Kabanata 21
Ang Propetang si Joseph Smith
Si Joseph Smith ay isang instrumento sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng lahat ng nawala noong mga siglo ng espirituwal na kadiliman.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong 1970s, naglakbay si Pangulong Spencer W. Kimball kasama ang mga lider ng Simbahan sa buong mundo para makita ang mga miyembro sa mga kumperensya ng area. Sa isa sa mga kumperensyang ito, nagpasalamat siya sa pamana ni Propetang Joseph Smith:
“Dahil nagpunta ang isang labing-apat na taong-gulang na bata sa kakahuyan sa New York para manalangin, ang lahat ng daang libong kataong ito ay nagsipunta sa mga kumperensya ng area. Dahil nagpunta ang labing-apat na taong-gulang na bata sa kakahuyan para manalangin, nang mabasa niya sa mga banal na kasulatan na, ‘Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios’ (Santiago 1:5), dahil ipinamuhay niya ang mga paghahayag mula sa langit, napasaatin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nasa atin ang lahat ng pagpapala na maging pinakamaligayang tao sa buong mundo, dahil isang labing-apat na taong-gulang na bata ang nagpunta sa kakahuyan para manalangin. Nagpapasalamat ako na nagpunta si Joseph sa kakahuyan, at nagpapasalamat ako na alam niya ang kanyang ginagawa at siya’y seryoso sa pagsunod sa salita ng Diyos nang ito’y dumating sa kanya at isinagawa ito at itinayo ang kahariang ito.”1
“Sa iba pang pagkakataon, inilarawan ni Pangulong Kimball ang nadama niya nang mamasdan ang larawan ni Propetang Joseph Smith na makikita sa isang silid sa Salt Lake Temple: “Tiningnan ko ang pader sa harapan at naroon si Joseph Smith, at naisip kong napakadakilang propeta ni Joseph Smith. Hindi siya pangkaraniwang tao. … Naisip ko ang lahat ng pag-uusig sa kanya at ang dinanas niyang paghihirap. Naisip ko ang lahat ng paghahayag mula sa langit na natanggap niya na ibinigay naman niya sa atin. At sa oras na iyon nagkaroon akong muli ng panibagong lakas.”2
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Tinawag si Joseph Smith bilang propeta alinsunod sa kaalaman at karunungan ng Diyos sa simula pa lamang.
Inihanda si Joseph Smith sa loob ng maraming siglo bago pa siya ipanganak. Pinangalanan na siyang Joseph bago pa man siya isilang [tingnan sa 2 Nephi 3:14–15]. Ang misyon niya ay pumarito sa mundo sa tamang panahon sa mga huling araw na ito upang buksan ang mga pintuan sa malawak na daigdig, upang ibigay ang ebanghelyo sa kanila, at magbigay ng pag-asa sa buhay na walang hanggan.3
Si Joseph Smith, ang propeta ng Panginoon, ay itinalaga, tinawag bago pa man isinilang, tinawag noon pa man maraming taon na ang nakalilipas, upang dumating sa panahong ito at … buksan ang mundo sa pangangaral ng totoo at buhay na ebanghelyo.
…Dumating si Joseph Smith dito sa mundong humihingi ng tulong; sapagkat daan-daang taon na itong nanghihina. … Daandaang taon na mula nang magkaroon ito ng propeta. … At kaya nga panahon na.4
Tiyak na ang Diyos na ating Ama at ang kanyang Anak na si Jesucristo, na nagpakita sa batang nasa edad ng Aaronic Priesthood, na si Joseph Smith, upang bigyan ang batang iyon ng mga tagubilin para sa lahat ng tao, ay hindi lang basta nagpakita nang walang dahilan sa isang tao sa planetang ito. Sa halip, sinabi ng Panginoon na ang pagpapakitang ito, na talagang pinlano, ay nangyari sapagkat “… Ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan.” (D at T 1:17.)
Hindi kumikilos ang Diyos nang walang anumang dahilan, kundi palagi itong nakaplano bilang mapagmahal na ama.5
Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ay nagbukas sa isang bagong dispensasyon ng banal na paghahayag.
Dahil sa espesyal na pangangailangan, sa espesyal na panahon, sa tamang pagkakataon, inihahayag ng Diyos ang kanyang sarili sa mga tao na handa sa gayong mga pagpapakita. At dahil ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, hindi magsasara ang kalangitan maliban kung walang paniniwala ang mga tao.
Sa ating sariling dispensasyon dumating ang gayong napakagandang karanasan. May dagliang pangangailangan, natakpan ng apostasiya ang mundo at ng malaking kadiliman ang mga tao, at nalito ang mga isipan ng tao at hindi makita ang liwanag sa kadiliman [tingnan sa Isaias 60:2]. Dumating na ang panahon. Poprotektahan ng kalayaang pangrelihiyon ang binhi hanggang sa ito’y umusbong at lumaki. At isang tao ang inihanda sa katauhan ng isang bata, mabuti at bukas ang isipan, na may matibay na pananampalataya sa sinabi ng Diyos na ang kalangitan ay hindi mananatiling parang bakal at ang lupa ay parang tanso na tulad ng nagdaang maraming siglo [tingnan sa Levitico 26:19].
Ang lumalaking propeta na ito ay walang mga maling palagay at paniniwala. Hindi siya puno ng mga tradisyon at alamat at pamahiin at pabula ng mga siglo. Wala siyang dapat iwaksi. Nanalangin siya para sa kaalaman at tagubilin. Ang kapangyarihan ng kadiliman ay nauna sa liwanag. Nang lumuhod siyang mag-isa sa tahimik na kagubatan, ang taimtim niyang panalangin ay nagdulot ng matinding labanan na nagbanta ng kanyang pagkawasak. Sa loob ng maraming siglo, si Lucifer na walang hanggan ang kapangyarihan ay nagawang pigilan ang isipan ng mga tao at hindi papayag na matalo. Banta ito sa kanyang walang hanggang kapangyarihan. Hayaan nating ilahad ni Joseph Smith ang sarili niyang kuwento:
“… Daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig … upang igapos ang aking dila. … Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak.
“… sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang … ipaubaya ang aking sarili sa pagkawasak—hindi sa isang likhang-isip na pagkawasak, kundi sa kapangyarihan ng isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig … ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw. …
“… natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17.]6
Ang kalangitan na nakapinid nang napakahigpit sa loob ng maraming siglo ay nabuksan na ngayon. Ang mga tinig na noo’y tahimik at mahina at di naririnig sa maraming siglo ay nagsimula na ngayong mangusap. Ang paghahayag na noo’y halos mawala at sinasabing hindi umiiral ay maririnig na ngayon. …
Sumibol ang bagong katotohanan, isang konsepto na hindi nauunawaan ng milyun-milyong tao sa mundo, at sa sandaling iyon nag-iisang tao lamang sa balat ng lupa ang nakaaalam nang may lubos na katiyakan na ang Diyos ay isang katauhan, na ang Ama at Anak ay magkahiwalay na katauhan na may [niluwalhating] katawan na may laman at buto [at na siya] ay nilikha sa kanilang larawan. Tulad ng Anak na nasa larawan ng kanyang Ama, ang Diyos Ama rin ay kawangis ng Anak.7
Walang makatutupad sa layuning alisin ang kalituhan noon sa mga nagdaang siglo maliban sa kabuuan ng pangitain kay Joseph. [Hindi] mapapawi ng impresyon lamang, nakatagong tinig, o panaginip ang di malilinaw na palagay at paniniwala noon.8
Ipinagkatiwala sa batang lalaking ito ang pinakamalaking piraso ng kaalaman na batid ng tao. Alalahanin na noong umagang iyon ng tagsibol walang sinuman sa lahat ng tao sa mundo ang may lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Maraming mabubuting tao, subalit lahat sila’y lumalakad sa espirituwal na kadiliman sa loob ng maraming siglo. Subalit narito ang isang batang lalaking nakaalam. …
Alam ni Joseph, di tulad ng iba pang kaluluwang nabubuhay, ang mga katotohanang ito:
Alam niyang buhay ang Diyos, na Siya ay [niluwalhating] katauhan na may laman at mga buto at personalidad, tulad natin o tayo tulad Niya, sa Kanyang larawan.
Alam niya na ang itinuturo noon pa na tatlong katauhan sa isang Diyos ay gawa-gawa lamang, isang panlilinlang. Alam niyang ang Ama at Anak ay dalawang magkaibang katauhan na may kaanyuan, tinig, at … personalidad.
Alam niyang wala sa mundo ang ebanghelyo, dahil nalaman niya ito sa mga Diyos, at ang totoong Simbahan ay wala sa mundo, dahil ipinaalam ito sa kanya ng Diyos ng langit at lupa.9
Marahil ang pinakadakilang paghahayag na ibinigay sa mundo ay nang magpakita sa kanya ang Ama at Anak noong umagang iyon sa kakahuyan sa New York.10
Si Joseph Smith ang instrumento ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Sinabihan ang batang propeta na siya ay magiging instrumento sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng walang hanggang ebanghelyo kasama ang lahat ng nawala noong unang mga siglo. At ang mga pangitain at paghahayag na ito ay nagpatuloy pa sa maraming taon kung saan naririnig muli’t muli pa ang tinig ni Jehova, at ibinalik sa mundo sa pamamagitan ng batang propetang ito ang mga katotohanan ng ebanghelyo, ang priesthood ng Diyos, ang pagka-apostol, ang mga awtoridad at kapangyarihan, ang organisasyon ng Simbahan, nang sa gayon ang mga paghahayag at walang hanggang katotohanan ay mapasa lupa at makamtan ng lahat ng tao na tatanggap nito.11
Nagpakita si Propetang Moroni kay Joseph at gumugol ng mahabang oras sa pagpapaliwanag tungkol sa paninirahan ng mga tao ni Lehi sa mga lupalop ng Amerika at gayundin sa Aklat ni Mormon, na ilalabas at isasalin. … Ang talaang ito, ang Aklat ni Mormon, ay tutulong upang maitatag ang pagkadiyos ng Panginoong Jesucristo.12
Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, naisalin [ni Joseph] ang talaang iyon, na kilala ngayon bilang Aklat ni Mormon.13
Naihayag ang ebanghelyo nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, at naipanumbalik ang mga katotohanan, at naibigay ang kapangyarihan at naihayag ang awtoridad, at unti-unti nagkaroon ng sapat na liwanag at sapat na mga tao para sa organisasyon ng kahariang ito ng Diyos na nakita ni Daniel noong nakaraang dalawa at kalahating milenyo [tingnan sa Daniel 2:44–45].14
Matapos ang mahabang siglo ng espirituwal na kadiliman, ang ilaw ay nagsimulang lumiwanag nang mabuksan ng paghahayag ang dispensasyong ito. Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng mga paghahayag mula sa Panginoon na nagbabalik sa mundo ng mga bagay na nawala—ang priesthood ng Diyos—ang awtoridad, ang kapangyarihan, ang karapatang pangasiwaan ang mga ordenansa, at ang patuloy na mga paghahayag ng Panginoon sa kanyang mga tao rito sa lupa.15
Ang kapangyarihan ay ibinigay kay Joseph Smith, nang sa pamamagitan nito’y maibuklod din sa langit ang ibinuklod sa lupa. Ang mga susing iyon ay ipinasa-pasa sa mga pangulo ng Simbahan.16
Tinatakan ni Joseph Smith ng kanyang dugo ang kanyang patotoo.
Ang mga detalye sa buhay ni Joseph Smith ay pamilyar sa atin. Kaagad niyang sinabi ang kanyang maluwalhating pangitain tungkol sa Ama at Anak at kaagad siyang kinutya at inusig. Naglathala ang makabagong mga eskriba at Fariseo ng daandaang mapanirang aklat at artikulo, ipinakulong siya …, binuhusan ng alkitran at nilagyan ng mga balahibo, binaril at ginawa ang lahat para siya’y mapatay. Sa kabila ng pagsisikap nilang patayin siya, naligtasan niya ang mahigit dalawampung taon ng mapait na pang-uusig upang maisagawa ang kanyang misyon hanggang sa pagsapit ng kanyang kamatayan.
Dalawampu’t apat na taong pagdurusa ang dinanas niya, gayunpaman dalawampu’t apat na taon ding kaligayahan ang natamasa niya sa pakikipag-usap sa Diyos at sa iba pang mga imortal! Natupad ang kanyang misyon—nagkaugnay muli ang langit at lupa; naitatag ang Simbahan; sinanay si Brigham Young at iba pang dakilang mga lider upang ipagpatuloy ang gawain; at ipinagkaloob niya sa uluhan ng Labindalawa ang lahat ng susi at kapangyarihan na hawak ng mga apostol na hawak niya mismo, at sinabi niya sa kanila: “Naitatag ko na ang mga pundasyon at ito dapat ang maging saligan ninyo, sapagkat nakasalaylay sa inyong mga balikat ang kaharian.”
At dumating na ang kanyang oras upang tatakan ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, na madalas niyang patotohanan sa maraming kaibigan at kaaway. …
…Bagama’t umasa siya at nanalangin na lumampas ang saro, alam niya na hindi ito mangyayari. Sinabi niya: “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan.” [Tingnan sa D at T 135:4.]
At sa katayan nga! Umalingawngaw ang putukan! At malayang dumaloy ang dugo ng mga martir, sapagkat, si Hyrum, na kanyang kuya, ay piniling sumama sa kanya. Ang natatanging dugong ito ay umagos sa lupa, tinatakan ang walang kamatayan at di mapasisinungalingang patotoo na patuloy na maririnig at madarama sa puso’t isipan.17
Tinatakan ni Jesus ng dugo ang kanyang patotoo. Gayundin si Esteban. At ngayo’y tinatakan ni Joseph Smith ang kanyang patotoo ng kanyang dugo at namatay nang bata pa upang sabihin sa buong mundo na ang mga lamina kung saan nagmula ang Aklat ni Mormon ay natagpuan sa isang burol malapit sa Palmyra sa estado ng New York. At sa gayon, sa pamamagitan ng pagunawa sa aklat na ito, at sa banal na Biblia, ang ebanghelyo ni Jesucrito, sa pangangasiwa ng kanyang mga anghel, ay muling naipanumbalik sa mundo.18
Pinangalagaan si Joseph at iniligtas ang kanyang buhay sa bawat pang-uusig hanggang sa matapos ang kanyang gawain. Ginampanan niya ang kanyang bahagi sa panunumbalik ng ebanghelyo at priesthood at lahat ng iba pang mga susi ng dispensasyon at hanggang sa maitatag ang organisasyon ng kaharian. Hindi siya mapapatay bago sumapit ang sandaling iyon, kahit na sumiklab nang labis ang buong galit ng impiyerno laban sa kanya. Gusto niyang mabuhay pa. Matamis ang mabuhay sa kanya. Nangangako ito ng matatamis na ugnayan sa kanyang pamilya, mga kapatid, at ang kasiyahan na makitang namumulaklak ang gawain. Ngunit tapos na ang kanyang gawain; maaari na itong ipagpatuloy ngayon ng iba pang matatatag na lider; kailangan na siya sa ibang mga gawain. Sa edad na tatlumpu’t walo, na napakabata pa, siya’y namatay, at sinimulan ang kanyang gawain sa ibang daigdig.19
“Babagsak ang Mormonismo kung papatayin natin ang kanilang propeta,” sabi nila … habang walang awa nilang pinapaslang si Joseph Smith. Walang alinlangan na ang makahayop nilang ngisi ng kasiyahan sa napakasamang gawaing iyon ay napalitan ng balisang pagsimangot nang matanto nilang sumipa lamang sila sa mga tinik, na sarili lamang nila ang nasaktan. Hindi nawasak ang Mormonismo ng malupit na kamatayan, sa halip ito ang nagpasigla rito. Pinataba ng nabaril na katawan ang lupa; ang dugong pinaagos nila ang dumilig sa binhi; at ang espiritu na napunta sa langit ay magpapatotoo laban sa kanila sa buong kawalang-hanggan. Ang adhikain ay patuloy pa rin at umuunlad.20
Hindi nawala ang gawain [ni Joseph Smith]. Ang patotoo niya ay matatag na sumulong, tungo sa kawalang-hanggan.21
Ngayon, maraming taong tanyag sa pinag-aralan, praktikalidad, at kabutihan, ang tumatayo upang magpatotoo na ang pagkamatay ni Joseph Smith, tulad ng mga martir na nauna sa kanya, ay isa pang tiyak na katibayan ng kabanalan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa kabuuan nito sa pamamagitan ng mapagpakumbabang propetang iyon.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Ano sa palagay ninyo ang ilan sa mga pinakadakilang bagay na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 270–273.) Kapag may nagtanong sa inyo na hindi miyembro ng Simbahan tungkol kay Joseph Smith, ano ang sasabihin ninyo?
-
Ano ang papel ng Diyos at ni Joseph Smith sa pagbubukas ng kalangitan para sa panunumbalik ng ebanghelyo? (Tingnan sa mga pahina 268, 270–273.) Sa paanong paraan inihanda si Joseph Smith para tumanggap ng paghahayag?
-
Ano ang nalaman ni Joseph Smith matapos ang Unang Pangitain na hindi niya alam noon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 271–273.) Sa inyong palagay paano nabago ang nadarama niya sa Diyos at sa sarili? Paano kayo naimpluwensyahan ng inyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain?
-
Sa anong paraan naging instrumento ng Panginoon si Joseph Smith sa pag-uugnay ng langit at lupa? (Tingnan sa mga pahina 274–275.) Sa inyong palagay ano ang ibig sabihin ng maging instrumento sa mga kamay ng Diyos?
-
Sinabi ni Pangulong Kimball na hinangad ng masasamang tao na wasakin ang Mormonismo sa pamamagitan ng pagpatay kay Joseph Smith (pahina 277). Ano ang iniisip at nadarama ninyo habang pinag-iisipan ninyo ang nangyari sa Simbahan mula nang mamatay si Joseph Smith?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 29:11–14; D at T 135; 136:37–39