Kabanata 3
Jesucristo: Aking Tagapagligtas, Aking Panginoon
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan, at matatanggap natin ang lahat ng pagpapalang naging dahilan ng Kanyang pagkabuhay at pagkamatay para maibigay sa atin.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong bago pa lang siya bilang Apostol, tatlong beses na inatake sa puso si Elder Spencer W. Kimball sa loob lamang ng mga dalawang linggo. Makalipas ang halos pitong linggong pagpapagaling sa tahanan, “nagsimula siyang maghanap ng dahilan para makalaya sa nakaiinip na pagkakakulong niya sa bahay.” Inasikaso niya na magpagaling siya sa piling ng kanyang mahal na mga kaibigang Navajo sa estado ng New Mexico.1
“Isang umaga habang nagpapagaling siya, natuklasang wala si Elder Kimball sa kanyang higaan. Iniisip na baka naglakadlakad lang siya nang umagang iyon at babalik naman para magalmusal, nagpatuloy sa kanilang mga gawain ang mga nagbabantay sa kanya. Ngunit nang hindi pa siya nakakabalik nang bandang alas 10:00 n.u., nagsimula silang mag-alala. Sinimulan na ang paghahanap.
“Sa wakas ay natagpuan siya mga ilang milya ang layo sa ilalim ng isang pine tree. Nasa tabi niya ang kanyang Biblia, nakabuklat sa huling kabanata ng San Juan. Nakapikit ang kanyang mga mata, at nang lapitan siya ng mga naghahanap sa kanya hindi pa rin siya gumagalaw tulad nang una siyang makita.
“Ang nasisindak nilang mga tinig ang gumising sa kanya, gayunpaman, nang iangat niya ang kanyang ulo nakita nila ang mga bakas ng luha sa kanyang pisngi. Ganito ang kanyang sagot sa kanilang mga tanong, ‘[Limang] taon na ngayon ang nakararaan nang matawag akong Apostol ng Panginoong Jesucristo, at gusto ko lang gugulin ang araw na kapiling Siya na aking sinasaksihan.’ ”2
Nagpatotoo si Pangulong Kimball tungkol sa kabanalan ng Tagapagligtas “nang paulit-ulit.”3 Ipinahayag niya na: “Kahit gaano pa ang sabihin natin tungkol sa kanya, napakaliit pa rin nito.”4 At ang kabutihan ng pamumuhay ni Pangulong Kimball ay katumbas ng kapangyarihan ng kanyang patotoo. Napansin ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Si Pangulong Kimball ang tao ng Panginoon at wala nang iba. Ang pinakamatindi niyang mga mithiin ay maglingkod sa Panginoon, at ayaw niyang makompromiso ito dahil sa iba pang mga konsiderasyon.”5
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Higit pa sa isang dakilang guro, si Jesucristo ang Anak ng Diyos na buhay at ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Sa isyu kamakailan ng magasin na Time, isang tanyag na retiradong propesor sa isa sa ating malalaking unibersidad, ang narinig na nangangatwiran. Sinabi ng propesor na si Jesus ng Nazaret ay makatao; may dakilang kakayahan na magmahal; may kakaibang pang-unawa. Para sa kanya si Jesus ay may malaking malasakit sa mga tao, isang dakilang guro, isang mahusay na mandudula. Gaya ng tipikal na pangangatwiran, ipinaliwanag niya na si Lazaro ay hindi patay, kundi “… ‘ibinalik’ ni Jesus ‘sa dating kalusugan,’ ang kapangyarihan ng isipan at pagkatuto, at sa pamamagitan ng ‘paggagamot ng kasiglahang sagana sa kanyang pagkatao!’ ”
Gusto kong magpatotoo ngayon na si Jesus ay hindi lamang isang dakilang guro, na may malaking malasakit sa mga tao, at isang mahusay na mandudula, kundi tunay na Anak ng Diyos na Buhay, ang Manlilikha, ang Manunubos ng daigdig, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.6
Alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Alam ko iyan.7
Ipinahayag mismo ng Cristo na Siya ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ang Cristong Panginoon, ang simula at ang katapusan, ang Manunubos ng daigdig, si Jesus ang Cristo, ang makapangyarihan ng Israel, ang Manlilikha, ang Anak ng Diyos na Buhay, si Jehova.
Ipinahayag ng Amang Elohim na si Jesus ang Aking Bugtong na Anak, ang salita ng aking kapangyarihan. At mga dalawang ulit pa, sa binyag sa Jordan at pagkatapos sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, ipinahayag niya:
“Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod” (tingnan sa Marcos 1:11; Lucas 3:22) at sinabi na “ang mga daigdig ay ginawa niya: Ang mga tao ay ginawa niya: Lahat ng bagay ay ginawa niya, at sa pamamagitan niya at sa kanya.” [Tingnan sa D at T 93:10.]8
Kasama tayo ni Juan Bautista sa pagpapatotoo, na, nang makita niya ang Panginoon na papalapit sa kanya ay nagsabing: “… Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan.” (Juan 1:29.) Hindi lamang siya makatao, kundi ang Kordero ng Diyos.
Kasama tayo ni Natanael, isang Israelita na walang daya, sa pagpapatotoo: “… Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.” (Juan 1:49.) Hindi lamang siya isang dakilang guro, kundi ang mismong Anak ng Diyos.
Muli’y nagpapatotoo tayong kasama ni Juan, ang Iniibig, na nang makita si Jesus sa dalampasigan, ay nagsabi nang may katatagan, “Ang Panginoon nga!” [Tingnan sa Juan 21:7.] Hindi lang siya may matinding malasakit sa mga tao, kundi ang Panginoong Diyos ng kalangitan.
At kasama ni Simon Pedro, na, nang tanungin ng Panginoon, “Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako?” ay nagsabing, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay,” (Mat. 16:15, 16), at natanggap ang pahayag na ito mula sa Tagapagligtas: “… Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 16:17.)
At sa huli, kasama tayo sa pagpapatotoo ni Propetang Joseph Smith na handang ialay ang kanyang buhay para sa kanyang patotoo.9
Alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay at Siya’y ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang aking kaibigan, aking Tagapagligtas, aking Panginoon, at aking Diyos.10
Ang ministeryo ng Tagapagligtas ay hanggang sa mga kawalang hanggan—noon, ngayon, at sa hinaharap.
Gusto kong … magpatotoo na [si Jesucristo] ay hindi lamang nabuhay sa kalagitnaan ng panahon sa loob ng mga tatlumpu’t tatlong taon, kundi nabuhay na siya noon sa mga kawalanghanggan bago pa ito, at mabubuhay pa sa mga kawalanghanggan matapos ito; at pinatototohanan ko na hindi lamang siya ang nagtatag ng kaharian ng Diyos sa lupa, kundi siya ang Manlilikha ng daigdig na ito, ang Manunubos ng sangkatauhan.11
Si Jesucristo ang Diyos ng Lumang Tipan, at Siya ang nakipagusap noon kina Abraham at Moises. Siya ang nagbigay-inspirasyon kina Isaias at Jeremias; Siya ang nagpropesiya sa pamamagitan ng mga piling taong iyon tungkol sa mga magaganap sa hinaharap, maging hanggang sa pinakahuling araw at oras.12
Siya, si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, na ipinakilala sa mga namanghang tagapakinig sa Jordan (tingnan sa Mat. 3:13–17), sa banal na Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mat. 17:1–9), sa templo ng mga Nephita (tingnan sa 3 Ne. 11–26), at sa kakahuyan sa Palmyra, New York [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–25]; at ang taong nagpakilala ay walang iba kundi ang kanyang tunay na Ama, ang banal na Elohim, na siyang kawangis niya at kung kaninong kalooban ay sinunod niya.13
Alam kong buhay ang Panginoon at alam kong inihahayag niya ang kanyang isipan at kalooban sa atin sa araw-araw, para mabigyan tayo ng inspirasyon hinggil sa landas na dapat nating tahakin.14
Siya ang batong panulok. Siya ang pinuno ng kaharian—ito ang kanyang mga tagasunod—ito ang kanyang Simbahan—ito ang kanyang mga doktrina at ordenansa—ito ang kanyang mga kautusan.15
Inaasam natin ngayon ang kanyang ikalawang pagparito gaya ng ipinangako niya. Ang pangakong ito ay literal na matutupad tulad ng marami niyang mga pangako, at pansamantala, pinupuri natin ang kanyang banal na pangalan at pinaglilingkuran siya, at nagpapatotoo sa kabanalan ng kanyang misyon, kasama ang mga propeta ng iba’t ibang henerasyon! …
Alam ko na si Jesus, sa mga kawalang-hanggan noon at sa hinaharap, ang siyang Manlilikha, ang Manunubos, ang Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos.16
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inililigtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa mga epekto ng Pagkahulog at inililigtas ang mga nagsisisi mula sa sariling mga kasalanan.
Minamahal kong mga kapatid, buhay ang Diyos, at pinatototohanan ko ito. Si Jesucristo ay buhay, at siya ang may-akda ng tunay na landas ng buhay at kaligtasan.
Ito ang mensahe ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang pinakamahalagang mensahe sa daigdig ngayon. Si Jesucristo ang anak ng Diyos. Pinili siya ng Ama na maging Tagapagligtas ng mundong ito.17
Nang sadya at buong talinong kainin ni Adan ang ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden, ipinamana niya sa ating lahat, na kanyang mga inapo, ang dalawang kamatayan—ang pisikal o “mortal na kamatayan,” at ang kamatayang espirituwal o pagkapalayas mula sa harapan ng Panginoon.18
Sa banal na plano ng Diyos, naglaan ng isang manunubos na kakalag sa mga gapos ng kamatayan at, sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli, magiging posible ang muling pagsasanib ng mga espiritu at katawan ng lahat ng taong nabuhay sa mundo.
Si Jesus ng Nazaret ang taong, bago pa malikha ang mundo ay piniling pumarito sa lupa para magsagawa ng serbisyong ito, para madaig ang mortal na kamatayan. Ang boluntaryong hakbang na ito ang tutubos sa pagkahulog nina Adan at Eva at magpapahintulot sa espiritu ng tao na mabawi ang kanyang katawan, upang sa gayon ay muling magsanib ang katawan at espiritu.19
Ang pagkabuhay na muling ito ay gawain ni Jesucristo, ang Tagapagligtas, na, dahil kapwa siya mortal (anak ni Maria) at banal (Anak ng Diyos), ay nagawang daigin ang mga kapangyarihang namamayani sa laman. Talagang ibinigay niya ang kanyang buhay at literal na ibinangon itong muli bilang “pangunahing bunga,” na susundan ng bawat kaluluwang nabuhay [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22–23]. Dahil Siya’y diyos, ibinigay niya ang kanyang buhay. Walang makakukuha nito mula sa kanya. Nagkaroon siya, dahil sa ganap niyang nadaig ang lahat ng bagay, ng kapangyarihang ibalik muli ang kanyang buhay. Kamatayan ang kanyang huling kaaway, at kahit iyon ay nadaig niya at napasimulan ang pagkabuhay na muli.20
Dahil ipinagkaloob ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak kung kaya’t lahat ng tao—noon, ngayon, at sa hinaharap—ay makakapiling Siyang muli na Ama ng ating mga espiritu. Ngunit para makatiyak na mangyayari iyon, kinailangan munang pumarito sa lupa si Jesus at magkaroon ng katawan para ituro sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa ang tamang landas sa buhay at pagkatapos ay kusang ibigay ang Kanyang buhay at, sa ilang mahimalang paraan, tanggapin ang pasanin para sa mga kasalanan ng sangkatauhan.21
Ang pagkalinis mula sa kasalanan ay imposibleng mangyari kung hindi lubusang magsisisi ang isang tao at kung wala ang mabuting biyaya ng Panginoong Jesucristo sa kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Tanging sa mga paraang ito makababawi ang tao, gagaling at mahuhugasan at malilinis, at magiging marapat pa rin sa mga kaluwalhatian ng kawalang-hanggan. Tungkol sa dakilang papel ng Tagapagligtas sa bagay na ito, ipinaalala ni Helaman sa kanyang mga anak ang mga sinabi ni Haring Benjamin:
“… Walang ibang daan o pamamaraan man na ang tao ay maaaring maligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng pambayadsalang dugo ni Jesucristo, na siyang paparito; oo, pakatandaan na siya ay paparito upang tubusin ang sanlibutan.” (Hel. 5:9.)
At, kung gugunitain ang mga salita ni Amulek kay Zeezrom, binigyang-diin ni Helaman ang bahagi ng tao sa pagkakamit ng kapatawaran—pagsisisi mula sa kanyang mga kasalanan:
“… Sinabi niya sa kanya na tiyak na paparito ang Panginoon upang tubusin ang kanyang mga tao, subalit hindi siya darating upang tubusin sila sa kanilang mga kasalanan, kundi upang tubusin sila mula sa kanilang mga kasalanan.
“At may kapangyarihan siya na ibinigay sa kanya ng Ama upang sila ay tubusin mula sa kanilang mga kasalanan dahil sa pagsisisi. …” (Hel. 5:10–11. Idinagdag ang pagkahilig ng mga titik.)22
[Ang Tagapagligtas] ay namatay bilang kabayaran ng ating mga kasalanan upang mabuksan ang daan para sa ating pagkabuhay na muli, para ituro ang landas tungo sa pagiging ganap ng ating buhay, para ituro ang landas tungo sa kadakilaan. Namatay siya nang may layunin, at kusang-loob. Isinilang siya sa abang kalagayan, perpekto ang kanyang naging buhay, nakahihikayat ang kanyang halimbawa; ang kanyang kamatayan ang nagbukas ng mga pintuan, at inalay sa tao ang bawat mabuting kaloob at pagpapala.23
Para matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayadsala ng Tagapagligtas, kailangan nating makiisa sa Kanya.
Bawat kaluluwa ay may kalayaang pumili. Maaaring mapasakanya ang lahat ng pagpapalang naging sanhi ng pagsilang at pagkamatay ni Cristo. Ngunit ang pagkamatay at plano ni Cristo ay masasayang lahat at ang masama pa, mawawalan ng kabuluhan kung hindi natin sasamantalahin ang mga ito: “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” (D at T 19:16).
Ang Tagapagligtas ay naparito upang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang Kanyang pagsilang, pagkamatay, at pagkabuhay na muli ang nagsakatuparan sa una. Ngunit kailangan nating makiisa sa kanya para maisakatuparan ang pangalawa, upang makamtan ang buhay na walang hanggan.24
Kapag iniisip natin ang dakilang sakripisyo ng ating Panginoong Jesucristo at ang pagdurusang tiniis niya para sa atin, wala tayong utang-na-loob kung hindi natin ito pahahalagahan sa abot ng ating makakaya. Siya’y nagdusa at namatay para sa atin, gayunpaman kung hindi tayo magsisisi, lahat ng pagdadalamhati at paghihirap niya para sa atin ay walang-saysay.25
Ang kanyang pagdurusa noong una at habang nasa krus at ang kanyang dakilang sakripisyo ay kaunti o walang kabuluhan sa atin maliban kung ipamumuhay natin ang kanyang mga kautusan. Dahil sinabi niya:
“… bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46.)
“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15.)26
Ang mga taong nakakikilala sa Diyos at nagmamahal sa kanya at ipinamumuhay ang kanyang mga utos at sumusunod sa kanyang mga tunay na ordenansa ay makikita sa buhay na ito, o sa buhay na darating, ang kanyang mukha at malalaman na siya ay buhay at makikipag-usap sa kanila.27
Naniniwala tayo, at ito ang ating patotoo, at ipinapahayag natin sa mundo “na walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan” (Mosias 3:17).
Alam natin, at ito ang ating patotoo, at ipinapahayag din natin sa mundo na para maligtas ang tao ay kailangang “maniwala na ang kaligtasan ay dumating, at dumarating, at darating, sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan” (Mosias 3:18).
Kaya’t, tulad ni Nephi, “masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa. …
“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” (2 Ne. 25:23, 26; idinagdag ang pakahilig ng mga titik.)28
Nalulugod sa atin ang Panginoon kapag ipinamumuhay natin ang Kanyang ebanghelyo.
Parang nakikinita ko ang Panginoong Jesucristo [noong kanyang mortal na ministeryo,] na nakangiti habang nakatunghay sa kanyang matatapat na tao. …
…Sa palagay ko nakangiti ang Panginoong Jesucristo kapag tumitingin siya sa tahanan ng mga taong ito at nakikita silang nakaluhod na nagdarasal bilang pamilya sa araw at gabi, na kasama ring nagdarasal ang mga anak. Sa palagay ko nakangiti siya kapag nakikita niya ang mga batang mag-asawa, at ang matatanda, na may matinding pagtingin sa isa’t isa, at patuloy sa kanilang pagliligawan …, na patuloy na nagmamahalan nang buong kaluluwa nila hanggang kamatayan at pagkatapos ay lalo itong pinahahalagahan sa kawalang-hanggan.
Sa palagay ko nalulugod siya sa mga pamilyang nagsasakripisyo at nagbabahaginan. … Sa palagay ko nakangiti ang Panginoong Jesucristo kapag nakatunghay siya at nakikita [ang libu-libong] di-aktibo noong isang taon, ngunit maligaya ngayon sa kaharian. Marami sa kanila ang nakapasok na sa banal na templo ng Diyos at nakatanggap ng kanilang endowment at mga pagbubuklod, at may luha ng kagalakan na nagpapasalamat sa Panginoon para sa kanyang programa.
Parang nakikita ko ang mga luha ng kagalakan sa kanyang mga mata at ngiti sa kanyang mga labi habang nakikita niya ang … mga bagong kaluluwang lumapit sa kanya sa taon na ito, na naghayag sa kanyang pangalan, na lumusong sa mga tubig ng pagbibinyag, at sa tingin ko mahal din niya ang mga tumulong para magbalik-loob sila.
Nakikita ko siyang nakangiti kapag nakikita niya ang maraming tao na nakaluhod at nagsisisi, nagbabagong-buhay, ginagawang mas maliwanag at malinis ito, at higit na katulad ng kanilang Ama sa Langit at ng kanilang Kapatid na si Jesucristo.
Sa palagay ko natutuwa siya at nakangiti habang nakikita niyang inaayos ng mga kabataan ang kanilang buhay at pinoprotektahan at pinalalakas ang kanilang sarili laban sa mga kamalian ngayon. Sa palagay ko siya ang unang nalulungkot, at siguro natutuwa pagkatapos, kapag nakikita niya, gaya nang nangyari ilang araw na sa aking opisina, ang batang mag-asawa na nakagawa ng malaking pagkakamali at ngayon ay magkasama nang nakaluhod at mahigpit na magkahawak-kamay. Malamang na buong galak siyang nakangiti nang makita niya ang kanilang mga kaluluwa at nakitang nagbabago sila, habang tumutulo ang kanilang mga luha sa aking mga kamay na magiliw kong ipinatong sa kanilang kamay.
Ah, mahal ko ang Panginoong Jesucristo. Umaasa akong maipapakita ko sa kanya at maipamamalas ang aking katapatan at malasakit. Gusto kong mamuhay nang malapit sa kanya. Gusto kong maging katulad niya, at dalangin ko na tulungan tayong lahat ng Panginoon na maging tulad tayo ng sinabi niya sa kanyang mga disipulong Nephita, “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” at sinagot niya ang sarili niyang tanong sa pagsasabing, “Maging katulad ko.” (3 Nephi 27:27.)29
Ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa buhay na ito at sa darating na kawalang-hanggan.
Umaasa tayo kay Cristo dito at ngayon. Namatay siya para sa ating mga kasalanan. Dahil sa kanya at sa kanyang ebanghelyo, ang mga kasalanan natin ay nahugasan sa mga tubig ng pagbibinyag; ang kasalanan at kasamaan ay sinusunog tulad ng sa apoy; at nagiging malinis tayo, nagkakaroon ng malinis na konsiyensya, at nagkakaroon ng kapayapaang di masayod ng pagiisip. (Tingnan sa Fil. 4:7.)
Sa pagsunod sa mga batas ng kanyang ebanghelyo, nagkakaroon tayo ng temporal na pag-unlad at nananatiling malusog ang katawan at malakas ang isipan. Pinagpapala tayo ng ebanghelyo ngayon.
Ngunit ang ngayon ay isang butil lamang ng buhangin sa Sahara ng kawalang-hanggan. Umaasa rin tayo kay Cristo sa darating na kawalang-hanggan; kung hindi, tulad ng sabi ni Pablo, tayo’y magiging “sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag” (I Cor. 15:19).
Talagang napakalaki ng ating pagdurusa—at magiging gayon—kung walang pagkabuhay na muli! Magiging napakamiserable natin kung wala tayong pag-asa sa buhay na walang hanggan! Kung maglalaho ang ating pag-asa sa kaligtasan at gantimpala sa kawalang hanggan, siguradong magiging mas miserable tayo kaysa sa mga taong hindi kailanman nagkaroon ng gayong pag-asam.
“Datapuwa’t si Cristo nga’y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog” (I Cor. 15:20).
Ngayon ang mga epekto ng kanyang pagkabuhay na muli ay mapapasalahat ng tao, “sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Cor. 15:22).
Ngayon “kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit” (I Cor. 15:49).
Ngayon may ginawang kundisyon na “pagka itong may kasiraan … ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan … ay mabihisan ng walang kamatayan, kung gayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan” (I Cor. 15:54). …
Walang hanggan ang pag-asa natin kay Cristo. Alam nating ibinigay ang buhay na ito para makapaghanda tayo sa kawalang hanggan, “at yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (D at T 130:2).30
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Basahin ang kuwento sa mga pahina 27–28. Sa paanong mga paraan tayo mapapalapit sa Panginoon at “gugulin ang maghapon” sa Kanyang piling, tulad ng ginawa ni Pangulong Kimball?
-
Rebyuhin ang mga pahina 29–31, na hinahanap ang mga pangalan at katawagang ginamit ni Pangulong Kimball kay Jesucristo. Anong mga pangalan at katawagan kay Jesucristo ang may espesyal na kahulugan sa inyo at bakit? Paano ninyo sasagutin ang isang tao na nagsasabing si Jesus ay isang dakilang guro lamang?
-
Pag-isipang mabuti ang patotoo ni Pangulong Kimball tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa buhay bago tayo isinilang, sa buhay na ito, at sa kabilang-buhay (mga pahina 31–32). Isipin kung ano ang maaari ninyong gawin para mapalalim ang inyong patotoo tungkol sa misyon ng Tagapagligtas.
-
Pag-aralan ang mga pahina 32–35, na hinahanap ang mga dahilan kung bakit kailangan natin ng Tagapagligtas. Ano ang kaibhang nagawa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay?
-
Sa mga pahina 29–35, pinatototohanan ni Pangulong Kimball ang mga bagay na nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Sa mga pahina 35–38, nalalaman natin kung ano ang mga bagay na kailangan nating gawin para matanggap ang lahat ng pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala. Ano ang nadarama ninyo kapag ikinukumpara ninyo ang nagawa para sa atin ng Tagapagligtas sa ipinagagawa Niya sa atin?
-
Rebyuhin natin ang mga pananaw ni Pangulong Kimball tungkol sa kung paano tayo kalulugdan ng Panginoon (mga pahina 36–38). Isipin kung ano ang nadama ninyo nang malaman ninyong nalulugod ang Panginoon sa inyo.
-
Itinuro ni Pangulong Kimball na maaari tayong umasa kay Cristo ngayon at sa darating na kawalang hanggan (mga pahina 38–39). Paano nagbabago ang buhay ng mga tao kapag umaasa sila kay Cristo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 14:6, 21–23; 2 Nephi 9:5–13, 21–23; Moroni 7:41; 10:32–33; D at T 19:15–19