Kabanata 2
Trahedya o Tadhana?
Kapag nahaharap tayo sa tiyak na trahedya ng kalungkutan, pagdurusa, at kamatayan, kailangan tayong magtiwala sa Diyos.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong batambata pa si Spencer W. Kimball, naranasan na niya ang pait na dulot ng pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Noong walong taong gulang siya, ang kanyang kapatid na si Mary ay namatay matapos itong isilang. Makalipas ang isang buwan, nadama ng mga magulang ni Spencer na di magtatagal ang buhay ng limang taong gulang na si Fannie, na ilang linggo nang maysakit. Ganito ang sabi ni Spencer sa araw ng pagkamatay ni Fannie: “Sa ikasiyam na taong kaarawan ko, namatay si Fannie sa mga bisig ni Inay. Ginising kaming lahat na mga anak nang papagabi na. Parang nakikinita ko pa ang tagpo sa aming sala …, iniiyakan ng mahal kong ina ang kanyang limang taong gulang na anak na naghihingalo sa kanyang mga bisig at kaming lahat ay nakapalibot sa kanya.”1
Mas mahirap pa rito ang natanggap na balita ng batang Spencer makalipas ang dalawang taon, nang isang umaga siya at ang mga kapatid niya ay pauwiin mula sa eskuwela. Tumakbo silang pauwi at kinausap ng kanilang bishop, at tinipon sila sa kanyang paligid at sinabi sa kanilang namatay ang kanilang ina kahapon. Sa huli ay nagunita ni Pangulong Kimball: “Parang kidlat at kulog itong dumating. Tumakbo ako palabas ng bahay papunta sa bakuran para mapag-isa sa pagbuhos ng aking mga luha. Nang makalayo na ako sa lahat, at di na nila matanaw at marinig, umiyak ako nang todo. Sa tuwing bibigkasin ko ang salitang ‘Ma’ ay bumubuhos ang aking luha hanggang sa maubos ang luha ko. Ma—patay! Pero hindi puwede! Paano pa kami mabubuhay. … Parang puputok ang labing-isang taong gulang na puso ko.”2
Makalipas ang limampung taon, natagpuan ni Elder Spencer W. Kimball, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang kanyang sarili na malayo sa tahanan, at nagpapagaling mula sa mabigat na operasyon. Yamang di makatulog, ginunita niya ang araw na namatay ang kanyang ina: “Parang gusto ko na namang umiyak nang todo ngayon …habang naaalala ko ang malulungkot na karanasang iyon.”3
Sa pagharap sa matinding kalungkutang tulad ng karanasang ito, palaging nakakahanap ng kapanatagan si Spencer W. Kimball sa panalangin at sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Maging sa kanyang pagkabata, alam niya kung saan babaling para magkaroon ng kapayapaan. Isang kaibigan ng pamilya ang sumulat tungkol sa mga dalangin ng batang Spencer—“kung gaano kabigat sa kanyang munting puso ang pagkawala ng kanyang ina ngunit sa kabila niyon ay naging matapang siya sa pakikibaka sa kalungkutan at naghanap ng kaaliwan mula sa nag-iisang pinagmumulan.”4
Sa kanyang ministeryo, madalas mag-alay si Pangulong Kimball ng mga salita ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati sa pagkawala ng mga mahal sa buhay. Nagpatotoo siya tungkol sa mga walang hanggang alituntunin, na tinitiyak sa mga Banal na ang kamatayan ay hindi katapusan ng buhay. Sa pagsasalita sa isang libing, sinabi niya minsan:
“Limitado ang ating paningin. Iilang milya lamang ang natatanaw ng ating mga mata. Iilang taon lamang ang napapakinggan ng ating mga tainga. Tayo’y nasa loob, nakakulong, kung baga, sa isang silid, ngunit kapag namatay ang ating ilaw sa buhay na ito, makikita na natin ang hindi abot ng ating mortal na pananaw o paningin. …
“Bumabagsak ang mga pader, tumitigil ang panahon at naglalaho ang distansiya habang papunta tayo sa kawalang hanggan … at bigla tayong napupunta sa isang napakalaking daigdig kung saan wala ang mga makalupang limitasyon.”5
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Sa Kanyang karunungan, hindi laging pinipigilan ng Diyos ang trahedya.
Sa ulo ng mga balita ng pang-araw-araw na pahayagan: “Eroplano Bumagsak, 43 ang Patay. Walang Nakaligtas sa Trahedya sa Kabundukan,” at libu-libong tinig ang sabay-sabay na nagsabing: “Bakit hinayaan itong mangyari ng Panginoon?”
Dalawang kotse ang nagbanggaan nang tumawid ang isa kahit pula na ang ilaw, at anim na katao ang namatay. Bakit hindi ito pinipigilan ng Diyos?
Bakit kailangang mamatay ang batang ina dahil sa kanser at iwan ang kanyang walong anak? Bakit hindi siya pinagaling ng Panginoon?
Isang bata ang nalunod; nasagasaan ang isa pa. Bakit?
Isang lalaki ang biglang namatay isang araw dahil nagbara ang ugat sa kanyang puso habang paakyat siya sa hagdan. Ang kanyang bangkay ay natagpuang nakahandusay sa sahig. Nagdadalamhating naisigaw ng kanyang asawa, “Bakit? Bakit ginawa ito sa akin ng Panginoon? Hindi ba Niya naisip ang tatlo kong maliliit na anak na kailangan pa ng isang ama?”
Isang binata ang namatay habang nasa misyon at tanong ng mga taong mapamintas: “Bakit hindi pinangalagaan ng Panginoon ang kabataang ito habang nagtuturo siya sa mga tao?”
Sana kaya kong sagutin ang mga tanong na ito nang may awtoridad, pero hindi ko magawa. Natitiyak ko na darating ang oras na mauunawaan natin at magkakasundo tayo. Ngunit sa ngayon kailangan nating maunawaang mabuti sa abot ng ating makakaya ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang Panginoon ba ang nagdala sa eroplano sa bundok para patayin ang mga nakasakay, o may problema ang makina o may mga pagkakamali ang tao?
Ang atin bang Ama sa langit ang dahilan ng banggaan ng mga kotse na pumatay sa anim katao, o pagkakamali iyon ng drayber na hindi sumunod sa mga patakaran ng kaligtasan?
Ang Diyos ba ang pumatay sa batang ina o nag-udyok sa bata na lumakad papunta sa kanal o gumabay sa bata papunta sa daraanan ng paparating na kotse?
Ang Panginoon ba ang dahilan ng pagkamatay ng lalaki sa sakit sa puso? Wala ba sa panahon ang pagkamatay ng misyonero? Sagutin ninyo, kung kaya ninyo. Hindi ko kaya, dahil kahit alam kong malaki ang papel ng Diyos sa ating buhay, hindi ko alam kung ilan dito ang Siya ang dahilan ng pangyayari at kung gaano ang pinapayagan niyang mangyari. Kahit ano pa ang sagot sa tanong na ito, may isa pang bagay na natitiyak ko.
Kaya ba sanang pigilan ng Panginoon ang mga trahedyang ito? Ang sagot ay, Oo. Ang Panginoon ay makapangyarihan. Nasa Kanya lahat ng kapangyarihan para kontrolin ang ating buhay, iligtas tayo sa pagdurusa, pigilan ang lahat ng aksidente, patakbuhin ang lahat ng eroplano at kotse, pakainin tayo, pangalagaan tayo, iligtas tayo mula sa pagpapagod, gawain, pagkakasakit, maging sa kamatayan, kung loloobin niya. Pero hindi niya ginagawa.
Dapat maunawaan natin ito, dahil matatanto natin na hindi makabubuti para sa atin ang iiwas ang ating mga anak sa lahat ng gawain, sa mga pagkabigo, mga tukso, kalungkutan, at pagdurusa.
Pangunahing batas ng ebanghelyo ang kalayaan sa pagpili at walang hanggang pag-unlad. Ang puwersahin tayong maging maingat o mabuti ay magpapawalang-bisa sa pangunahing batas na iyon at dahil dito’y imposible ang pag-unlad.6
Sa pamamagitan ng walang hanggang pananaw, nauunawaan natin na mahalaga ang salungat na kondisyon sa ating walang hanggang pag-unlad.
Kung iisipin nating mortalidad lang ang kabuuan ng buhay, ang sakit, kalungkutan, kabiguan, at maikling buhay ay magiging kalamidad. Ngunit kung titingnan natin ang buhay bilang kawalang hanggan, na sakop nito ang buhay noong bago tayo isinilang at ang walang hanggang hinaharap, ang lahat ng pangyayari ay mailalagay natin sa dapat nitong kalagyan.
Hindi ba’t may karunungan sa pagbibigay niya sa atin ng mga pagsubok para madaig natin ang mga ito at umunlad, ng mga responsibilidad para may makamit tayo, ng trabaho para tumigas ang ating mga kalamnan, ng kalungkutan para subukin ang ating mga kaluluwa? Hindi ba’t nahaharap tayo sa mga tukso para subukin ang ating katatagan, sa karamdaman para matuto tayong magtiyaga, sa kamatayan para maging imortal tayo at luwalhatiin?
Kung lahat ng maysakit na ipinagdarasal natin ay pagagalingin, kung lahat ng mabubuti ay poprotektahan at wawasakin ang masasama, ang buong programa ng Ama ay mawawalang-bisa at ang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, ang kalayaang pumili, ay magwawakas. Hindi na kailangang mabuhay ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya.
Kung kaagad ipinagkakaloob ang kapayapaan at mga gantimpala sa gumagawa ng mabuti, wala nang masama—lahat ay gagawa ng mabuti ngunit hindi dahil sa wasto ang paggawa ng mabuti. Hindi masusubok ang katatagan, walang pag-unlad ng pagkatao, walang pagsulong ng mga kapangyarihan, walang kalayaan sa pagpili, tanging pagkontrol na tulad ng kay Satanas.
Kung lahat ng panalangin ay kaagad sasagutin batay sa makasarili nating mga hangarin at sa ating limitadong pang-unawa, kaunti na lang o wala nang pagdurusa, kalungkutan, kabiguan, o maging kamatayan, at kung wala ang mga ito, wala ring kagalakan, tagumpay, pagkabuhay na muli, ni buhay na walang hanggan at pagkadiyos.
“Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay … kabutihan … kasamaan … kabanalan … kalungkutan … mabuti … masama. …” (2 Nephi 2:11.)
Dahil tao tayo, gusto nating alisin sa buhay natin ang sakit ng katawan at paghihirap ng kaisipan at bigyan ang ating sarili ng patuloy na katiwasayan at kapanatagan, ngunit kung isasara natin ang mga pintuan sa kalungkutan at pangamba, baka hindi natin maisama ang ating pinakamagigiting na kaibigan at tagapagpala. Ginagawang banal ng pagdurusa ang mga tao habang natututo sila ng pagtitiyaga, matagalang pagtitiis, at pagkontrol sa sarili. …
Gustung-gusto ko ang talata ng “Saligang Kaytibay”—
Ikaw ma’y isugo ko sa ibang bayan,
‘Di ka maigugupo ng kalungkutan.
‘Pagkat ako ay kapiling ninyo sa t’wina,
Sa pighati’t dusa’y ililigtas kita.
[Tingnan sa Mga Himno, blg. 47]
At isinulat ni Elder James E. Talmage: “Walang daranasing kapaitan ang lalaki o babae sa mundo na hindi gagantimpalaan … kung haharapin ito nang may pagtitiyaga.”
Sa kabilang banda, kaya tayong durugin ng matinding epekto ng mga bagay na ito kung patatangay tayo sa kahinaan, pagrereklamo, at pambabatikos.
“Walang nasasayang sa dinaranas nating kapaitan o pagsubok. Nakatutulong ito sa ating edukasyon, sa pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng pagtitiyaga, pananampalataya, katatagan at pagpapakumbaba. Lahat ng ating dinaranas at lahat ng ating tinitiis, lalo na kapag buong pagtitiyaga natin itong tiniis, ay nagpapatatag sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating mga puso, nagpapalawak sa ating kaluluwa, at ginagawa tayo nitong mas sensitibo at mapagkawanggawa, mas karapat-dapat tawaging mga anak ng Diyos … at sa pamamagitan ng kalungkutan at pighati, pagpapakahirap at pagdurusa natin nakakamit ang edukasyon na siyang pakay ng ating pagparito at gagawin tayo nitong higit na katulad ng ating Ama at Ina sa langit. …” (Orson F. Whitney)
May mga tao na galit habang nakikita nila ang mga mahal sa buhay na dumaranas ng dalamhati at walang katapusang pasakit at pahirap ng katawan. Para sa ilan ang Panginoon ay di-mabait, may pinapanigan, at di-makatarungan. Wala tayong sapat na kakayahan para humatol! …
Ang kapangyarihan ng priesthood ay walang hangganan ngunit buong talinong binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng ilang limitasyon. Maaari akong magkaroon ng kapangyarihan ng priesthood habang ginagawa kong perpekto ang aking buhay, gayunman nagpapasalamat ako na kahit sa pamamagitan ng priesthood ay hindi ko mapagagaling ang lahat ng maysakit. Baka mapagaling ko ang mga taong dapat nang mamatay. Baka maibsan ko ang pagdurusa ng mga taong dapat magdusa. Natatakot ako na baka mabigo ko ang mga layunin ng Diyos.
Kung walang hangganan ang kapangyarihan ko, bagamat limitado ang pananaw at pang-unawa ko, baka nailigtas ko si Abinadi sa mga ningas ng apoy nang sunugin siya para mamatay, at sa gayon ay baka lalo ko siyang napinsala. Namatay siyang isang martir at nakamtan ang gantimpala ng isang martir—ang kadakilaan.
Malamang na naprotektahan ko si Pablo laban sa kamalasan niya, kung walang hangganan ang aking kapangyarihan. Tiyak na napagaling ko sana ang kanyang “tinik sa laman.” [II Mga Taga Corinto 12:7.] At sa paggawa ng gayon ay nasira ko sana ang programa ng Panginoon. Tatlong beses siyang nagdasal, na hinihiling sa Panginoon na alisin ang “tinik” sa kanya, ngunit hindi sinagot ng Panginoon ang kanyang mga dalangin [tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:7–10]. Maraming beses na sanang naligaw si Pablo kung naging mahusay siya, magaling, makisig, at malaya sa mga bagay na nagpakumbaba sa kanya. …
Natatakot ako na kung nasa Carthage Jail ako noong Hunyo 27, 1844, ay baka nailihis ko ang mga balang tumama sa katawan ng Propeta at ng Patriarch. Siguro nailigtas ko sila sa pagdurusa at dalamhati, ngunit hindi sana sila namatay na martir at nagamtimpalaan. Natutuwa ako na hindi ko kinailangang gawin ang desisyong iyon.
Sa gayong di-makontrol na kapangyarihan, tiyak na gugustuhin kong protektahan ang Cristo mula sa pagdurusa sa Getsemani, sa mga pang-iinsulto, sa koronang tinik, sa kahihiyan sa hukuman, sa pagkasugat ng katawan. Nilinis ko sana ang mga sugat niya at pinagaling ang mga ito, at binigyan siya ng malamig na tubig sa halip na suka. Siguro nailigtas ko siya sa pagdurusa at kamatayan, at nawala sana sa daigdig ang kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Hindi ko pangangahasang taglayin ang responsibilidad ng muling pagbuhay sa mga mahal ko sa buhay. Kinilala mismo ni Cristo ang pagkakaiba ng kagustuhan niya at ng Ama nang ipagdasal niya na alisin sa kanya ang saro ng pagdurusa; gayunman idinagdag niya, “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.” [Lucas 22:42.]7
Mabubuksan ng kamatayan ang pintuan tungo sa mga dakilang oportunidad.
Para sa taong namatay, patuloy pa rin ang buhay at ang kanyang kalayaang pumili, at ang kamatayan, na tila isang kalamidad para sa atin, ay maaaring isa palang pagpapala. …
Kung sasabihin nating kalamidad, sakuna, o trahedya ang maagang pagkamatay, hindi ba ito pagsasabing mas mainam ang mortalidad kaysa maagang pagpasok sa daigdig ng mga espiritu at sa kaligtasan at kadakilaan sa bandang huli? Kung mortalidad ang perpektong kalagayan, ibig sabihin ang kamatayan ay kabiguan, ngunit itinuturo sa atin ng ebanghelyo na walang trahedya sa kamatayan, kundi sa kasalanan lamang. “… pinagpala ang mga patay na nangamatay sa Panginoon. …” (Tingnan sa D at T 63:49.)
Kaunti lamang ang ating alam. Masyadong limitado ang ating paghatol. Hinahatulan natin ang mga paraan ng Panginoon mula sa makitid nating pananaw.
Nagsalita ako sa libing ng isang batang estudyante ng Brigham Young University na namatay noong Ika-II Digmaang Pandaigdig. Daan-daang libong kabataang lalaki ang nangamatay nang maaga dahil sa pinsalang dulot ng digmaang iyon, at sinabi ko na naniniwala ako na ang matwid na kabataang ito ay tinawag sa daigdig ng mga espiritu para ipangaral ang ebanghelyo sa mga kaluluwang hindi pa nakarinig nito. Maaaring hindi ito totoo sa lahat ng namatay, ngunit dama kong totoo ito sa kanya.
Sa kanyang pangitain ng “Pagkatubos ng mga Patay” nakita ni Pangulong Joseph F. Smith ang bagay na ito. … Isinulat niya:
“… Aking nahiwatigan na ang Panginoon ay hindi nagtungo sa masasama at mga suwail na tumanggi sa katotohanan … ngunit masdan, mula sa mabubuti, Kanyang binuo ang kanyang lakas … at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo. …
“… ang ating Manunubos ay ginugol ang kanyang oras … sa daigdig ng mga espiritu, nagtuturo at inihahanda ang matatapat na espiritu … na nagpatotoo sa kanya sa laman, upang kanilang madala ang mensahe ng pagtubos sa lahat ng patay, na kung kanino ay hindi siya maaaring magtungo, dahil sa kanilang paghihimagsik at paglabag. …
“Aking namalas na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos.” [Tingnan sa D at T 138:29–30, 36–37, 57.]
Kung gayon, kamatayan ang magbubukas ng pintuan sa mga oportunidad, kabilang na ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Cristo.8
Sa panahon ng pagsubok, kailangan tayong magtiwala sa Diyos.
Sa kabila ng katotohanan na ang kamatayan ang nagbubukas ng mga bagong pintuan, hindi natin ito hangad. Hinihikayat tayong magdasal para sa mga maysakit at gamitin ang kapangyarihan ng ating priesthood para pagalingin sila.
“At ang mga elder ng simbahan, dalawa o higit pa, ay tatawagin, at mananalangin at magpapatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa aking pangalan; at kung sila ay mamamatay sila ay mamamatay sa akin.
“Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay, at lalung-lalo na ang mga yaong walang pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.
“At ito ay mangyayari na yaong namatay sa akin ay hindi matitikman ang kamatayan, sapagkat ito ay magiging matamis para sa kanila;
“At sila na hindi namatay sa akin, sa aba nila, sapagkat ang kanilang kamatayan ay mapait.
“At muli, ito ay mangyayari na siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling.” (D at T 42:44–48.)
Tinitiyak sa atin ng Panginoon na ang maysakit ay pagagalingin kapag naisagawa ang ordenansa, kung may sapat na pananampalataya, at kung ang maysakit ay “hindi nakatalagang mamatay.” Ngunit may tatlong bagay, at lahat ng ito’y dapat matugunan. Marami ang hindi sumusunod sa mga ordenansa, at marami ang ayaw o walang kakayahang magpakita ng sapat na pananampalataya. Ngunit mahalaga rin ang isang bagay: Kung hindi sila nakatalagang mamatay.
Kailangang mamatay ang bawat isa. Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng buhay. Siyempre pa, hindi tayo kailanman handa para sa pagbabago. Dahil di natin alam kung kailan ito dapat dumating, nakikipaglaban tayo para manatiling buhay. Gayunman hindi tayo dapat matakot sa kamatayan. Ipinagdarasal natin ang maysakit, inaaliw natin ang nagdadalamhati, sumasamo tayo sa Panginoon na pagalingin at ibsan ang paghihirap at iligtas ang buhay at ipagpaliban ang kamatayan, at ginagawa nga natin ito, ngunit hindi dahil sa nakakatakot ang kawalang hanggan. …
Tulad ng sinasabi sa Eclesiastes (3:2), tiwala ako na may panahon para mamatay, ngunit naniniwala din ako na maraming tao ang namamatay bago sumapit ang “oras nila” dahil hindi sila maingat, inaabuso ang kanilang katawan, nakikipagsapalaran nang di naman kinakailangan, o inilalantad ang kanilang sarili sa mga panganib, sakuna, at karamdaman. …
Ang Diyos ang kumokontrol sa ating buhay, gumagabay at nagpapala sa atin, ngunit nagbibigay sa atin ng kalayaang pumili. Maaari tayong mamuhay nang naaayon sa kanyang plano para sa atin o maaaring buong kahangalan nating paikliin o tapusin ito.
Positibo ako na pinlano ng Panginoon ang ating tadhana. Balang-araw lubos nating mauunawaan, at kapag lumingon tayo sa nakaraan at tumingin sa hinaharap, masisiyahan tayo sa maraming pangyayari sa buhay na ito na napakahirap nating maunawaan.
Kung minsan parang gusto nating malaman kung ano ang mangyayari, ngunit sa pamamagitan ng seryosong pag-iisip ay natatanggap natin ang buhay sa araw-araw at pinagbubuti at niluluwalhati natin ang araw na iyon. …
Bago pa tayo isilang ay alam na nating paparito tayo sa lupa para magkaroon ng katawan at karanasan at na magkakaroon tayo ng mga kagalakan at kalungkutan, kaginhawahan at kasakitan, kaaliwan at kahirapan, kalusugan at karamdaman, tagumpay at kabiguan, at alam din natin na matapos ang panahon ng buhay tayo’y mamamatay. Tinanggap natin ang lahat ng ito nang buong puso, sabik na tanggapin kapwa ang makabubuti at di-makabubuti. Buong pananabik nating tinanggap ang pagkakataong makaparito sa lupa kahit ito’y maaaring sa loob lamang ng isang araw o isang taon. Siguro hindi natin masyadong inisip noon kung mamamatay ba tayo sa sakit, aksidente, o sa katandaan. Handa tayo noong tanggapin ang mangyayari sa buhay at ayon sa gusto nating kaayusan at pagkontrol nito, at ginawa natin ito nang walang reklamo, o di-makatwirang kahilingan.
Sa pagharap sa tiyak na trahedya kailangan tayong magtiwala sa Diyos, nalalaman na sa kabila ng limitado nating pananaw ang kanyang mga layunin ay hindi mabibigo. Bukod sa lahat ng problema ng buhay ay magkakaroon tayo ng pribilehiyong umunlad sa kaalaman at karunungan, pananampalataya, at mga gawa, na naghahanda sa pagbabalik at pakikibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos.9
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Bakit hindi tayo pinoprotektahan ng Panginoon mula sa lahat ng kalungkutan at pagdurusa? (Tingnan sa mga pahina 16–17.)
-
Pag-aralan ang mga pahina 17–19, na hinahanap ang mga bagay na hindi sana natin daranasin kung hindi tayo pinayagan ng Panginoon na dumanas ng mga pagsubok. Paano tayo dapat tumugon sa ating mga pagsubok at pagdurusa? Paano kayo pinalakas ng Panginoon sa inyong mga pagsubok?
-
Basahin ang talata na nagsisimula sa “May mga tao na …” sa pahina 19. Bakit napakahirap makitang nagdurusa ang mga mahal sa buhay? Ano ang maaari nating gawin para maiwasan ang magalit o mawalan ng pag-asa sa gayong mga panahon?
-
Rebyuhin ang mga pahina 19–24, na hinahanap ang mga turo tungkol sa mga pagbabasbas ng priesthood. Kailan ninyo nasaksihan ang kapangyarihan ng priesthood na magpagaling o umalo? Sa paanong paraan tayo makatutugon kapag nalaman nating hindi kalooban ng Panginoon na gumaling ang isang mahal sa buhay o ipagpaliban pa ang kamatayan?
-
Paano ninyo ipaliliwanag sa isang bata ang mga turo ni Pangulong Kimball tungkol sa kamatayan?
-
Itinuro ni Pangulong Kimball na, “Sa pagharap sa tiyak na trahedya kailangan tayong magtiwala sa Diyos” (pahina 25). Kapag nagtitiwala ang isang tao sa Diyos, ano ang maaari niyang gawin sa oras ng pagsubok?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Awit 116:15; 2 Nephi 2:11–16; 9:6; Alma 7:10–12; D at T 121:1–9; 122:1–9