Kabanata 15
Dapat Tayong Maging Mapitagang mga Tao
Higit pa sa pag-uugali, ang pagpipitagan ay magandang katangiang dapat maging bahagi ng ating pamumuhay.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong 1955 inilaan ni Pangulong David O. McKay ang unang templo sa Europa, ang Bern Switzerland Temple. Si Elder Spencer W. Kimball, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nakatakdang magsalita sa panghapong sesyon sa unang araw ng dedikasyon. Isang oras siyang napag-isa sa templo noong araw na iyon “para ihanda ang puso’t isipan sa hapong iyon, na banayad, tahimik, magalang at mapitagan.”1 Sa kanyang pananalita sinabi niya: “Pagkagising ko kaninang umaga at nang magsimulang magkamalay pagkaraan ng gabi, nakita ko ang pagbubukangliwayway, at una kong naisip ang banal na templong ilalaan sa araw na ito. Naisip ko, ‘Hindi ako kakain ngayon. Dapat makintab ang sapatos, plantsado ang damit, at malinis ang isipan ko.’ Papuntang Zollikofen ayaw kong magsalita, at pagdating ko sa silid na ito at pagkaupo sa tabi ni [Pangulong McKay] at puro pabulong ang pagsasalita niya, nalaman ko noon na naramdaman rin niya ang ilang naramdaman ko. ‘Banal sa Panginoon, Kabanalang angkop sa mga Banal ng Panginoon.’ ”2
Ang pagpipitagan ni Pangulong Kimball ay hindi nakalaan lamang sa mga okasyong tulad ng dedikasyon ng mga templo. Binanggit niya ang kapitagan bilang isang uri ng pamumuhay, at naging halimbawa ng turong ito kahit sa maliit at pang-arawaraw na mga gawain. Halimbawa, minsan nang bisitahin niya ang isang meetinghouse, tahimik siyang pumasok sa banyo, itinapon ang mga paper towel na nakakalat sa sahig, at nilinis ang lababo. Isang lokal na lider ng Simbahan ang nakapansin sa simpleng pagpapamalas ng paggalang na ito. Dahil nabigyang inspirasyon ng halimbawa ni Pangulong Kimball, itinuro niya sa iba na magpakita ng higit na pagpipitagan sa mga sagradong lugar at bagay.3
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Ang pagpipitagan ay hindi pansamantalang pag-uugaling para lang sa araw ng Linggo kundi patuloy na katapatan sa Diyos.
Ang pagpipitagan ay masasabing isang “marubdob na paggalang, pagmamahal, at paghanga, na tulad sa ibang bagay na banal.” Katapatan sa Diyos ang isa pang pakahulugan sa pagpipitagan.
Itinuturing ng marami nating mga pinuno na isa sa pinakamaringal na katangian ng kaluluwa ang pagpipitagan, na nagpapahiwatig na kailangan dito ang tunay na pananampalataya sa Diyos at sa kanyang kabutihan, mataas na kultura, at pagmamahal sa mas mabubuting bagay sa buhay. …
Tulad ng iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo, naghahatid ng ibayong galak ang pagpipitagan.
Dapat nating tandaan na ang pagpipitagan ay hindi malungkot at pansamantalang pag-uugali natin tuwing Linggo. Ang tunay na pagpipitagan ay may kalakip na kaligayahan, at pagmamahal, paggalang, pasasalamat, at takot sa Diyos. Isa itong magandang katangian na dapat maging bahagi ng ating pamumuhay. Sa katunayan, dapat ay mga Banal sa mga Huling Araw ang siyang maging pinakamapitagang mga tao sa buong mundo.4
Dapat tayong maging mapitagan sa Ama at sa Anak at sa Kanilang banal na mga pangalan.
Ang pagpipitagan sa Ama at sa Anak ay mahalagang kwalipikasyon o katangian ng mga magmamana ng kahariang selestiyal. Sa bahagi 76 ng Doktrina at mga Tipan, na kilala bilang “Ang Pangitain,” na ibinigay kina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong Pebrero 1832, mababasa natin:
“At sa ganito nakita namin ang kaluwalhatian ng selestiyal, na nakahihigit sa lahat ng bagay—kung saan ang Diyos, maging ang Ama, ay naghahari sa kanyang luklukan magpakailanman at walang katapusan;
“Sa harapan ng kanyang luklukan lahat ng bagay ay yumuyukod sa mapagpakumbabang pagpipitagan, at nagbibigay sa kanya ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan.
“Sila na nananahanan sa kanyang kinaroroonan ay simbahan ng Panganay; at kanilang nakikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila, at nakaaalam gaya ng pagkakaalam sa kanila, makaraang matanggap ang kanyang kaganapan at ang kanyang biyaya.
“At kanya silang ginawang pantay-pantay sa kapangyarihan, at sa lakas, at nasasakupan.” (D at T 76:92–95.)
Isa pang makabagong pahayag ang nagtuturo sa atin ng pagpipitagan maging sa pangalan ng Diyos; sinabihan tayong huwag lapastanganin ang pangalan ng Ama, at iwasan ang madalas na paggamit nito. (D at T 107:2–4.) …
Lalabas na ang pagpipitagan sa Diyos at sa kanyang pangalan ay isa sa mga pinakamahalagang katangiang maaari nating taglayin.5
Isang araw sa ospital, nang itinutulak ako papalabas mula sa operating room ng isang narses na natisod, at kapagdaka ay lumabas sa kanyang nagngangalit na mga labi ang masasamang salita na hinaluan ng mga pangalan ng Tagapagligtas. Kahit halos wala pa akong malay-tao, ako ay nanliit at nagsumamong: “Pakiusap! Pakiusap! Pangalan iyan ng Panginoon ko na iyong hinahamak.”
Nagkaroon ng mapanglaw na katahimikan, at pagkatapos sa mapagpakumbabang tinig siya ay bumulong na, “Ikinalulungkot ko po.” Sa sandaling iyon ay nakalimutan niyang mahigpit na inutusan ng Panginoon ang lahat ng kanyang mga tao na, “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios, sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan” (Exod. 20:7). …
Sa entablado, sa telepono, araw-araw na napapahumindig ang sensitibong mga tainga at mata sa walang-pakundangan at lapastangang paggamit ng mga pangalan ng Panginoon nating Diyos. Sa club, sa bukid, sa mga kabarkada, sa negosyo, at sa lahat ng uri ng pamumuhay ginagamit nang mapangahas at makasalanan ang mga pangalan ng Manunubos. Tayong mga walang-isip at walang-ingat, at tayong masasama at suwail, ay dapat tandaan na hindi natin magagamit ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan nang hindi napaparusahan. Hindi ba’t nag-aanyaya tayo ng kapahamakan kapag nilapastangan natin ang lahat ng bagay na banal at sagrado, maging sa karaniwan at walang-pitagang paggamit ng pangalan ng Diyos sa araw-araw nating pakikipag-usap? …
Kakila-kilabot ang gamitin nang walang galang ng sinumang nilalang ang mga pangalan ng Diyos. At kasama rito ang paggamit ng pangalan ng Panginoon nang walang awtoridad, at maraming taong nagsasabing sila ay tumatanggap ng mga pahayag at may awtoridad na hindi direktang nagmula sa Panginoon.
Sa paglipas ng mga panahon, hindi huminto ang mga propeta sa pagpapatigil sa malubhang kasalanang ito. Pinanagot at pinagsisi ni propetang Isaias yaong mga “nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon, at nagsibanggit ng Dios ng Israel, nguni’t hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man” (Isa. 48:1). …
Ang [pagbanggit sa] pangalan ng Panginoon nang may pagpipitagan ay dapat lamang na maging bahagi ng buhay natin bilang mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, tayo, bilang mga mabuting Banal sa mga Huling Araw, ay hindi naninigarilyo. Hindi tayo umiinom ng alak. Hindi tayo gumagamit ng tsaa at kape. Gayon din, hindi tayo gumagamit ng masamang pananalita. Hindi tayo nagmumura o naninirang puri. Hindi natin ginagamit ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Hindi mahirap ang maging ganap sa pag-iwas sa ugaling panunumpa o pagmumura, dahil kapag itinikom ng isang tao ang kanyang bibig laban sa masasamang salita at panunumpa, siya ay patungo na sa pagiging perpekto sa bagay na iyon.
Ngunit hindi nagwawakas doon ang ating responsibilidad. Iyon ay pag-iwas lamang na magkasala. Para makagawa ng kabutihan, dapat nating banggitin ang pangalan ng Panginoon nang may pagpipitagan at kabanalan sa ating mga panalangin, pagsasalita, at pakikipag-usap. …
Ginawang perpekto ni Jesus ang kanyang buhay at naging ating Cristo. Pinadanak ang napakahalagang dugo ng isang diyos, at naging Tagapagligtas natin siya; ibinuwis ang perpektong buhay niya, at naging Manunubos natin siya; makababalik tayo sa ating Ama sa Langit dahil sa kanyang pagbabayad-sala, subalit walang pakialam, walang pagpapahalaga ang karamihan sa mga nakikinabang! Ang kawalan ng utang-na-loob ay kasalanan na noon pa man.
Napakaraming nagpapahayag ng paniniwala sa kanya at sa kanyang mga gawain, subalit kakaunti ang gumagalang sa kanya. Milyun-milyon sa atin ang nagsasabing tayo ay Kristiyano, subalit bihira tayong lumuhod sa pasasalamat sa pinakamahalaga niyang regalo, ang kanyang buhay.
Muli nating ilaan ang ating sarili sa mapitagang pag-uugali, sa pasasalamat sa ating Panginoon para sa walang-kapantay niyang sakripisyo. Tandaan natin ang makabagong utos, “Kaya nga, ang lahat ng tao ay mag-ingat kung paano nila sinasambit ang aking pangalan sa kanilang mga labi” (D at T 63:61).6
Dapat maging mga lugar ng pagpipitagan ang mga templo, meetinghouse, at tahanan.
Sa isa pang napakahalagang aspeto, nagbilin ang Panginoon sa pamamagitan ng makabagong paghahayag na dapat tayong lubos na magbigay-pitagan sa kanyang banal na tahanan. Sa mahalagang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith na kilala bilang panalangin sa dedikasyon ng Kirtland Temple, itinagubilin na ito, tulad ng iba pang mga banal na templong itinayo para sa Panginoon, ay dapat maging lugar ng pagpipitagan sa Kanya. (Tingnan sa D at T 109:13, 16–21.)
Sa tunay na kahulugan, ang sinabi tungkol sa mga banal na templo ng Simbahan ay nararapat sa lahat ng “bahay ng Panginoon,” maging ito man ay meetinghouse o anumang lugar na sambahan ng mga Banal, o sa katunayan, ang alinmang tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw.7
Sa mga Banal sa mga Huling Araw ang kapilya ay hindi taguan o selda sa isang katedral, hindi lugar na may mga altar na ginto at mamahaling bato. Iyon ay lugar na hindi marangya o pasikat, walang mga estatwa at karaniwan ay walang mga larawan, simple at payak ang dekorasyon, malinis at maliwanag at mapitagan. Iyon ay lugar kung saan nakaupo nang maayos ang mga tao, sa tunay na kapatiran, kung saan itinuturo ang mga leksyon, kumakanta ang mga koro, nagdarasal at nangangaral ang mga miyembro, at lahat ay natututo at nakatatanggap ng inspirasyon—at kung saan bata’t matanda ay tumatanggap ng sakrament. Dito hinuhutok at ipinamumuhay ang kaisipan at gawi, at dito umuusbong, sumisigla, at napapabanal ang pananampalataya.
Ang kapilya ay hindi inilaan para sa balatkayong kabanalan kung saan may nangakasimangot, matitigas ang leeg, o malamig at hungkag ang katahimikan, gayunman ang pagpipitagan sa mga banal na lugar, sagradong layunin, at mga banal na katauhan ay dapat laging matagpuan doon.8
Mapitagan ba tayo? Nagpapakita ba ng pagpipitagan sa ating Tagapaglikha ang ating mga kilos sa tahanan at simbahan?
Kung minsan ay nagtataka kami. Dumadalo kami sa mga sakrament miting at kumperensya kung saan pagala-gala ang mga bata sa pasilyo. Sa oras ng miting, napapansin naming nag-uusap ang matatandang magkakatabi, natutulog ang mga tao, at nagkukumpulan ang mga kabataan sa may bukana ng kapilya. Nakikita namin ang mga pamilyang nahuhuli ng dating at maingay na nagsisiupo, at mga grupong malakas ang pag-uusap sa kapilya pagkatapos ng miting.
Nag-aalala kami sa mga investigator, kaibigan, at mga taong mahina pa ang patotoo at nagsisimula pa lang tumatag. Mabisa bang kasangkapan ng misyonero ang mga miting natin, kung saan ang Espiritu ng Panginoon ang namamayani at umaantig sa mga puso? O para lang madama ang Espiritu ay kailangan pa muna nating alisin ang mga walang kabuluhang sagabal?9
Ang taong dakila ay mapitagan. Mangingimi siya sa isang bahay-sambahan kahit nag-iisa siya roon. Walang kongregasyong nakatipon nang utusan ng Panginoon si Moises: “Hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka’t ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa!” [Tingnan sa Exodo 3:5.] Dapat planuhing mabuti ng mga namumunong opisyal na walang bulungang maririnig o makikita sa harapan. Dapat sanayin at disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak at tabihan sila sa upuan (maliban kung may namamahala sa bawat klase). Dapat sanayin ang mga usher na tahimik na paupuin ang mga tao nang walang gaanong ingay. Dapat dumating nang maaga ang mga dadalo, magbatian sa mahinang boses, bagalan ang kanilang hakbang, maupo sa bandang harapan, at tahimik na umupo na nagninilay-nilay. Lahat ay dapat lubos na makilahok hangga’t maaari—sabayan ang pagkanta, sabayan ang pagdarasal, makibahagi ng sakrament nang may taos na pasasalamat at muling ilaan ang sarili sa mga tipang ginawa noon. May pagkakataon tayong dinggin nang may pagpapahalaga ang mga leksyong itinuturo, mga sermon na ipinangangaral at mga patotoong ibinabahagi, nang hindi hinahatulan ang kahusayan kundi ang katapatan ng nagsasalita. Narito ang pagkakataong lubos na matuto mula sa magagaling, dahil ang pinakamapakumbabang guro o tagapagsalita ay magbabahagi ng kaisipang malilinang. Pagpasok natin nang tahimik sa pintuan ng kapilya matatalikuran natin ang lahat ng kapintasan, problema, at alalahanin—lahat ng plano sa trabaho, pulitika, lipunan, at libangan—at mahinahong ituon ang sarili sa pagninilay-nilay at pagsamba. Makababahagi tayo sa espirituwal na kapaligiran. Mailalaan natin ang ating sarili sa pagkatuto, pagsisisi, pagpapatawad, pagpapatotoo, pasasalamat, at pagmamahal.10
Ang pagpipitagan ay nagsisimula sa tahanan.
Kung gayon, saan nagsisimula ang pagpipitagan, at paano tayo magkakaroon nito?
Ang tahanan ang susi sa pagiging mapitagan, tulad ng iba pang makadiyos na pag-uugali.
Hayaan ninyong bigyang-diin ko ang kahalagahan ng pagtuturo ng pagdarasal sa mga bata. Sa mga pansariling panalangin at sa panalangin ng pamilya natututo ang mga batang musmos na magyuko ng ulo, humalukipkip, at ipikit ang mga mata habang nagdarasal sa ating Ama sa Langit. Sa pag-uugaling natutuhan sa tahanan nakukuha ang pag-uugali sa mga miting sa Simbahan. Agad nauunawaan ng batang natutong manalangin sa tahanan na dapat siyang tumahimik at pumayapa kapag nagdarasal sa mga miting sa simbahan.
Gayundin, kapag lagi tayong nagdaraos ng family home evening sa bahay, alam ng mga bata na may mga espesyal na oras, hindi lang sa simbahan kundi pati sa tahanan, kung kailan natututo tayo tungkol sa ating Ama sa Langit at lahat ay dapat magpakabait nang husto.
Natutuwa sa musika ang mga bata. Ang mga himnong madalas kantahin sa simbahan ay makakanta rin sa tahanan. Lalong makikinabang ang mga batang paslit kung tutulungan sila ng mga magulang na matutuhan ang mga simpleng himno sa bahay. Sa gayon, masasabik kumanta ang mga bata sa sakrament at sa iba pang mga miting.
Siyempre pa, dapat dumalo ang mga magulang sa mga miting tuwing linggo kasama ang kanilang mga anak.
Dapat magtulungan ang mag-asawa para tiyaking maging masaya ang karanasan ng pamilya sa paghahanda para sa mga miting. Ang pagmamadaling ipunin ang mga bata, magbihis, at magmadaling pumunta sa miting ay nakasisira sa pagpipitagan.
Kapag laging ganito ang pamilya lagi silang mahuhuli sa simbahan, at madalas ay may maaanghang na salitang nakasasakit ng damdamin, at madalas mayamot at di mapakali ang mga bata sa miting. Mas mapitagan ang pamilyang maagang naghahanda para sa mga miting, dumarating sa kapilya bago magsimula ang miting, at tabi-tabing nauupo upang makinig sa pambungad na musika at alisin sa isipan nila ang mga makamundong problema.
Kung minsan ay nahihirapan ang mga magulang na may maliliit na anak na tulungan ang mga anak nila na pahalagahan ang mga miting at bawalan silang mag-ingay o manggulo. Ang pagtitiyaga, paghihigpit, at paghahanda sa tahanan ay mahahalagang sangkap sa tagumpay. Kung nalilito sila kung paano didisiplinahin ang mga anak sa simbahan, mahihingan ng payo ng mga batang magulang ang mas may karanasan ng mag-asawa sa ward.
Kadalasan, bago at pagkatapos magmiting, nagkukumpulan sa kapilya ang mga miyembro para magkumustahan. Ang bahagyang kawalang-pitagang ito ay hindi sinasadya dahil mahilig tayong makipagkaibigan at magandang pagkakataon ang Sabbath para magkuwentuhan, makihalubilo, at makipagkilala. Dapat maging halimbawa ang mga magulang sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pakikipag-uusap sa pasilyo o sa iba pang bahagi sa labas ng kapilya bago at pagkatapos ng mga miting. Pagkatapos ng miting, makatutulong ang mga magulang sa pagdadala sa tahanan ng nadamang diwa sa miting sa pamamagitan ng pagtalakay sa bahay ng isang kaisipan, isang bilang na musikal, o iba pang magandang bahagi ng miting sa kanilang mga anak.11
Maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba ang halimbawa ng ating pagpipitagan.
Natalakay na natin ang kahalagahan ng pagpipitagan at nasuri ang ilang kahulugan nito. Nagbigay na rin tayo ng ilang mungkahi tungkol sa pagtataguyod ng pagpipitagan sa bahay at sa simbahan. Gayunman, ang tunay na pagbabago sa kilos ng mga tao ay darating kapag sama-samang nagsisikap ang mga lokal na lider at pamilya sa paglutas sa kanilang mga problema tungkol sa pagpipitagan. Nakikinita natin ang pagsisikap ng buong Simbahan na dagdagan pa ang pagpipitagan. …
Ang tunay na pagpipitagan ay napakahalagang katangian, ngunit mabilis itong maglaho sa mundo sa paglaganap ng impluwensya ng kasamaan. Hindi natin lubos na maunawaan ang kapangyarihan nating gumawa ng kabutihan kung milyunmilyong miyembro ng totoong simbahan ni Cristo ang magsisilbing halimbawa ng pagpipitagan. Hindi natin mawawari ang marami pang buhay na maiimpluwensyahan natin. At siguro higit sa lahat, hindi natin nakikinita ang malaking espirituwal na epekto sa ating pamilya kung magiging mapitagan talaga tayo tulad ng dapat mangyari.12
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Rebyuhin ang mga halimbawa ng pagpipitagan sa mga pahina 185–187. Ano ang iminumungkahi ng dalawang kuwentong ito tungkol sa kahulugan ng pagkamapitagan? Anong mga halimbawa ng pagpipitagan ang napansin ninyo sa inyong buhay? Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga karanasang ito?
-
Rebyuhin ang unang apat na talata sa pahina 187, na hinahanap ang mga turo ni Pangulong Kimball tungkol sa kung ano ang mapitagan at hindi mapitagan. Bakit dapat maging “pinakamapitagang mga tao sa buong mundo” ang mga Banal sa mga Huling Araw?
-
Sa palagay ninyo paano tayo dapat tumugon kapag naririnig natin ang isang tao na nilalapastangan ang pangalan ng Panginoon? Ano ang natutuhan ninyo sa halimbawa ni Pangulong Kimball? (Tingnan sa pahina 188.) Ano ang magagawa natin upang igalang ang pangalan ng Panginoon?
-
Rebyuhin ang mga pahina 190–193, na hinahanap ang mapitagan at di-mapitagang mga kilos at pag-uugali. Sa anong mga paraan tayo personal na naiimpluwensyahan ng mga kilos at pag-uugaling iyon? Paano kaya maiimpluwensyahan ng mga ito ang ating pamilya at ang iba? Isipin kung ano ang magagawa ninyo at ng inyong pamilya para maging mapitagan sa simbahan.
-
Sa palagay ninyo ano ang magagawa ng mga magulang sa bahay para gustuhin ng kanilang mga anak na maging mapitagan sa sakrament miting? sa iba pang mga miting at aktibidad ng Simbahan? (Tingnan ang mga halimbawa sa mga pahina 193–195.)
-
Pag-aralan ang huling dalawang talata sa kabanata (pahina 195). Sa anong mga paraan kaya maiimpluwensyahan ng higit nating kapitagan ang ating pamilya? ang ating komunidad?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Hari 6:1, 7; Mateo 21:12–14; Alma 37:14–16; D at T 63:61–62, 64