Kabanata 6
Sariling Pagtuklas sa mga Banal na Kasulatan
Maaaring matamasa ng bawat isa sa atin ang mga pagpapalang dulot ng pagiging abala natin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong 14 na taong gulang si Spencer W. Kimball, narinig niyang nagsalita ang anak ni Brigham Young na si Susa Young Gates sa isang stake conference ukol sa paksa ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Naalala niya: “Nagbigay siya ng nakapupukaw na mensahe tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at paano ito gawing sariling atin; pagkatapos ay itinigil niya ang kanyang disertasyon para tanungin ang kongregasyong ito na binubuo ng mga lalaki, babae, at mga bata, mga isang libo kami, ‘Ilan sa inyo ang nabasa nang buo ang Biblia?’
“… Nakadama ako ng pagkabagabag ng konsiyensiya. Marami na akong nabasang aklat noong panahong iyon, ang mga komiks, at mga libangang aklat, ngunit sinasabi sa akin ng nakokonsensiya kong puso, ‘Ikaw, Spencer Kimball, hindi mo pa nabasa kahit kailan ang banal na aklat na iyon. Bakit?’ Tiningnan ko ang mga tao sa harapan at ang mga nasa magkabilang gilid ng bulwagan para alamin kung ako lang ang hindi nakabasa sa sagradong aklat. Sa sanlibong katao, siguro mga kalahating dosena lang ang buong pagmamalaking nagtaas ng kanilang mga kamay. Napabagsak ako sa aking upuan. Hindi ko na inisip ang iba na nabigo rin, ang naisip ko lang ay ang pagkakonsiyensya ng aking sarili. Di ko alam kung ano ang ginagawa o iniisip ng ibang tao, pero wala na akong narinig pa tungkol sa sermon. Naisagawa na ang layunin nito. Nang matapos ang miting, hinanap ko ang malaking pintuang labasan at nagmamadaling umuwi sa aming bahay na isang kanto ang layo sa silangan ng kapilya; at tiim-bagang na sinabi ko sa aking sarili, ‘Gagawin ko. Gagawin ko. Gagawin ko.’
“Pagpasok ko sa pintuan sa likod ng aming tahanan, nagpunta ako sa istante sa kusina kung saan nakalagay ang aming mga lampara, pinili ko ang lamparang puno ng langis at bago ang mitsa, at umakyat na sa aking silid sa itaas ng kisame. Doo’y binuklat ko ang aking Biblia at nagsimula sa Genesis, sa unang kabanata at unang talata, at magdamag kong binasa ang mga kuwento tungkol kina Adan at Eva at Cain at Abel, at Enoc at Noe at hanggang sa baha hanggang kay Abraham.”1
Makaraan ang mga isang taon, natapos si Spencer sa pagbabasa ng Biblia: “Tuwang-tuwa ako na matanto na nabasa ko nang buo ang Biblia mula sa simula hanggang sa huli! Napakalaking kasiyahan ng espiritu! At napakalaki ng naging kagalakan ko sa nilalaman nito!”2 Tumatak sa isipan niya ang karanasang iyon, at sa dakong huli ng kanyang buhay ay madalas niyang banggitin ito sa mga pangkalahatang kumperensya at kumperensya sa area.
Patuloy na tinamasa ni Pangulong Kimball ang mga pagpapalang dulot ng pagbabasa ng banal na kasulatan sa kanyang buhay at hinikayat ang iba na gayon din ang gawin. Nagunita ni Elder Richard G. Scott, na sa huli’y naging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Pinamahalaan ni Elder Spencer W. Kimball ang aming area noong mission president pa ako. Napansin ko na nauunawaan at ginamit niyang mabuti ang Aklat ni Mormon sa kanyang mga inspiradong mensahe kapwa sa mga miyembro at misyonero. … Minsan sa isang zone meeting ng mga misyonero, sinabi niya, ‘Richard, ginamit mo kanina ang isang talata mula sa Aklat ni Mormon sa paraan na di ko naisip gamitin kailanman.’ Iyon ang naging maingat na paghahanda para sa isang napakahalagang lesson na nais niyang matutuhan ko. At idinagdag niya, ‘Samantalang kung iisipin ay pitumpu’t anim na beses ko nang nabasa ang aklat na iyon.’ Hindi na niya kinailangan pang sabihin na kakaunti lang ang nalalaman ko tungkol sa mga banal na kasulatan, at na kailangan kong gugulin ang buong buhay ko sa pagmumuni at pagsasagawa sa mga ito. Ang nag-iisang punang iyon ang nakahikayat sa akin sa habambuhay na mithiin na dagdagan ang kaalaman ko tungkol sa sagradong salita ng Diyos.”3
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Ang mga banal na kasulatan ay pambihirang pag-aari na kailangang tuklasin ng bawat isa sa atin.
Kung minsan parang masyado nating binabale-wala ang mga banal na kasulatan dahil hindi natin lubusang pinahahalagahan ang bihirang pagkakaroon ng mga ito, at kung gaano tayo kapalad dahil mayroon tayo nito. Parang masyado na tayong komportable sa mga karanasan natin sa mundong ito at nasanay nang marinig ang ebanghelyong itinuturo sa atin kung kaya’t nahihirapan tayong isipin na iba sana ang nangyari.
Ngunit kailangan nating maunawaan na [hindi] pa nagtatagal mula nang lumitaw ang daigdig mula sa matagal na espirituwal na kadiliman na tinatawag nating Malawakang Apostasiya. Kailangan nating madama kahit paano ang lalim ng espirituwal na kadilimang nanaig bago dumating ang araw na iyon noong tagsibol ng 1820 nang magpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith—isang kadiliman na nakinita ni prophetang Nephi at itinulad sa “kakila-kilabot na kalagayan ng pagkabulag” kung saan ipinagkait ang ebanghelyo sa tao. (Tingnan sa 1 Ne. 13:32.) …
…Ang katotohanan na hindi ako isinilang sa panahon ng espirituwal na kadiliman kung saan nanahimik ang mga kalangitan at lumayo ang Espiritu ay pumupuspos sa aking kaluluwa ng pasasalamat. Tunay na ang kawalan ng salita ng Panginoon para gumabay sa atin ay tulad ng paglalakbay sa malawak na disyerto na walang pamilyar na palatandaan, o sa makapal na kadiliman ng malaking kuweba na walang liwanag na magtuturo sa atin ng daan tungo sa kaligtasan. …
…Direktang tinukoy ni Isaias ang katapusan ng kadiliman at paglitaw ng Aklat ni Mormon [tingnan sa Isaias 29:11–12]. …
At sa gayon pinasimulan ang kagila-gilalas na gawain, “isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha” na ipinangako ng Panginoon na kanyang gagawin. (Tingnan sa Isa. 29:14.)
Magmula nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa pamamagitan ni propetang Joseph Smith, [milyun-milyong] kopya ng Aklat ni Mormon ang nailimbag at naipamahagi na. … Napakarami ng nailimbag na mga Biblia, pinakamarami sa lahat ng iba pang mga gawang nailathala. Nasa atin din ang Doktrina at mga Tipan at ang Mahalagang Perlas. Bukod sa mayroon tayo nitong mahahalagang gawang ito ng banal na kasulatan, mayroon tayong, lingid sa kaalaman ng alinmang panahon sa kasaysayan ng mundo, edukasyon at kakayahang gamitin ang mga ito, kung loloobin natin.
Alam ng mga propeta noon na matapos ang kadiliman ay darating ang liwanag. Nabubuhay tayo sa liwanag na iyon—ngunit lubusan ba nating nauunawaan ito? Bagamat abot-kamay natin ang mga doktrina ng kaligtasan, natatakot ako na nadaraig pa rin ang ilan ng “espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig.” (Mga Taga Roma 11:8.)
…Hiling ko na buong katapatang suriin nating lahat ang ating pag-aaral ng banal na kasulatan. Karaniwan ay may alam tayong ilang talata ng banal na kasulatan, na kabisado natin, at dahil dito’y inaakala nating marami na tayong alam tungkol sa ebanghelyo. Sa ganitong situwasyon, talagang malaking problema ang pagkakatoon ng kaunting kaalaman. Kumbinsido ako na bawat isa sa atin, sa isang punto ng ating buhay, ay kailangang tuklasin ang mga banal na kasulatan—at hindi lamang minsan tuklasin, kundi paulit-ulit itong tuklasin.4
Ang katapatan natin sa paglilingkod sa Panginoon ay lalong lumalalim kapag bumabaling tayo sa mga banal na kasulatan.
Ang kuwento tungkol kay Haring Josias ng Lumang Tipan ang lubos na kapaki-pakinabang sa “[pagha] halintulad … sa [ating] sarili.” (1 Ne. 19:24.) Para sa akin, isa ito sa mga pinakamagandang kuwento sa buong banal na kasulatan.
Si Josias ay walong taon lamang nang magsimulang maghari sa Juda, at bagamat napakasama ng mga ninuno niya, sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na “siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.” (II Mga Hari 22:2.) Mas nakakagulat ito dahil nalaman natin na noong panahong iyon (dalawang henerasyon lamang bago wasakin ang Jerusalem noong 587 b.c.) ang nasusulat na batas ni Mioses ay nawala at talagang hindi na alam, kahit ng mga saserdote ng templo!
Ngunit sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, ipinagutos ni Josias na kumpunihin ang templo. Nang panahong iyon natagpuan ni Hilcias, ang mataas na saserdote, ang aklat ng batas, na inilagay ni Moises sa kaban ng tipan, at ibinigay ito kay Haring Josias.
Nang basahin kay Josias ang aklat ng batas, kanyang “hinapak ang kaniyang suot” at tumangis sa harapan ng Panginoon.
“Malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka’t hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.” (II Mga Hari 22:13.)
At binasa ng hari ang aklat sa harapan ng lahat ng tao, at nang panahong iyon silang lahat ay nakipagtipan na susundin lahat ng mga kautusan ng Panginoon ng kanilang “buong puso at ng buong kaluluwa.” (II Mga Hari 23:3.) At itinuloy ni Josias ang paglilinis sa kaharian ng Juda, at inalis ang lahat ng mga diyus-diyosan, mga munting gubat, ang matataas na lugar, at lahat ng karumal-dumal na nangyari noong naghahari pa ang kanyang mga ninuno, na dinudungisan ang lupain at mga tao nito. …
“At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.” [II Mga Hari 23:25.]
Malakas ang pakiramdam ko na kailangan nating lahat na bumaling sa mga banal na kasulatan tulad ng ginawa ni Haring Josias at hayaang hubugin tayong mabuti nito, para magkaroon tayo ng matatag na determinasyong paglingkuran ang Panginoon.
Batas lamang ni Moises ang na kay Josias. Nasa ating mga banal na kasulatan ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo; at kung matamis ang kahit bahagi lang ng mga banal na kasulatan, kagalakan ang dulot ng kabuuan nito.
Seryoso ang Panginoon nang ibigay niya sa atin ang mga bagay na ito, dahil “sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya.” (Lucas 12:48.) Ang pagkakaroon ng mga bagay na ito ay nangangahulugan ng responsibilidad sa mga ito. Kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan batay sa kautusan ng Panginoon (tingnan sa 3 Ne. 23:1–5); at kailangang hayaan nating manaig ito sa ating buhay at sa buhay ng ating mga anak.5
Natututuhan natin ang mga aral ng buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Bawat lesson sa pamantayan ng kagandahang-asal at sa angkop na espirituwal na pamumuhay ay matatagpuan sa mga pamantayang aklat. Dito matatagpuan ang mga gantimpala ng kabutihan at mga kaparusahan ng kasalanan.6
Natututuhan natin ang mga aral ng buhay nang mas handa at tiyak kung makikita natin ang mga bunga ng kasamaan at kabutihan sa buhay ng iba. … Ang makilalang mabuti si Job at maging malapit sa kanya ay pagkakaroon ng pananampalataya sa kabila ng matitinding kahirapan. Ang pagkaalam na mabuti sa kalakasan ni Jose sa karangyaan ng sinaunang Egipto nang tuksuhin siya ng kaakit-akit na babae, at makita ang pakikipaglaban ng binatang ito sa lahat ng kapangyarihan ng kadiliman na nasa mapang-akit na babaeng ito, ay tiyak na makapagpapalakas sa taong nagbabasang mabuti laban sa gayong kasalanan. Ang makita ang pagpipigil at katatagan ni Pablo noong ibinubuwis niya ang kanyang buhay sa kanyang ministeryo ay pagbibigay ng lakas ng loob sa mga nasaktan at sinubukan. Maraming ulit siyang nabugbog, nabilanggo nang madalas dahil sa layunin, binato hanggang halos mamatay, tatlong beses nasiraan sa dagat, ninakawan, halos malunod, naging biktima ng huwad at taksil na mga kapatid. Bagamat namamatay sa gutom, nasasakal, naninigas sa lamig, pangit ang kasuotan, di nagbago si Pablo sa kanyang paglilingkod. Kahit minsa’y di natinag ang kanyang patotoo matapos ang kanyang pambihirang karanasan. Nakita natin ang pag-unlad ni Pedro sa ebanghelyo na siyang nagpakilos sa kanya mula sa pagiging abang mamamalakaya—naiwan ng kabihasnan, di nakapag-aral, at ignorante, gaya ng pagkakilala sa kanya—na naging magaling na tagapagtatag, propeta, lider, taong eksperto sa pag-aaral ng teolohiya, guro. …
Matututuhan ng ating mga anak ang mga aral ng buhay sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sariling kalakasan ni Nephi; sa pagkamakadiyos ng tatlong Nephita; sa pananampalataya ni Abraham; sa kapangyarihan ni Moises; sa panlilinlang at katusuhan ni Ananias; sa katapangang hanggang kamatayan ng di-natitinag na mga Ammonita; sa di-mapapantayang pananampalataya ng mga inang Lamanita na naisalin sa kanilang mga anak na lalaki, na lubhang makapangyarihan kung kaya’t nailigtas nito ang mga kabataang mandirigma ni Helaman. Wala ni isang namatay sa digmaang iyon.
Sa kabuuan ng mga banal na kasulatan ay ipinakita ang bawat kahinaan at kalakasan ng tao, at itinala ang mga gantimpala at parusa. Talagang bulag na lamang ang taong hindi matututong mabuhay nang maayos sa pamamagitan ng gayong pagbabasa. Sinabi ng Panginoon, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan; sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan: at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” (Juan 5:39.) At ito rin ang Panginoon at guro na ang buhay ay kinakikitaan natin ng bawat kabutihan: kabanalan, kalakasan, mga pagkontrol, kaganapan. At paano mapag-aaralan ng mga estudyante ang dakilang kuwentong ito nang hindi tinataglay ang ilan sa mga ito sa kanilang buhay?7
Narito [sa mga pamantayang aklat] ang talambuhay ng mga propeta at mga pinuno at ng Panginoon mismo, na nagbibigay ng halimbawa at patnubay upang ang mga tao, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga halimbawang ito, ay maging perpekto, maligaya, puno ng kagalakan, at makamit sa kawalang hanggan ang kanilang mithiin at hangarin.8
Ang espirituwal na kaalaman ay mapapasalahat ng nag-aaral at nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan.
Marami pa rin sa mga Banal ang hindi regular na nagbabasa at nagninilay sa mga banal na kasulatan, at kakaunti lamang ang alam sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga anak ng tao. Marami na ang nabinyagan at nakatanggap ng patotoo, at napasa “[makipot] at makitid na landas,” gayunpaman ay nabigong gawin ang susunod na hakbang—ang “magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas.” (2 Ne. 31:19, 20; idinagdag ang pakahilig ng mga titik.)
Tanging ang matatapat ang tatanggap ng pangakong gantimpala, na buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi makatatanggap ng buhay na walang hanggan ang isang tao nang hindi nagiging “tagatupad ng salita” (tingnan sa Santiago 1:22) at nagiging magiting sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. At ang isang tao ay hindi magiging “tagatupad ng salita” nang hindi muna nagiging “tagapakinig.” At ang pagiging “tagapakinig” ay hindi lamang basta pagtayo nang walang ginagawa at naghihintay ng impormasyon; ito’y pagsasaliksik at pag-aaral at pananalangin at pag-unawa. Kung kaya’t sinabi ng Panginoon, “Sinuman ang hindi tumatanggap ng aking tinig ay hindi nakakikilala ng aking tinig, at hindi sa akin.” (D at T 84:52.)9
Natutuhan ko sa paglipas ng mga taon na kung buong sigasig nating itataguyod ang karapat-dapat na personal na mithiing ito [ang pag-aralan ang mga banal na kasulatan] sa determinado at desididong paraan, tunay na makahahanap tayo ng mga sagot sa ating mga problema at kapayapaan sa ating mga puso. Madarama nating pinalalawak ng Espiritu Santo ang ating pang-unawa, at makakakita tayo ng mga bagong ideya, masasaksihan ang paghahayag ng huwaran sa buong banal na kasulatan; at lalong magiging makahulugan sa atin ang mga doktrina ng Panginoon kaysa inaakala natin. Bilang bunga, magkakaroon tayo ng dagdag na karunungan na gagabay sa atin at sa ating mga pamilya.10
Hiling ko sa lahat na simulan ngayon ang masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kung hindi pa ninyo nagagawa ito.11
Kapag isinubsob natin ang ating sarili sa mga banal na kasulatan, makikilala at mamahalin natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipagugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad. Natagpuan ko ang sarili ko na mas lalong nagmamahal sa mga dapat kong mahalin nang buong puso at isipan at lakas, at sa higit na pagmamahal ko sa kanila, nagiging mas madali para sa akin ang sumunod sa mga payo nila.12
Nalaman ko na ang kailangan ko lang gawin para madagdagan ang pagmamahal ko sa aking Manlilikha at sa ebanghelyo at sa Simbahan at sa aking mga kapatid ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nag-ukol ako ng maraming oras sa mga banal na kasulatan. … Hindi ko maunawaan kung paanong nababasa ng isang tao ang mga banal na kasulatan at hindi nagkakaroon ng patotoo sa kabanalan ng mga ito at sa kabanalan ng gawain ng Panginoon, na siyang nagsasalita sa mga banal na kasulatan.13
Iilan lang sa bilyun-bilyong [nasa] mundo ang makalalakad na kasama ang Diyos tulad nina Adan at Abraham at Moises, gayunpaman, sa mundong ginagalawan natin, halos bawat kaluluwa ay may banal na kasulatan, at, sa pamamagitan nila, ang tao’y maaaring maging napakalapit sa kanilang Ama sa Langit, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa mga kondisyon at pagkakataon at pagasa sa buhay na walang hanggan.14
Kahit ano ang gawing pag-aaral ay di matutuklasan ng tao ang Diyos, ngunit inihayag niya ang kanyang sarili sa kanyang mga lingkod, ang mga propeta, at itinuro nila sa atin ang kanyang likas na katangian. Bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng katibayan ng katotohanan sa pamamagitan ng sarili nating pag-aayuno at panalangin. Sa kabila ng mga pagtatalu-talo tungkol sa teolohiya, maaari pa rin tayong manatiling mahinahon sa tiyak na kaalaman tungkol sa Ama at sa Anak na nagmula sa sinauna at makabagong mga banal na kasulatan na pinagtibay ng Espiritu. Sa kaalamang ito ay may pag-asa tayo sa buhay na walang hanggan.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Isiping mabuti ang mga kuwento sa mga pahina 74–76. Paano nakaiimpluwensya sa inyo ang mga kuwentong ito? Kumustahin ang inyong pagbabasa, pagkaunawa, at pagsasagawa ng mga banal na kasulatan. Isaisip ang inyong mga personal na mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan.
-
Habang nirerebyu ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 76, isipin kung ano ang mangyayari sa inyong buhay kung wala ang mga banal na kasulatan. Paano magiging kaiba ang inyong buhay? Ano ang ilang mga bunga ng “sobrang pagbalewala” sa mga banal na kasulatan?
-
Bakit hindi sapat ang magkaroon ng ilang “kabisadong” paboritong talata ng banal na kasulatan”? (pahina 78). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tuklasin sa inyong sarili ang mga banal na kasulatan at “paulit-ulit itong tuklasin”?
-
Hinikayat tayo ni Pangulong Kimball na ihalintulad sa ating sarili ang kuwento ni Haring Josias (mga pahina 78–80; tingnan din sa 2 Mga Hari 22–23). Ano ang mga pagkakahawig at pagkakaiba na nakikita ninyo sa inyong buhay at sa buhay ni Haring Josias at ng kanyang mga tao?
-
Isipin ang ilang “mga aral sa buhay” na natutuhan ninyo sa pag-aaral ng banal na kasulatan. (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 80–82.)
-
Rebyuhin ang unang talata sa pahina 83. Ano ang ilang talata sa banal na kasulatan na nakatulong sa inyo upang mahanap ang mga sagot sa inyong mga problema at magkaroon ng kapayapaan sa inyong puso?
-
Basahin ang huling dalawang talata sa pahina 83. Paano naapektuhan ng pag-aaral ng banal na kasulatan ang inyong ugnayan sa Diyos? ang inyong ugnayan sa mga kapamilya? ang inyong paglilingkod sa mga katungkulan sa Simbahan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Amos 8:11–12; 1 Nephi 19:23; Alma 37:8; D at T 1:37; 18:33–36