na itakwil ang kanilang Diyos.

…Nang umalingawngaw sa buong paligid ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, at iba pang instrumento at pinuno ng mga lalaki’t babae sa lahat ng dako ang kanilang tahanan at mga lansangan ng nangakaluhod na nagsisisamba sa malaking imaheng ginto, tatlong lalaki ang tumangging insultuhin ang tunay nilang Diyos. Nagdasal sila sa Diyos, at nang harapin sila ng napopoot at galit na haring emperador, matapang silang sumagot sa harap ng tiyak na kamatayan:

“Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

“Nguni’t kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.” (Daniel 3:17–18.)

Integridad! Ang mga pangako ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos ay nakahihigit sa lahat ng pangako ng tao na kabantugan, kaginhawahan, katiwasayan. Sinabi ng mga taong ito na matapang at may integridad, “Hindi namin kailangang mabuhay, pero kailangan naming magpakatotoo sa aming sarili at sa Diyos.”…

Sa pagsisikap nating maging perpekto ay walang kabutihan na higit na mahalaga kaysa sa [integridad] at katapatan. Hayaan kung gayon na tayo ay maging buo, hindi nadadaig, dalisay, at tapat, upang paunlarin sa ating sarili ang katangiang iyon ng kaluluwa na labis nating [binibigyang halaga] sa iba.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Rebyuhin ang ikalawang talata sa pahina 149. Ano ang mga katangian ng pagkatao na nahayag sa reaksyon ng batang si Spencer? Ano kayang mga katulad nito ang nararanasan natin ngayon?

  • Pag-aralan ang unang apat na talata sa pahina 151, na hinahanap ang mga salitang ginamit ni Pangulong Kimball sa pagpapaliwanag ng integridad. Kailan ninyo namalas na nagdudulot ng “kapayapaan ng kalooban, katiyakan ng layunin, at seguridad sa pagkilos” ang integridad? Kailan ninyo nakita na pinagsisimulan ng “di-pagkakaisa, takot, kalungkutan, kawalang-katiyakan” ang kawalan ng integridad?

  • Anong ilang pag-uugali tungkol sa mga tipan ang humahadlang sa pagkakaroon ng integridad ng isang tao? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 152–153.) Paano natin mapaglalabanan ang mga pag-uugaling ito? Pag-isipan ang integridad ninyo sa pagsunod sa inyong mga tipan.

  • Sa anong mga paraan natin “dinadaya ang ating sarili” kung tayo ay hindi tapat? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 155–157.)

  • Rebyuhin ang mga halimbawa ni Pangulong Kimball sa panloloko at katapatan ng mga magulang (mga pahina “00” [129–30)]. Pag-isipan kung ano ang ginagawa ninyo para maturuan ng integridad ang mga anak.

  • Basahin ang kuwentong nagsisimula sa ikalimang talata sa pahina 156. Paano naapektuhan ng integridad ng iba ang inyong buhay?

  • Pag-aralan ang ikalimang talata sa pahina 151. Pag-isipang suriin ang inyong buhay, tulad ng payo ni Pangulong Kimball. Itanong sa inyong sarili ang mga tanong niya.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Job 27:5–6; Mga Kawikaan 20:7; Alma 53:20–21; D at T 97:8; 136:20, 25–26

Mga Tala

  1. Francis M. Gibbons, Spencer W. Kimball: Resolute Disciple, Prophet of God (1995), 106.

  2. Edward L. Kimball at Andrew E. Kimball Jr., The Story of Spencer W. Kimball: A Short Man, a Long Stride (1985), 23.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1974, 103, 106; o Ensign, Nob. 1974, 73, 75.

  4. “Give the Lord Your Loyalty,” Ensign, Mar. 1980, 2.

  5. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 192.

  6. Sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 32.

  7. “The Example of Abraham,” Ensign, Hunyo 1975, 6.

  8. Ensign, Mar. 1980, 2.

  9. The Miracle of Forgiveness (1969), 94–95, 96.

  10. “On My Honor,” Ensign, Abr. 1979, 5.

  11. Ensign, Abr. 1979, 5.

  12. Faith Precedes the Miracle (1972), 234.

  13. “A Report and a Challenge,” Ensign, Nob. 1976, 6.

  14. The Teachings of Spencer W. Kimball, 196.

  15. The Teachings of Spencer W. Kimball, 198.

  16. The Teachings of Spencer W. Kimball, 343.

  17. The Miracle of Forgiveness, 50.

  18. “Train Up a Child,” Ensign, Abr. 1978, 4.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1974, 5; o Ensign, Nob. 1974, 5.

  20. Sa Conference Report, Temple View New Zealand Area Conference 1976, 29.

  21. “What I Hope You Will Teach My Grandchildren,” mensahe sa mga kawani ng seminary at institute, Brigham Young University, Hulyo 11, 1966, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2.

  22. Faith Precedes the Miracle, 240–41.

  23. Faith Precedes the Miracle, 244–46, 248.

Daniel in lion’s den

Si Daniel ay “isang bihag at alipin ngunit isa ring propeta ng Diyos na handang mamatay para sa kanyang mga paniniwala. Pinahalagahan ba ang integridad?”

members partaking of sacrament

“Ang mga pakikipagtipan natin sa Diyos ay may kasamang mga pangakong gagawin, tulad ng paggawa ng kabutihan at pag-iwas sa kasamaan, at hindi lamang pag-iwas sa bagay na hindi dapat gawin

men in fiery furnace

Minabuti nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego na “humarap sa nagniningas na hurno kaysa itakwil nila ang kanilang Diyos.” Iniligtas sila ng Panginoon mula sa apoy.