Kabanata 20
Ang Kababaihan ng Simbahan
Ang mabubuting kababaihan na ginagampanan ang mabibigat na responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Diyos ay malaking pagpapala sa kanilang pamilya, sa Simbahan, at sa mundo.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
“Hanga ako sa katapatan ng marami sa ating mga kapatid na babae at sa kanilang lubos na katapatan sa adhikain ng kabutihan,” ang sinulat ni Pangulong Spencer W. Kimball. Pagkatapos ay ikinuwento niya ang sumusunod:
“Ang sariling journal ng aking kahanga-hangang ina ay tala ng habambuhay na pasasalamat sa pagkakataong makapaglingkod at nalulungkot lamang na hindi na siya makagagawa pa. Nangiti ako nang mabasa ko kailan lang ang isang tala na may petsang Enero 16, 1900. Naglilingkod siya noon bilang unang tagapayo sa aming Relief Society sa Thatcher, Arizona at nagpunta ang panguluhan sa tahanan ng isang kapatid na hindi makapanahi dahil may sakit ang sanggol nito. Dinala ni Inay ang kanyang makinang panahi, baon na pananghalian, ang kanyang beybi, at upuan nito, at nagsimula silang magtrabaho. Isinulat niya nang gabing iyon, ‘nakagawa kami ng apat na apron, apat na pares ng pantalon, at nasimulan ang isang kamiseta para sa isa sa mga batang lalaki.’ Kailangang huminto sila nang alas-4 ng hapon para pumunta sa isang libing, kaya’t ‘hindi na nadagdagan pa ang aming natahi.’ Dapat sana’y humanga ako sa nagawa nilang iyon, sa halip na isiping, ‘Eh, kakaunti lang iyon.’
Pagkaraan ng dalawang araw, nagtipon ang Relief Society sa aming tahanan para magtrabaho. ‘Marami kaming sister,’ ang isinulat ni Inay, at ‘nakagawa nang marami.’ At pagkatapos ng gawaing iyon, nagpunta naman siya nang walang reklamo sa board meeting.
“Iyan ang uri ng tahanan na nakalakhan ko, isang tahanang pinangangasiwaan ng isang babae na nagpakita ng paglilingkod sa lahat ng kanyang ginagawa. Iyan ang uri ng tahanan na binuo ng aking asawa. Iyan ang uri ng tahanan na binubuo ng libulibong kahanga-hangang kababaihan sa buong Simbahan.”1
Itinuro ni Pangulong Kimball ang kahalagahan ng lahat ng mabubuting kababaihan sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sabi niya: “Balang-araw, kapag naikuwento nang buo ang dispensasyong ito at ang mga nagdaang dispensasyon, mapupuno ito ng magigiting na kuwento ng ating kababaihan, ng kanilang karunungan at debosyon, ng tibay ng kanilang loob, na madarama ng isang tao na marahil, kung paanong ang kababaihan ang nauna roon sa libingan ng Panginoong Jesucristo matapos ang kanyang pagkabuhay na muli, gayundin naman na ang ating mabubuting kababaihan ay karaniwang likas na sensitibo sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan.”2
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Sapagkat binigyan ng iba’t ibang responsibilidad, kailangang magtulungan ang mga babae at lalaki sa pagsasamahang may pantay na karapatan at paggalang sa bawat isa.
Maliwanag na itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan at propeta na ang Diyos, na perpekto ang katangiang makatarungan, ay “hindi nagtatangi … ng mga tao” (Mga Gawa 10:34). … Lubos ang pagkapantay-pantay natin bilang kanyang mga espiritung anak. Pantay-pantay tayo sa pagtanggap ng ganap na pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Isinulat ng namayapang si Elder John A. Widtsoe:
“Ang lugar ng babae sa Simbahan ay lumakad na kasabay ng lalaki, hindi nauuna sa kanya o nahuhuli. Sa Simbahan may lubos na pagkapantay-pantay sa pagitan ng lalaki at babae. Ang ebanghelyo ay pinlano ng Panginoon kapwa para sa kalalakihan at kababaihan” (Improvement Era, Mar. 1942, p. 161).
Gayunpaman sa mga katiyakang iyon, magkaiba ang ating mga ginagampanan at tungkulin. Walang hanggan ang mga pagkakaibang ito—ang kababaihan ay binigyan ng maraming malalaking responsibilidad sa pagiging ina at sa kapatiran at ang kalalakihan nama’y binigyan ng maraming responsibilidad sa pagiging ama at sa priesthood—ngunit ang lalake ay di maaaring walang babae at ang babae ay di maaaring walang lalake sa Panginoon (tingnan sa 1 Cor. 11:11). Parehong pagpapala ang mabuting lalaki at mabuting babae sa lahat ng mga naiimpluwensyahan ng kanilang buhay.
Alalahanin na sa daigdig na pinanggalingan natin bago tayo naparito sa lupa, ang matatapat na kababaihan ay binigyan ng mga partikular na gawain samantalang ang matatapat na kalalakihan ay naordena sa simula pa lang sa partikular na mga gawain sa priesthood. Bagama’t hindi natin naaalala ngayon ang mga detalye, hindi nito nababago ang maluwalhating katotohanan ng pinagkasunduan natin noon.3
Kung minsan nakaririnig tayo ng nakababahalang mga balita tungkol sa paano tinatrato ang mga babae. Siguro kapag nangyari ito, resulta ito ng pagiging manhid at kawalan ng malasakit, pero hindi dapat ganito, mga kapatid. Ang kababaihan ng Simbahang ito ay may gawaing gagawin, na bagama’t kakaiba, ay kasinghalaga ng gawaing ginagawa natin. Sa katunayan, ang gawain nila ay tulad din ng mahahalagang gawain na pinagagawa sa atin—bagama’t magkakaiba ang ating mga ginagampanan at tungkulin. …
Hindi hangad ng ating kababaihan na ibigay ang layaw nila o kaya’y tratuhin nang mababa; nais nilang igalang at respetuhin sila bilang ating mga kapatid at kapantay natin. Binabanggit ko ang lahat ng ito, mga kapatid ko, hindi dahil sa ang mga doktrina o mga turo ng Simbahan tungkol sa kababaihan ay pinag-aalinlanganan, kundi dahil pinag-aalinlanganan sa ilang sitwasyon ang klase ng ating pag-uugali.4
Ang Relief Society ay organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan. Kapupunan ito ng pagsasanay sa priesthood na ibinibigay sa mga kalalakihan. May kapangyarihan sa organisasyong ito na hindi pa lubusang nagagamit para palakasin ang mga tahanan ng Sion at itayo ang Kaharian ng Diyos. …
… Sa Kanyang karunungan at awa, nilalang ng ating Ama ang kalalakihan at kababaihan na umaasa sa isa’t isa sa lubos na pagunlad ng kanilang potensyal. Dahil magkaiba ang kanilang mga katangian, mapupunan nila ang isa’t isa; dahil halos marami silang pagkakatulad, mauunawaan nila ang isa’t isa. Huwag kainggitan ang isa’t isa sa kanilang kaibhan; hayaang kapwa nila makita kung ano ang mahina at kung ano ang pinakamaganda sa mga pagkakaibang iyon, at kumilos nang nararapat. At nawa ang kapatiran ng priesthood at ng Relief Society ay maging pagpapala sa buhay ng lahat ng miyembro ng dakilang Simbahang ito, habang tinutulungan natin ang isa’t isa sa landas na patungo sa pagiging perpekto.5
Tinawag ng Diyos ang kababaihan para tumulong na pagyamanin, pangalagaan, at bantayan ang tahanan at pamilya.
Ang maging mabuting babae ay isang bagay na maluwalhati sa anumang panahon. Ang maging mabuting babae sa huling panahon ng mundong ito, bago ang ikalawang pagparito ng ating Tagapagligtas, ay natatanging dakilang tungkulin. Maaaring higit sa sampung beses ang lakas at impluwensya ng mabuting babae ngayon kaysa noong mga panahong mas mapayapa. Inilagay siya rito para tumulong na pagyamanin, protektahan, at bantayan ang tahanan—na siyang pangunahin at pinakamarangal na institusyon ng lipunan. Maaaring manghina at bumagsak pa ang ilang institusyon sa lipunan, subalit makatutulong ang mabuting babae para mailigtas ang tahanan, na maaaring siyang huli at natatanging santuwaryo na alam ng ilang mortal sa gitna ng unos at paghihirap.6
Nagbabasa kayo ng diyaryo, nanonood ng telebisyon, nakikinig ng radyo, nagbabasa ng mga aklat at magasin, at marami sa mga pumapasok sa inyong isipan ay nilayon upang iligaw kayo. … Ang ilan sa mga bagay na sinasabi nila sa inyo sa mga panahong ito ay: hindi na kailangang magpakasal; hindi na kailangang magpakasal para magkaanak; hindi kailangang magkaanak; maaari ninyong makamit ang lahat ng kasiyahan sa mundo nang wala ang mga obligasyon at responsibilidad na ito. … [Maraming] paraan para ibigay sa inyo ang kaluwagang ito, na tinatawag nilang kalayaan. Sinasabi nila sa inyo na kayo’y nakatali (nakagapos) sa inyong mga tahanan, sa inyong asawa, sa inyong mga anak, sa inyong gawaingbahay. Binabanggit at isinusulat nila sa inyo ang tungkol sa isang kalayaang hindi naman nila talagang alam. …
Si Eva, na kagagaling pa lamang sa walang hanggang kaharian, ay tila naunawaan ang buhay, sapagkat siya’y masaya—masaya!—na kinain nila ang ipinagbabawal na bunga. … Sinimulan ng ating pinakamamahal na inang si Eva ang lahi ng tao nang may kagalakan, ginustong magkaroon ng mga anak, masaya sa kagalakang idudulot ng mga ito sa kanya, handang harapin ang mga problemang may kaugnayan sa pamilya, gayundin ang mga kagalakan. …
Ang mga ina ay may sagradong tungkulin. Sila’y mga katuwang ng Diyos, gayundin ang kanilang mga asawa, una sa pagsilang sa espiritung mga anak ng Panginoon at sa pagpapalaki sa mga anak na iyon upang paglingkuran nila ang Panginoon at sundin ang kanyang mga utos. … Ang pagiging ina ay banal na tungkulin, isang sagradong dedikasyon para isakatuparan ang gawain ng Panginoon, isang paglalaan at debosyon para sa pagpapalaki at pagpapaunlad, pangangalaga ng katawan, isipan, at espiritu ng mga taong napanatili ang kanilang unang kalagayan at naparito sa mundong ito para sa kanilang ikalawang kalagayan upang matuto at subukin at gumawa tungo sa pagiging diyos.7
Napakaraming babae ang nag-uukol ng kanilang oras sa kasayahan, pulitika, paglilingkod sa publiko gayong dapat ay nasa tahanan sila para turuan at sanayin at tanggapin at mahalin ang kanilang mga anak tungo sa katiwasayan.8
Walang higit na karangalang maibibigay sa isang babae maliban sa pagtulong sa banal na plano [ng Diyos]. Nais kong sabihin nang walang alinlangan na hindi makahahanap ng higit na kasiyahan at kagalakan at kapayapaan at hindi makatutulong nang malaki ang isang babae sa sangkatauhan maliban sa pagiging matalino at karapat-dapat na babae at nagpapalaki ng mabubuting anak.9
Ipinangako ng Panginoon ang mga pagpapala ng walang hanggang buhay may-pamilya sa lahat ng matatapat na kababaihan.
Ang ilan sa inyo ay namatayan ng asawa, ang iba’y nadiborsiyo. Ang ilan sa inyo’y hindi pa nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa. Subalit, sa pananaw ng kawalang-hanggan, ang kawalan ng mga pagpapalang ito “ay maikling sandali na lamang” (tingnan sa D at T 121:7). …
Alalahanin din, na habang nakatuon ang ating pansin sa mga kaluwalhatian at kahalagahan ng buhay may-pamilya rito, na tayong lahat ay kabilang sa walang hanggang pamilya ng ating Ama sa Langit.
Makatitiyak din kayo, na lahat ng matatapat na kababaihan na hindi nagkaroon ng pagkakataon sa kanilang ikalawang kalagayan na mabuklod sa isang karapat-dapat na lalaki, na hindi naman nila kasalanan, ay makakamtan ang pagpapalang iyon sa kawalang-hanggan. Sa mga pagkakataong labis ninyong inaasam ang pagtanggap at pagmamahal na iyon na nagmumula sa buhay may-pamilya sa mundo, dapat ninyong malaman na batid ng ating Ama sa Langit ang inyong pagdadalamhati, at balang-araw ay pagpapalain niya kayo sa paraang di ninyo kayang mailarawan.
Kung minsan para masubukan at mapatunayan ay kailangan tayong pansamantalang mapagkaitan—subalit ang mabubuting kababaihan at kalalakihan ay tatanggap ng lahat balang-araw—isipin ninyo ito, mga kapatid—lahat ng mayroon ang Ama! Hindi lamang sulit ang hintayin ito; sulit ding mamuhay para rito!
Samantala, hindi kailangang mag-asawa o maging ina upang sundin ang una at pangalawang dakilang utos—na mahalin ang Diyos at ang kapwa—na sinabi ni Jesus na batayan ng buong kautusan at ng lahat ng mga propeta.10
Kayo na sa ngayon ay di pa nararanasan ang nakaugaliang papel ng babae, hindi dahil sa pinili ninyo, kundi dahil sa mga kadahilanang hindi ninyo saklaw, ay marami pa ring magagawa upang matulungan ang iba.11
Dapat hangarin ng bawat babae na gampanan ang kanyang banal na potensyal.
Nasisiyahan tayo at humahanga sa wastong pag-unlad at pagpapakita ng maraming talento ng ating mga kababaihan.12
Hinihikayat natin ang lahat ng ating kababaihan na samantalahin ang mga pagkakataon na tumanggap ng liwanag at kaalaman sa paaralan, sa personal na pag-aaral, at sa Relief Society.13
Makapagtatakda kayo ng inyong mga mithiin, mga kabataang babae, na inyong aabutin at pagsisikapan. Patuloy na pagsikapan ito. Maging madasalin at mapagpakumbaba sa paghahangad ng karunungan at kaalaman. Nasa panahon kayo ng inyong buhay ngayon para mag-aral at maghanda. Pag-aralan ang lahat ng mapag-aaralan ninyo. Ang pag-unlad ay dumarating mula sa pagtatakda ng matataas na mithiin at sa pag-abot sa mga bituin.14
Bawat batang babae, at sinasabi kong bawat batang babae, ay dapat ihanda ang sarili sa pag-aasawa at sa mga responsibilidad sa pangangalaga ng tahanan at pamilya. Hindi ninyo mababasa iyan sa mga magasin ngayon, gayunpaman ito ay totoo. Dapat siyang hikayating ipagkapuri ang paghahanda sa tunay na paglilingkod ng kababaihan. Dapat na may kasanayan siya sa mga bagay na mapapakinabangan at magpapaunlad sa kanyang buhay maypamilya. Dapat niyang paunlarin ang kanyang mga talento, patibayin ang kaalaman at patotoo sa ebanghelyo, at kasabikan ang paglilingkod sa iba. Ang ilang kababaihan ay maaaring matawag na magmisyon nang full- time, at lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na maging lubos na makabuluhan sa kaharian ng Diyos kung ihahanda nila ang kanilang sarili. … Gusto natin na lahat ng ating kababaihan ay makapag-aral nang husto, sapagkat ang mga anak ay maaaring hindi na makabawi dahil sa kamangmangan ng kanilang mga ina.15
Hangad naming magpatuloy kayo at kamtin ang edukasyong iyan… na siyang maghahanda sa inyo para sa kawalang-hanggan gayundin sa lubos na paglilingkod sa mortalidad. Dagdag pa sa mahahalaga at kinakailangang mga kasanayang iyon na kasama sa pangangasiwa ng tahanan, may iba pang mga kasanayan na maaaring magpaunlad nang wasto at siyang magpapatindi ng pagiging epektibo ninyo sa tahanan, sa Simbahan, at komunidad.
Muli, dapat maging matalino kayo sa mga gagawin ninyong pagpili, at hindi namin hangad na walang-alam o di epektibo ang kababaihan ng Simbahan. Kayo’y magiging mas mabubuting ina at asawa, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, kung pauunlarin ninyo ang mga kasanayan na ibinigay sa inyo at gagamitin ang mga talentong kaloob ng Diyos sa inyo.16
Nais naming makamtan ng ating kababaihan ang lahat ng mabuti. Naniniwala kaming dapat kamtin ang lahat ng mga pagpapalang ito—kultura, kapinuhan, edukasyon, kaalaman, pagiging perpekto—upang mapalaki at masanay ng mga ina ang ating mga anak sa kabutihan.17
Binibigyang-diin ko muli na kailangan talaga ng bawat babae na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Gusto nating ang ating mga tahanan ay mapagpala ng mga kababaihang maalam sa mga banal na kasulatan—may-asawa man kayo o wala, bata o matanda, biyuda o nakatira sa isang pamilya.
Anuman ang inyong kalagayan, habang nagiging maalam kayo sa mga katotohanan ng mga banal na kasulatan, mas magiging epektibo kayo sa pagsunod sa pangalawang dakilang utos, mahalin ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili. Maging mga dalubhasa sa mga banal na kasulatan—hindi para maliitin ang kapwa kundi para pasiglahin sila! Tutal, sino ba ang higit na kailangang “mag-ingat na mabuti” sa mga katotohanan ng ebanghelyo (na siyang masasandigan nila sa oras ng pangangailangan) kundi ang mga kababaihan at ina na siyang labis na nangangalaga at nagtuturo?
Hangarin ang kahusayan sa lahat ng inyong mabubuting gawain, at sa lahat ng aspeto ng inyong buhay.
Alalahanin, mahal na mga kapatid, na ang mga walang hanggang pagpapala na napasainyo sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jeuscristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mas malaki, napakalaki kaysa sa iba pang pagpapala na maaari ninyong matanggap. Ang pinakadakilang pagkilala na maibibigay sa inyo sa daigdig na ito ay ang makilala bilang babaeng may takot sa Diyos. Ang pinakadakilang katayuan na maipagkakaloob sa inyo ay ang pagiging anak na babae ng Diyos na nakaranas ng tunay na kapatiran, pagiging asawa, at ina, o iba pang mga gawain na nakaimpluwensiyang mabuti sa buhay ng mga tao. …
… Kailangang isaloob ninyong lahat ang mga katotohanan ng ebanghelyo tungkol sa walang hanggang katangian ng inyong indibiduwal na identidad at ang kakaiba ninyong personalidad. Kailangang lalo ninyong madama ang ganap na pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa inyo at damhin ang pagpapahalaga niya sa inyo bilang isang indibiduwal. Pagbulay-bulayin ang mga dakilang katotohanang ito, lalung-lalo na sa mga sandaling iyon kung kailan (sa katahimikan ng pag-aagam-agam na mararanasan ninyo bilang indibiduwal) maaaring magtaka kayo at magulumihanan. …
Wala nang mas dakila at mas maluwalhating mga pangako na ibinigay sa mga kababaihan kaysa sa dumating sa pamamagitan ng ebanghelyo at Simbahan ni Jesucristo. Saan pa ninyo matututuhan kung sino talaga kayo? Saan pa kayo mabibigyan ng mahahalagang paliwanag at katiyakan tungkol sa katangian ng buhay? Ano ang iba pang mapagkukunan ninyo ng kaalaman tungkol sa sarili ninyong kaibhan at identidad? Kanino pa ninyo matututuhan ang tungkol sa maluwalhating plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit?18
Malaki ang magiging kontribusyon ng mabubuting kababaihan sa mundo at sa kaharian ng Diyos.
Hindi pa kailanman nangyari sa kapanahunan ng mundo na ang papel ng babae ay napagkamalian. Hindi kailanman nangyari sa Simbahan na ang kababaihan ay nakagawa ng higit pa upang ipakita sa mundo ang kaya at dapat na tunay nilang gampanan. Ang epekto at impluwensiya ng kababaihan at mga ina sa ating mundo ay napakahalaga. Ang kaisipang “ang kamay na siyang umuugoy sa duyan ang naghahari sa mundo” ay lalong totoo ngayon kaysa noon.19
Gaano kahalaga sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang mabigyan ng napakaespesyal na mga gawain na ibinigay ng ating Ama sa Langit, lalung-lalo na kayo na nagkaroon ng pagkakataong isilang sa bahaging ito ng huling dispensasyong ito. Hayaang ipagpatuloy ng ibang kababaihan nang walang-pag-iintindi… ang makasarili nilang mga interes. Maaaring kayo ang lakas na labis na kinakailangan para sa pagmamahal at katotohanan at kabutihan sa planetang ito. …
… Mahal kong mga kapatid na babae, maaari bang magmungkahi ako ng isang bagay na hindi pa nasabi noon o maski man lang sa paraang ito. Ang karamihan sa malaking pag-unlad sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo (na kadalasa’y mas espirituwal) ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan. … Dahil dito ang mga halimbawa ng kababaihan ng Simbahan ay magiging mahalagang pwersa sa pagdami ng bilang at espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw. …
Mahal namin kayo mga kapatid. Nagtitiwala kami sa inyo. Nagagalak kami sa inyong katapatan. Labis kaming napalalakas dahil narito kayo… sa bahaging ito ng dispensasyong ito kung saan lubhang kinakailangan ang inyong mga talento at espirituwal na lakas.20
Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Rebyuhin ang kuwento sa pahina 255 at ang ikalawang talata sa pahina 256. Anong nagbibigay-inspirasyong mga kuwento ang naisip ninyo tungkol sa kababaihan sa inyong pamilya at sa Simbahan?
-
Pag-aralan ang huling talata sa pahina 258. Sa paliwanag tungkol sa pagkakaiba ng kanilang mga katangian at responsibilidad, paano matutulungan ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa? Paano sila magkatuwang na gagawa sa pamilya? sa Simbahan?
-
Bakit napakahalaga at “dakilang tungkulin” ang pagiging mabuting babae ngayon? (pahina 259). Sa paanong paraan sinisikap ng mundo na ilihis ang kababaihan mula sa tungkuling ito? Paano natin matutulungan ang mga kabataang lalaki at babae na pahalagahan ang dakilang tungkuling ito?
-
Habang binabasa ninyo ang pahina 261 at ang huling talata sa pahina 261 at unang dalawang talata sa pahina 262, pagbulaybulayin ang sinasabi ng mga turong ito tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak?
-
Ano ang ilang paraan para maisakatuparan ng kababaihan ng Simbahan ang kanilang potensyal na mula sa Diyos? (Tingnan sa mga pahina 262–264.) Paano masusuportahan ng kalalakihan ng Simbahan ang mga gawain ng kababaihan ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 258.)
-
Pagbulay-bulayin ang talata na nagsisimula sa ibaba ng pahina 265. Ano ang naiisip ninyo tungkol sa mga pahayag na ito? Paano nagaganap ngayon ang propesiyang ito tungkol sa pagunlad ng Simbahan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 31:10–31; Mga Taga Efeso 5:22–29; Alma 56:41–48; D at T 25:1, 5–10; Moises 3:18, 21–25