Kabanata 13
Pagsunod Dahil sa Pananampalataya sa Diyos
Makakatulong sa atin ang pananampalataya sa Panginoon na ipamuhay ang mga utos nang taos-puso at tumanggap ng di-mabilang na mga pagpapala.
Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball
Noong Marso 1972, si Spencer W. Kimball na Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol noon, ay nagkaroon ng malubhang sakit sa puso. Noong panahong iyon, isa sa mga doktor niya si Russell M. Nelson, na kalaunan ay naging miyembro ng Korum ng Labindalawa. Paggunita ni Elder Nelson:
“Nang humina ang puso ni Pangulong Kimball at nadama niyang malapit na siyang mamatay, nakipagpulong siya sa mga pangunahin niyang lider sa Simbahan, ang Unang Panguluhan. Para makuha ang hinihinging impormasyon sa paggagamot, inimbitahan niya ako at ang kanyang matapat na espesyalista sa puso na si Dr. Ernest L. Wilkinson.
“Pabulong na nagsimula si Pangulong Kimball, ‘Mamamatay na ako. Dama kong malapit na akong pumanaw. Sa bilis ng paghina ko ngayon naniniwala akong mga dalawang buwan na lang ako tatagal. Ngayon ay gusto kong ilahad ng doktor ko ang nasa isip niya.’
“Tiniyak ni Dr. Wilkinson ang nadarama ni Pangulong Kimball, at sinabing malamang na hindi na siya gagaling at mamamatay na sa lalong madaling panahon.
“Sa gayon ay tinawag ako at tinanong ni Pangulong Kimball bilang siruhano sa puso, ‘Ano ang magagawa ng operasyon?’
“Sinabi ko na ang isang operasyon, kung gagawin man, ay dalawang beses gagawin. Una, kailangang palitan ang balbula ng aorta. Ikalawa, dapat alisan ng bara ang isang mahalagang ugat ng puso sa isang bypass graft.
Pagkatapos ay itinanong ni Pangulong Harold B. Lee ng Unang Panguluhan ang mahalagang tanong, ‘Ano ang mga panganib kung gagawin iyan?’
“ ‘Hindi ko alam,’ sagot ko. ‘Sa isang lalaking pitumpu’t pitong taong gulang, mapanganib ang anuman sa mga operasyong ito. Pero napakadelikadong gawin ang dalawang ito sa taong mahina na ang puso kaya hindi na ipinapayo ang operasyon. …’
“Nang sumagot ang pagod nang si Pangulong Kimball na, ‘Matanda na ako at handa nang mamatay,’ sumingit si Pangulong Lee. Tumindig siya, ipinukpok ang kamao sa lamesa, at sinabi, sa kapangyarihan ng isang propeta, ‘Spencer, tinawag ka na! Hindi ka mamamatay! Gagawin mo ang lahat ng kailangan mong gawin para alagaan ang sarili mo at mabuhay.’
“Sumagot si Pangulong Kimball, ‘Kung gayon magpapaopera ako.’
“Sumailalim siya sa kumplikadong operasyon hindi dahil sinabi ng mga doktor niya na ligtas naman ito, kundi dahil masunurin siya sa payo ng Panginoon, na ipinahayag sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan—kahit delikado ito para sa kanya.
“Batid ng lahat ang kinahinatnan. Pinagpala siyang makaligtas sa operasyon na pumigil sa bilis ng kanyang paghina.”1
Sa pamamagitan ng halimbawa at payo niya sa mga Banal, itinuro ni Pangulong Kimball na pinagpapala tayo kapag nanalig tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban.
Mga Turo ni Spencer W. Kimball
Ginaganyak tayo ng tunay na pananampalataya na sundin ang kalooban ng Diyos.
Ang pagsampalataya ay kahandaang tumanggap nang walang buong regular na katibayan at sumulong at gumawa. “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” [Santiago 2:26] at ang patay na pananampalataya ay hindi makaaakay sa isang tao na magbagong-buhay o maglingkod nang buong giting. Ang tunay na pananampalataya ay nag-uudyok sa isang tao sa makabuluhan at kapaki-pakinabang na mga gawain na para bang nakatitiyak siya.2
Matatamasa ng isang tao ang mga pakinabang ng mga himala sa pisikal na mundo nang walang ganap na kaalaman sa mga alituntuning nakapailalim dito. Mapagliliwanag niya ang karimlan sa pagpindot sa isang buton at makababasa sa pinakamadilim na gabi. Hindi niya kailangang mag-imbento ng elektrisidad, ni malaman kung paano kakabitan ng mga kawad ang bahay. Pero kailangan niya ng sapat na pananampalataya upang makakuha ng mga ilawan at pananampalataya upang masindihan ito. Sa gayon ay tatanggap siya ng ilaw. … Maipipihit niya ang pihitan at malulugod sa matamis na musika mula sa malayo kahit hindi siya lumikha ng radyo o di ganap na maunawaan kung paano ito gamitin, ngunit hindi siya pagpapalain kahit kailan kung hindi niya ikakabit ang kanyang radyo sa elektrisidad, at ipipihit sa tama ang pihitan. Gayundin, tatanggap ang isang tao ng mga pagpapala at pagpapahayag, kung kanyang pagsisikapan. Pananampalatayang makikita sa panalangin at gawa ang susi para matanggap ang mga iyon.3
Nagdarasal tayo para maliwanagan, pagkatapos ay ibinubuhos ang lahat ng ating makakaya gamit ang ating mga aklat at isipan at kabutihan para matamo ang inspirasyon. Hiling natin ay katarungan, at ginagamit ang buong lakas natin upang kumilos nang buong talino at magkaroon ng karunungan. Ipinagdarasal nating magtagumpay sa ating gawain at pagkatapos ay nag-aaral tayong mabuti at nagpupunyagi sa abot ng ating makakaya para masagot ang ating mga dalangin. Kapag nagdasal tayo para sa kalusugan dapat nating ipamuhay ang mga batas ng kalusugan at gawin ang lahat ng kaya natin para manatiling malusog at masigla ang ating katawan. Nagdarasal tayo para sa proteksyon at nag-iingat para makaiwas sa panganib. Kailangang samahan ng gawa ang pananampalataya.4
Kailangan ang pananampalataya sa Diyos para malinis ng mga tao ang kanilang buhay; malimutan ang sarili sa paglilingkod sa kapwa at madaig ang lahat ng kahinaan ng laman; pananampalatayang maghahatid ng ganap na pagsisisi, na patuloy at aakay sa kanila sa binyag, priesthood, at mga ordenansa sa templo.5
Dito matatagpuan ang katalinuhan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na mga taong espirituwal lamang ang nakakakita. Sa ilalim ng mapagpalang mga batas ng ebanghelyo, lahat—mayaman o mahirap, edukado o mangmang—ay hinihikayat munang umunawa nang may pananampalataya at sa pagsisikap ay ipakita ang pananampalatayang iyon sa mas mataas at mas marangal na buhay.6
Ang pagsunod ayon sa pananampalataya ay hindi bulag na pagsunod.
Matalino at makabuluhan tayong sumusunod kapag kusa, mapagpakumbaba, at masaya nating sinusunod ang mga utos ng ating Panginoon.7
Sumunod! Makinig! Napakahirap ipagawa! Madalas nating marinig: “Walang puwedeng magsabi sa akin kung ano ang isusuot, kakainin o iinumin. Walang puwedeng magplano ng aking mga Sabbath, magbadyet ng aking kita, ni maglimita ng personal kong kalayaan sa anumang paraan! Gagawin ko ang gusto kong gawin! Hindi ako sumusunod nang pikit-mata!”
Pikit-matang pagsunod! Ang kitid ng pang-unawa nila! …
Kapag sinusunod ng mga tao ang mga utos ng isang maylikha, hindi ito pikit-matang pagsunod. Malaki ang pagkakaiba ng pagsukut-sukot ng isang alipin sa kanyang amo at ng kapita-pitagan at kusang pagsunod ng isang tao sa kanyang Diyos. Ang diktador ay ambisyoso, sakim, at may mga lihim na motibo. Bawat utos ng Diyos ay makatwiran, bawat tagubilin ay may layunin, at lahat ay para sa kabutihan ng nasasakupan. Ang una ay maaaring pikit-matang pagsunod, ngunit ang huli ay tiyak na pagsunod dahil sa pananampalataya. …
Pikit-matang pagsunod ba ang igalang ng isang tao ang karatulang “Mataas ang Boltahe—Lumayo [High Voltage—Keep Away]” o ito ba ay pagsunod dahil sa pananampalataya ayon sa pasiya ng mga dalubhasang nakaaalam sa peligro?
Pikit-matang pagsunod ba ang paggamit ng seatbelt ng pasahero sa eroplano kapag lumabas na ang paunawa o ito ba ay pagtitiwala sa karanasan at karunungan ng mga higit na nakakaalam sa mga peligro at panganib?
Pikit-matang pagsunod ba ang masiglang paglukso ng batang munti mula sa lamesa papunta sa matitipunong bisig ng kanyang nakangiting ama, o ito ba ay lubos na pagtitiwala sa isang mapagmahal na magulang na nakatitiyak sa kanyang pagsalo at higit na mahal ang bata kaysa sa buhay mismo? …
Pikit-matang pagsunod nga ba kapag tayo, sa limitado nating pananaw, mababaw na kaalaman, sakim na mga hangarin, mga lihim na motibo, at makamundong pagnanasa, ay tumanggap ng patnubay at sumunod sa mga utos ng ating mapagmahal na Ama na … lumikha ng mundo para sa atin, nagmamahal sa atin, at nagplano ng isang makabuluhang programa para sa atin, nang walang anumang lihim na motibo, na ang pinakamalaking galak at kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ng lahat ng anak niya? [Tingnan sa Moises 1:39.]8
Hindi pikit-matang pagsunod, kahit walang lubos na pagunawa, ang sundin ang isang Amang napatunayang karapat-dapat ang kanyang sarili.9
Sa mga banal na kasulatan ay may mga halimbawa ng pagsunod dahil sa pananampalataya.
Ang mga butihin at matatalinong magulang nating sina Adan at Eva ay uliran sa pagsunod ayon sa pananampalatayang tulad ng sa bata:
“… At si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.
“At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.
“At sa gayon nangusap ang anghel, nagsasabing: Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.” (Moises 5:5–7.)
Bulag na pagsunod? Siguradong hindi. Kilala na nila si Jehova, narinig na ang kanyang tinig, lumakad kasama siya sa Halamanan ng Eden, at batid ang kanyang kabutihan, katarungan, at pagunawa. Kaya nga “maraming araw” silang pumatay ng walang bahid-dungis na mga tupa at inialay ang mga ito nang hindi alam kung bakit, ngunit lubos ang tiwala na matwid ang layunin ng batas at ihahayag ang dahilan matapos silang sumunod.10
Sabi ni Pablo sa mga Hebreo:
“Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan.” (Heb. 11:7.)
Wala pang patunay na uulan at babaha. Pinagtawanan siya ng kanyang mga tao at tinawag na hangal. Walang nakinig sa kanyang pangaral. Itinuring na walang saysay ang kanyang mga babala. Wala pang nangyaring ganito; ni hindi pa nagkaroon ng bahang lulukob sa daigdig. Malaking kahangalan ang gumawa ng arka sa tuyong lupa sa sikat ng araw at patuloy ang karaniwang daloy ng buhay! Ngunit naubos ang oras. Natapos ang arka. Dumating ang baha. Nalunod ang mga suwail at mapaghimagsik. Ang himala ng arka ay patunay ng pananampalatayang ipinakita sa paggawa nito.
Muling sinabi ni Pablo:
“Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa’y inari niyang tapat ang nangako.” (Mga Hebreo 11:11.) …
Kakatwang masabihan na manganganak pa ang mga mahigit nang sandaang taong gulang na kahit si Sara ay nagduda noong una. Ngunit nanaig ang pananampalataya ng isang marangal na mag-asawa, at isinilang ang himalang anak upang magpanimula ng mga bansa.
Nagpakita ng malaking pananampalataya si Abraham sa malaking pagsubok sa kanya. Ang kanyang “anak na pangako,” na nakatakdang maging ama ng mga imperyo, ay kailangan ngayong isakripisyo sa altar. Utos iyon ng Diyos, ngunit parang hindi ito naaayon! Paano magiging ama ng di-mabilang na inapo ang kanyang anak na si Isaac kung bata pa ay kikitlan na siya ng buhay? Bakit tinawag si Abraham para gawin ang nakapaghihimagsik na gawaing ito? Imposibleng lutasin ito, imposible! Subalit naniwala siya sa Diyos. Walang-takot na pananampalataya ang naghatid sa kanya nang may lungkot sa lupain ng Moria kasama ang kanyang batang anak. …
“Sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nag-alinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya; kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios;
“At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon.” (Mga Taga Roma 4:20–21.)
Batid nina Amang Abraham at Inang Sara—batid nilang matutupad ang pangako. Paano—hindi nila alam at hindi nagpilit na malaman. Walang alinlangang mabubuhay si Isaac para maging ninuno ng napakaraming inapo. Batid nilang mangyayari iyon, kahit ikamatay pa niya. Batid nilang ibabangon pa siya mula sa mga patay para matupad ang pangako, at dito ay nauna ang pananampalataya sa himala.11
Alalahanin na hindi malinaw ang wakas sa simula kina Abraham, Moises, Eliajah, at iba pa. Sila ay … nabuhay sa pananampalataya at hindi sa kaalaman. Alalahaning muli na walang tarangkahang bukas; hindi lasing si Laban; at hindi makatwirang umasa sa mundo nang sumampalataya si Nephi at humayo upang kunin ang mga lamina. Walang damit na yari sa asbestos o iba pang ordinaryong gamit sa kaligtasan sa nagniningas na hurno upang iligtas ang tatlong Hebreo sa kamatayan; walang katad ni bakal na busal sa bibig ang mga leon nang itapon sa kulungan si Daniel. …
…Alalahanin na walang bayan at lungsod, walang bukid at halamanan, walang tahanan at kamalig, walang namumulaklak na disyerto sa Utah nang tawirin ng inusig na mga pioneer ang kapatagan. At alalahanin na walang mga banal na nilikha sa Palmyra, sa Susquehanna o sa Cumorah nang tahimik na pumasok sa Kakahuyan si Joseph na gustong makaalam, lumuhod sa panalangin sa baybay-ilog, at umakyat sa dalisdis ng sagradong burol.12
Nauuna ang pananampalataya sa himala.
Sa pananampalataya ay itinatanim natin ang binhi, at kapagdaka ay nakikita natin ang himala ng pagyabong. Kadalasan ay hindi ito nauunawaan ng mga tao at binabaligtad ang pamamaraan. Nag-aani muna sila bago magtanim, gantimpala muna bago paglilingkod, himala bago pananampalataya. … Marami sa atin ang nagnanais na magkaroon ng kalusugan at lakas nang hindi sumusunod sa mga batas ng kalusugan, nais magkaroon ng kasaganaan nang hindi nagbabayad ng ating mga ikapu. Nais nating mapalapit sa ating Ama ngunit ayaw nating mag-ayuno at manalangin, nais nating magkaroon ng ulan sa panahong kailangan at ng kapayapaan sa lupain nang hindi ginagawang banal ang araw ng [Sabbath] at nang hindi sumusunod sa ibang kautusan ng Panginoon. Pinipitas natin ang rosas bago itanim ang mga ugat; inaani natin ang palay bago ito itanim at linangin.
Kung uunawain lang natin ang isinulat ni Moroni:
“Sapagkat kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila. …
“At ni hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya; anupa’t sila ay unang naniwala sa Anak ng Diyos.” (Eter 12:12, 18.)13
Kung mabubuhay tayo ngayon ayon sa pananampalataya, kung maniniwala tayo sa saganang pangako ng Diyos, kung susunod tayo at matiyagang maghihintay, tutuparin ng Panginoon ang lahat ng saganang pangako niya sa atin:
“… Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.” (I Mga Taga Cor. 2:9.)14
Malaking pananampalataya ang kailangan para magbayad ng mga ikapu kapag kakaunti ang pera at maraming pangangailangan. Pananampalataya ang kailangan para mag-ayuno at manalangin ang pamilya at sundin ang Word of Wisdom. Pananampalataya ang kailangan para mag-home teaching, gumawa ng gawaing misyonero [ang miyembro], at iba pang serbisyo, kapag kailangang magsakripisyo. Pananampalataya ang kailangan para magmisyon nang full-time. Ngunit alamin ito—na lahat ng ito ay tungkol sa pagtatanim, samantalang tapat at debotong mga pamilya, espirituwal na katiyakan, kapayapaan, at buhay na walang hanggan ang ani. …
…Tulad ng walang-takot na pananampalataya na pumigil sa bibig ng mga leon, nagpawalang-bisa sa ningas ng apoy, nagbukas ng mga tuyong landas patawid sa mga ilog at dagat, nagligtas sa baha at tagtuyot, at naghatid ng makalangit na pagpapamalas ayon sa pagsamo ng mga propeta, gayundin naman na ang pananampalataya sa buhay ng bawat isa sa atin ang magpapagaling sa maysakit, magpapaginhawa sa nagdadalamhati, magpapalakas ng determinasyon laban sa tukso, magpapalaya sa pagkaalipin sa masasamang gawi, magpapalakas upang makapagsisi at makapagbagong-buhay, at aakay sa tiyak na kaalaman ng kabanalan ni Jesucristo. Makatutulong sa atin ang matatag na pananampalataya para maipamuhay ang mga utos nang taos-puso at sa gayon ay maghatid ng mga pagpapalang di mabilang, na may kapayapaan, kaganapan, at kadakilaan sa kaharian ng Diyos.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.
-
Tingnan ang pamagat ng kabanatang ito. Bakit pagsampalataya ang pagsunod?
-
Basahin ang desisyong kinailangang gawin ni Pangulong Kimball noong Marso 1972 (mga pahina 163–164). Sa palagay ninyo anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang angkop kapag naharap tayo sa mahihirap na desisyon?
-
Sa pagbabasa ninyo ng paghahambing ni Pangulong Kimball sa “bulag na pagsunod” at “pagsunod dahil sa pananampalataya,” anong mga pagkakaiba ang nakikita ninyo? (Tingnan sa mga pahina 166–167.) Ano ang alam natin tungkol sa Ama sa Langit na makatutulong upang sundin natin Siya “nang kusa, mapagpakumbaba, at masaya”? Ano ang masasabi ninyo sa taong nagsasabi na bulag ang pagsunod ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga lider?
-
Rebyuhin ang mga kuwento sa banal na kasulatan sa mga pahina 168–170. Ano ang ilang bagay na karaniwan sa mga tao sa mga kuwentong ito? Ano ang karaniwan sa inyo at sa kanila? Ano ang matututuhan ninyo sa kanila?
-
Kailan ninyo nakita na nauna ang pananampalataya sa himala? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 170–171.) Paano natin maituturo sa ating pamilya na nauuna ang pananampalataya sa himala?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Josue 22:5; Santiago 2:14–26; Eter 12:4–21; Moroni 7:33; D at T 130:20–21