Kabanata 11
Masinop na Pamumuhay: Pagsunod sa mga Alituntunin ng Pagtayo sa Sariling mga Paa at Kahandaan
Ang matalino at masinop na pamumuhay ay isang estilo ng pamumuhay na nagpapatatag sa pagkatao at nagdaragdag sa ating temporal, sosyal, emosyonal, at espirituwal na kapakanan.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Bilang batang mag-asawa, “alam” ni Spencer W. Kimball at ng kanyang maybahay na si Camilla “na hindi sila mayaman. Pero may trabaho sila at kakayahan. Alam nila kung paano pamahalaan ang sarili nilang pera, namuhay nang ayon sa kanilang kinikita, nag-impok para sa kinabukasan.”1
Naranasan ng mga Kimball ang panahon ng laganap na kahirapan ng ekonomiya—Unang Digmaang Pandaigdig (1914–18), ang Malawakang Kahirapan (1929–39), at Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939–45). Dahil dumanas ng mga hamong ito, nasabi ni Pangulong Kimball, “Natakot ako sa nakita ng sarili kong mga mata na hindi gawin ang magagawa ko para maligtas laban sa mga kalamidad.”2
Kasama ang mga paghihirap ng iba sa mga bagay na nakita niya: “Buong buhay ko mula pagkabata ay naririnig ko nang sinabi ng mga Kapatid, ‘magbayad ng utang at umiwas sa utang.’ Ilang taon akong nagtrabaho sa mga bangko at nakita ko ang nakakatakot na sitwasyon ng maraming tao dahil hindi nila pinansin ang mahalagang payong iyan.”
Dagdag pa sa trabaho niya sa bangko, humawak ng libro si Spencer para sa ilang tindahan sa lugar. “Isa sa mga nakagugulat na bagay sa buhay ko na makita sa mga libro ang utang ng maraming tao sa komunidad na alam ko. Kilala ko sila. Tantiyado ko ang kanilang kinikita, at nakita ko rin ang pag-aaksaya nila niyon. Sa madaling salita, nakita ko na bumibili sila ng mga damit, sapatos, at lahat ng mayroon sila nang ‘hulugan.’
“At nalaman ko na tungkulin kong sumahin ang mga bayarin nila tuwing katapusan ng buwan. At marami sa kanila ang hindi makabayad sa katapusan ng buwan. Ni hindi nila mabayaran ang mga hulog na isinaayos para sa kanila. At dahil pinalaki ako sa isang tahanang masinop sa pera, hindi ko ito maunawaan. Nauunawaan ko kung bakit bumibili ang isang tao ng bahay o marahil ng isang kotse nang hulugan. Pero hindi ko talaga maunawaan kung bakit nagsusuot ang sinuman ng mga damit na hindi kanila. O kumakain ng pagkaing binili nila ‘nang hulugan.’ ”3
Sa kanyang mga turo binanggit ni Pangulong Kimball hindi lamang ang mga isyung pinansyal kundi pati ang iba pang mga bagay na nauugnay sa masinop na pamumuhay, tulad ng personal na responsibilidad, trabaho, at pagtatanim at pag-iimbak ng pagkain sa tahanan. Sabi niya: “Sundin natin ang mga alituntunin ng kahandaan ng sarili at ng pamilya sa pang-araw-araw nating buhay. ‘Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot’ (D at T 38:30).4
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Tayo ang responsable sa sarili nating kapakanang sosyal, emosyonal, espirituwal, pisikal, at pangkabuhayan.
Iniutos ng Panginoon sa Simbahan at mga miyembro nito na tumayo sa sariling mga paa at magsarili. (Tingnan sa D at T 78:13–14.)
Ang responsibilidad para sa kapakanang sosyal, emosyonal, espirituwal, pisikal, o pangkabuhayan ng bawat tao ay nakasalalay una sa kanyang sarili, ikalawa sa kanyang pamilya, at ikatlo sa Simbahan kung siya ay tapat na miyembro nito.
Walang tunay na Banal sa mga Huling Araw, na may kakayahang pisikal o emosyonal, na kusang ipapaako sa iba ang kapakanan niya o ng kanyang pamilya. Basta’t kaya niya, sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon at sa sariling kayod, siya ang maglalaan sa kanyang sarili at kanyang pamilya ng espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay. (Tingnan sa I Kay Timoteo 5:8.)5
Sa paglalakbay at pagbisita namin sa mga tao sa buong mundo, nauunawaan namin ang malaking temporal na pangangailangan ng ating mga miyembro. At habang hinahangad natin silang tulungan, nalalaman natin ang malaking kahalagahan ng pagkatuto nila sa dakilang aral na ito: na ang pinakamalaking espirituwal na tagumpay ay dumarating kapag nadaraig natin ang laman. Pinatatatag natin ang pagkatao kapag hinihikayat natin ang mga tao na pangalagaan ang sarili nilang mga pangangailangan.6
Walang anumang pamimilosopo, pagdadahilan, o pangangatwiran ang babago sa pangunahing pangangailangang tumayo sa sariling mga paa. Ito ay totoo dahil:
“Lahat ng katotohanan ay nagsasarili sa yaong katayuan na pinaglagyan ng Diyos, … gaya rin ng lahat ng katalinuhan; kung hindi ay walang pagkabuhay.” (D at T 93:30.) Ipinahayag ng Panginoon na narito ang “kalayaan ng tao” (tingnan sa D at T 93:31), at kaakibat ng kalayaang ito ang responsibilidad sa sarili. Sa kalayaang ito maaari tayong luwalhatiin o isumpa. Nawa ay mag-isa at sama-sama tayong makatayo sa sarili nating mga paa sa tuwina. Ito ang ating pamana at obligasyon.7
Labis na nating nabigyang-diin ang kahandaan ng sarili at ng pamilya. Sana ay angkop na tumutugon ang bawat miyembro ng Simbahan sa tagubiling ito. Sana rin ay nauunawaan at nabibigyang-halaga natin ang positibo at hindi ang negatibo. Gusto ko ang paraan ng pagtuturo ng Relief Society ng kahandaan ng sarili at ng pamilya bilang “masinop na pamumuhay.” Nagpapahiwatig ito ng pagsisinop ng ating kabuhayan, matalinong pagpaplano ng pananalapi, lubos na paglalaan para sa personal na kalusugan, at sapat na paghahanda para sa edukasyon at pagtatrabaho, na nagbibigay ng angkop na pansin sa pagtatanim at pag-iimbak ng pagkain sa tahanan gayundin sa pagkakaroon ng tibay ng damdamin.8
Pinayuhan tayong magtanim at mag-imbak ng pagkain sa tahanan.
Hinimok ng Panginoon ang kanyang mga tao na mag-impok para sa tag-ulan, maghanda para sa kahirapan, at magtabi para sa mga emerhensiya, ng isang taon o mahigit pang suplay ng mga pangunahing pangangailangan upang pagsapit ng baha, lindol, taggutom, bagyo, mga unos sa buhay, ay malalampasan ng ating pamilya ang hirap.9
Hinihikayat namin kayong magtanim ng lahat ng pagkaing kaya ninyong itanim sa sarili ninyong bakuran. Mga duhat, ubas, punungkahoy—itanim ito kung angkop ang klima ninyo sa paglago nito. Magtanim ng mga gulay at kainin ito mula sa inyong sariling bakuran. Kahit yaong nakatira sa mga apartment o condominium ay makapagtatanim ng kaunting pagkain sa mga paso at lata. Pag-aralan ang pinakamaiinam na pamamaraan sa paglalaan ng sarili ninyong pagkain. Gawing malinis at kaakit-akit at mabunga ang inyong halamanan. Kung may mga bata sa inyong tahanan, bigyan sila ng takdang mga responsibilidad sa proseso.10
Sana ay maunawaan natin na, habang ang pagkakaroon ng halamanan… ay madalas makatulong sa pagbawas ng gastos sa pagkain at naglalaan ng masarap at sariwang prutas at gulay, higit pa rito ang nagagawa nito. Sino ang makakasukat sa halaga ng espesyal na pag-uusap ng isang dalaga at ng Tatay niya habang nagbubunot ng damo o nagdidilig sa halamanan? Paano natin masusuri ang buting dulot ng hayagang mga leksyon sa pagtatanim, paglilinang, at walang hanggang batas ng anihan? At paano natin matatawaran ang pagsasama ng pamilya at pagtutulungang kaakibat ng matagumpay na paggawa ng de-lata? Oo, nagtatabi tayo ng kabuhayan, ngunit marahil ang higit na mabuti ay nasa mga leksyon sa buhay na natututuhan natin sa masinop na pamumuhay.11
Hinihikayat namin ang mga pamilya na magkaroon nitong isang taong suplay, at paulit-ulit naming sinasambit ang banal na kasulatan ng Panginoon kung saan sinabi Niya, “Bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” [Lucas 6:46.] Walang saysay na gamitin nila ang tinatawag nilang espirituwalidad, at tawagin siya sa mahahalaga niyang pangalan, ngunit mabigong gawin ang mga bagay na kanyang sinasabi.12
Habang yumayaman tayo at lumalaki ang impok natin sa bangko, nakasisiguro tayo, at nadarama natin kung minsan na hindi natin kailangan ang suplay na iminungkahi ng mga Kapatid. … Dapat nating tandaan na nagbabago ang mga kalagayan at labis nating pasasalamatan o ng iba ang isang taong suplay ng mga pangunahing bagay. Kaya nga makabubuting makinig tayo sa sinabi sa atin at sundin ito nang hayagan.13
Dapat nating pagtrabahuhan ang natatanggap natin.
Patungkol sa lahat ng panahon sa ating buhay, naniniwala ako na dapat tulungan ng tao ang kanilang sarili. Dapat silang magararo at magtanim at maglinang at mag-ani at huwag asahang magkaroon ng makakain nang dahil sa kanilang pananampalataya.14
Ang trabaho ay pangangailangang espirituwal at pangkabuhayan.15
Ang pagtatrabaho ay naghahatid ng kaligayahan, pagpapahalaga sa sarili, at kasaganaan. Ito ang paraan sa lahat ng tagumpay; kabaligtaran ito ng katamaran. Inutusan tayong magtrabaho. (Tingnan sa Gen. 3:19.) Ang mga pagtatangkang matamo ang ating temporal, sosyal, emosyonal, o espirituwal na kapakanan dahil sa bigay ay paglabag sa banal na batas na dapat nating pagtrabahuhan ang natatanggap natin.16
Hindi na tayo dapat paalalahanan nang madalas na ang tulong pangkapakanan ng Simbahan ay espirituwal ang diwa at ang espirituwal na mga ugat na ito ay maluluoy kung tutulutan natin ang anumang gaya ng pilosopiya ng paglilimos na pumasok sa pamamahala natin sa Welfare Services. Sinumang natulungan ay may magagawa. Sundin natin ang sistema ng Simbahan tungkol dito at tiyakin na lahat ng makatanggap ay maglilingkod bilang kapalit. Nawa ay mag-ingat tayo sa pagtanggap ng mga makamundong kapalit ng plano na pangalagaan ang kanyang mahihirap na tao sa ganitong paraan ng Panginoon.17
Ang paraan ng Panginoon ay nagtatatag ng pagpapahalaga sa sarili at nagbibigay at nagpapalinis ng dangal ng tao, samantalang ang paraan ng mundo ay nagpapababa sa pagtingin ng tao sa kanyang sarili at nagpapatindi ng galit.
Ang paraan ng Panginoon ay nagtutulak sa tao na bilisan ang kanyang mga pagsisikap na tumayong muli sa sariling mga paa, bagama’t maaaring pansamantala niyang kailanganin ang tulong at pag-alalay dahil sa mga natatanging kalagayan. Ang paraan ng mundo ay nagpapalubha sa pagsandig ng tao sa mga programang pangkapakanan at nahihilig siyang higit pang umasa sa halip na mahikayat siyang bumalik sa pagsasarili.
Ang paraan ng Panginoon ay tumutulong sa ating mga miyembro na magkaroon ng patotoo sa kanilang sarili tungkol sa ebanghelyo ng pagtatrabaho. Dahil ang trabaho ay mahalaga sa kaligayahan ng tao gayundin sa pagiging mabunga niya sa mga gawain. Ang paraan ng mundo, gayunman, ay lalo’t higit na nagbibigay-diin sa paglilibang at pag-iwas sa trabaho.18
Tama lang ang magtrabaho. Bawat lalaki at babae at bata ay dapat magtrabaho. Maging mga batang paslit ay dapat matutong makihati, tumulong sa pag-aayos ng bahay at bakuran, magtanim sa halamanan, magtanim ng mga puno, mamitas ng prutas, at gawin ang lahat ng kailangang gawin, dahil iyon ay nagpapatatag sa kanilang pagkatao at pananampalataya at pag-uugali.
Nais namin na bigyan ninyong mga magulang ng magagawa ang inyong mga anak. Igiit na mag-aral sila ng leksyon sa paaralan. Huwag silang payagan na palagi na lang maglaro. May oras para maglaro, may oras para magtrabaho, at may oras para magaral. Siguruhing lumaki ang inyong mga anak ayon sa alam ninyong dapat nilang paglaki.19
Trabaho ang dapat maging tuntunin sa buhay ng mga miyembro ng ating Simbahan. (Tingnan sa D at T 42:42; 75:29; 68:30–32; 56:17.)20
Maaari tayong tumayo sa sarili nating mga paa sa pamamagitan ng pag-iimpok, pag-iwas sa utang, at pamumuhay nang naaayon sa ating kita.
Handa ba kayo at protektado laban sa kamatayan, sakit, matagalang pagkalumpo ng naghahanapbuhay sa pamilya? Gaano katagal kayo makakatiis kung wala nang kita? Anu-ano ang mga naitabi ninyo? Gaano katagal kayo makakabayad sa bahay, kotse, kasangkapan, muwebles? …
Ang unang reaksyon ay: Hindi namin kaya. Hindi nga namin kayang bayaran ang lahat ng pangangailangan namin sa buhay. … Kung hirap kayong magbayad kahit tumataas ang suweldo ninyo, maganda ang trabaho, walang sakit, maraming nagagawa, bata pa, paano ninyo tutugunan ang mga emerhensiya kapag nawalan kayo ng trabaho, nagkasakit at iba pang di inaasahang problema ang lumitaw?21
Hindi ninyo dapat gastusin ang lahat ng kita ninyo. Dapat mag-impok ng pera para sa mga misyon at pag-aaral ng inyong mga anak. Maaari silang bigyan ng mga responsibilidad at maliliit na gawain para makatulong din silang makaipon ng pondo at sa halip na gastusin ang maliliit na kitang iyon, iipunin nila iyon para sa mga dakilang layuning ito. Nangangahulugan ito na hindi magpapaluho ang mga magulang ngayon, pero mas malaking pakinabang ang darating sa hinaharap.22
Umiwas sa utang. … Lahat ngayon ay parang nahihilig mangutang. “Kunin ang inyong mga (credit) card, at bilhin ang lahat nang hulugan”: hinihikayat kayong gawin ito. Pero ang totoo ay hindi natin kailangang gawin ito para mabuhay.23
Iniisip namin kung ano ang gagawin ng mga miyembro natin na ginagastos ang lahat ng kita nila at higit pa. Kung magbawasan sa trabaho at suweldo, paano na? Sobra ba ang gastos ninyo kaysa kinikita? May utang ba kayo na hindi ninyo mababayaran kung bumagsak ang ekonomiya? May naitabi ba kayo kung may mangyari mang masama?24
Magplano at magtrabaho sa paraang magpapaligaya sa inyo kahit wala kayo ng ilang bagay na makukuha sana ninyo sa oras ng kasaganaan. Mamuhay ayon sa inyong kinikita at huwag sosobra doon. … Matalino at maingat ninyong bilhin ang inyong mga pangangailangan. Sikaping magtabi ng bahagi ng inyong kinikita. Huwag ipagkamaling pangangailangan ang maraming gusto.25
Matuto tayong mamuhay nang mag-isa, bilang mga pamilya, at bilang mga ward at stake nang ayon sa ating kita. May lakas at kaligtasan sa alituntuning ito. May nagsabi na yumayaman tayo kapag nabubuhay tayo kahit wala ang ilang bagay. Bilang mga pamilya at bilang Simbahan, kaya at dapat nating ilaan ang tunay na mahalaga para sa ating mga miyembro, ngunit ingatan nating huwag maghangad ng higit pa rito o para sa mga layuning walang tuwirang kaugnayan sa kapakanan ng ating pamilya at sa pangunahing misyon ng Simbahan.26
Ang kahandaan ay isang uri ng pamumuhay na may sariling mga gantimpala.
Ang kahandaan, kapag wastong hinangad, ay isang uri ng pamumuhay, hindi biglaan at kahanga-hangang programa.27
Matutukoy natin ang lahat ng bahagi ng kahandaan ng sarili at ng pamilya, hindi sa oras ng malaking pinsala o kapahamakan, kundi sa paglilinang ng isang estilo ng pamumuhay na siya ring gantimpala nito sa araw-araw.
Gawin natin ang mga bagay na ito dahil ito ay tama, dahil ito ay nakasisiya, at dahil sumusunod tayo sa mga payo ng Panginoon. Sa diwang ito magiging handa tayo anuman ang mangyari, at pasasaganain at aaliwin tayo ng Panginoon. Totoo na darating ang kahirapan—dahil sinabi ito ng Panginoon—at, oo, ang mga stake ng Sion ay “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo.” (D at T 115:6.) Ngunit kung matalino at masinop tayong namumuhay, maliligtas tayo sa Kanyang kamay.28
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Sabihin nang nakaugnay ang ating buhay sa mga pamilya, kaibigan, Simbahan, at komunidad, ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng tumayo sa sariling paa at magsarili? (Tingnan sa mga pahina 139–140.)
-
Itinuro ni Pangulong Kimball na ang “kapakanang sosyal, emosyonal, espirituwal, pisikal, [at] pangkabuhayan” ay mga elemento ng masinop na pamumuhay (pahina 139). Sa anong mga paraan nauugnay ang kapakanang espirituwal sa iba pang mga elemento?
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 141, isipin kung gaano kayo kahanda para sa “mga unos sa buhay.” Paano tayo higit na makapaghahanda?
-
Anong mga pakinabang maliban sa pagkain ang maidudulot ng isang halamanan sa pamilya? (Tingnan sa pahina 141.)
-
Sabi ni Pangulong Kimball “ang trabaho ay pangangailangang espirituwal” (pahina 142). Anong mga espirituwal na pakinabang ang naranasan ninyo sa pagtatrabaho? Sa anong mga paraan natin matutulungan ang ating mga anak na malaman ang kahalagahan ng trabaho?
-
Ano sa palagay ninyo ang kaibhan ng gusto sa pangangailangan? Anong mga pag-uugali ang makakapigil sa ating mga gusto? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 144 at ang mga kuwento sa mga pahina 137–139.) Ano ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng badyet? Anong tulong ang gagabay sa atin sa pagbabadyet ng ating kabuhayan?
-
Basahin ang bahaging nasa pahina 146. Sa anong mga paraan maghahatid ng pang-araw-araw na mga gantimpala ang kahandaan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Genesis 41:14–57; 2 Nephi 5:17; D at T 29:8–11