Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Pagpapalakas sa Ating mga Pamilya


Kabanata 19

Pagpapalakas sa Ating mga Pamilya

Kailangan nating palakasin at pangalagaan ang ating mga pamilya sa pamamagitan ng pagtuturo at pamumuhay ng ebanghelyo sa ating mga tahanan.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Madalas bigyang-diin ni Pangulong Spencer W. Kimball na kailangang palakasin ang mga pamilya sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan. Sa paglalarawan ng kanyang sariling mga karanasan, sinabi niyang: “Noong kabataan ko, at kasama ko ang aking asawa at mga anak sa aming tahanan, naaalala ko ang mga masasayang aktibidad ng aming pamilya. Nasa tahanan namin ang langit. Kapag may ginawa ang isang tao, ito man ay pagkanta ng awitin, pamumuno sa laro, pagbigkas ng saligan ng pananampalataya, pagkukuwento, pagbabahagi ng talento, o paggawa ng tungkulin, may pag-unlad at magandang pakiramdam.”1

Pinalalakas nina Pangulong Kimball at ng kanyang asawang si Camilla ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo at paghihikayat sa kanila at pagkatapos ay hinahayaan silang maging responsable sa mga pagpili nila. Naalala ng kanilang anak na si Olive Beth, na sila ay “gumagabay sa halip na itulak kami sa mga landas na gusto nilang puntahan namin.”2

Nagpakita ng matinding pagmamahal sa kanilang mga anak sina Pangulo at Sister Kimball. Sinabi ng isa nilang anak na si Edward: “Napakalambing ng aking ama. Alam kong mahal niya ako.” Naalala ni Edward ang naging karanasan niya noong dumalo siya sa banal na pagtitipon sa Salt Lake Temple: “Libulibong kalalakihan ang naroon. Nang matapos ang miting, nakita ako ng [aking ama] na kumakanta sa koro. Habang papalabas siya, lumapit siya, niyakap at hinalikan ako.”3

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Ang pamilya ang sentro sa plano ng ating Ama at ito ang pundasyon ng lipunan.

Ang buhay-pamilya ang pinakamainam na paraan sa pagtatamo ng kaligayahan sa mundong ito, at ito ay malinaw na huwarang ibinigay sa atin ng Panginoon tungkol sa kung ano ang mangyayari sa susunod na daigdig.4

Itinatag ng Panginoon ang buong plano sa simula na may amang lumilikha, nagtutustos, at nagmamahal at gumagabay, at isang ina na naglilihi at nagbubuntis at nangangalaga at nagpapakain at nagtuturo. Maaari namang itatag ito ng Panginoon sa ibang paraan ngunit pinili niyang magkaroon ng yunit na may responsibilidad at may layunin ang pagsasamahan, kung saan sinasanay ang mga anak at dinidisiplina ang bawat isa at natututuhang mahalin, igalang, at pahalagahan ang isa’t isa. Ang pamilya ang dakilang plano ng buhay ayon sa plano at pagkakatatag ng ating Ama sa Langit.5

Ang pamilya ang pangunahing yunit ng kaharian ng Diyos sa daigdig. Ang Simbahan ay hindi maaaring maging mas matatag kaysa mga pamilya nito.6

Mula sa simula, binigyang-diin na ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang buhay-pamilya. Nauunawaan natin sa tuwina na ang mga pundasyon ng pamilya, bilang walang hanggang yunit, ay inilatag na bago pa man nilikha ang daigdig na ito! Ang lipunan na walang pamilya ay walang pundasyon at mauuwi sa wala. …

Tayo sa lahat ng mga tao … ay hindi dapat padala sa mga maling pahayag na ang yunit ng pamilya ay masasabing nakatali sa partikular na bahagi ng pag-unlad na pinagdaraanan ng isang lipunan dito sa lupa. Malaya tayong labanan ang mga pagkilos na iyon na sumisira sa kahalagahan ng pamilya at nagbibigay-diin sa pagkamakasarili ng tao. Alam natin na ang pamilya ay walang hanggan. Alam nating kapag may nangyaring mali sa pamilya, may mangyayaring mali sa bawat iba pang institusyon sa lipunan. …

Ang ating mga institusyong pulitikal … ay hindi makasasagip sa atin kung ang ating pangunahing institusyon, ang pamilya, ay hindi buo. Hindi tayo maililigtas ng mga kasunduang pangkapayapaan kapag may pagtatalu-talo sa halip na pagmamahalan sa tahanan. Hindi tayo masasagip ng mga programa sa patrabaho kapag marami ang hindi naturuang magtrabaho o walang pagkakataong magtrabaho o sa ilang pagkakataon ay ayaw gawin ito. Hindi tayo mapangangalagaan ng mga alagad ng batas kung napakaraming tao ang ayaw disiplinahin ang kanilang sarili o magpadisiplina.7

Wala tayong pagpipilian … kundi ang patuloy na itaguyod ang adhikain ng pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Ang katotohanang may ilan sa ngayon na walang pagkakataong mamuhay sa gayong pamilya ay hindi sapat na dahilan para huminto na sa pagsasalita tungkol dito. Tunay na sensitibo tayo kapag buhaypamilya ang pinag-uusapan, gayunpaman, natatanto nating marami … ang kasalukuyang walang pribilehiyo na mapabilang o makatulong sa gayong pamilya. Ngunit hindi natin maisasantabi ang pamantayang ito, dahil napakaraming iba pang bagay ang nakasalalay dito.8

Kailangang may imbakan ng espirituwal na kalakasan ang mga magulang upang maitaguyod ang kanilang mga anak sa mga karanasan sa buhay.

Sa buhay natin ay maraming iba’t ibang uri ng imbakan. Ang ilan ay imbakan ng tubig. Ang ilan ay imbakan ng pagkain, tulad ng ginagawa natin sa programang pangkapakanan ng pamilya at ng ginawa ni Jose sa lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan. Kailangang mayroon ding imbakan ng kaalaman upang matugunan ang mga pangangailagan sa hinaharap; imbakan ng tapang upang mapaglabanan ang paglaganap ng takot na nagbibigay ng kawalang-katiyakan sa buhay; imbakan ng pisikal na lakas upang tulungan tayong makayanan ang kadalasang mga pahirap ng trabaho at pagkakasakit; imbakan ng kabutihan; imbakan ng tatag ng loob; imbakan ng pananampalataya. Oo, lalung-lalo na ang imbakan ng pananampalataya upang sa oras na tuksuhin tayo ng daigdig ay manatili tayong matatag at malakas; kapag ang mga panunukso ng nabubulok na daigdig sa ating paligid ay mangailangan ang ating lakas, sasairin ang ating espirituwal na kasiglahan, at hahangaring hilahin tayong pababa, kailangan natin ng imbakan ng pananampalataya na magbibigaylakas sa mga kabataan at kalaunan sa mga nasa hustong gulang sa malungkot, mahirap, kahila-hilakbot na sandali, kabiguan, maling pag-aakala, at mga panahon ng paghihirap, kakulangan, kalituhan, at kasiphayuan. …

Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang, sapagkat gumawa sila ng mga imbakan para sa aming magkakapatid. Ang mga imbakan ay puno ng nakaugaliang pananalangin, pag-aaral, mga aktibidad, mahusay na paglilingkod, at katotohanan at kabutihan. Tuwing umaga at gabi lumuluhod kami sa aming mga silya sa tabi ng mesa at halinhinang nagdarasal. Nang mag-asawa ako, nagpatuloy ang mga nakagawian, at ipinagpatuloy ng aming bagong pamilya ang mga ito.9

Buhay sa tahanan, wastong pagtuturo sa tahanan, patnubay at pamumuno ng magulang—ito ang mga lunas sa karamdaman ng daigdig at mga anak nito. Ito ang mga lunas sa espirituwal at emosyonal na sakit at ang lunas sa mga problema nito. Hindi dapat ipaubaya ng mga magulang sa iba ang pagsasanay ng kanilang mga anak.

Parang dumarami na ang mga nagpapasa ng responsibilidad na ito mula sa tahanan tungo sa mga impluwensya sa labas, gaya ng eskuwelahan at ng simbahan, at ang mas nakababahala pa, sa iba’t ibang ahensya at institusyong nangangalaga sa mga bata. Bagamat mahalaga ang mga panlabas na impluwensyang ito, hinding-hindi nito mapapalitan ang impluwensya ng ama at ina. Ang palagiang pagsasanay, pagbabantay, pagsama, at pagmamasid sa ating mga anak ay kailangan para manatiling buo ang ating mga tahanan at mapagpala ang ating mga anak sa sariling pamamaraan ng Panginoon.10

Ang mga auxiliary ng Simbahan ay napakahalaga, at dapat tayong makibahagi sa mga pagpapalang ibinibigay ng mga ito. Ngunit kailanman, ay hindi natin dapat payagang maging kapalit ito ng mga magulang, at alisan ang mga magulang ng responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak ng ebanghelyo ni Jesucristo.11

Dapat itanong ng mga lider ng auxiliary at mga guro ng kabataan, paano ko matutulungan ang mga kabataang ito na mahalin at sundin ang kanilang mga magulang, igalang sila, at maging matulungin sa mga responsibilidad ng pamilya? Paano kami magiiskedyul ng mga miting, ensayo, at aktibidad na di makagagambala sa mga ugnayan at responsibilidad sa tahanan, at mabigyan ng oras ang mga aktibidad ng pamilya?

Ang ating pangako na mamuhay sa tahanang nakasentro sa ebanghelyo ang dapat maging malinaw na mensahe ng bawat programa ng priesthood at auxiliary, na binabawasan, hangga’t maaari ang ilang opsyonal na aktibidad na mag-aalis ng pansin na dapat ituon sa pamilya at sa tahanan.12

Tanging sa wastong pagpaplano at pagsasaayos ng ating buhay-pamilya magagabayan ang ating mga anak at maililigtas sila sa mga patibong na humahantong sa kasalanan at pagkawasak, at mailalagay sila sa landas na patungo sa kaligayahan at kadakilaan. Sa bagay na ito, wala nang mas mabisa pa kaysa sa halimbawa ng kanilang sariling mga magulang at ng impluwensya ng buhay nila sa tahanan. Ang buhay ng ating mga anak ay halos magiging katulad ng nakikita nila sa kanilang mga tahanan habang sila’y nagbibinata at nagdadalaga. Samakatwid dapat nating iayon ang ating buhay sa landas na nais nating tahakin ng ating mga anak.13

Tataglayin ng bata sa kanyang buhay ang marami sa nakikita niyang pamumuhay ng kanyang pamilya. Kung nakikita niyang madalas pumunta sa templo ang kanyang mga magulang, sisimulan niyang planuhin na palaging magpunta sa templo. Kung tinuturuan siyang magdasal para sa mga misyonero, unti-unti siyang mahihimok sa programa ng gawaing-misyonero. Ngayon, napakasimple nito, ngunit ito ang pamamaraan ng buhay. At ipinangangako ko sa inyo na dudulutan kayo ng inyong mga anak ng karangalan at kaluwalhatian sa pagbibigay ninyo sa kanila ng wastong halimbawa at pagsasanay.14

Kung minsan nakakakita ako ng mga anak na galing sa mabuting pamilya na nagrerebelde, lumalaban, naliligaw, nagkakasala, at talagang kinakalaban ang Diyos. Dulot nito’y pighati sa kanilang mga magulang, na ginawa ang lahat … para magturo at mamuhay bilang mga halimbawa. Ngunit paulit-ulit kong nakikita na marami sa mga anak ding ito, na matapos ang maraming taon ng pagkaligaw, ay nagiging mahinahon at natatanto kung ano ang nawala sa kanila, nagsisisi, at nakakagawa ng malaking kontribusyon sa espirituwal na aspeto ng kanilang komunidad. Naniniwala ako na ang dahilan kung bakit nangyayari ito ay, sa kabila ng matinding pagsubok na naranasan ng mga taong ito, malaki pa rin ang impluwensya sa kanila, at higit pa sa inaakala nila, ng takbo ng buhay sa mga tahanang kinalakihan nila. Kapag, sa paglipas ng mga taon, nakadarama sila ng pag-asam na buhayin sa kanilang sariling pamilya ang kapaligirang tulad ng tinamasa nila noong sila’y mga bata pa, bumabalik sila sa pananampalatayang nagbigay ng kahulugan sa buhay ng kanilang mga magulang.15

Mga ama at ina, ang pinakauna ninyong responsibilidad ay ang inyong pamilya. Sa sama-samang pagsisikap mapapasainyo ang tahanang inaasam ng Panginoon na mapasainyo. Sa pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa isa’t isa at sa inyong mga anak, makapagtatayo kayo ng imbakan ng espirituwal na lakas na hindi kailanman mauubos.16

Kailangan nating patatagin ang ating pamilya laban sa kasamaang nakapalibot sa atin.

Darating ang panahon na tanging yaong naniniwala nang taimtim at buong sigla sa pamilya ang siya lamang makapagliligtas sa kanilang pamilya sa gitna ng nag-iibayong kasamaang nakapalibot sa atin.17

Alam ng diyablo kung saan sasalakay. Sasalakayin niya ang tahanan. Sisirain niya ang pamilya. Iyon ang gusto niyang gawin. … Magpasiya tayong hindi niya ito magagawa sa ating mga pamilya.18

Kailangang patuloy nating patatagin ang ating mga tahanan at pamilya at ipagtanggol sila laban sa pagdagsa ng kasamaang tulad ng diborsyo, watak-watak na pamilya, karahasan, at pangaabuso, lalo na sa mga anak at asawang babae. Kailangang lagi tayong nakabantay laban sa imoralidad, pornograpiya, at pagpapasasa sa seks na sumisira ng kalinisang-puri ng mga miyembro ng pamilya, bata at matanda. …

… Nakikita natin ang mga puwersa ng kasamaang ito halos sa lahat ng lugar na puntahan natin. Palagi tayong nakalantad sa mga ito. Dinadala natin ito sa tahanan mula sa eskuwelahan, sa palaruan, sa sinehan, sa opisina, at sa pamilihan. Kakaunti lamang ang lugar na pinupuntahan natin araw-araw kung saan matatakasan natin ang mga ito.

Ano kung gayon, ang nararapat na hakbang? Ano ang kailangan nating gawin? Dapat lagi tayong alerto sa kasamaang dulot ng mga ito sa ating tahanan at sugpuin ang mga ito tulad ng ginagawa natin sa mikrobyo at duming galing sa sakit. Kailangang halughugin natin ang mga ito sa mga nakatagong bahagi ng ating isipan, para lumaya ang ating sarili sa gayong kamunduhan, at mapuksa ang mga baga ng kasamaan bago pa ito maging nakatutupok na apoy. Paano natin gagawin ito?

Kung nais nating matakasan ang mapanganib na pagsalanta ng diyablo at mapanatiling ligtas at matibay na napoproteksyonan ang ating mga tahanan at pamilya laban sa lahat ng mapangwasak na impluwensyang ito na talamak na nakapalibot sa atin, kailangan natin ang tulong ng mismong tagapagtatag at tagabuo ng planong ito sa pamilya—ang Manlilikha mismo. May isang paraan lamang at iyan ay sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo at pagiging masunurin sa malalim at nagbibigayinspirasyong aral nito. Talagang dapat nating matanto na ang katumbas ng tahanang malaya sa masasamang impluwensyang iyon ay ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.19

Sa pagbabasa ng mga magulang ng mga pahayagan at magasin at nakikita ang pilit na itinuturo ng daigdig sa kanilang mga anak, dapat higit silang maging determinado na huwag masira ng gayong kasalanan at pagkakamali ang kanilang mga anak. Dapat ibigay ng mga magulang sa kanilang tahanan ang disiplina, at ang pagsasanay na lalaban at pipigil sa kasamaang ginagawa sa mundo. Habang natututuhan ng mga bata ang di magagandang bagay ng daigdig, dapat ding matutuhan nila ang mabubuting bagay sa daigdig at ang tamang pagtugon at saloobin.20

Ilang taon na ang nakalipas binisita namin ang isang bansa na nagtuturo ng kakaibang mga ideolohiya at “nakapamiminsalang mga doktrina” araw-araw sa eskuwelahan at sa pahayagang kotrolado ng pamahalaan. Araw-araw nakikinig ang mga batang ito sa mga doktrina, pilosopiya, at adhikaing isinasalaysay ng kanilang mga guro.

May nagsabi na “kayang pabitakin ng patuloy na pagpatak ng tubig ang pinakamatigas na bato.” Alam ko ito, kaya nagtanong ako tungkol sa mga bata: “Taglay pa rin ba nila ang kanilang pananampalataya? Hindi ba sila nadadaig ng palagiang pangiimpluwensya ng kanilang mga guro? Paano kayo makasisigurong hindi nila iiwan ang simpleng pananampalataya sa Diyos?”

Ganito ang kabuuan ng kanilang sagot “Inaayos namin ang nasirang imbakan gabi-gabi. Tinuturuan namin ang aming mga anak ng totoong kabutihan nang sa gayo’y hindi mabuo sa isip nila ang mga maling pilosopiya. Ang aming mga anak ay lumalaki sa pananampalataya at kabutihan sa kabila ng halos di madaig na mga impluwensya sa labas.”

Maging ang mga may bitak na dam ay maaaring maayos at maisalba, at mapipigilan ng mga sako na may lamang buhangin ang baha. At ang muli’t muling sinasambit na katotohanan, panibagong panalangin, mga turo ng ebanghelyo, pagpapakita ng pagmamahal, at pagtutuon ng pansin ng magulang ay makapagliligtas sa anak at makapagpapanatili sa kanya sa tamang daan.21

Ang tahanan ang lugar kung saan maituturo at mapangangalagaan ang espirituwalidad.

Ang tunay na tahanan ng Banal sa mga Huling Araw ay kanlungan laban sa mga unos at pakikibaka sa buhay. Ang espirituwalidad ay sumisibol at inaalagaan ng araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagtalakay ng ebanghelyo sa tahanan at mga kaugnay na aktibidad, mga home evening, pagpupulong ng pamilya, magkasamang pagtatrabaho at paglilibang, paglilingkod sa isa’t isa, at pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga nakapalibot sa atin. Napangangalagaan din ang espirituwalidad sa ating mga pagtitiyaga, kabaitan, at pagpapatawad sa isa’t isa at sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamilya. Sa tahanan tayo nagiging dalubhasa at iskolar sa kabutihan ng ebanghelyo, natututo at magkakasamang ipinamumuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.22

Sa tahanan dapat maranasan ang pag-asa sa Panginoon sa tuwina at hindi kapag may espesyal na okasyon lamang. Isang paraan para maitatag iyon ay sa palagian at taimtim ng pagdarasal. Hindi sapat ang magdasal lamang. Napakahalaga ng totohanang pakikipag-usap natin sa Panginoon, nananampalatayang ihahayag niya sa atin bilang mga magulang ang kailangan nating malaman at gawin para sa kapakanan ng ating mga pamilya.23

Ang sarilinan at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan ay pinakamahalaga sa pagkatuto sa ebanghelyo. Ang araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagtalakay sa mga ito nang sama-sama ay matagal nang iminumungkahi bilang mabisang kasangkapan laban sa kamangmangan at mga panunukso ni Satanas. Ang kaugaliang ito’y magdudulot ng malaking kaligayahan at tutulong sa mga miyembro ng pamilya na mahalin ang Panginoon at ang kanyang kabutihan.

Tungkol sa pamamahala ng ating pamilya, naturuan na tayo nang wasto na ang pulong ng pamilya ang pinakamahalagang pulong sa Simbahan. Sa ilalim ng patnubay ng ama at ina, na dapat ding sumangguni sa isa’t isa, maaari ding talakayin sa mga pulong ng pamilya ang mga bagay-bagay tungkol sa pamilya, pananalapi ng pamilya, pagpaplano, at pagsuporta at pagpapalakas ng mga miyembro nito.24

Tungkol sa ating mga home evening, ang gabi sa piling ng pamilya sa tahanan o sa ibang lugar na gusto ng pamilya ay bahagi lamang ng kinakailangang pagdaros ng home evening. Importanteng maituro sa mga anak ang paraan ng pamumuhay na siyang napakahalaga. Ang panonood ng palabas o pagsasalusalo, o pangingisda, ay kalahati lamang ng talagang kinakailangan, ngunit ang paglagi sa tahanan at pagtuturo sa mga anak ng ebanghelyo, ng mga banal na kasulatan, at pagmamahal sa isa’t isa at sa mga magulang ang siyang pinakamahalaga.25

Sa pamamagitan ng matibay nating pangako na magdaraos ng regular at nagbibigay-inspirasyong family home evening at sa mabuting pagpaplano ng gagawin sa gabing iyon, naghahatid tayo ng mensahe sa ating mga anak na kanilang maaalala magpakailanman. Kaya sa pag-uukol natin ng panahon sa ating mga anak, ibinibigay natin ang ating presensya, isang regalong kapansin-pansin sa tuwina.26

Nais kong ihambing sa isang payong ang home evening, panalangin ng pamilya, at iba pang kaakibat na mga aktibidad ng Simbahan para sa ikaliligtas ng pamilya, kapag ang mga ito ay palagiang ginagawa. Kung hindi nakabukas ang payong, para lang itong baston na kaunting proteksyon lang ang maibibigay laban sa mga unos ng kalikasan. Gayundin walang gaanong halaga ang mga planong ibinigay ng Diyos maliban kung ginagamit ang mga ito.

Kapag nakabukas ang payong nauunat ang sedang materyal nito. Kapag pumatak ang ulan dito, dumadaloy lang ito; kapag bumagsak ang niyebe, dumudulas ito; kapag dumating ang ulang may yelo, tumatalbog ito; kapag umihip ang hangin, nasasangga ito ng payong. At sa gayunding paraan, itinataboy ng espirituwal na payong na ito ang mga kalaban na kamangmangan, pamahiin, pagdududa, apostasiya, imoralidad, at iba pang anyo ng kawalang-Diyos.

Dalangin ko na bubuksan nating lahat ang ating mga espirituwal na payong para proteksyunan ang ating mga pamilya.27

Dapat nating mahalin ang ating mga anak tulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin.

Ang Diyos ang ating Ama. Mahal Niya tayo. Nag-uukol siya ng maraming lakas sa pagsisikap na sanayin tayo, at dapat nating sundan ang Kanyang halimbawa at mahalin nang lubos ang ating sariling mga anak at palakihin sila sa kabutihan.28

Gaano na katagal nang huli ninyong yakapin ang inyong mga anak, malaki man sila o maliit, at sinabi sa kanilang mahal ninyo sila at nagagalak na maaari silang mapasainyo magpakailanman?29

Oh, mga kapatid ko, maaaring maging walang hanggan ang pamilya! Huwag ninyong hayaang ilayo kayo sa kanila ng mga tukso ngayon! Kabanalan, kawalang-hanggan, at pamilya—sama-sama sila, nagkakaisa, at dapat gayundin tayo!30

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Sa pagtukoy sa kanyang sariling pamilya, naalala ni Pangulong Kimball na, “Nasa tahanan namin ang langit” (pahina 241). Paano tayo makalilikha ng makalangit na kapaligiran sa ating mga tahanan? Sa anu-anong paraan tayo maihahanda ng buhay sa tahanan sa buhay na walang hanggan?

  • Ano ang ilan sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ng mga magulang para makapaglaan ng mga imbakan ng espirituwal na lakas para sa kanilang mga anak? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 244–251.).

  • Anu-anong kapahamakan ang susuungin ng mga magulang kung ipapaubaya nila sa ibang tao ang pagsasanay sa kanilang mga anak? Anu-anong mga mapagkukunan ang makatutulong sa mga magulang sa pagtuturo ng mga anak? Sa paanong paraan masusuportahan ng mga lider at guro sa Simbahan ang mga magulang? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 245–247.)

  • Pag-isipan ang payo ni Pangulong Kimball sa mga pahina 250–253. Anong katibayan ang nakita ninyo na talagang gumagawa ng kaibhan ang pananalangin ng pamilya, pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan, pagpupulong ng pamilya, at family home evening?

  • Basahin ang huling talata sa pahina 241. Pagkatapos ay pagbulaybulayin ang mga tanong ni Pangulong Kimball sa itaas ng pahinang ito: “Gaano na katagal nang huli ninyong yakapin ang inyong mga anak, malaki man sila o maliit, at sinabi sa kanilang mahal ninyo sila at nagagalak na maaari silang mapasainyo magpakailanman?”

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Deuteronomio 6:3–7; 2 Nephi 25:26; Mosias 4:14–15; D at T 68:25–28

Mga Tala

  1. “Therefore I Was Taught,” Ensign, Ene. 1982, 3.

  2. Olive Beth Mack, “How a Daughter Sees Her Father, the Prophet,” mensahe sa debosyonal, Salt Lake Institute of Religion, Abr. 9, 1976, 8.

  3. Sa Gerry Avant, “As Father, Prophet Made Time Count,” Church News, Hunyo 11, 1977, 5.

  4. “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 103.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1973, 151; o Ensign, Hulyo 1973, 15.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1978, 67; o Ensign, Mayo 1978, 45.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1980, 3, 4; o Ensign, Nob. 1980, 4, 5.

  8. Ensign, Nob. 1978, 103.

  9. Faith Precedes the Miracle (1972), 110–11.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1979, 4–5; o Ensign, Mayo 1979, 5.

  11. “The Example of Abraham,” Ensign, Hunyo 1975, 5.

  12. “Living the Gospel in the Home,” Ensign, Mayo 1978, 101.

  13. The Miracle of Forgiveness (1969), 258–59.

  14. Sa Conference Report, Seoul Korea Area Conference 1975, 35.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1974, 160; o Ensign, Nob. 1974, 111.

  16. Ensign, Hunyo 1975, 5.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1980, 3; o Ensign, Nob. 1980, 4.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1975, 165; o Ensign, Nob. 1975, 111.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1979, 5; o Ensign, Mayo 1979, 5, 6.

  20. “Train Up a Child,” Ensign, Abr. 1978, 4.

  21. Faith Precedes the Miracle, 113–14.

  22. Ensign, Ene. 1982, 3.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1974, 161–62; o Ensign, Nob. 1974, 113.

  24. Ensign, Ene. 1982, 4.

  25. Sa Conference Report, Okt. 1977, 4; o Ensign, Nob. 1977, 4.

  26. Sa Conference Report, Abr. 1978, 5; o Ensign, Mayo 1978, 5.

  27. Sa Conference Report, Okt. 1969, 23; o Improvement Era, Dis. 1969, 50–51.

  28. Ensign, Abr. 1978, 5.

  29. Sa Conference Report, Okt. 1974, 161; o Ensign, Nob. 1974, 112–13.

  30. Sa Conference Report, Okt. 1980, 5; o Ensign, Nob. 1980, 5.

Kimball family

Sina Pangulo at Sister Kimball kasama ang mga miyembro ng kanilang pamilya.

mother reading to child

“Buhay sa tahanan, wastong pagtuturo sa tahanan, patnubay at pagtuturo ng magulang—ito ang mga lunas sa mga sakit ng daigdig at mga anak nito.”

family praying

Sa pamamagitan ng “palagian at taimtim na pagdarasal,” ang tahanan ay nagiging “lugar kung saan nadarama sa tuwina ang pag-asa sa Panginoon.”