Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Ang Himala ng Pagpapatawad


Kabanata 4

Ang Himala ng Pagpapatawad

Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at mapagtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas, mararanasan natin ang himala ng pagpapatawad.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na “pagsisisi ang susi sa mas mabuti, mas maligayang buhay. Kailangan nating lahat ito.”1

Napansin din niya na “pag-asa … ang malakas na panghikayat para magsisi, dahil kung wala ito walang taong gagawa sa mahirap, matagal na pagsisikap na kinakailangan.” Para maipakita ang puntong ito, ikinuwento niya ang naging karanasan niya sa pagtulong sa isang babaeng lumapit sa kanya dahil pakiramdam nito’y wala na siyang pag-asa dahil sa kasalanang nagawa niya. Sabi ng babae: “Alam ko kung ano ang nagawa ko. Nabasa ko ang mga banal na kasulatan, at alam ko ang ibubunga niyon. Alam kong isinumpa ako at di na kailanman mapapatawad, kaya bakit ko pa sisikapin ngayon na magsisi?”

Sumagot si Pangulong Kimball: “Mahal kong kapatid, di mo alam ang nakasaad sa mga banal na kasulatan. Hindi mo alam ang kapangyarihan ng Diyos ni ang kanyang kabutihan. Maaari kang mapatawad sa mabigat na kasalanang ito, ngunit kakailanganin ang mas taos-pusong pagsisisi para magawa ito.”

Pagkatapos ay binasa niya sa kanya ang ilang banal na kasulatan tungkol sa kapatawaran na dumarating sa mga taong taospusong nagsisisi at sumusunod sa mga utos ng Diyos. Sa patuloy na pagtatagubilin sa kanya, nakita niyang nabuhayan siya ng pagasa hanggang sa sabihin nito sa huli: “Salamat, salamat sa inyo! Naniniwala ako sa inyo. Talagang magsisisi ako para mahugasan ang marurumi kong kasuotan sa dugo ng Kordero at makamtan ang pagpapatawad na iyon.”

Naalala ni Pangulong Kimball na bumalik sa wakas ang babaing iyon sa kanyang opisina na “isang bagong tao—nagniningning ang mga mata, masaya, puno ng pag-asa habang sinasabi niya sa akin na mula noong di malilimutang araw na iyon tila naging bituing tumatanglaw ang pag-asa at nananganan siya rito, hindi na siya bumalik kailanman sa [kasalanan] ni lumapit man dito.”2

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Ang himala ng pagpapatawad ay nagdadala ng kapayapaan at tinutulungan tayo na mas mapalapit sa Diyos.

Mayroong maluwalhating himala na naghihintay sa bawat kaluluwa na handang magbago. Ang pagsisisi at pagpapatawad ay ginagawang maningning na araw ang napakadilim na gabi. Kapag isinilang na muli ang mga kaluluwa, kapag nagbagong-buhay—kasunod nito ang pagdating ng malaking himala na magpapaganda at magpapasigla at magpapasaya. Kung nagbanta man ang kamatayang espirituwal ngunit sa halip ngayo’y nagkamalay nang muli, kapag nadaig ng buhay ang kamatayan—kapag nangyari ito, ito ang pinakamalaking himala. At ang gayong malalaking himala ay hindi kailanman hihinto hangga’t may taong nagsasagawa ng mapangtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng sarili niyang mabubuting gawa para makapagbagong-buhay siya. …

Ang diwa ng himala ng pagpapatawad ay nagdadala ng kapayapaan sa dating balisa, malungkot, at marahil nahihirapang kaluluwa. Sa mundong maligalig at magulo ito’y kaloob na talagang walang katumbas.3

Hindi madaling maging payapa sa magulong mundo ngayon. Kailangang matamo mismo ng tao ang kapayapaan. … Makakamtan lamang ito sa pamamagitan ng patuloy na pagsisisi, paghahangad ng kapatawaran kapwa sa malalaki at maliliit na kasalanan, at sa gayon ay mas mapalapit sa Diyos. Para sa mga miyembro ng simbahan, ito ang diwa ng kanilang paghahanda, ang kahandaan nilang salubungin ang Tagapagligtas sa kanyang pagdating. … Magiging payapa ang puso ng mga taong nakahanda. Makababahagi sila sa mga pagpapalang ipinangako ng Tagapagligtas sa kanyang mga apostol: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)

[Ang isa sa mga layunin] ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay manawagan ng pagsisisi sa mga tao saanmang dako. Ang mga sumusunod sa panawagan, mga miyembro man ng Simbahan o hindi, ay makababahagi sa himala ng pagpapatawad. Papawiin ng Diyos mula sa kanilang mata ang mga luha ng pagdadalamhati, at pamimighati at panghihilakbot, at takot, at kasalanan. Mapapawi ang luha sa mga mata, at ngiti ng kasiyahan ang papalit sa nag-aalala at balisang mukha.

Napakalaking kaaliwan! Napakalaking kaginhawahan! Napakalaking kagalakan! Ang mga taong binabagabag ng mga paglabag at kalungkutan at kasalanan ay maaaring mapatawad at maging malinis at dalisay kung babalik sila sa kanilang Panginoon, kikilalanin siya, at susundin ang kanyang mga kautusan. At lahat tayo na kailangang magsisi sa araw-araw sa mumunting kamalian at kahinaan ay makababahagi rin sa himalang ito.4

Kailangan nating lahat na magsisi.

“… Walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos. …” (1 Ne. 15:34.) At muli, “… walang maruming bagay ang makapananahang kasama ng Diyos. …” (1 Ne. 10:21.) Sa mga propeta ang ibig sabihin ng salitang marumi sa kontekstong ito ay siyang kahulugan nito sa Diyos. Sa tao ang salita ay maaaring may kaukulang kahulugan—halimbawa, ang kakatiting na mantsa ay hindi nagpaparumi sa puting damit. Subalit sa Diyos na perpekto, ang kalinisan ay nangangahulugan ng kalinisan ng pagkatao at ng sarili. Ang pagkukulang rito, sa isa o sa iba pang antas, ay karumihan at dahil dito ay hindi makakapiling ang Diyos.

Kung hindi dahil sa mapagpalang mga kaloob na pagsisisi at pagpapatawad, wala na sanang pag-asa ang tao, yamang walang sinuman maliban sa Panginoon ang nabuhay sa mundo nang walang kasalanan.5

Walang sandali sa buhay ng sinumang tao na hindi mahalaga ang pagsisisi para sa kanyang kapakanan at walang hanggang pag-unlad.

Subalit kapag iniisip ng marami sa atin ang pagsisisi, may tendensiya tayong pakitirin ang ating pang-unawa at isiping ito’y para lamang sa ating mga asawa, magulang, anak, kapitbahay, kaibigan, sa mundo—sa sinuman at sa lahat maliban ang ating sarili. Gayundin naman na may damdaming namamayani sa atin, na di namamalayan na marahil na ang pagsisisi ay nilayon lamang ng Panginoon sa mga nagkasala ng pagpatay o pangangalunya o pagnanakaw o iba pang karumal-dumal na kasalanan. Siyempre hindi ito ganoon. Kung tayo ay mapagpakumbaba at hinahangad na ipamuhay ang ebanghelyo maiisip natin ang pagsisisi bilang pagsasagawa nito sa lahat ng gawain natin sa buhay, maging ito man ay espirituwal o temporal. Ang pagsisisi ay para sa lahat ng kaluluwang hindi pa naaabot ang pagiging perpekto.6

Ang pagsisisi ay susi sa pagpapatawad. Binubuksan nito ang pinto tungo sa kaligayahan at kapayapaan at itinuturo ang daan tungo sa kaligtasan sa kaharian ng Diyos. Pinawawalan nito ang diwa ng pagpapakumbaba sa kaluluwa ng tao at pinagsisisi ang kanyang puso at ginagawang masunurin sa kagustuhan ng Diyos.

“Ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan” (I Juan 3:4), at sa gayong paglabag may kaparusahang nakaakibat sa ilalim ng walang hanggang batas. Ang bawat normal na tao ay responsable sa mga kasalanang ginawa niya, at pananagutin sa kaparusahang nakaakibat sa nilabag na mga batas. Gayunpaman, ang kamatayan ni Cristo sa krus ay nagbibigay sa atin ng kalayaan mula sa walang hanggang kaparusahan sa lahat ng kasalanan. Inako niya mismo ang kaparusahan para sa mga kasalanan ng buong mundo, nauunawaang yaong magsisisi at lalapit sa kanya ay mapapatawad sa kanilang mga kasalanan at hindi mapaparusahan.7

Ang pagkilala ng pagkakasala at pagkadama ng kalumbayang mula sa Diyos ay mga bahagi ng tunay na pagsisisi.

Ang pagsisisi ay mabuti at may awang batas. Malaki ang epekto nito at nasasaklawan… Binubuo ito ng maraming elemento, na ang bawat isa ay mahalaga para makumpleto ang pagsisisi. …

Walang maharlikang daan tungo sa pagsisisi, walang madaling landas tungo sa kapatawaran. Ang bawat tao ay kailangan na sumunod sa iisang paraan maging siya man ay mayaman o mahirap, may pinag-aralan o mangmang, mataas o mababa, prinsipe o pulubi, hari o karaniwang tao. “Sapagkat ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.” (Mga Taga Roma 2:11.)

Bago isagawa ang maraming elemento ng pagsisisi kailangang mayroong unang hakbang. Ang unang hakbang na iyon ang simula ng pagkilala ng tao sa kanyang pagkakasala. Pagkagising sa katotohanan, pag-aming nagkasala. Kung wala ito, walang tunay na pagsisisi dahil walang pagkilala sa kasalanan. …

Kapag nalalaman natin ang bigat ng ating kasalanan, maikokondisyon natin ang ating isipan na sundin ang mga prosesong iyon na mag-aalis sa atin sa mga ibubunga ng kasalanan. Sinikap ni Alma na iparating ito kay Corianton nang sabihin niyang: “… Hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi. Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto.” (Alma 42:29–30.)8

Ang Espiritu Santo ay may mahalagang papel na gagampanan sa pagkumbinsi sa nagkasala sa kanyang pagkakamali. Tumutulong siya na maipaalam “ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moro. 10:5); maituro ang lahat ng bagay at maipaalala ang lahat ng bagay (Juan 14:26); at pagsabihan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan (Juan 16:8).

Kadalasan sinasabi ng mga tao na nagsisi na sila gayong ang ginawa lamang nila ay magpakita ng lungkot sa maling nagawa. Subalit ang tunay na pagsisisi ay kinakikitaan ng kalumbayang mula sa Diyos na nagpapabago, nagpapaiba, at nagliligtas. Ang malungkot ay di sapat. … Ganito ang paliwanag ni Pablo sa mga banal na taga Corinto:

“Ngayo’y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi: sapagkat kayo’y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin.

“Sapagka’t ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: datapuwa’t ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay.” (2 Cor. 7:9–10.)9

Sa bawat pagpapatawad ay may isang kondisyon. Dapat ay kasinglapad ng sugat ang benda. Ang pag-aayuno, ang mga panalangin, ang pagpapakumbaba ay dapat maging kapantay o mas matindi sa kasalanan. Dapat ay may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dapat ay mayroong [suot na] damit na “magaspang at abo.” Dapat ay mayroong pagluha at tunay na pagbabago ng puso.10

Ang pagtalikod sa kasalanan ay kinapapalooban ng pagpapanibagong buhay.

Siyempre, maging ang pag-amin ng kasalanan ay hindi sapat. Ito’y nakawawasak at nakasisira kung hindi sasamahan ng pagsisikap na alisin ang sarili sa kasalanan. Kasama ng pag-amin, samakatuwid, ay ang marubdob na hangaring alisin ang kasalanan at bumawi mula sa idinulot nitong pinsala.11

May isang napakatinding pagsubok sa pagsisisi. Ito’y ang pagtalikod sa kasalanan. Kung itinigil na ng tao ang kanyang kasalanan nang may tamang hangarin—dahil sa lumalaking kabatiran sa bigat ng kasalanan at kahandaang sumunod sa mga batas ng Panginoon—siya’y tunay na nagsisisi. Ang mga pamantayang ito ay itinalaga ng Panginoon: “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.” (D at T 58:43. Idinagdag ang pagkahilig ng mga titik.)

Sa madaling salita, hindi ito tunay na pagsisisi hangga’t hindi tinatalikuran ng tao ang mali sa kanyang buhay at nagsisimula ng panibagong landas. Ang nakapagliligtas na kapangyarihan ay hindi maibibigay sa kanya na hangad lamang na baguhin ang kanyang buhay. … Ang tunay na pagsisisi ay naghihikayat sa tao na kumilos.

Hindi na dapat ikamangha ng tao na kailangang gumawa, at hindi maghangad lamang. Sa bandang huli, ang paggawa ang siyang nagpapalakas ng ating moral gayundin ng ating katawan.12

Sa pagtalikod sa kasalanan, hindi lamang ito basta paghahangad na mapabuti. Dapat niya itong gawin. Kailangang mamuhi siya sa batik na nilikha niya sa sarili at kasuklaman ang kasalanan. Tinitiyak na hindi lamang niya tinalikuran ang kasalanan kundi binago ang mga sitwasyong nakapalibot sa kasalanan. Dapat niyang iwasan ang mga lugar at sitwasyon at pangyayari kung saan nangyari ang kasalanan, sapagkat sa mga ito higit itong handang umusbong muli. Dapat niyang talikdan ang mga taong kasama niya sa pagkakasala. Maaaring hindi niya kamuhian ang mga taong kasangkot subalit dapat niyang iwasan sila at lahat ng bagay na may kinalaman sa kasalanan. Dapat niyang itapon ang lahat ng liham, abubot, at bagay na makapagpapaalala sa kanya ng “mga nakaraan” at “dating ugnayan.” Kailangang kalimutan niya ang mga numero ng tirahan, telepono, mga tao, lugar, at sitwasyon mula sa makasalanang nakaraan, at magbagong-buhay. Dapat niyang alisin ang lahat ng bagay na magpapaalala sa nakaraan.13

Sa pagtalikod sa masama, pagbabago ng buhay, pagbabago ng ugali, paghuhubog ng mga katangian o muling paghuhubog ng mga ito, kailangan natin ang tulong ng Panginoon, at makatitiyak tayo rito kung gagawin natin ang ating bahagi. Ang taong labis na umaasa sa kanyang Panginoon ay nasusupil ang sarili at naisasagawa ang anumang gawain, maging ito man ay ang pagkuha sa mga laminang tanso, paggawa ng barko, pagtigil sa nakahiligan, o pagdaig sa mabigat na kasalanan.14

Ang pagtatapat ay nakagagaan ng mga pasanin.

Ang pagtatapat ng kasalanan ay mahalagang elemento sa pagsisisi at samakatwid sa pagtatamo ng kapatawaran. Isa ito sa mga pagsubok ng tunay na pagsisisi, dahil, “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.” (D at T 58:43. Idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita.)…

Marahil ang pagtatapat ng kasalanan ay isa sa pinakamahirap sa lahat ng hadlang na gagawin ng nagsisisi. Ang kahihiyan ay kadalasang pumipigil sa kanya na ipaalam ang kanyang kasalanan at aminin ang kanyang mali. Kung minsan ang kawalan niya ng tiwala sa mga taong pagtatapatan niya ng kanyang kasalanan ay nagbibigay-katwiran sa kanya na panatilihing nakatago ang lihim sa kanyang sariling puso. …

Nalalaman ang mga puso ng tao, at ang kanilang mga hangarin, at kakayahang magsisi at baguhin ang sarili, naghihintay ang Panginoon upang magpatawad hanggang sa maging lubos ang pagsisisi. Ang nagkasala ay dapat magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” at handang magpakumbaba ng sarili at gawin ang lahat ng kinakailangan. Ang pagtatapat sa kanyang malalaking kasalanan sa tamang awtoridad sa simbahan ay isa sa mga hinihingi ng Panginoon. Ang mga kasalanang ito ay kinabibilangan ng pakikiapid, pangangalunya, iba pang mga kasalanang seksuwal, at iba pang mga kasalanan na gayundin kabigat. Ang pamamaraang ito ng pagtatapat ay nagtitiyak ng tamang pangangasiwa at pangangalaga sa Simbahan at mga tao nito at inilalagay ang mga paa ng nagkasala sa landas ng tunay na pagsisisi.

Maraming nagkasala na sa kanilang kahihiyan at kapalaluan ay pinapanatag ang kanilang mga konsensiya, nang panandalian, lakip ang ilang tahimik na panalangin sa Panginoon at pinangangatwiranang sapat na ang pagtatapat na ito ng kanilang mga kasalanan. “Pero ipinagtapat ko na ang aking kasalanan sa aking Ama sa Langit,” ang iginigiit nila, “at iyon lang ang kailangan.” Hindi ito totoo kapag sangkot na rito ang mabigat na kasalanan. Kung gayon dalawang klase ng pagpapatawad ang kinakailangan para mabigyan ng kapayapaan ang nagkasala—ang isa ay mula sa mga tamang awtoridad ng Simbahan ng Panginoon, at ang isa naman ay mula sa Panginoon mismo. [Tingnan sa Mosias 26:29.]

Ang wastong pagtatapat ay kusa, hindi pinipilit. … Ito’y likas na dumarating mula sa kaibuturan ng kaluluwa ng nagkasala, at hindi napilitan lang dahil nahuli siya sa akto. Ang gayong pagtatapat ng kasalanan … ay tanda ng matinding pagsisisi. Nagpapakita ito ng pag-amin ng kasalanan ng nagkasala at hangaring talikuran ang masasamang gawain. Ang kusang pagtatapat ay mas katanggap-tanggap kailanman sa paningin ng Panginoon kaysa pilit na pagtatapat, walang pagpapakumbaba, napilitan lang na umamin sa tao dahil napatunayang nagkasala. Ang gayong sapilitang pagtatapat ay hindi nagpapakita ng mapagpakumbabang puso na nagbubunga ng awa ng Panginoon: “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan, at maawain sa yaong mga nagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang may mga mapagpakumbabang puso.” (D at T 61:2. Idinagdag ang pagkahilig ng mga titik.)

Samantalang ang mabibigat na kasalanan tulad ng binanggit sa una … ay kinakailangang ipagtapat sa mga tamang awtoridad ng Simbahan, malinaw na ang gayong pagtatapat ay di kailangan o angkop sa lahat ng kasalanan. Ang di gaanong mabibigat na kasalanan pero nakasakit sa iba—pakikipagtalo sa inyong asawa, kaunting silakbo ng galit, at pakikipag-away at iba pa—ay sa halip dapat ipagtapat sa isang tao o mga taong nasaktan at dapat ayusin ang problema sa pagitan ng mga taong kasangkot dito, karaniwang hindi na kasali rito ang lider ng Simbahan.16

Nagdadala ng kapayapaan ang pagtatapat. … Ang pagtatapat ay hindi lamang pagsasabi ng mga pagkakamali sa tamang awtoridad, kundi pagbabahagi rin ng mga problema para mapagaan ang mga ito. Iniaalis ng isang tao kahit papaano ang ilan sa kanyang problema at ipinapabalikat ito sa ibang handang tumulong. At matapos ito darating ang kasiyahan sa pagsasagawa sa isa pang hakbang na gawin ang lahat para maialis ang sarili sa bigat ng pagkakasala.17

Ang pagtutuwid ay mahalagang bahagi ng pagsisisi.

Kapag nakaranas ng matinding kalungkutan at kapakumbabaan ang isang tao na dulot ng pagkilala sa kasalanan; kapag iwinaksi niya ang kasalanan at nagtikang talikuran ito mula ngayon; kapag mapagpakumbaba niyang ipinagtapat ang kanyang kasalanan sa Diyos at sa nararapat na tao sa mundo—kapag nagawa na ang mga bagay na ito, hinihingi naman ang pagtutuwid. Dapat niyang ibalik ang nasira niya, ninakaw, o napinsala.18

Ang nagsisisi ay kinakailangang gumawa ng pagtutuwid hangga’t maaari. Sinasabi ko “hangga’t maaari” dahil may ilang kasalanan na hindi sapat ang magagawang pagtutuwid, at ang iba naman bahagya na lamang ang maitutuwid.

Ang magnanakaw o manloloob ay maaaring makagawa ng bahagyang pagtutuwid sa pamamagitan ng pagsasauli ng ninakaw. Maipapaalam ng sinungaling ang katotohanan at maitatama nang bahagya ang kasiraang idinulot ng pagsisinungaling. Ang tsismis na sumira sa pagkatao ng isang tao ay makapagtutuwid nang bahagya sa pamamagitan ng walang tigil na pagsisikap na ibalik ang magandang pangalan ng taong siniraan. Kung sa pamamagitan ng kasalanan o kapabayaan ay nawasak ng nagkasala ang ari-arian, maibabalik o mababayaran niya ito nang buo o bahagya lamang.

Kung nakapagdulot ng kalungkutan at kahihiyan ang isang lalaki sa kanyang asawa at mga anak, sa gagawin niyang pagtutuwid dapat niyang gawin ang lahat para maibalik ang pagtitiwala at pagmamahal nila sa pamamagitan ng labis-labis na … pagmamahal at katapatan. Ganito rin ito sa mga asawa at ina. Gayundin kapag nagkasala ang mga anak sa kanilang mga magulang, ang isang bahagi ng kanilang … pagsisisi ay itama ang mga kamaliang iyon at igalang ang kanilang mga magulang. …

Ayon sa panuntunan, napakaraming bagay ang magagawa ng nagsisising kaluluwa para makapagbayad-pinsala. “Ang bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay nakahahanap ng paraan tuwina upang makapagtuwid nang malaki. Hinihingi ng tunay na diwa ng pagsisisi na gawin ng nagkasala ang nararapat sa abot ng kanyang makakaya para maituwid ang mali.19

Sa proseso ng pagsisisi kailangan natin ang lubusang pagtutuwid hangga’t maaari, o kung hindi man ay sa abot ng ating makakaya. At sa lahat ng ito dapat nating alalahaning lahat na ang nagsusumamong nagkasala, na gustong ituwid ang kanyang ginawa, ay dapat ding patawarin ang lahat ng nagkasala sa kanya. Hindi tayo patatawarin ng Panginoon hangga’t hindi pa lubos na nawawala sa ating mga puso ang lahat ng galit, hinanakit at pagpaparatang sa ating kapwa.20

Kalakip ng tunay na pagsisisi ang pangakong ipamuhay ang mga utos ng Panginoon.

Sa kanyang paunang salita sa makabagong pagpapahayag, binalangkas ng Panginoon ang isa sa mga pinakamahirap na kinakailangan sa tunay na pagsisisi. Para sa ilan ito ang pinakamahirap na bahagi ng pagsisisi, dahil pinaaalalahanan nito ang isang tao sa buong buhay niya. Sabi ng Panginoon:

“… Ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;

“Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin.” (D at T 1:31–32. Idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)

Ang banal na kasulatang ito ay malinaw at eksakto. Una, nagsisisi ang tao. Matapos magawa ang nararapat, dapat niyang ipamuhay ang mga utos ng Panginoon upang mapanatili ang kanyang katayuan. Mahalaga ito upang matamo ang lubos na kapatawaran. …

Dahil lahat tayo ay nagkakasala nang malaki o maliit, lahat tayo ay kailangang laging magsisi, patuloy na pinagbubuti ang ating mga mithiin at gawain. Hindi gaanong nasusunod ng tao ang mga utos ng Panginoon sa isang araw, linggo, buwan o taon. Dapat ipagpatuloy ang pagsisisi hanggang sa nalalabing taon ng buhay ng tao. …

Kalakip sa pagsisisi ang hayagan, at lubos na pagpapailalim sa programa ng Panginoon. Hindi lubos ang pagbabago ng nagkasalang iyon kung hindi siya nagbabayad ng ikapu, hindi dumadalo sa kanyang mga miting, hindi sinusunod ang araw ng Sabbath, hindi nananalanging kasama ang pamilya, hindi sinasang-ayunan ang mga lider ng Simbahan hindi sinusunod ang Word of Wisdom, hindi minamahal ang Panginoon ni ang kanyang kapwa. … Hindi magpapatawad ang Diyos hangga’t hindi nagpapakita ng tunay na pagsisisi ang nagkasala na laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang buhay. …

“Ang pagsunod sa mga utos” ay kinapapalooban ng maraming gawain na hinihingi sa matatapat. … Ang mabubuting gawa at katapatan sa lahat lakip ang magagandang ugali ay kailangan. Dagdag pa rito, ang isang magandang paraan para mapawalangbisa ang mga epekto ng kasalanan sa buhay ng tao ay dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa iba na hindi pa ito natatamasa sa ngayon. Nangangahulugan ito ng pagbabahagi sa di aktibong miyembro at di miyembro ng Simbahan—marahil mas madalas sa pangalawa. Pansinin kung paano iniugnay ng Panginoon ang pagpapatawad ng kasalanan sa pagpapatotoo hinggil sa mga gawain sa mga huling araw:

“Sapagkat akin kayong patatawarin sa inyong mga kasalanan sa kautusang ito—na kayo ay manatiling matatag sa inyong mga isipan sa kataimtiman at sa diwa ng pananalangin, sa pagpapatotoo sa buong sanlibutan ng mga bagay na yaon na aking sinabi sa inyo.” (D at T 84:61. Idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)21

Hindi ba natin nauunawaan kung bakit nananawagan ang Panginoon sa tao na lumapit sa kanya sa libu-libong taon na ito? Tiyak na tinutukoy ng Panginoon ang tungkol sa pagpapatawad sa pamamagitan ng pagsisisi, at ang ginhawang dulot nito mula sa panliligalig ng kasalanan, nang sabihin niya matapos manalangin sa kanyang Ama, ang taimtim na panawagang ito at pangako:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mat. 11:28–30.)

Umaasa ako at nananalangin na tutugon ang kalalakihan at kababaihan saanmang dako sa magiliw na paanyayang ito at sa gayo’y hahayaang isagawa ng Panginoon ang malaking himala ng pagpapatawad sa bawat tao.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Tinawag ni Pangulong Kimball ang pagpapatawad na “pinakamalaking himala” (pahina 43). Sa anu-anong paraan naging himala ang pagpapatawad? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 42–45.)

  • Sa pagbabasa ninyo sa bahaging nagsisimula sa pahina 45, isiping mabuti kung ano ang magiging kalagayan natin kung wala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Basahin ang ikaapat, ikalima, at ikaanim na talata sa pahina 47. Sa inyong palagay, paanong ang “kalumbayang mula sa Diyos” ay kaiba mula sa pagpapakita lamang ng lungkot? Ano ang ilan sa mga halimbawa ng kalumbayang mula sa Diyos sa mga banal na kasulatan na angkop sa atin ngayon?

  • Sa mga pahina 48–49 nagbigay ng mga halimbawa si Pangulong Kimball kung paano tatalikdan ang kasalanan at “magbagong-buhay.” Paano natin maisasagawa ang payo na ito sa alinmang kasalanan na sinisikap nating mapaglabanan—halimbawa, pornograpiya, kalapastangan, o pagsusugal?

  • Rebyuhin ang mga pahina 49–51. Bakit inaakala ng ilang tao na napakahirap magtapat ng kasalanan? Anong mga pagpapala ang dumarating sa pagtatapat sa Panginoon? sa bishop o branch president? sa iba na pinagkasalanan natin?

  • Isiping mabuti ang huling talata sa pahina 52. Ano ang ibig sabihin ng gumawa ng pagtutuwid ng sa mga kasalanan? Paano malalaman ng taong nagsisisi kung ano ang gagawin para ituwid ang kanyang mga kasalanan?

  • Paanong naiiba ang mga turo ni Pangulong Kimball sa kabanatang ito sa maling ideya na ang pagsisisi ay pagsasagawa ng mga nakalistang nakagawiang gawain?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 1:18; Mosias 4:3; Alma 36:12–26; D at T 19:15–20; 64:8–9

Mga Tala

  1. The Miracle of Forgiveness (1969), 28.

  2. The Miracle of Forgiveness, 340–42.

  3. The Miracle of Forgiveness, 362, 363.

  4. The Miracle of Forgiveness, 366, 367–68.

  5. The Miracle of Forgiveness, 19–20.

  6. The Miracle of Forgiveness, 32–33.

  7. The Miracle of Forgiveness, 133.

  8. The Miracle of Forgiveness, 149, 150–51.

  9. The Miracle of Forgiveness, 152–53.

  10. The Miracle of Forgiveness, 353.

  11. The Miracle of Forgiveness, 159.

  12. The Miracle of Forgiveness, 163–64.

  13. The Miracle of Forgiveness, 171–72.

  14. The Miracle of Forgiveness, 176.

  15. The Miracle of Forgiveness, 177, 178, 179, 181.

  16. The Miracle of Forgiveness, 185.

  17. The Miracle of Forgiveness, 187–88.

  18. The Miracle of Forgiveness, 191.

  19. The Miracle of Forgiveness, 194–95.

  20. The Miracle of Forgiveness, 200.

  21. The Miracle of Forgiveness, 201–2, 203, 204.

  22. The Miracle of Forgiveness, 368.

clouds

“Ang pagsisisi at pagpapatawad ay ginagawang maningning na araw ang napakadilim na gabi.”

bishop interviewing man

“Nagdadala ng kapayapaan ang pagtatapat.”