Kabanata 22
Paghahayag: “Isang Walang Katapusang Himig at Dumadagundong na Pagsamo”
Ang patuloy na paghahayag ay napakahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Minsan nagsalita si Pangulong Spencer W. Kimball sa isang kumperensya ng mga mamamahayag na ginanap sa Arizona Temple Visitor’s Center. Isang reporter ang nagtanong sa kanya: “Kayo po ay ipinakilala bilang pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at bilang propeta rin. Ang tanong ko ay: Nakikipag-usap ba ang Diyos sa inyo?” Sumagot si Pangulong Kimball: “Oo. Nakikipag-usap ang Diyos sa kanyang mga propeta ngayon tulad ng pakikipag-usap niya sa kanyang mga propeta noon at tulad din ng makikipag-usap siya sa kanila sa hinaharap. Maaalala mong sinulat ni Amos, ‘Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na propeta.’ Kung minsan naririnig ang kanyang tinig. Kung minsan naman ay isinusugo niya ang kanyang mga propeta tulad ng ginawa niya kay Jose, ang amain ni Jesus. Karaniwan, ito’y sa pamamagitan ng isang marahan at banayad na tinig ng Diyos sa ating diwa. Oo. Nasagot ko ba ang tanong mo, iho?”1
Tiwala si Pangulong Kimball sa alituntunin ng patuloy na paghahayag, sinasabing ito “ang pinakamahalaga sa ebanghelyo ng buhay na Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”2 Ang pagtitiwalang ito, sabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ay malinaw na bahagi ng katangian ng napakaespesyal na taong ito.”3 Ginampanang mabuti ni Pangulong Kimball ang kanyang responsibilidad bilang Pangulo ng Simbahan, nalalamang siya lamang ang tanging tao sa mundo na may awtoridad na tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan. Pinatotohanan niya: “Alam kong tinawag ako ng Panginoon sa tungkuling ito. Alam kong may mas dakilang mga propeta, marahil, kaysa sa akin, subalit hangad kong gawin ang lahat ng makakaya ko para isulong ang gawain ng Panginoon tulad ng nais niyang mangyari. Lumuluhod ako at nananalangin nang taimtim araw at gabi na bigyang-inspirasyon ako ng Panginoon at ihayag sa akin ang daang aking tatahakin at kung ano ang sasabihin ko sa mga tao ng Simbahang ito.”4
Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng Simbahan, tumanggap siya ng paghahayag para magabayan ang mga Banal. Ang pinakatanyag sa lahat ng paghahayag na ito ay dumating noong Hunyo 1978, nang ihayag ng Panginoon sa kanya at sa kanya ring mga kapatid sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga pagpapala ng priesthood na limitado sa iilan noon, ay makakamtan na ng lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan, Opisyal na Paghahayag 2). Dumating ang paghahayag na ito matapos ang maraming taon ng pagbubulay-bulay at pagdarasal ng iba pang mga Pangulo ng Simbahan tungkol sa bagay na ito.
Hindi na ipinaliwanag pa ni Pangulong Kimball sa mga tao ang tungkol sa paghahayag na ito. Subalit nagbigay siya ng maikling pahayag tungkol sa paghahanda ng kanyang sarili upang matanggap ito, at madalas niyang binabanggit ang nadarama niya tungkol dito:
“Batid kong may isang bagay tayong kinakaharap na lubos na mahalaga para sa karamihan ng mga anak ng Diyos. Alam kong matatanggap lang natin ang paghahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat at pagiging handa sa mga ito at kahandaang tanggapin ang mga ito at ilagay sa wastong kalalagyan ang mga ito. Araw-araw akong pumupuntang mag-isa sa mga silid sa itaas ng templo nang may lubos na kataimtiman, at iniaalay ko roon ang aking kaluluwa at iniaalay ang aking mga pagpupunyagi na maisulong ito. Nais kong gawin ang nais niya. Nakipag-usap ako sa kanya tungkol dito at nagsabing, ‘Panginoon, ang nais ko lamang ay ang tama. Hindi kami nagpaplano ng anuman upang maging kagila-gilalas sa pag-unlad. Ang hangad lang po namin ay ang bagay na nais ninyo, at nais namin iyon kung nais po ninyo, at hindi kung kailan namin gusto.”5
“Kami ngayon na sinang-ayunan ninyo bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay labis na natuwa noong tagsibol ng 1978 tulad ng mga sinaunang kapatid nang sabihin sa paghahayag ‘na ang mga Gentil ay mga tagapagmana … at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo [Jesus] sa pamamagitan ng evangelio’ (Efe. 3:6). Ito ang bagay na sinabi ni Pablo, ‘na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kanilang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu’ (Efe. 3:5).
“Nagkaroon kami ng maluwalhating karanasan nang malinaw na tukuyin ng Panginoon na dumating na ang panahon na ang lahat ng karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan saanmang dako ay maaaring maging mga tagapagmana at bahagi ng buong pagpapala ng ebanghelyo. Gusto kong malaman ninyo, bilang natatanging saksi ng Tagapagligtas, na dama kong napakalapit ko sa kanya at sa ating Ama sa Langit sa marami kong pagbisita sa mga silid sa itaas ng templo, na mag-isang nagpupunta roon nang ilang araw nang maraming beses. Nilinaw sa akin ng Panginoon ang nararapat gawin. Hindi tayo umaasang mauunawaan ng mga tao ng mundo ang gayong mga bagay, sapagkat palagi silang agad na nangangatwiran o nagwawalang-bahala sa banal na proseso ng paghahayag.”6
Dagdag pa sa pagpapatotoo na pinapatnubayan ng paghahayag ang mga desisyon ng mga lider ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Kimball na lahat tayo’y maaaring tumanggap ng paghahayag na gagabay sa ating buhay at magpapalakas sa atin sa ating responsibilidad. Sabi niya, “Ang pagpapala ng paghahayag ang dapat hangarin ng lahat.”7
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Nais makipag-ugnayan ng Diyos Ama at ni Jesucristo sa mga tao.
May nagsabing nabubuhay tayo sa panahong ang Diyos, kung may Diyos nga, ay piniling manahimik, subalit inihahayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo na hindi nananahimik ang Ama ni ang Anak. Nangungusap sila at nakikipag-ugnayan kung nararapat at kailangan, at palaging handa, sa katunayan ay lubos na nais na mapanatili ang pakikipag-ugnayan sa mga tao.8
Isang teologo ang nagsabing imposibleng mahanap o makilala ng tao ang Diyos. Ito’y parang pagsasabing: “Hindi ko pa naakyat ang Mt. Ararat—walang sinuman ang makakaakyat sa Mt. Ararat; o hindi pa ako nakaligo sa malinaw at mainit na tubig ng Adriatic Sea—walang Adriatic Sea; o hindi ko pa nakikita ang mababangis na hayop sa Kruger Park—walang Kruger Park; o, palagi akong malusog—samakatuwid, ang sakit na nadarama ng tao, ay bahagi lamang ng kanilang mga imahinasyon. Hindi pa ako nakapaglalakbay sa kalawakan; samakatuwid, walang makakarating sa kalawakan.”
Ano ngayon ang pagkakaiba ng pagsasabing hindi ko pa naririnig o nakikita ang Diyos—kung gayon, wala pang taong nakakita o narinig ang Diyos o nakasama niya. Masyadong mapangahas at napakayabang ng sinumang tao na nagsasabing ang Diyos ay hindi malalapitan, hindi makikilala, hindi nakikita at naririnig sapagkat mismong ang taong iyon ay hindi naihanda ang kanyang sarili para maranasan iyon.9
Tandaan na hindi matatagpuan ang Diyos sa pagsasaliksik lamang, ni mauunawaan at mapahahalagahan ang kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral lamang, sapagkat walang makakakilala sa Ama o sa Anak kundi “yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” (Lucas 10:32.) Ang nag-aalinlangan balangaraw, sa panahon mang ito o sa kawalang-hanggan, ay mababatid sa kanyang kalungkutan na pinagkaitan siya ng kanyang kayabangan ng labis na kagalakan at pag-unlad.10
Masaya tayong malaman na ang Diyos ng sansinukob na ito ay Diyos ng paghahayag. Ipinaaalam ng ating Panginoon ang kanyang iniisip at naisin sa kanyang mga anak dito sa lupa. Kung hahangarin natin ito, higit niyang ihahayag ang kanyang sarili sa kaganapan at mauunawaan natin siya sapagkat posibleng maunawaan ng mortal na tao ang Diyos. Hindi natin masasamba ang isang katauhan na likha o imahinasyon lang ng ating isipan. Sumasamba tayo sa isang katauhang buhay, na siyang lumikha, na ipinaaalam sa atin ang kanyang pagkatao at katangian at kadakilaan ng kanyang katauhan.11
Hindi ihihiwalay ni Amang Elohim ni ng Anak na si Jehova ang kanilang sarili sa mga anak ng tao. Sila, ang mga tao, ang siyang humihiwalay sa Diyos kung may paghihiwalay man. Ang Ama at Anak ay kapwa nagagalak na makipag-usap at makipag-ugnayan sa mga tao. …
… Sa kabila ng lahat ng diyus-diyusan na nilikha ng tao sa kanilang sarili at pagkalito na dulot nito, ang buhay at tunay na Diyos ay nasa kalangitan at makakausap ng kanyang mga anak.12
Samantalang ang ilang paghahayag ay kagilala-gilalas, ang karamihan ay dumarating bilang matinding impresyon sa isipan at puso.
Sa ating panahon, tulad noon, maraming tao ang umaasa na kung may paghahayag man ay darating ito sa kamanghamanghang paraan, nang may pagyanig ng lupa. Para sa maraming tao mahirap tanggaping paghahayag ang napakaraming bagay na ibinigay sa panahon ni Moises, sa panahon ni Joseph, at sa sarili nating panahon—ang mga paghahayag na iyon na dumating sa mga propeta sa matindi, at hindi matatawarang impresyon na itinanim sa isipan at puso ng propeta gaya ng hamog mula sa langit o pagbubukang-liwayway na pumapawi sa kadiliman ng gabi.
Sa pag-asam ng mga bagay na kagila-gilalas, maaaring hindi lubos na nakatuon ang mga tao sa patuloy na pagdaloy ng inihayag na pakikipag-ugnayan. Sinasabi ko nang may lubos na pagpapakumbaba, gayundin sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng patotoo na nag-aalab sa aking kaluluwa, na mula sa propeta ng Panunumbalik hanggang sa kasalukuyang propeta, patuloy pa rin ang komunikasyon, patuloy ang awtoridad, ang isang liwanag na maningning at tumatagos ay patuloy na nagliliwanag. Ang tinig ng Panginoon ay isang walang katapusang himig at dumadagundong na pagsamo.13
Ang paghahayag ay hindi palaging nangangahulugang “paglakad na kasama ng Diyos,” o “harapan,” o kaya’y “pabulong.” Maraming uri ng paghahayag—ang iba’y higit, at ang iba ay hindi gaanong kagila-gilalas.14
Ang ilang paghahayag ay dumarating sa pamamagitan ng mga panaginip. Kadalasan ang mga panaginip natin ay pabagu-bago at walang kahulugan, subalit ginagamit ng Panginoon ang mga panaginip sa ikauunawa ng kanyang mga tao. … Nanaginip si Nabucodonosor. (Tingnan sa Daniel 2.) Napakatindi ng panaginip na ito na kanyang nalimutan, subalit dumating si Daniel at ipinaalala sa hari ang kanyang panaginip at ibinigay ang kahulugan. Ipinaalam ito ng Panginoon kay Daniel dahil sa isang partikular na kadahilanan.
Nariyang napanaginipan ni Pedro ang isang sisidlan na gaya ng malapad na kumot na bumaba mula sa langit na puno ng lahat ng uri ng hayop at ito ay may napakalinaw na kahulugan. (Tingnan sa Mga Gawa 10:9–35.) …
Si Pablo sa kanyang matinding karanasan ay may gayunding uri ng paghahayag, sa pamamagitan ng isang panaginip. “At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo.” At tumanggap siya ng mga tagubilin na mahalaga sa kanya at sa kaharian. (Mga Gawa 16:9.) …
Mayroon pang ibang kagila-gilalas na mga paghahayag na nabanggit. Ang pagdating ni Moroni, isang indibiduwal, na nabuhay na muling nilalang, upang ibalik ang mahalagang tala ng mga sinaunang tao ng Amerika at ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo. …
At dumating din si Juan Bautista na pinugutan ng ulo ng hari sa sandali ng kahinaan … [pagkatapos] sina Pedro, Santiago, at Juan naman. … At sa gayon nangyari nang sunud-sunod, ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay, at lahat ng ito’y dumating sa pamamagitan ng paghahayag, pangitain, mga panaginip, o matitinding impresyon.
Ngayon, hindi lahat ng paghahayag sa mga banal na kasulatan ay nangyari sa pamamagitan ng mga kagila-gilalas na pagpapakita. Sa pagbabasa ninyo ng Lumang Tipan, makikita ninyong nangungusap ang Panginoon. Nangusap siya kina Isaias, Jeremias, at sa iba pa, subalit ang mga yaon ay di palaging personal na pagpapakita. Ito’y halos tulad ng naranasan ni Enos, sapagkat mababasa ninyo sa aklat ni Enos sa Aklat ni Mormon, na siya ay nag-ayuno at nanalangin at nagsumano at humingi ng impormasyon at kapatawaran lalo na sa kanyang mga kasalanan: “At samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli, sinasabing: …” (Enos 1:10.) Napakaraming paghahayag ang dumating sa ganitong paraan.
Kaya’t dumarating ang paghahayag: kung minsan sa aktuwal na pagpapakita ng mga nilalang na mula sa langit. … Subalit karamihan sa mga paghahayag ni Propetang Joseph Smith sa banal na talaang ito, ang Doktrina at mga Tipan, ay hindi dumating sa ganoong paraan. Dumating ang mga ito bilang matitinding impresyon.15
Karamihan sa mga naitalang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan at sa Biblia ay matitinding damdamin at kahangahangang kaalaman sa tagubiling mula sa langit. Ito ang uri ng paghahayag na mayroon ang bawat tao para sa sarili nilang mga pangangailangan.16
Kung minsan hindi natin napapansin ang pagdating [ng mga paghahayag]. Dasal tayo nang dasal para sa karunungan at pagpapasiya at pagkatapos ay nadarama natin na tila dapat tayong magtungo sa direksyong ito. May paghahayag dito. Sinasagot ng Panginoon ang mga itinatanong ninyo.17
Anong pananalita ang gamit ng Panginoon? Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, pinayuhan ng Panginoon si Oliver Cowdery, na naghangad ng kasagutan sa kanyang mga panalangin:
“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan mo sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.
“Hindi ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” (D at T 6:22–23).18
Sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang kagustuhan para sa Simbahan.
Ang dapat nating lubos na ipagpasalamat ngayon ay ang tunay na nabuksan ang kalangitan at ang ipinanumbalik na simbahan ni Jesucristo ay nakatatag sa bato ng paghahayag. Ang patuloy na paghahayag ay totoong napakahalaga sa ebanghelyo ng buhay na Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.19
Ang mga kinakailangan at napakahalagang tala ng sinaunang Amerika, na naglalaman ng mga turo ni Cristo, na isa pang patotoo ng kanyang pagkadiyos, ang bumubuo sa Aklat ni Mormon, na sinasabi nating banal na kasulatan, na kasabayan ng Biblia at nagpapatunay dito.
Mula [sa Unang Pangitain ni Joseph Smith] noong 1820, patuloy na dumarating ang karagdagang banal na kasulatan, kabilang ang napakarami at mahahalagang pagpapahayag na dumadaloy nang walang katapusan mula sa Diyos tungo sa kanyang mga propeta sa mundo. Marami sa mga paghahayag na ito ay nakatala sa isa pang banal na kasulatan na tinatawag na Doktrina at mga Tipan. Kapupunan din ng mga banal na kasulatan nating mga Banal sa mga Huling Araw ang Mahalagang Perlas, isa pang talaan ng pagpapahayag at isinaling kasulatan ng sinauna at makabagong mga propeta.
May mga nag-aakala na ang paglalathala at pagsasama-sama ng mga sagradong talaang ito ay magiging “katapusan na ng mga propeta.” Subalit muli naming pinatototohanan sa mundo na patuloy ang paghahayag at ang lalagyan at talaan ng Simbahan ay naglalaman ng mga paghahayag na ito na dumarating buwanbuwan at araw-araw. Pinatototohanan din namin na mula noong 1830 nang itatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na mayroon at patuloy na magkakaroon, hanggang sa huling sandali, ng isang propeta, na kinikilala ng Diyos at ng kanyang mga tao, na patuloy na magpapaliwanag ng kaisipan at kalooban ng Panginoon.20
Kapag …, matapos manalangin at mag-ayuno, at nakagawa ng mahahalagang desisyon [ang mga lider ng Simbahan], nakabuo ng bagong mga misyon at stake, pinasimulan ang bagong mga huwaran at panuntunan, binabale-wala [ng mga tao] ang mga balita at inaakalang ito’y pagkalkula lamang ng mga tao. Subalit sa mga taong kasama sa grupo at nadinig ang mga panalangin ng propeta at patotoo ng tao ng Diyos; sa mga nakakita sa lalim ng kanyang pag-iisip at katalinuhan ng kanyang pasiya at pagsasalita, para sa kanila siya ay tunay na propeta. Ang maringgan siyang magsalita tungkol sa mahahalagang pagbabago na taimtim na sinasabing “nasisiyahan ang Panginoon”; “tama ang desisyong iyon”; “nagsalita ang Ama sa Langit,” ay tiyak na kaalaman na tunay nga siyang propeta.21
Hindi huminto at hindi hihinto ang paghahayag. Itinayo ang kahariang ito ng Diyos para sa nalalabing panahon, at hindi kailanman mawawasak ni ibibigay sa ibang tao. Ito’y isang patuloy na programa at uunlad sa halip na maglaho. Maayos na naitatag ang mga doktrina nito, subalit, dahil sa paglaki at paglawak nito, pinagbuti pa ang mga ibinigay na mga pamamaraan para maituro ang ebanghelyo sa buong mundo. Tumawag rin ng karagdagang mga tagapaglingkod sa lumalaking gawain para sa mas malawak na mundo. Hindi kailanman hihinto ang paghahayag at iba pang mga himala maliban kung titigil ang pananampalataya. Kung may sapat na pananampalataya, magpapatuloy ang mga bagay na ito.
Si propetang Mormon ay nagbabala: “Oo, sa aba niya na ikakaila ang mga paghahayag ng Panginoon, at magsasabing hindi na gumagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag, o ng propesiya, o ng mga kaloob, o ng mga wika, o ng mga pagpapagaling, o, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo!” (3 Nephi 29:6)22
Pinatototohanan ko na sumusulong ang Simbahan sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Diyos sa tinawag niyang mga dakilang namumuno. Ang Makapangyarihang Diyos ay nasa panig ng mga taong ito.23
Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, nananampalataya, at taimtim na nagdarasal, ginagawa nating karapat-dapat ang ating sarili na tumanggap ng personal na paghahayag.
Ang pagpapala ng paghahayag ay dapat hangarin nating lahat. Nalalaman ng mabubuting kalalakihan at kababaihan na nasa kanila ang diwa ng paghahayag para magabayan ang kanilang pamilya at tulungan sila sa iba pa nilang responsibilidad. Subalit … dapat nating hangarin na maging karapat-dapat sa gayong paghahayag sa pamamagitan ng pagsasaayos ng ating buhay at sa pagiging malapit sa Panginoon sa madalas at palagiang pakikipag-ugnayan sa kanya.24
Hindi ipipilit ng Panginoon ang kanyang sarili sa mga tao; at kung hindi sila maniniwala, hindi sila tatanggap ng paghahayag. Kung kuntento na sila na umasa sa sarili nilang limitadong pagiisip at pag-unawa, siyempre pa, hahayaan sila ng Panginoon sa pinili nilang kapalaran. …
…Ang gayunding paghahayag, mga pangitain, pagpapagaling, at pagbibigay-kahulugan sa mga wika ay makakamtan lahat ngayon tulad ng iba pang mga panahon, kung naroon ang kinakailangang pananampalataya.25
Ang Makapangyarihang Diyos ay nasa panig ng mga taong ito. Makakamtan natin ang lahat ng paghahayag na kailangan natin kung gagawin natin ang ating tungkulin at susundin ang mga utos ng Diyos. …
Alalahanin:
Kung may mga matang nakakakita, magkakaroon ng mga pangitain na nagbibigay-inspirasyon.
Kung may mga taingang nakakarinig, mararanasan ang mga paghahayag.
Kung may mga pusong nakauunawa, unawain ito: na ang nakadadakilang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Cristo ay hindi na ikukubli at mahiwaga, at makikilala ng lahat ng masigasig na naghahanap ang Diyos at ang kanyang plano.26
Sa pagbibigay sa kanila ng kalayaang pumili, hinihikayat at pinapatnubayan ng Ama sa Langit ang kanyang mga anak, subalit naghihintay sa kanilang pagsamo, mga panalangin, at taimtim na paglapit sa kanya. …
Hangad ng Panginoon na makita ang una nilang pagkamulat at ang pagsisimula ng kanilang pagsisikap na lumabas sa kadiliman. Dahil pinagkalooban ng kalayaang magdesisyon ang tao kailangan niya itong pahintulutan na hanapin ang kanyang daan hanggang sa marating niya ang liwanag. Subalit kapag nagsimulang magutom ang tao, kapag nagsimulang itaas ang kanyang bisig sa pagsusumamo, kapag nagsimula siyang lumuhod at magsalita, doon pa lamang tatanggalin ng ating Panginoon ang mga hadlang, hahawiin ang tabing, at papapangyarihing makalabas ang tao sa walang katiyakang kadiliman tungo sa makalangit na liwanag.27
Kung tatayo na ang tao mula sa kanyang pagkakaluhod matapos bumigkas lamang ng mga salita, dapat siyang lumuhod muli at manatili roon hanggang sa makaugnayan niya ang Panginoon na gustung-gustong magpala, subalit dahil binigyan ang tao ng kalayaang pumili, ay hindi niya ipipilit ang kanyang sarili sa taong iyon.28
Gusto ba ninyo ng patnubay? Nananalangin ba kayo sa Panginoon para sa inspirasyon? Gusto ba niyong gumawa ng tama o gusto ninyong gawin ang nais ninyo tama o mali man ito? Gusto ba ninyong gawin ang pinakamabuti sa inyo sa bandang huli o ang tila mas kasiya-siya ngunit panandalian lamang? Nanalangin na ba kayo? Gaano kataimtim ang inyong panalangin? Paano kayo nanalangin? Nanalangin ba kayo tulad ng ginawa ng Tagapagligtas ng mundo sa Getsemani o ang hiniling ninyo’y ang gusto ninyo nang hindi iniisip kung angkop ba ito? Sinasabi ba ninyo sa inyong mga panalangin: “Gawin nawa ang inyong kalooban”? Sinasabi ba ninyong, “Ama sa Langit, kung bibigyan po ninyo ako ng inspirasyon at ipadarama sa akin ang tama, gagawin ko po iyon”? O ang dalangin ninyo’y, “Ibigay ninyo sa akin ang gusto ko dahil kung hindi’y kukunin ko ito sa ibang paraan”? Sinabi ba ninyong: “Ama sa Langit, mahal ko po kayo, naniniwala po ako sa inyo, alam kong batid ninyo ang lahat ng bagay. Ako po ay matapat. Hangad ko po nang taos-puso na gawin ang tama. Alam ko pong nakikita ninyo ang wakas mula sa simula. Nakikita po ninyo ang hinaharap. Nakikita po ninyo kung sa sitwasyong ito na aking sinasamo ay magkakaroon ako ng kapayapaan o kaguluhan, kaligayahan o kalungkutan, tagumpay o pagkabigo. Nakikiusap po akong sabihin ninyo sa akin, mahal na Ama sa Langit, at ipinangangako kong gagawin ang ipagagawa ninyo sa akin.” Ganito ba kayo kung manalangin? Sa palagay ba ninyo’y tama lang na gawin ito? Malakas ba ang loob ninyo na dasalin ang panalanging ito?29
Sasagutin ng Panginoon ang inyong mga tanong at mga panalangin kung nakikinig kayo. Hindi kailangang manggaling lahat ito sa pamamagitan ng propeta. … Subalit lahat ng tao, kung sila’y karapat-dapat at malapit talaga sa Panginoon, ay makatatanggap ng paghahayag.30
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Rebyuhin ang kuwento ng pagtanggap ni Pangulong Kimball ng paghahayag noong 1978 tungkol sa priesthood (mga pahina 282–283). Bagamat ang ilang aspeto ng karanasan ni Pangulong Kimball ay natatangi sa paghahayag na iyon, anuanong aspeto ng kanyang karanasan ang karaniwan sa lahat ng ating pagsisikap na tumanggap ng paghahayag? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa?
-
Rebyuhin ang bahagi na nagsisimula sa pahina 284. Ano ang sasabihin ninyo sa isang kaibigan na nagsasabing nananahimik ang Diyos? Anong mga banal na kasulatan o karanasan ang maibabahagi ninyo para tulungan ang inyong kaibigan?
-
Ano ang ilang paraan ng pagdating ng paghahayag? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 285–288.) Itinuro ni Pangulong Kimball na maraming paghahayag na dumating bilang matinding impresyon sa halip na kagila-gilalas na pagpapamalas. Paano natin malalaman kung ang kaisipan o nadarama natin ay galing sa Panginoon? (Tingnan sa pahina 288.)
-
Bakit kailangan natin ang mga buhay na propeta bilang karagdagan sa mga banal na kasulatan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 288–290.) Paano kayo pinagpala sa pamamagitan ng mga paghahayag sa Pangulo ng Simbahan?
-
Ano ang maibibigay ninyong payo sa isang tao na naghahangad ng patnubay mula sa Panginoon? (Tingnan sa mga pahina, 290–293.)
Kaugnay na mga banal na kasulatan: I Mga Hari 19:9–12; Moroni 10:3–5; D at T 1:38; 8:2–3; 43:1–4; 76:5–10