Kabanata 16
Ang Sabbath—Isang Kaluguran
Ang Sabbath ay araw ng masigla at masayang pagsamba.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Sa pagdalaw ni Pangulong Spencer W. Kimball sa buong Simbahan, natuwa siya nang makitang iginagalang ng mga Banal ang araw ng Sabbath. Ikinuwento niya ang dalawang lalaking nakilala niya na pinagpala sa pagsisikap nilang panatilihing banal ang araw ng Sabbath:
“Sa isang stake kamakailan ininterbyu ko ang isang lalaki para sa isang mahalagang tungkulin sa muling pagsasaayos ng stake. At sinabi ko sa kanya, ‘Ano ang trabaho mo?’ At sinabi niya, ‘May gasolinahan po ako.’ At itinanong ko, ‘Nagbubukas ka ba kapag Sabbath?’ Ang sagot niya’y ‘Hindi po.’ ‘Sapat ba naman ang kinikita mo? Parang iniisip ng karamihan sa mga may-ari ng gasolinahan na dapat silang magbukas tuwing Sabbath.’ ‘Malakas naman po ang kita ko,’ sabi niya. ‘Mabait ang Panginoon sa akin.’ ‘Wala ka bang mahigpit na kakumpetensya?’ tanong ko. ‘Meron po,’ sagot niya. ‘Sa kabila ng kalsada may lalaking laging nagbubukas ng tindahan buong araw ng Linggo.’ ‘At kahit kailan hindi ka nagbukas?’ tanong ko. ‘Hindi po,’ sabi niya, ‘at nagpapasalamat ako, at mabait ang Panginoon, at may sapat ako para sa aking mga pangangailangan.’
“Nasa ibang stake ako, na isinasaayos ding muli, at isa pang kapatid ang iminungkahi para sa isa sa mga pinakamataas na tungkulin; at nang tanungin namin kung ano ang trabaho niya, sinabi niyang may groseri siya. ‘Halos karamihan sa mga tindahan ay bukas kapag Sabbath. Ikaw?’ ‘Sarado po kami tuwing Linggo,’ sabi niya. ‘Pero paano ka makikipagsabayan sa mga taong ito na nagbubukas pitong araw sa isang linggo?’ ‘Nakakaagapay naman kami. Kahit paano malakas ang kita namin,’ ang sagot niya. ‘Pero hindi ba’t Sabbath ang pinakamabiling araw sa inyo?’ ‘Opo,’ sagot niya, ‘siguro doble ang maibebenta namin sa Sabbath kaysa sa karaniwang araw, pero nakakaraos kami kahit wala iyon, at mabait ang Panginoon; mapagpala siya; napakabuti niya.’ … At hindi ko mapigilang sabihing, ‘Pagpalain ka ng Diyos, tapat kong kapatid. Hindi ipagwawalangbahala ng Panginoon ang lahat ng sakripisyong ito. Malinis ang perang kinikita mo. Tiyak na hindi ito makahahadlang sa pagtahak mo sa landas tungo sa kaharian ng Diyos.’ ”1
Itinuring ni Pangulong Kimball ang Sabbath bilang araw ng masigla, at masayang pagsamba—araw para isantabi ang mga bagay ng daigdig at punuin ang araw ng mabubuting aktibidad. Sa pagbanggit sa mga banal na kasulatan, hinikayat niya ang mga Banal na gawing “kaluguran” ang Sabbath at harapin ang araw nang may “maligayang mga puso at mukha” (Isaias 58:13; D at T 59:15).2
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa tuwina na igalang ang araw ng Sabbath.
Bumaba si Moises mula sa nayayanig, umuusok na Bundok ng Sinai at dinala sa naliligaw na mga anak ni Israel ang Sampung Utos, mga pangunahing panuntunan para sa mabuting pamumuhay. Gayunman hindi bago ang mga kautusang ito. Ipinaalam na ito noon pa man kay Adan at sa kanyang angkan, na inutusang ipamuhay ang mga ito mula pa sa simula, at binanggit lang muli ng Panginoon kay Moises. At ang mga utos ay nauna pa sa buhay sa mundo at bahagi ng pagsubok para sa mga mortal na pinlano noon sa pulong sa langit.
Nakasaad sa una sa Sampung Utos na dapat sambahin ng mga tao ang Panginoon; ang ikaapat ay nagtatakda ng araw ng Sabbath na para lamang sa gayong pagsamba:
“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. […]
“Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin.
“Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.
“Ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:
“Sapagka’t sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal.” (Exodo 20:3, 8–11.)
Para sa marami, maliit na bagay lang ang paglabag sa Sabbath ngunit para sa ating Ama sa Langit ito’y paglabag sa isa sa mga pangunahing kautusan. Patunay ito ng kabiguan ng tao na ipasa ang pagsubok na itinakda para sa bawat isa sa atin bago pa nilikha ang mundo, na “susubukin… sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” (Abraham 3:25.) …
Ang banal na utos na ibinaba mula sa dumadagundong na Bundok ng Sinai ay “Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin.” Ang kautusang iyon ay hindi kailanman inalis o binago. Sa halip, pinagtibay pa ito sa makabagong panahon:
“Subalit tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid at sa harapan ng Panginoon.
“At sa araw na ito wala kayong iba pang bagay na gagawin, kundi ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang … ang inyong kagalakan ay malubos.” (D at T 59:12–13.)3
Ang Sabbath ay hindi araw para sa negosyo o libangan.
Hinihimok ko … ang mga Banal sa lahat ng dako na mahigpit na panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Mabilis ang pagkawala ng sagradong kabuluhan ng banal na araw ng Panginoon sa buong mundo. … Lalong sinisira ng tao ang mga sagradong layunin ng Sabbath sa paghahangad ng kayamanan, kasiyahan, libangan, at pagsamba sa huwad at materyal na mga diyusdiyosan. Patuloy naming hinihimok ang lahat ng Banal at mga taong may takot sa Diyos sa lahat ng dako na igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. Walang negosyong magbubukas sa Sabbath kung walang tatangkilik sa kanila sa banal na araw na iyon. Totoo rin ito sa mga pasyalan, mga lugar na pinagdarausan ng sport, at iba’t ibang uri ng libangan. Ang paghahangad sa salapi ay tila nakalalamang kaysa sa utos ng Panginoon na, “Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuario” (Lev. 19:30).4
Napapansin natin na sa maraming lugar ng mga Kristiyano mayroon pa rin tayong mga negosyo na bukas sa sagradong araw ng Sabbath. Sigurado tayo na ang lunas rito ay nakasalalay sa atin mismo, na mga mamimili. Tiyak na hindi mananatiling bukas ang mga tindahan at negosyo kung tayo, na mga tao, ay hindi bibili sa kanila. Maaari bang isaalang-alang ninyong muli ang bagay na ito. Ituro ninyo ito sa inyong mga home evening at talakayin ito sa inyong mga anak Nakakatuwa kung magpapasiya ang bawat pamilya na mula ngayon ay wala nang bibili sa araw ng Linggo.5
Tayo ay naging isang mundo ng mga tagalabag ng Sabbath. Tuwing Sabbath ang mga lawa ay puno ng mga bangka, siksik sa tao ang mga dalampasigan, mas marami ang nanonood ng sine, puno ng tao ang laruan ng golf. Ang Sabbath ang pinipiling araw para sa mga rodeo, kapulungan, piknik ng pamilya; kahit ang mga palaro ay ginaganap sa sagradong araw na ito. “Bukas kami, tuloy po kayo” ang slogan ng marami, at ang ating banal na araw ay naging isang pista-opisyal na lang. At dahil iniisip ng napakaraming tao na pista-opisyal ang araw na ito, napakaraming iba pa ang nagsisilbi sa mga taong ito na mahilig sa kasiyahan at pagkita ng salapi. …
Ang pangangaso at pangingisda sa araw ng Panginoon ay hindi pagpapanatiling banal nito. Ang pagtatanim o paglinang o pagani ng pananim sa araw ng Sabbath ay hindi pagpapanatiling banal sa araw ng Panginoon. Ang pagpipiknik, paglalaro o pagsakay ng rodeo o panonood ng karera o palabas o iba pang libangan sa araw na iyon ay hindi banal na paggunita dito.
Kahit nakapagtataka, ang ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw, na tapat sa iba pang bagay, ay binibigyang-katwiran ang sarili sa hindi pagdalo paminsan-minsan sa mga miting sa simbahan para maglibang, iniisip na hindi na mainam mangisda kung wala siya sa ilog sa unang araw ng pangingisda o hindi sapat ang haba ng bakasyon kung hindi ito sisimulan sa araw ng Linggo o hindi niya mapapanood ang pelikulang gusto niya kung hindi niya ito panonoorin sa araw ng Sabbath. At sa paglabag nila sa araw ng Sabbath madalas ay kasama nila ang kanilang mga pamilya. …
Hindi naman pinipintasan ang legal na paglilibang—mga isport, piknik, palabas, at pelikula. Lahat ay may kakayahang pasiglahin ang buhay, at ang Simbahan bilang isang organisasyon ay aktibong tumatangkilik sa gayong mga aktibidad. Ngunit may angkop na panahon at lugar para sa lahat ng makabuluhang bagay—panahon para magtrabaho, maglibang, sumamba. …
Totoong may ilang tao na kailangang magtrabaho sa araw ng Sabbath. At, sa katotohanan, ang ilan sa mga trabaho na talagang kailangan—pag-aalaga ng maysakit, halimbawa—ay talagang nakapagpapabanal sa Sabbath. Gayunman, sa gayong mga gawain ang motibo natin ang isasaalang-alang na mabuti.6
Kung minsan, ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay itinuturing na sakripisyo at pagkakait sa sarili, ngunit hindi gayon. Ito’y pagsasaayos lamang ng oras at pagpili ng ating gagawin. May sapat na oras, lalo na sa panahon natin ngayon sa kasaysayan ng mundo, sa anim na araw ng linggo kung kailan makapagtatrabaho at makapaglilibang tayo. Maraming magagawa para maisaayos at mahikayat ang paggawa ng mga aktibidad sa simpleng araw, upang maiwasan ang Sabbath.7
Ang Sabbath ay panahon para tayo ay espirituwal na mapagyaman sa pamamagitan ng pagsamba at makabuluhang paggawa.
Ang Sabbath ay banal na araw para gumawa ng banal at makabuluhang mga bagay. Ang hindi pagtatrabaho at paglilibang ay mahalaga, ngunit hindi sapat. Kailangan sa araw ng Sabbath ang kapaki-pakinabang na pag-iisip at pagkilos, at kung ang isang tao ay magpapahinga lamang at walang gagawin sa araw ng Sabbath, nilalabag niya ito. Para mapanatili itong banal, ang isang tao ay dapat nakaluhod at nagdarasal, naghahanda ng leksyon, nagaaral ng ebanghelyo, nagmumuni-muni, dumadalaw sa maysakit at nagdurusa, sumusulat sa mga misyonero, umiidlip, nagbabasa ng makabuluhang materyal, at dumadalo sa lahat ng miting sa araw na iyon kung saan siya inaasahang dumalo.8
Mag-ukol ng oras [sa Sabbath] na magkasama-sama bilang pamilya para mag-usap-usap, mag-aral ng mga banal na kasulatan, dumalaw sa mga kaibigan, kamag-anak, at sa mga maysakit at nalulungkot. Ito rin ang pinakamagandang araw para sumulat sa inyong journal at gumawa ng genealogy.9
Sa Hebreo ang ibig sabihin ng salitang Sabbath ay “kapahingahan.” Naghihikayat ito ng kapanatagan, kapayapaan ng isipan at kaluluwa. Ito ang panahon para iwaksi ang pansariling mga interes at mga gawaing masyadong pinagkakaabalahan.
Ang araw ng Sabbath ay ibinigay sa lahat ng henerasyon ng tao bilang pinakapalaging tipan [tingnan sa Exodo 31:16]. Ito ay isang tanda sa pagitan ng Panginoon at ng kanyang mga anak magpakailanman [tingnan sa Exodo 31:17]. Ito ang araw ng pagsamba at pagpapakita ng pasasalamat at pagpapahalaga sa Panginoon. Ito ang araw para isuko ang bawat makamundong mithiin at mapagpakumbabang purihin ang Panginoon, sapagkat pagpapakumbaba ang simula ng kadakilaan. Hindi ito araw ng paghihirap at pasakit kundi ng kapahingahan at matwid na pagsasaya. Hindi ito araw ng saganang handaan, kundi araw ng simpleng pagkain at espirituwal na salu-salo. … Ito ang araw na mapagpalang ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit. Ito ang araw kung kailan mailalabas ang mga hayop para manginain sa damuhan at pagpahingahin; kung kailan maitatabi ang araro sa kamalig at di gagamitin ang iba pang makina; ang araw kung kailan ang nagpapatrabaho at trabahador, amo at tagapaglingkod ay mapapahinga mula sa pag-aararo, paghuhukay, pagtatrabaho. Ito ang araw kung kailan maaaring isara ang opisina at ipagpaliban ang pangangalakal, at kalimutan ang mga alalahanin; ang araw kung kailan pansamantalang mapalalaya ang tao sa unang kautusan na, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa. …” [Tingnan sa Genesis 3:19.] Ito ang araw kung kailan maaaring mapahinga ang mga katawan, mapanatag ang isipan, at mapaunlad ang mga kaluluwa. Ito ang araw kung kailan maaaring kumanta ng mga awitin, mag-alay ng mga panalangin, mangaral, at magpatotoo, at kung kailan makaaakyat sa mataas na antas ang tao, at halos mapawi ang panahon, lugar, at distansya sa pagitan niya at ng kanyang Manlilikha.
Ang Sabbath ang araw ng pagmumuni-muni—ng pagsusuri ng ating mga kahinaan, ng pagtatapat ng ating mga kasalanan sa ating mga kasama at sa ating Panginoon. Ito ang araw ng pagaayuno na may “mga damit na magaspang at abo.” Ito ang araw ng pagbabasa ng mabubuting aklat, araw ng pagninilay at pagiisip, araw ng pag-aaral ng leksyon para sa organisasyon ng priesthood at auxiliary, araw ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at paghahanda ng mga mensahe, araw ng pag-idlip at pagpapahinga, araw ng pagdalaw sa maysakit, araw ng pangangaral ng ebanghelyo, ng pagbabahay-bahay, araw ng tahimik na paguusap-usap sa pamilya at mapalapit pang lalo sa ating mga anak, araw ng angkop na pagsusuyuan, araw ng paggawa ng mabuti, araw ng pag-inom sa bukal ng kaalaman at ng tagubilin, araw ng paghingi ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, araw ng pagpapayaman ng ating espiritu at kaluluwa, araw upang ibalik tayo sa ating espirituwal na katayuan, araw ng pakikibahagi sa mga sagisag ng sakripisyo at pagbabayad-sala [ng Panginoon], araw ng pagninilay ng mga kaluwalhatian ng ebanghelyo at ng walang hanggang kaharian, araw ng pag-akyat sa mataas na landas na patungo sa ating Ama sa Langit.10
Umaasa kami … na bago matapos ang sunud-sunod na mga miting ninyo sa araw ng Linggo, depende sa inyo-inyong … iskedyul ng miting, ay gagawin ninyo ang ipinagawa ng Tagapagligtas sa mga disipulong Nephita: Matapos niyang turuan sila, pinauwi niya sila sa kani-kanilang mga tahanan upang pagbulayin at ipagdasal ang mga nasabi (tingnan sa 3 Ne. 17:3). Isaisip natin ang huwarang iyon.11
Ang ganap at masaganang Sabbath ay kinabibilangan ng pagdalo sa mga miting ng Simbahan at pakikibahagi ng sakrament.
Tila ang ideya ng Panginoon sa isang ganap at saganang Sabbath ay ang pagsamba at pagkatuto tungkol sa kanya at pakikibahagi sa kanyang sakrament. Nais niyang punuin natin ang araw ng kapaki-pakinabang at espirituwal na mga aktibidad. Nais niyang gawin natin ang mga bagay na ito nang may pasasalamat at maliligayang puso at mukha, at hindi nang may labis na tawanan. Nais niyang dumalo ang ating kalalakihan at binatilyo sa kanilang miting sa priesthood na nakapaghanda ng kanilang mga leksyon at may nagagalak na puso. Nais niyang dumalo ng Sunday School ang kanyang mga tao at matutuhan doon ang kanyang plano ng kaligtasan. Nais niyang dumalo ang kanyang mga tao sa sakrament miting upang umawit kasama ng mga Banal at manalangin na taglay ang diwa ng nag-aalay ng panalangin, at makibahagi sa mga sagisag ng sakrament, na muling nangangako ng ganap na katapatan, nagpapasakop nang walang pasubali, walang sawang paggawa, palagiang pag-alaala sa kanya.12
Sino ang dapat dumalo sa mga sakrament miting? Ang kautusan ay ipinasabi sa pamamagitan ng Propeta sa mga tao na “kung kaninong mga paa ay nakatindig sa lupain ng Sion,” ang mga miyembro ng kanyang simbahan [tingnan sa D at T 59:3, 9]. Ang kautusang ito ay hindi lamang para sa mga nasa hustong gulang kundi para sa lahat ng bata at matanda. … Ano ang magagawa ng mga magulang upang mas makatulong sa pagpapatatag ng pamilya kundi ang sama-samang madala ang buong pamilya, malaki man o maliit, sa meetinghouse para sa mga sakrament miting? Doon makakaugalian ng mga bata ang palagiang pagdalo, makakaiwas sa paglabag sa araw ng Sabbath, at kahit musmos pa, ay mauunawaan ang mga turo at patotoo, at ang diwang naroroon. Ang mga lider ng ward at korum ay dapat maging halimbawa sa mga tao sa bagay na ito.13
Noong musmos pa lang ako, itinuro sa akin na ugaliing magpunta sa sakrament miting. Lagi akong isinasama ni Inay. Sa mga maalinsangang tanghaling iyon, nakakaramdam ako kaagad ng antok at matutulog sa kanyang kandungan. Wala man akong gaanong natutuhan sa mga mensahe, pero nakaugalian ko ang “pagpunta sa miting.” Nanatili sa akin ang ugaling ito sa buong buhay ko.14
Walang musmos na sadyang nakaaalam na pumapasok sa katawan niya ang sinag ng araw; hindi niya namamalayan na nagbibigay ng lakas sa munti niyang katawan ang sinag na iyon. Walang musmos na nakatatanto sa kahalagahan ng gatas ng kanyang ina ni ng pagkaing mula sa de lata na nagbibigay sa kanya ng sustansiya. Subalit, doon niya kinukuha ang kanyang lakas at kakayahang lumaki at humusto sa gulang balang-araw. …
At maraming matututuhan ang bawat bata sa sakrament miting, nang hindi natatanto ang buong kahulugan nito. May matututuhan sila sa tuwi-tuwina.15
Hindi ba’t malaki ang nasasayang na panahon at pagsisikap kung tuwing Linggo ng umaga ay titigil tayo at sasabihing, “Pupunta ba ako o hindi sa miting ng priesthood? Pupunta ba ako o hindi sa sakrament miting ngayon? Pupunta ba tayo o hindi?” Kayraming nasayang na pagsisikap. … Magpasiya na kung pupunta ba kayo o hindi.16
Isang lalaking kakilala ko ang nasa bahay lang tuwing Sabbath at nangangatuwiran na mas makikinabang siya sa pagbabasa ng makabuluhang aklat sa bahay kaysa dumalo sa sakrament miting at makinig sa pangit na mensahe. Ngunit ang tahanan, bagamat sagrado ito, ay hindi bahay-dalanginan. Hindi isinasagawa ang sakrament dito; hindi madarama rito ang pakikipagkaibigan sa mga miyembro, ni ang pagtatapat ng mga kasalanan sa mga kapatid na lalake sa simbahan. Ang mga kabundukan ay maaaring tawaging mga templo ng Diyos at ang mga gubat at ilog ang kanyang likha, ngunit tanging sa meetinghouse, o sa bahay-dalanginan lamang, maisasakatuparan ang lahat ng mga iniuutos ng Panginoon. Kaya nga binigyang-diin niya sa atin na: “Kinakailangan na ang simbahan ay matipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak sa pag-alaala sa Panginoong Jesus.” (D at T 20:75.)17
Hindi tayo pumupunta sa mga miting ng Sabbath para maaliw o matagubilinan lamang. Pumupunta tayo para sambahin ang Panginoon. Ito ay responsibilidad ng bawat isa, at anuman ang sinasabi sa pulpito, kung nais ng isang tao na sambahin ang Panginoon sa espiritu at katotohanan, magagawa niya ito sa pagdalo sa kanyang mga miting, pagbahagi ng sakrament, at pagninilay sa kagandahan ng ebanghelyo. Kung hindi kayo nasisiyahan sa mga miting na ito, kayo ang nabigo. Walang ibang makasasamba para sa inyo; kayo ang dapat gumawa ng sarili ninyong paghihintay sa Panginoon.18
Nangako ng mga pagpapala ang Panginoon sa matatapat na nagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.
Ang layunin ng kautusan na [panatilihing banal ang araw ng Sabbath] ay hindi para pagkaitan ang tao ng isang bagay. Bawat kautusang ibinibigay ng Diyos sa kanyang mga tagapaglingkod ay para sa kapakinabangan ng mga tumatanggap at sumusunod dito. Ang tao ang nakikinabang sa mabuti at mahigpit na pagsunod; ang tao ang nagdurusa sa paglabag sa mga batas ng Diyos. …
Sa mga paglalakbay ko, nakakakita ako ng matatapat na tao na walang pakialam sa perang kikitain sa araw ng Linggo at sa mga bagay na ipinagbabawal. Nakakita ako ng mga magbabaka na hindi nagbebenta sa araw ng Sabbath; ang mga tindahan ng prutas sa tabi ng daan na karaniwang bukas sa maghapo’t magdamag kapag panahon ng mga prutas ay sarado sa araw ng Sabbath; ang mga botika, kainan, at mga tindahan sa tabing daan ay sarado sa araw ng Panginoon—at tila may sapat naman para sa kanilang pangangailangan ang mga may-ari at kasabay niyon ay nakadarama pa ng tunay na kasiyahan sa pagsunod sa batas na iyon. At sa tuwing makakakita ako ng mabubuting tao na pinapalampas ang mga ganitong pagkita ng pera, ay nagagalak ako at nadarama sa aking puso na pagpapalain sila sa kanilang katapatan at katatagan.19
Alam kong hindi kailanman magdurusa ang mga tao, sa huli, sa anumang pinansyal na sakripisyong gagawin, sapagkat iniutos sa atin [ng Diyos] na ipamuhay ang kanyang mga batas at pagkatapos ay hinamon tayong:
“… subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.” (Malakias 3:10.)20
Hinggil sa kautusang ito, kasama ang iba pa, tayo nang sundin si propetang Josue: “Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: … piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.” (Josue 24:14–15.)
Sa gayo’y makaaasa tayo sa mga pagpapalang ipinangako sa mga anak ni Israel: “Inyong ipangingilin ang aking mga sabbath, at inyong igagalang ang aking santuario: ako ang Panginoon.
“Kung lalakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan at iingatan ninyo ang aking mga utos, at inyong tutuparin:
“Ay maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga.
“At ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pagaani ng mga ubas, at ang pagaani ng ubas ay aabot sa paghahasik: at kakanin ninyo ang inyong pagkain na sagana, at tatahan kayong tiwasay sa inyong lupain.
“At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at walang katatakutan kayo.” (Lev. 26:2–6.)21
Kung mahal natin ang Panginoon, susundin natin ang araw ng Sabbath at pananatilihing banal ito.
Tila ang dahilan kung bakit napakahirap para sa napakaraming tao na sundin ang araw ng Sabbath ay dahil nakasulat pa rin ito sa mga tapyas na bato sa halip na nakasulat sa kanilang mga puso. …
… Sa panahon natin ngayon tila nakita [ng Panginoon] ang katalinuhan ng kanyang mga tao, at iniisip na mauunawaan nila ang ganap na diwa ng pagsamba at pagsunod sa Sabbath nang sabihin niya sa kanila:
“Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” (D at T 59:8.)
… Ibinigay niya sa atin ang una at dakilang utos:
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.” (Mat. 22:37.)
Mahirap isipin na ang isang taong nagmamahal sa Panginoon nang buong puso at kaluluwa at may bagbag na puso at nagsisising espiritu na kumikilala sa walang hanggang kaloob na ibinigay sa kanya ng Panginoon ay hindi maglalaan ng isang araw sa isang linggo para magbigay-halaga at magpasalamat, at isulong ang mabubuting gawa ng Panginoon. Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay sukatan ng pagmamahal natin sa ating Ama sa Langit.22
Madalas itanong ng tao kung ano ang dapat o hindi dapat gawin: ano ang karapat-dapat at hindi karapat-dapat sa araw ng Sabbath. Ngunit kung mahal ng isang tao ang Panginoon nang buong puso, kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; kung iwawaksi ng tao ang kanyang kasakiman at susupilin ang pagnanasa; kung susukatin ng tao ang bawat aktibidad sa araw ng Sabbath gamit ang pamantayan ng pagsamba; kung tapat ang isang tao sa kanyang Panginoon at sa kanyang sarili; kung ang isang tao ay magaalay ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu,” mas malamang na walang paglabag sa araw ng Sabbath sa buhay ng taong iyon.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Rebyuhin ang mga pahina 200–201. Pag-isipan ang kahalagahang ibinigay ng Panginoon sa araw ng Sabbath at kung bakit naiiba ang araw ng Sabbath sa ibang mga araw ng linggo. Bakit isang “kaluguran” ang araw ng Sabbath?
-
Rebyuhin ang mga pahina 201–203, para hanapin ang mga bagay na hindi natin dapat gawin sa araw ng Sabbath. Bakit hindi angkop ang mga aktibidad na ito sa araw ng Sabbath? Sa mga pahina 203–208, nagbigay si Pangulong Kimball ng mga halimbawa ng “kapaki-pakinabang at espirituwal na mga aktibidad” para sa araw ng Sabbath. Ano ang ginagawa ninyo at ng inyong pamilya para lalong mapanatiling banal ang araw ng Sabbath?
-
Sinabi ni Pangulong Kimball na “ang mga motibo ang isasaalang-alang na mabuti” sa mga taong kailangang magtrabaho sa araw ng Sabbath (pahina 203). Ano ang magagawa ng mga tao para mapanatili ang diwa ng pagsamba sa araw ng Sabbath kapag sila’y kailangang magtrabaho?
-
Ano ang ibig sabihin sa atin ng ang araw ng Sabbath ay araw ng pamamahinga? (Para sa ilang mga halimbawa, tingnan sa mga pahina 203–206.) Bakit mali ang basta mamahinga lamang, na walang ginagawa sa araw ng Sabbath?
-
Rebyuhin ang mga layunin sa pagdalo sa mga miting sa Simbahan sa mga pahina 206–208. Kailan ninyo huling nadama ang lubos na pagsamba sa pulong ng Simbahan at bakit? Paano ninyo gagawing mas makabuluhan ang pagdalo at pagsamba ninyo sa Simbahan?
-
Nagpatotoo si Pangulong Kimball tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag pinananatili nating banal ang Sabbath (mga pahina 208–210; tingnan din ang mga kuwento sa mga pahina 198–200). Ano ang ilang mga pagpapala na natanggap ninyo sa pagsunod sa kautusang ito?
-
Sa family home evening o pulong ng pamilya, isipin ang magagawa ng inyong pamilya para tulungan ang isa’t isa na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Genesis 2:1–3; Marcos 2:23–28; 3:1–5; Mosias 13:16–19; D at T 68:29