Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Pagpapatatag sa Ating Sarili Laban sa Masasamang Impluwensya


Kabanata 10

Pagpapatatag sa Ating Sarili Laban sa Masasamang Impluwensya

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahandog sa atin ng kapangyarihan at proteksyon laban sa mga kasamaan ng ating panahon.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang paglaban kay Satanas at mga puwersa nito “ay hindi maliit na pagsagupa sa isang atubiling kaaway, kundi isang napakalaking pakikipaglaban sa isang lubhang makapangyarihan, matatag, at organisadong kaaway na malamang na tumalo sa atin kung hindi tayo malakas, sanay, at maingat”1

Noong batang misyonero pa siya sa Central States Mission, isinulat niya sa kanyang diary ang karanasang naglalarawan ng kanyang pasiya na labanan ang tukso. Sakay siya ng tren patungong Chicago, Illinois, nang lapitan siya ng isang lalaki. “Tinangka [niyang] pabasahin ako ng bastos na librong malalaswa ang mga larawan. Sabi ko sa kanya ayaw ko iyon. Tinukso niya akong sumama sa kanya sa Chicago at batid kong hinahatak niya ako sa impiyerno. Pinatahimik ko siya pero pag-alis niya nadama kong isang oras akong namula. Naisip ko—’Ah! pinipilit talaga ni Satanas, sa tulong ng kanyang mga kampon, na iligaw ang mga kabataan.’ Pinasalamatan ko ang Panginoon na may lakas akong labanan ito.”2

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Totoo si Satanas at gagamitin niya ang lahat para sirain tayo.

Sa mga panahong ito ng kamunduhan at kamalian binabalewala ng mga tao hindi lamang ang Diyos kundi pati ang diyablo. Sa konseptong ito si Satanas ay isang alamat, na magagamit para ituwid ang mga taong naliligaw ng landas ngunit hindi na uso sa ating panahon. Wala nang lalayo pa sa katotohanan kaysa rito. Si Satanas ay isang totoo at hiwalay na espiritu, ngunit wala siyang katawang-tao. Ang hangarin ni Satanas na angkinin tayong lahat ay kasingsidhi ng kabutihan ng ating Ama na akitin tayo sa sarili niyang kahariang walang hanggan.3

Ang malaman kung nasaan ang panganib at makilala ang lahat ng anyo nito ay naglalaan ng proteksyon. Nakaabang ang demonyo. Lagi siyang handang linlangin at biktimahin ang lahat ng taong walang malay, lahat ng walang ingat, lahat ng naghihimagsik.4

Sinuman ang matipuhang akitin ng kaaway anumang oras, hangad niyang gawing “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” ang lahat ng tao (2 Ne. 2:27). Tunay ngang hangad niya “ang kalungkutan ng buong sangkatauhan” (2 Ne. 2:18). Hindi siya lumilihis sa kanyang mga layunin at matalino at walang-tigil para maangkin sila.5

Binalaan tayo ni Pedro: “Kayo’y maging mapagpigil, kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya” (I Ped. 5:8).

At sinabi ng Tagapagligtas na bawat hirang ay lilinlangin ni Lucifer hangga’t maaari [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:22]. Gagamitin [ni Lucifer] ang kanyang katwiran [upang] makalito at ang kanyang mga pangangatuwiran upang makasira. Palalabuin niya ang mga kahulugan, unti-unti [tayong ililigaw], at aakayin mula sa pinakadalisay … tungo sa lahat ng uri ng [kasalanan].6

Napag-aralan ng dalubhasang manlilinlang ang lahat ng paraan para makamtan ang kanyang mga layon, gamit ang lahat ng posibleng kasangkapan at kagamitan. Pinangingibabawan, binabaligtad, at binabago at ikinukubli niya ang lahat ng nilikha para sa ikabubuti ng tao, … para mangibabaw siya sa kanilang isipan at gamitin sa mali ang kanilang katawan at angkinin ito.

Hindi siya natutulog—masipag siya at matiyaga. Maingat niyang pinag-iisipan ang kanyang problema at saka siya masigasig at maparaang nagpapatuloy upang makamit ang minimithi. Ginagamit niya ang lahat ng limang pandamdam at likas na pagkagutom at pagkauhaw ng tao para iligaw ito. Inaasahan niya ang pagtutol at pinatatatag ang sarili laban dito. Ginagamit niya ang oras at laya at libangan. Siya ay hindi nagbabago at mapanghikayat at sanay. Gumagamit siya ng mga bagay na may pakinabang tulad ng radyo, telebisyon, babasahin, eroplano, at kotse para manlito at manira. Ginagamit niya ang pakikisama, kalungkutan, bawat pangangailangan ng tao upang iligaw ito. Ginagawa niya ang kanyang trabaho sa pinakaangkop na oras sa pinakamagagandang lugar sa pinakamakapangyarihang mga tao. Ginagawa niya ang lahat para makapanlinlang at makalito at makapahamak. Gumagamit siya ng pera, kapangyarihan, puwersa. Tinutukso niya ang tao at inaatake ang pinakamahinang parte nito. Kinukuha niya ang maganda at pinapapangit ito. … Ginagamit niya ang lahat ng uri ng pagtuturo upang sirain ang tao.7

Tuso ang kaaway. Matalino siya. Alam niya na hindi niya agad mapapagawa ng labis na kasamaan ang mabubuting tao, kaya nandaraya siya, bumubulong ng mga munting kasinungalingan hanggang sa mapasunod niya ang mga gusto niyang bihagin.8

Sa tulong ng Panginoon, malalabanan natin ang mga impluwensya ng kasamaan.

Kung gusto nating alpasan [ang] nakamamatay na mga puwersa ng demonyo at mapanatiling malaya at matatag ang ating tahanan at pamilya laban sa lahat ng mapangwasak na impluwensyang laganap sa ating paligid, kailangan natin ang tulong ng … mismong Maylikha. Iisa lang ang tiyak na paraan at iyan ay sa pamamagitan ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo at pagsunod sa malawak at inspiradong mga turo nito.9

Sa buhay ng lahat dumarating ang pagtatalo sa pagitan ng mabuti at masama, sa pagitan ni Satanas at ng Panginoon. Bawat taong sumapit o dumaan sa edad ng pananagutan na walong taon, at sa taos-pusong pagsisisi ay nabinyagan nang wasto, ay tiyak na tatanggap ng Espiritu Santo. Kung pakikinggan, ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay gagabay, magbibigayinspirasyon, at magbababala, at magpapawalang-bisa sa mga udyok ng demonyo.10

Siya na higit ang lakas kaysa kay Lucifer, siya na ating kanlungan at lakas, ay kakasihan tayo sa mga oras ng matinding tukso. Kahit hindi pipilitin ng Panginoon kailanman na ilayo ang sinuman sa kasalanan o tukso, sinisikap ng kanyang Espiritu na hikayating gawin ito ng makasalanan sa tulong ng langit. At ang taong makikinig sa magiliw na impluwensya at mga pagsamo ng Espiritu at gagawin ang lahat sa abot-kaya niya na manatiling nagsisisi ay sigurado na sa proteksyon, kapangyarihan, kalayaan at galak.11

Si Satanas … ay nakipag-agawan para sa pagsamba ni Moises. …

“Moises, anak ng tao, sambahin mo ako,” panunukso ng diyablo, kasama ang pangako ng mga mundo at luho at kapangyarihan. …

…Iniutos ng propeta: “Lumayo ka, Satanas. …” (Moises 1:16.) Ang sinungaling, ang manunukso, ang diyablo na ayaw isuko ang posibleng biktimang ito, ngayon ay napopoot at nagngangalit na “sumigaw sa malakas na tinig at naghuhumiyaw sa lupa, at nag-utos, sinasabing: Ako ang Bugtong na Anak, sambahin ako.” (Moises 1:19.)

Natukoy ni Moises ang panlilinlang at nakita ang kapangyarihan ng kadiliman at ang “kapaitan ng impiyerno.” Narito ang puwersang hindi madaling tantiyahin ni palayasin. Dahil sa takot, tumawag siya sa Diyos, at nag-utos nang may panibagong kapangyarihan.

“Hindi ako titigil na manawagan sa Diyos … sapagkat ang kanyang kaluwalhatian ay napasaakin, kaya nga ako ay maaaring humatol sa pagitan mo at niya. … Sa pangalan ng Bugtong na Anak, lumayas ka, Satanas.” (Moises 1:18, 21.)

Kahit si Lucifer, … na nangungunang kaaway ng sangkatauhan, ay hindi tatagal sa kapangyarihan ng priesthod ng Diyos. Nangangatal, nanginginig, nagmumura, nananangis, nananaghoy, at nagngangalit ang mga ngipin, nilisan niya ang nanalong si Moises.12

Dapat tayong maging handa na gumawa ng matapang na paninindigan sa harap ni Satanas … at laban sa mga kampon at kapangyarihan at pinuno ng kadiliman. Kailangan natin ang buong kagayakan ng Diyos nang tayo ay makatagal. [Tingnan sa Efeso 6:12–13.]13

“Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios,” payo ni Pablo [Efeso 6:11]. Sa banal na impluwensya at proteksyong ito, maaari nating mawari ang mga panlilinlang ng kaaway sa anumang mapang-akit na mga salita at katwiran at maaari tayong “mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat ay magsitibay.” [Tingnan sa Efeso 6:13.]14

Hindi tayo dapat patangay sa pinakamaliit mang tukso.

Pumapasok ang mabibigat na kasalanan sa ating buhay kapag nagpatangay tayo sa maliliit na tukso. Bihirang magkasala nang mabigat ang isang tao nang hindi muna nagpapatangay sa mas maliliit na kasalanan, na nagiging daan sa mas mabigat. May nagbigay ng halimbawa ng isang uri ng kasalanan sa pagsasabing, “Hindi basta-basta nagiging sinungaling ang isang taong tapat na katulad ng biglang pagsulpot ng mga damong ligaw sa malinis na parang.”

Napakahirap, kung hindi man imposible, na mapasok ng demonyo ang isang pintuang sarado. Parang hindi niya kayang buksan ang mga pintuang nakakandado. Pero kung bukas nang kaunti ang pintuan, ipapasok niya ang daliri ng kanyang paa, at di maglalaon ay kasunod na ang buong paa, at binti at katawan at ulo niya, at sa bandang huli ay tuluyan na siyang nakapasok.

Ang sitwasyong ito ay kamukha ng pabula tungkol sa kamelyo at ng may-ari nito na naglalakbay patawid ng buhangin ng disyerto nang dumating ang malakas na hangin. Agad nagtayo ng tolda ang manlalakbay at pumasok, isinara ang mga takip para iligtas ang sarili sa matalim at maaligasgas na buhangin ng nagngangalit na bagyo. Siyempre pa, naiwan ang kamelyo sa labas, at habang hinahaplit ng malupit na hangin ang buhangin papunta sa kanyang katawan at mga mata at ilong hindi niya ito natiis at sa huli ay nagsumamong papasukin siya sa tolda.

“Ako lang ang kasya rito,” sabi ng manlalakbay.

“Pero puwede ba kahit ilong ko na lang para makalanghap ako ng hanging walang buhangin?” tanong ng kamelyo.

“Puwede mo sigurong gawin ‘yan,” sagot ng manlalakbay, at binuksan niya nang kaunti ang takip at pumasok ang mahabang ilong ng kamelyo. Kayginhawa na ng kamelyo ngayon! Ngunit di naglaon ay nagsawa ang kamelyo sa mahapding buhangin sa kanyang mga mata at tainga … :

“Kumakaskas sa ulo ko ang buhanging dala ng hangin. Puwede ko bang ipasok kahit ulo ko lang?”

Muli, ikinatwiran ng manlalakbay na hindi makasasama sa kanya ang pumayag, dahil kakasya ang ulo ng kamelyo sa may ibabaw ng tolda na hindi naman niya ginagamit. Kaya ipinasok ng kamelyo ang ulo niya at muling nasiyahan ang hayop—pero panandalian lang.

“Kahit ang harapan ko lang,” pagsamo niya, at muling naawa ang manlalakbay at di naglaon ay nasa loob na ng tolda ang balikat at binti ng kamelyo. Sa huli, sa gayon ding pagsamo at pagpayag, buong katawan na ng kamelyo, kanyang likuran at lahat na ang nasa loob ng tolda. Pero napakasikip na ng tolda ngayon para sa dalawa, at sinipa ng kamelyo ang manlalakbay palabas sa hangin at bagyo.

Gaya ng kamelyo, madaling nagiging amo si Lucifer kapag pumatol ang isang tao sa mga una niyang panunukso. Di naglalaon at ganap nang natatahimik ang konsiyensya, nananaig ang impluwensya ng kasamaan, at sumasara ang pintuan tungo sa kaligtasan hanggang sa buksan itong muli ng lubos na pagsisisi.

Ang kahalagahan ng hindi pagpatol sa tukso kahit kaunti ay nabigyang-diin ng halimbawa ng Tagapagligtas. Hindi ba’t nakita niya ang panganib noong nasa bundok sila ng kanyang tiwaling kapatid na si Lucifer, at labis na tinutukso ng bihasang manunuksong iyon? Nagbukas sana siya ng pintuan at nakipaglaro sa panganib sa pagsasabing, “Sige nga, Satanas, pakinggan ko nga ang plano mo. Hindi ako papatol, hindi ako patatangay, hindi ko tatanggapin—pakikinggan ko lang.”

Hindi nangatwiran nang gayon si Cristo. Walang atubili at maagap niyang tinapos ang pag-uusap, at nag-utos: “Humayo ka, Satanas,” na malamang na ibig sabihin ay, “Lumayas ka sa harapan ko—iwan mo ako—hindi ako makikinig—wala akong pakialam sa iyo.” Pagkatapos ay mababasa natin, “iniwan siya ng diablo.” [Mateo 4:10–11.]

Ito ang ating angkop na huwaran, kung gusto nating iwasang magkasala kaysa mahirapang pagsisihan ito. Sa pag-aaral ko ng kuwento ng Manunubos at mga tukso sa kanya, natitiyak ko na ginugol niya ang kanyang lakas sa pagpapatatag ng sarili laban sa tukso kaysa labanan at talunin ito.15

Ang mga tamang desisyon ngayon ay makatutulong sa atin na malabanan ang mga tuksong darating.

Isa sa mga pangunahing gawain ng bawat tao ang pagpapasiya. Ilang beses sa isang araw tayo nagpapasiya at kailangang magpasiya kung saan tayo tutungo. Ang ilang pagpipilian ay matagal at mahirap, ngunit dinadala nila tayo sa tamang landas tungo sa ating tunay na layunin; ang iba ay maikli, malawak, at kawili-wili, ngunit patungo sila sa maling landasin. Mahalaga na malinaw sa ating isipan ang ating tunay na layunin upang hindi tayo malito ng bawat sangang-daan sa walang kabuluhang mga tanong na: Alin ang mas madali o mas masayang daan? o, Saan patungo ang iba?

Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa, na may mithiin sa isipan; hindi tayo lubhang nag-aalala sa oras ng pagpapasiya, kung kailan pagod na tayo at labis na natutukso.

Noong ako ay bata pa, sinabi ko sa aking sarili na hindi ako kailanman titikim ng tsaa, kape, tabako, o alak. Nalaman ko na ang matibay na determinasyong ito ay nagligtas sa akin nang maraming beses sa … aking iba’t ibang karanasan. Maraming pagkakataon na muntik na akong makasipsip o makahawak o makasubok, pero di-nagbabagong determinasyong matibay na naitatag ang nagbigay sa akin ng magandang dahilan at lakas upang [tumanggi].

…Ngayon na ang oras para ipasiyang wala tayong ibang gusto kundi ang oportunidad na makapiling nang walang hanggan ang ating Ama, kaya nga bawat pasiyang gagawin natin ay maaapektuhan ng determinasyon nating huwag tulutang makasagabal ang anuman sa pagkakamit ng mithiing iyon.6

Magkaroon ng disiplina sa sarili upang, habang tumatagal, hindi mo na kailangang magpabagu-bago ng pasiya kung ano ang gagawin kapag nahaharap ka sa tukso maya’t maya. Minsan ka lang magpapasiya sa ilang bagay!

Kaylaking pagpapala ang maging malaya sa paulit-ulit na paghihirap na magpasiya hinggil sa isang tukso. Aksaya iyon sa oras at napakadelikado.17

Maaari nating isantabi ang ilang bagay nang minsanan at kalimutan na ito! Mapagpapasiyahan natin nang minsanan ang ilang bagay na gagawin nating bahagi ng ating buhay at pagkatapos ay maging tapat dito—nang hindi nag-aalala at pabagubago ang isip nang ilang daang beses kung ano ang gagawin at hindi gagawin.

Pag-aalinlangan at kawalang-pag-asa ang mga sitwasyong gustung-gusto ng Kaaway, dahil napakaraming tao ang mabibiktima niya sa mga oras na iyon. … Kung hindi pa ninyo nagagawa, magpasiyang magdesisyon!18

Kayganda sana kung mapagpapasiya natin ang lahat ng lalaki’t babaeng Banal sa mga Huling Araw habang bata pa na sabihing, “Hinding-hindi ako patatangay kay Satanas o kaninuman na gustong sirain ko ang aking sarili.”19

Ang oras ng pagtigil sa paggawa ng kasamaan ay bago pa ito simulan. Ang lihim ng magandang buhay ay nasa pangangalaga at pag-iwas. Ang mga nagpapatangay sa kasamaan ay karaniwang yaong mga isinusubo ang sarili nila sa panganib.20

Nilalabanan natin ang kaaway kapag tinatanggap natin ang ating mga kahinaan at nagpupunyaging madaig ito.

Dahil laki ako sa bukid, alam ko na kapag nakalabas ang mga baboy, dapat ko munang tingnan ang mga butas na dati nilang nilusutan. Kapag nasa bukid ang baka at naghahanap ng mas maraming damo sa ibang lugar, alam ko kung saan muna maghahanap ng nilusutan niya. Malamang na doon ito sa may bakod na nilundagan niya noon, o kung saan mang bakod ang nasira. Gayundin alam ng diyablo kung saan manunukso, saan mabisa ang kanyang mga pag-atake. Nakikita niya ang mahinang bahagi. Saan man mahina ang isang tao noon, pinakamadali pa rin siyang matukso roon.21

Mukhang laging nakapaligid sa atin ang kasamaan. … Kung gayon, dapat tayong maging listong lagi. Tinatandaan natin ang ating mga kahinaan at lumalaban upang madaig ito.22

Karamihan sa atin ay may mga kahinaang kayang daigin ng kasawian maliban kung tayo ay wastong mapangalagaan at mapatibay. …

Maraming … halimbawa ng lakas at kapalaluan sa kasaysayan, kapwa ng tao at ng bansa, na bumigay nang atakihin ang kahinaan. Bagama’t kadalasan ay pisikal ang mga kahinaang ito, kahit sa tingin lang, alam ni Lucifer at ng kanyang mga kampon ang mga gawi, kahinaan, at bahagi ng tao na madaling tablan at sinasamantala ang mga ito para sirain ang ating espirituwalidad. Ang isang tao ay maaaring uhaw sa alak; ang isa pa ay maaaring walang kabusugan; ang isa pa ay mahilig sa seks; ang isa naman ay mahilig sa pera, at mga luho at ginhawang mabibili nito; ang isa ay gutom sa kapangyarihan; at kung anu-ano pa.23

Hayaan siya na mahilig sa kasamaan na maging tapat at kilalanin ang kanyang kahinaan. Sinasabi ko sa inyo na ayaw ng Panginoon na magkasala tayo. Hindi niya nilikhang masama ang tao. … Tinutulutan ang kasalanan sa mundo, at pinayagan si Satanas na tuksuhin tayo, ngunit may laya tayong pumili. Maaari tayong magkasala o mamuhay nang matwid, ngunit hindi natin kayang takasan ang responsibilidad. Kahinaan at karuwagan ang isisi ang ating kasalanan sa Panginoon, at sabihing ito ay likas at hindi mapipigil. Paraan ng taong mahilig tumakas sa responsibilidad ang isisi ang ating mga kasalanan sa ating mga magulang at pagpapalaki sa atin. Maaaring bigo ang mga magulang ng isang tao; maaaring hadlang ang ating pinagmulan, pero bilang mga anak ng buhay na Diyos likas sa atin ang kapangyarihang makaahon sa ating kinalalagyan, at baguhin ang ating buhay.24

Nakikiusap kami sa ating mga miyembro saanman, “Pasakop nga kayo sa Dios. Magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.” (Santiago 4:7.) …

Maaaring may ilang karaniwan nang di-mapakali dahil sa mga nangyayari sa mundo at lumalaganap na kasamaan, ngunit sabi ng Panginoon, “… kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30), at muli, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)25

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw dapat tayong maging maingat. Ang paraan para makapag-ingat ang bawat tao at bawat pamilya laban sa mga tukso ng Kaaway at makapaghanda para sa dakilang araw ng Panginoon ay manangan nang mahigpit sa gabay na bakal, palaguin ang pananampalataya, magsisi sa ating mga pagkakasala at pagkukulang, at sabik na gumawa para sa Kanyang kaharian sa lupa, na walang iba kundi Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Narito ang tanging tunay na kaligayahan para sa lahat ng anak ng ating Ama.26

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Aling mga turo ni Pangulong Kimball tungkol kay Satanas at sa kanyang mga pamamaraan ang nakatutulong sa inyo at bakit? (Tingnan sa mga pahina 126–127.)

  • Rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 127. Sa anong mga paraan tayo matutulungan ng Panginoon na malabanan ang kasamaan? (Para sa halimbawa, tingnan ang kuwento sa pahina 124.) Kailan kayo tumanggap ng ganitong klaseng tulong?

  • Basahin ang pabula sa pahina 130. Sa palagay ninyo bakit pinapasok ng manlalakbay ang kamelyo sa kanyang tolda? Pag-isipan kung paano nilabanan ng Tagapagligtas ang tukso (tingnan sa pahina 131). Anu-ano ang ilang paraan na matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makilala at malabanan kahit ang pinakamaliliit na tukso?

  • Rebyuhin ang buong ikalawang talata sa pahina 131. Ihambing ang proseso ng pag-iwas sa kasalanan sa proseso ng pagsisisi rito.

  • Sabi ni Pangulong Kimball, “Pinakamadaling gumawa ng mga tamang desisyon kapag maaga natin itong ginagawa” (pahina 131). Paano maaapektuhan ang ating buhay ng maaagang desisyong sundin ang mga utos tulad ng Word of Wisdom? (Para sa halimbawa, tingnan sa pahina 132.) Anu-ano ang ilang desisyong nauugnay sa pamumuhay ng ebanghelyo na matatag ninyong naisagawa?

  • Pag-isipan ang mga obserbasyon ni Pangulong Kimball tungkol sa kanyang mga baboy at baka (mga pahina 133–134). Ano ang mapapala natin sa pagkilala sa ating mga kahinaan at pagtanggap sa responsibilidad para dito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 10:13; 1 Nephi 15:23–25; Helaman 5:12; Eter 12:27; D at T 10:5

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Brisbane Australia Area Conference 1976, 19.

  2. Sa “The Mission Experience of Spencer W. Kimball,” Brigham Young University Studies, taglagas 1985, 126.

  3. The Miracle of Forgiveness (1969), 21.

  4. The Miracle of Forgiveness, 213.

  5. “The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 104.

  6. “President Kimball Speaks Out on Morality,” Ensign, Nob. 1980, 94.

  7. “How to Evaluate Your Performance,” Improvement Era, Okt. 1969, 12.

  8. “The Gospel of Repentance,” Ensign, Okt. 1982, 2.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1979, 5; o Ensign, Mayo 1979, 6.

  10. The Miracle of Forgiveness, 14–15.

  11. The Miracle of Forgiveness, 176.

  12. Faith Precedes the Miracle (1972), 87, 88.

  13. “The Blessings and Responsibilities of Womanhood,” Ensign, Mar. 1976, 71.

  14. Faith Precedes the Miracle, 219.

  15. The Miracle of Forgiveness, 215–17.

  16. “Decisions: Why It’s Important to Make Some Now,” New Era, Abr. 1971, 3.

  17. “President Kimball Speaks Out on Planning Your Life,” New Era, Set. 1981, 50.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1976, 70; o Ensign, Mayo 1976, 46.

  19. Sa Conference Report, Manila Philippines Area Conference 1975, 5.

  20. The Miracle of Forgiveness, 15.

  21. The Miracle of Forgiveness, 171.

  22. The Miracle of Forgiveness, 209–10.

  23. The Miracle of Forgiveness, 218–19.

  24. An Apostle Speaks to Youth—Be Ye Clean: Steps to Repentance and Forgiveness (polyeto, 1970), 13.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1974, 6; o Ensign, Mayo 1974, 6.

  26. Sa Conference Report, Okt. 1982, 4; o Ensign, Nob. 1982, 5.

woman thinking

“Kung pakikinggan, [ang Espiritu Santo] ay gagabay, magbibigay-inspirasyon, magbababala, at magpapawalang-bisa sa mga udyok ng demonyo.”

family studying scriptures

Sinabi ni Pangulong Kimball na para tayo makapag-ingat sa kaaway, kailangan nating “manangan nang mahigpit sa gabay na bakal.”