Mga Turo ng mga Pangulo
Panimula


Panimula

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong mapalalim ang inyong pagkaunawa tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at lalong mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga tomo sa seryeng ito, magkakaroon kayo ng koleksyon ng mga sangguniang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan.

Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Spencer W. Kimball, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Disyembre 30, 1973, hanggang Nobyembre 5, 1985.

Personal na Pag-aaral

Habang pinag-aaralan mo ang mga turo ni Pangulong Kimball, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu. Tandaan ang pangako ni Nephi: “Siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19). Simulan ang iyong pag-aaral sa panalangin, at patuloy na manalangin sa iyong puso habang ikaw ay nagbabasa.

Sa hulihan ng bawat kabanata, makikita mo ang mga tanong at sanggunian sa banal na kasulatan na makatutulong para maunawaan at maisagawa mo ang mga turo ni Pangulong Kimball. Rebyuhin muna ang mga ito bago mo simulang basahin ang kabanata.

Pag-isipan ding mabuti ang sumusunod na patnubay:

  • Hanapin ang mahahalagang salita at parirala. Kung may makikita kang salita na hindi mo nauunawaan, gumamit ng diksyunaryo o iba pang sanggunian para mas maunawaang mabuti ang ibig sabihin nito.

  • Isipin kung ano ang ibig sabihin ng mga turo ni Pangulong Kimball. Maaari mong markahan ang bawat salita at mga pangungusap na aantig sa iyong puso’t isipan.

  • Pag-isipang mabuti ang mga naging karanasan mo na may kinalaman sa mga turo ni Pangulong Kimball.

  • Isiping mabuti kung paano naaangkop sa iyo ang mga turo ni Pangulong Kimball. Isipin kung ano ang kaugnayan ng mga turo sa iyong mga problema o katanungan. Magpasiya kung ano ang iyong gagawin bilang resulta ng natutuhan mo.

Pagtuturo mula sa Aklat na Ito

Ang aklat na ito ay maaaring gamitin sa pagtuturo sa tahanan o sa simbahan. Ang sumusunod na patnubay ay makatutulong sa iyo:

Pagtuunan ng Pansin ang mga Salita ni Pangulong Kimball at ang mga Banal na Kasulatan

Iniutos ng Panginoon na tayo ay “wala nang ibang bagay [na dapat ituro] kundi ang mga isinulat ng mga propeta at apostol, at ang yaong mga itinuro sa [atin] ng Mang-aaliw sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya” (D at T 52:9).

Ang tungkulin mo ay tulungan ang iba na maunawaan at maisagawa ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga turo ni Pangulong Kimball at ng mga banal na kasulatan. Huwag isantabi ang aklat na ito o maghanda ng mga lesson mula sa iba pang mga materyal. Ilaan ang malaking bahagi ng lesson sa pagbabasa ng mga turo ni Pangulong Kimball sa aklat na ito at talakayin ang kahulugan at aplikasyon ng mga ito.

Hikayatin ang mga kasali na pag-aralan ang mga kabanata bago magkita-kita sa araw ng Linggo at dalhin sa simbahan ang aklat. Kapag ginawa nila ito, mas magiging handa sila sa pagsali at mas mapalalakas ang bawat isa.

Hangarin ang Patnubay ng Espiritu Santo

Habang nagdarasal ka para humingi ng tulong at masigasig na naghahanda, gagabayan ka ng Espiritu Santo sa iyong mga pagsisikap. Tutulungan ka Niyang bigyang-diin ang mga bahagi ng bawat kabanata na hihikayat sa iba na unawain at ipamuhay ang ebanghelyo.

Kapag ikaw ay nagtuturo, magdasal sa iyong puso na samahan ng kapangyarihan ng Espiritu ang iyong mga salita at ang mga talakayan sa klase. Sinabi ni Nephi, “Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1; tingnan din sa D at T 50:13–22).

Maghandang Magturo

Ang mga kabanata sa aklat na ito ay isinaayos para tulungan kang maghanda sa pagtuturo. Isaisip rin ang sumusunod na mga patnubay:

  1. Pag-aralan ang kabanata. May panalanging pag-aralan ang kabanata para magkaroon ng tiwala sa pagkaunawa mo sa mga turo ni Pangulong Kimball. Makapagtuturo ka nang may higit na katapatan at kapangyarihan kapag ikaw ay personal na naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21). Habang nagbabasa, isaisip ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo. Maaari mong markahan ang mga bahaging inaakala mong makatutulong sa kanila. Pansinin ang mga naka-bold na subheading ng kabanata. Nakabalangkas sa mga ito ang mahahalagang punto sa kabanata.

  2. Magpasiya kung aling mga bahagi ang gagamitin. Ang nilalaman ng bawat kabanata ay higit kaysa makakaya mong ituro sa isang lesson. Sa halip na sikaping talakayin ang buong kabanata, may panalanging piliin ang mga bahaging sa palagay mo ay makatutulong na mabuti sa mga tinuturuan mo.

  3. Magpasiya kung paano sisimulan ang lesson. Para makuha ang pansin sa simula ng lesson, maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o ipabasa sa mga kasali ang isang kuwento sa simula ng kabanata o tingnan ang isang larawan sa kabanata. Pagkatapos ay maaari mong itanong, “Ano ang itinuturo ng kuwento (o larawang) ito tungkol sa paksa ng kabanata?” Ang iba pang opsiyon sa pagsisimula ng lesson ay pagbabasa ng banal na kasulatan o ng isang sipi mula sa kabanata o kaya’y pag-awit ng himno. Mabuting ideya rin ang ipaalam sa klase kung ano ang mahahalagang punto ng lesson.

  4. Magpasiya kung paano makahihikayat ng talakayan. Dito mo dapat iukol ang karamihan sa oras ng lesson. Rebyuhin ang mga mungkahi kung paano mangasiwa ng mabubuting talakayan sa mga pahina xi–xii ng aklat na ito. Maaari mong gamitin ang mga tanong mula sa “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” na nasa hulihan ng kabanata. Maaaring ikaw ang maghanda ng sarili mong mga katanungan. Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa mga tinuturuan mo:

    • Alamin kung ano ang itinuturo. Ang ganitong mga uri ng katanungan ay nakatutulong sa klase na mahanap at maging pamilyar sa partikular na impormasyon na itinuturo ni Pangulong Kimball. Halimbawa, matapos tukuyin ang isang partikular na siping-banggit, maaari mong itanong, “Ano ang ilan sa mga mahahalagang salita o parirala sa sipingbanggit na ito?” o “Ano ang paksa ng siping-banggit na ito?”

    • Isiping mabuti ang kahulugan. Ang ganitong mga uri ng katanungan ay nakatutulong para maunawaang mabuti ng klase ang mga turo ni Pangulong Kimball. Halimbawa, “Bakit kaya mahalaga ang turong ito?” o “Ano ang mga naiisip o nadarama ninyo tungkol sa siping-banggit na ito?” o “Ano ang ibig sabihin sa inyo ng turong ito?”

    • Magbahagi ng mga karanasan. Hinihikayat ng mga tanong na ito ang klase na iugnay sa kanilang personal na buhay ang sinabi ni Pangulong Kimball. Halimbawa, “Anong mga karanasan ninyo ang maiuugnay ninyo sa sinabi ni Pangulong Kimball?”

    • Ipamuhay ang itinuturo. Ang mga tanong na ito ay nakatutulong sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga paraan kung paano sila makapamumuhay nang naaayon sa mga turo ni Pangulong Kimball. Halimbawa, “Ano ang hinihikayat ni Pangulong Kimball na gawin natin? Sa paanong paraan natin maipamumuhay ang kanyang sinabi?”

  5. Magpasiya kung paano tatapusin ang lesson. Maaari mong ibuod nang maikli ang lesson o hilingin ang isa o dalawa sa mga miyembro ng klase na gawin ang gayon. Ayon sa paramdam ng Espiritu, magpatotoo tungkol sa mga turong tinalakay ninyo. Maaari mo ring imbitahin ang iba na magbahagi ng kanilang patotoo. Himukin ang iyong mga tinuturuan na sundin ang mga paramdam na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Habang naghahanda kang magturo, maaari kang humanap ng mga ideya sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893), bahagi B, mga kabanata 14, 16, 28, at 29; o sa Teaching Guidebook (34595).

Magsagawa ng Mabubuting Talakayan

Ang sumusunod na gabay ay makatutulong sa iyo na makahikayat at magsagawa ng mabubuting talakayan:

  • Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo. Maaari Niyang iparamdam sa iyo na magtanong ng ilang partikular na katanungan o isama sa talakayan ang ilang partikular na mga tao.

  • Tulungan ang mga miyembro ng klase na magtuon ng pansin sa mga turo ni Pangulong Kimball. Ipabasa sa kanila ang kanyang mga salita para makapagsimula ng talakayan at sagutin ang mga tanong. Muling ibalik ang mga talakayan na nagsisimulang lumayo sa paksa o kaya’y parang haka-haka o pagtatalo lamang.

  • Kung angkop, magbahagi ng mga karanasang may kaugnayan sa mga itinuturo ng kabanata.

  • Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa (tingnan sa D at T 88:122). Halimbawa, maaari mo silang hilingan na magbigay ng komentaryo tungkol sa sinabi ng iba, o maaari mong itanong ang isang katanungan sa ilang miyembro ng klase.

  • Huwag matakot kung magkaroon ng katahimikan matapos kang magtanong. Kadalasan ay kailangan ng mga tinuturuan mo ng panahon para makapag-isip o makapagbuklat ng kanilang mga aklat bago sila makapagbahagi ng mga ideya, patotoo, at karanasan.

  • Pakinggang mabuti, at sikaping unawain ang mga sinasabi ng bawat isa. Pasalamatan sila sa kanilang partisipasyon.

  • Kapag may ilang ideyang ibinabahagi ang mga miyembro ng klase, isiping ilista ang mga ideyang ito sa pisara o kaya’y ipagawa ito sa iba.

  • Humanap ng iba’t ibang paraan para maisali ang mga miyembro ng klase sa talakayan. Halimbawa, maaari mong ipatalakay sa kanila ang mga tanong sa maliliit na grupo o sa katabi nila sa upuan.

  • Bago magsimula ay isipin nang kausapin ang isa o dalawang miyembro ng klase. Sabihin na dumating sila sa klase na handang sagutin ang isa sa mga tanong na inihanda mo.

  • Huwag tapusin ang magandang talakayan dahil lamang sa gusto mong talakayin ang lahat ng bagay na inihanda mo. Ang mahalaga ay nadarama ng mga miyembro ng klase ang impluwensya ng Espiritu at lalong titibay ang kanilang pangakong ipamuhay ang ebanghelyo.

Impormasyon Tungkol sa mga Sangguniang Sinipi sa Aklat na Ito

Ang mga turo ni Pangulong Kimball sa aklat na ito ay direktang sinipi mula sa iba’t ibang sanggunian. Hindi binago sa mga pagsiping ito ang mga bantas, pagbaybay, ang malalaking titik, at kaayusan ng talata ng orihinal na pinagkunan, maliban na lamang kung kinakailangan ang mga editoryal o tipograpikal na pagbabago para mapaganda ang pagbabasa sa mga ito. Dahil dito, maaaring mapansin mo ang ilang bahagyang pag-iiba-iba sa teksto.

Isa pa, madalas gamitin ni Pangulong Kimball ang mga salitang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Pangkaraniwan ito sa wikang gamit noong kanyang kapanahunan. Sa kabila ng kaibahan ng makaluma at mas makabagong wika, ang mga turo ni Pangulong Kimball ay angkop kapwa sa kababaihan at kalalakihan.

President Spencer W. Kimball
Kimball signature