Kabanata 14
“Huwag Kang Magkakaroon ng Ibang mga Dios sa Harap Ko”
Dapat nating unahin ang Panginoon at ang Kanyang layunin at iwasang sumamba sa mga diyus-diyusan.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Pinayuhan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang mga Banal sa mga Huling Araw na unahin ang Panginoon sa kanilang buhay at huwag ituon ang kanilang puso sa mga makamundong bagay. Itinuro niya na kapag inuuna natin ang mga bagay na tulad ng mga materyal na ari-arian, negosyo, libangan, at kabantugan kaysa sa Panginoon, sinasamba natin ang mga diyus-diyusan. Binigyangdiin niya na kasama sa mga diyus-diyusan o idolo “ang lahat ng nagpapalayo sa tao sa tungkulin, katapatan, at pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.”1
Buong-pusong katapatan sa Panginoon ang saligan sa buhay ni Pangulong Kimball at ng kanyang mga magulang. Sa mga huling taon ng 1890s, noong bata pa si Spencer, tinawag ang tatay niyang si Andrew bilang stake president sa timog-silangang Arizona. Hindi madali para sa pamilyang Kimball ang lisanin ang maginhawang pamumuhay sa Salt Lake City upang mamuhay sa hangganan ng disyerto, ngunit para kay Andrew Kimball “iisa lang ang sagot at iyon ay ang humayo.”2
Ilang taon ang lumipas, gayon din ang ipinakitang katapatan sa Panginoon ni Spencer W. Kimball nang tawagin siyang pangalawang tagapayo sa stake presidency. Sila ng asawa niyang si Camilla ay “nag-usap tungkol sa pagbalik niya sa kolehiyo para maging accountant o guro,” pero kailangan niyang isantabi ang mga planong iyon kapag tinanggap niya ang tungkulin sa Simbahan.3
Nang iorden si Pangulong Kimball bilang Apostol, pinagtibay ng payo sa kanya ni Pangulong Heber J. Grant ang alituntuning unahin ang Panginoon at ang Kanyang kaharian: “Ituon ang puso mo sa paglilingkod sa Panginoon mong Diyos. Mula sa sandaling ito mismo magpasiyang unahin ang layunin at gawaing ito sa lahat ng iyong iniisip.”4
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Kapag minahal natin at pinagtiwalaan ang anuman nang higit kaysa sa Panginoon, sinasamba natin ang ating sariling mga diyus-diyusan.
Sa pag-aaral ko ng sinaunang banal na kasulatan, lalo’t higit akong nakukumbinsi na may kabuluhan ang katotohanan na ang utos na “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” ang una sa Sampung Utos.
Iilang tao ang sadya at kusang nagpasiyang tanggihan ang Diyos at kanyang mga pagpapala. Bagkus, natututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan na dahil mukhang mas mahirap manalig kaysa umasa sa mga bagay na madaling makuha, nahilig ang makamundong tao na ibaling sa mga materyal na bagay ang tiwala niya sa Diyos. Samakatuwid, sa buong panahong napailalim ang tao sa kapangyarihan ni Satanas at nawalan ng pananampalataya, umasa sila sa “kamay na laman” at sa “mga diyos ng pilak, at ginto, ng tanso, bakal, kahoy, at bato, na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakaalam” (Dan. 5:23)—ibig sabihin ay sa mga diyus-diyusan. Sa tingin ko ito ang nananaig na tema sa Lumang Tipan. Anumang bagay ang ganap na pagtuunan ng puso at tiwala ng tao ay kanyang diyos; at kung hindi man ang totoo at buhay na Diyos ng Israel ang kanyang diyos, sumasamba ang taong iyon sa diyus-diyusan.
Matatag ang paniniwala ko na kapag binasa natin ang mga banal na kasulatang ito at sinikap na “ihalintulad yaon sa [ating] sarili,” gaya ng mungkahi ni Nephi (1 Ne. 19:24), marami tayong makikitang pagkakatulad ng sinaunang pagsamba sa mga imaheng inanyuan at ng mga huwaran sa paguugali sa sarili nating karanasan.5
Ang pagsamba sa diyus-diyusan ay isa sa pinakamabibigat na kasalanan. …
Ang mga makabagong idolo o diyus-diyusan ay maaaring nasa kaanyuan ng mga damit, tahanan, negosyo, makina, sasakyan, mga bangka na gamit sa paglilibang, at maraming iba pang bagay sa mundo na naglalayo sa atin sa landas na patungo sa pagiging diyos. …
Ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan ay madali ring maging mga diyus-diyusan sa atin. Ang mga digri sa unibersidad at gantimpala … at titulo … ay maaaring maging mga diyus-diyusan. …
Maraming tao ang inuuna muna ang pagbili at pagkumpleto ng kasangkapan sa tahanan at pagbili ng sasakyan—at saka matutuklasang “hindi nila kayang magbayad” ng ikapu. Sino ang kanilang sinasamba? Tiyak na hindi ang Panginoon ng langit at lupa. …
Marami ang sumasamba sa [pangangaso], pangingisda, pagbabakasyon, lingguhang pagpipiknik at paglilibot. Ang [sinasamba] naman ng iba ay ang mga larong pampalakasan, baseball, football, bullfight, o golf. …
Ang isa pang imahen na sinasamba ng mga tao ay ang kapangyarihan at katanyagan. … Ang mga diyus-diyusang ito ng kapangyarihan, kayamanan, at impluwensya ay gumugugol ng marami sa ating oras at katulad na katulad ng mga gintong guya ng mga anak ni Israel sa ilang.6
Madali tayong tablan ng impluwensya ni Satanas kapag tayo ay makamundo.
Sa kabila ng ating malaking katuwaan sa paglalarawan sa ating sarili bilang makabago, at ng pag-iisip na nagtataglay tayo ng kaalaman [ng mundo] na hindi tinaglay ng mga tao noong nakalipas na panahon—sa kabila ng mga bagay na ito, tayo, sa kabuuan, ay mga mapangalunyang tao—isang katayuang lubhang karumaldumal sa Panginoon.7
Naaalala ko ang artikulong nabasa ilang taon na ang nakalipas tungkol sa isang grupo ng mga lalaking nagtungo sa gubat para manghuli ng mga unggoy. Sinubukan nila ang ilang iba’t ibang paraan sa paghuli ng mga unggoy, pati na mga lambat. Ngunit dahil masasaktan sa lambat ang gayon kaliliit na nilikha, sa huli ay nakaisip sila ng magandang solusyon. Gumawa sila ng maraming maliliit na kahon, at binutasan ang ibabaw ng bawat isa na sapat ang laki para maipasok ng unggoy ang kamay nito. At saka nila inilagay ang mga kahong ito sa ilalim ng mga puno at nilagyan ang bawat isa ng pagkaing kinahihiligan ng mga unggoy.
Pag-alis ng mga lalaki, nagbabaan na ang mga unggoy mula sa mga puno at sinuri ang mga kahon. Nang makitang may makukuhang mga pagkain, dumakot sila sa loob ng mga kahon para kunin ito. Pero nang tangkaing hatakin ng isang unggoy ang kamay niyang may hawak ng pagkain, hindi niya ito mailabas sa kahon dahil ang maliit niyang kamay, na may pagkain, ay napakalaki na.
Sa oras na ito, lalabas na ang mga lalaking nakatago sa mga halaman at dadakmain ang mga unggoy. At ito ang nakapagtataka: Kapag nakita na ng mga unggoy ang pagdating ng mga lalaki, nagtititili sila at nagkakagulo sa kagustuhang makatakas; pero madali lang sana kung bibitawan nila ang pagkain para mahatak nila ang mga kamay nila mula sa mga kahon at makatakas. Madali silang nahuli ng mga lalaki.
At parang madalas mangyari iyon sa mga tao, na mahigpit ang kapit sa mga bagay ng mundo—yaong bagay na telestiyal—kaya walang paghimok at pagmamadaling makatutulak sa kanila para bumitaw alang-alang sa bagay na selestiyal. Madali silang masunggaban ni Satanas. Kung pipilitin nating gugulin ang lahat ng oras at kabuhayan natin sa pagtatatag ng makamundong kaharian para sa atin, iyan mismo ang ating mamanahin.8
Kaysa ituon ang ating puso sa mga makamundong bagay, dapat nating gamitin ang ating kabuhayan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos.
Ang pagkakaroon ng kayamanan ay hindi [naman talaga] kasalanan. Ngunit [maaaring magkasala] sa paglikom at paggamit ng kayamanan. …
Ang kasaysayan ng Aklat ni Mormon ay malinaw na nagpakita ng mapanirang bunga ng pagnanasa sa kayamanan. Tuwing nagpapakabait ang mga tao, umuunlad sila. At nauwi ang pag-unlad sa pagyaman, pagyaman sa pag-ibig sa kayamanan, hanggang sa ibigin nila ang ginhawa at luho. Nawala ang kanilang espirituwalidad, at lubhang nagkasala at naging masama, at muntik nang mapatay ng kanilang mga kaaway. … Kung ginamit lamang ng mga tao ang kanilang kayamanan para sa mabubuting layunin, nagtamasa sana sila ng tuluy-tuloy na kasaganaan.9
Bilang isang lahi, biniyayaan tayo ng Panginoon ng kaunlarang hindi napantayan noong araw. Ang mga bagay na sakop ng ating kapangyarihan ay mabubuti, at kailangan sa gawain natin dito sa lupa. Pero natatakot ako na marami sa atin ang sagana sa mga langkay at kawan at lupain at kamalig at kayamanan at nagsimulang sambahin ang mga ito bilang mga diyus-diyusan, at kontrolado nila tayo. … Limot na ang katotohanan na tungkulin nating gamitin ang mga ito sa ating mga pamilya at korum upang itatag ang kaharian ng Diyos—upang isulong ang pagsisikap ng mga misyonero at gawain sa genealogy at templo; upang mapalaki ang ating mga anak bilang makabuluhang mga alagad ng Panginoon; upang mapagpala ang iba sa lahat ng paraan, nang sila man ay maging makabuluhan. Sa halip, inuubos natin ang mga pagpapalang ito sa sarili nating mga hangarin, at tulad ng sabi ni Moroni, “Pinalalamutian [ninyo] ang inyong sarili ng yaong walang buhay, gayon man ay pinahihintulutan ang nagugutom at ang nangangailangan, at ang hubad, at ang may karamdaman at ang naghihirap na dumaraan sa harapan ninyo nang hindi sila pinapansin.” (Morm. 8:39.)
Sabi nga ng Panginoon mismo sa ating panahon, “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan, na naluluma at masasawi sa Babilonia, maging ang Babilonia na makapangyarihan ay babagsak.” (D at T 1:16; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)10
Sabi ng Panginoon, “… hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33.) Gayunman, napakadalas nating gustong unahin ang “mga bagay.”11
Marahil wala ang kasalanan sa “mga bagay” kundi sa ating paguugali at pagsamba sa “mga bagay.” Maliban kung talagang makaipon at yumaman ang isang taong sakim habang nananatiling tapat sa Diyos at sa kanyang programa—maliban kung mapanatiling banal ng mayaman ang Sabbath, mapanatiling dalisay ang kanyang katawan at espiritu, at maglingkod nang bukas-palad sa kanyang kapwa sa takdang paraan ng Diyos—maliban kung may ganap na pagpipigil ang mayaman at gamitin ang lahat ng kanyang pag-aari sa kapakinabangan ng iba, ayon sa panawagan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga awtorisado niyang tagapaglingkod, kung gayon ang taong iyon, para sa kabutihan ng kanyang kaluluwa, ay dapat talagang “humayo [at] ipagbili ang tinatangkilik [niya], at ibigay [niya] sa mga dukha, … at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” (Mateo 19:21.)
“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.” (Mateo 6:21.)12
Ang mga pagpapalang natatanggap natin sa paglilingkod sa Panginoon ay lalong higit pa sa mga gantimpalang alay ng mundo.
Isang lalaking kilala ko ang natawag sa isang posisyon sa Simbahan, pero pakiramdam niya ay hindi niya ito matatanggap dahil mas kailangan ng mga negosyo niya ang kanyang pansin at oras kaysa gusto niyang gugulin sa gawain ng Panginoon. Iniwan niya ang paglilingkod sa Panginoon sa paghahanap ng Kayamanan, at milyonaryo na siya ngayon.
Pero kamakailan lang ay may natutuhan akong nakatutuwang bagay: Kung ang isang lalaki ay may gintong nagkakahalaga ng isang milyong dolyar ayon sa presyo ngayon, kanya ang mga 27-bilyong bahagi ng lahat ng ginto sa balat ng lupa pa lang. Napakaliit ng halagang ito para hindi sukat paniwalaan ng tao. Pero may higit pa rito: Ang Panginoong lumikha at may kapangyarihan sa buong daigdig ay naglalang ng maraming iba pang daigdig, maging “mga daigdig na di mabilang” (Moises 1:33); at nang matanggap ng lalaking ito ang sumpa at tipan ng priesthood (D at T 84:33–44), natanggap niya ang pangakong “lahat ng mayroon ang aking Ama” mula sa Panginoon (t. 38). Malaking pagkakamali ang isantabi ang lahat ng dakilang pangakong ito alang-alang sa ginto at makamundong seguridad nang dahil sa kawalan ng kaalaman. Nakalulungkot at nakakaawa talagang isipin na nagkasya na lang siya sa napakaliit na bagay; higit na mahalaga ang mga kaluluwa ng tao kaysa rito.
Sumagot ang isang kabataang lalaki, nang matawag sa misyon, na wala siyang talento para sa gayong klaseng bagay. Magaling siyang mag-alaga at magkumpuni ng bago niyang kotseng matulin. Natutuwa siya sa puwersa at tulin nito, at kapag nagmamaneho siya, akala niya ay talagang may nararating nga siya sa tuluy-tuloy na takbo nito.
Sa lahat ng ito, kuntento na ang tatay niya sa pagsasabing, “Gusto niyang gumawa ng kung anu-ano. Sapat na iyon sa kanya.”
Sapat na para sa isang anak ng Diyos? Hindi alam ng kabataang ito na ang puwersa ng kotse niya ay napakaliit kumpara sa puwersa ng dagat, o ng araw; at maraming araw, lahat ay kontrolado ng batas at ng priesthood, sa huli—isang kapangyarihan ng priesthood na napalakas sana niya sa paglilingkod sa Panginoon. Nakuntento siya sa isang kaawa-awang diyos, na yari sa bakal at goma at makintab na chrome.
Isang mag-asawang matanda na ang nagretiro na sa trabaho at dahil dito, pati na sa Simbahan. Bumili sila ng isang pickup at camper at, para makaiwas sa lahat ng obligasyon, nilibot ang mundo at nalugod sa kaunting naipon nila sa natitira pa nilang buhay. Wala silang panahon para sa templo, napakaabala nila para magsiyasat ng genealogy at magmisyon. Nawalan ng kontak ang lalaki sa korum ng mga high priest at madalas itong wala sa bahay para gawin ang personal niyang kasaysayan. Kailangang-kailangan ang karanasan at pamumuno nila sa kanilang branch, pero, dahil hindi sila “nakatiis hanggang wakas,” hindi sila mahagilap.13
Dapat nating mahalin at sundin ang Panginoon nang buong puso.
Hindi sapat na kilalanin natin ang Panginoon bilang kataastaasan at iwasang sumamba sa mga diyus-diyusan; dapat nating mahalin ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas. Dapat natin siyang igalang at sundin para magkaroon ng buhay na walang hanggan. Galak na galak siya sa kabutihan ng kanyang mga anak!14
Maliwanag ang takdang-gawain natin: huwag magmithi ng mga makamundong bagay sa buhay; iwasang sumamba sa mga diyusdiyusan at sumulong nang may pananampalataya; ibahagi ang ebanghelyo sa ating mga kaaway, para hindi na nila tayo awayin.
Dapat nating iwasang sumamba sa mga makabagong diyusdiyusan at iwasang umasa sa “kamay na laman,” dahil sinabi ng Panginoon sa buong mundo sa ating panahon, “hindi ko paliligtasin ang sinumang mamamalagi sa Babilonia.” (D at T 64:24.)
Nang ipangaral ni Pedro ang mensaheng ito sa mga tao sa araw ng Pentecostes, marami sa kanila ang “nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?” (Mga Gawa 2:37.)
At sumagot si Pedro: “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang … Espiritu Santo.” (T. 38.)
…Ang aming mensahe ay katulad ng kay Pedro. At ang sinabi pa ng Panginoon mismo na “hahanggan sa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig:
“Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na.” (D at T 1:1–12.)
Naniniwala kami na ang paraan para makapaghanda ang bawat tao at pamilya ayon sa turo ng Panginoon ay magsimulang higit na sumampalataya, magsisi, at makilahok sa gawain ng kanyang kaharian sa lupa, na walang iba kundi Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mukhang mahirap sa simula, pero kapag naunawaan ng isang tao ang tunay na gawain, kapag bahagya niyang nakita ang kawalang-hanggan sa tunay na kahulugan nito, magiging mas mahalaga ang mga pagpapala kaysa pagtalikod sa “mundo.”15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Sa palagay mo bakit “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” ang una sa Sampung Utos?
-
Pag-isipan ang pahayag na ito: “Anumang bagay na ganap na pinagtutuunan ng puso at pagtitiwala ng tao ay kanyang diyos” (pahina 175). Anu-ano ang ilang diyus-diyusan sa mundo ngayon? (Tingnan sa mga halimbawa sa mga pahina 175–177.)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento ng mga bitag sa unggoy? (Tingnan sa mga pahina 177–178.) Ano ang isinasapalaran natin kung mahigpit ang kapit natin sa mga bagay ng mundong ito?
-
Rebyuhin ang mga pahina 178–179. Anu-ano ang ilang panganib ng pagiging mayaman? Sa anong mga paraan natin nararapat gamitin ang kabuhayang bigay sa atin ng Panginoon?
-
Rebyuhin ang mga kuwento sa mga pahina 180–181. Sa palagay ninyo bakit handang isakripisyo ng ilang tao ang mga pagpapala ng paglilingkod sa kaharian ng Panginoon? Ano ang dapat nating maging layunin kapag naglilingkod tayo?
-
Sa palagay ninyo ano ang kahulugan ng “mahalin ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas”? (pahina 182). Ano ang magagawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na mahalin ang Panginoon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Exodo 20:3–6; Mateo 6:24; 22:36–38; Colosas 3:1–5; 2 Nephi 9:30, 37; D at T 133:14