Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Pagbabahagi ng Ebanghelyo


Kabanata 24

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Kailangan nating sikapin pang mabuti na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Sa isang biyahe sa Quito, Ecuador, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, kasama ni Elder Spencer W. Kimball ang grupo ng apat na kabataang misyonero sa restawran ng isang hotel. “Sinabi niya sa mga kasama niya na mukhang mabait ang weyter nila at puwedeng maging mabuting misyonero para sa Simbahan. Umorder ng gatas at tinapay si Elder Kimball, pagkatapos ay tinanong ang weyter kung may anak siya. ‘Isang anak na lalaki,’ sagot ng weyter. ‘Lulusog siya sa gatas at tinapay,’ sabi ni Elder Kimball, ‘pero mas lulusog siya kung pakakainin mo ng pagkain na maibibigay ng mga kabataang ito. Mukhang nalito ang weyter. Kasunod noo’y ipinaliwanag ni Elder Kimball na ang mga kabataang lalaki ay mga misyonero na may ituturong ebanghelyo ni Jesucristo. Nagpakita ng interes ang weyter na turuan siya ng mga misyonero.1

Madalas tukuyin ni Pangulong Kimball ang utos ng Tagapagligtas na dalhin ang ebanghelyo sa “buong sanlibutan” (Marcos 16:15). Humiling siya ng mas maraming full-time na misyonero, lalung-lalo na ng mga kabataang lalaki at nakatatandang mag-asawa, at pinaalalahanan niya ang lahat ng miyembro ng Simbahan na makibahagi sa itinalagang banal na gawaing ito. “Ang malaking pangangailangan natin, at banal nating tungkulin,” turo niya, “ay dalhin sa mga tao ng daigdig na ito ang kandila ng pag-unawa upang mailawan ang kanilang landas palabas sa kalabuan at kadiliman tungo sa kagalakan, kapayapaan, at mga katotohanan ng ebanghelyo.”2

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Nangangako sa atin ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa pagbabahagi natin ebanghelyo.

May espirituwal na pakikipagsapalaran sa paggawa ng gawaing misyonero, sa pagbibigay ng mga matuturuan, sa pagsama sa mga misyonero sa pagbibigay nila ng mga talakayan. Masaya ito at puno ng gantimpala. Ang mga oras, pagsisikap, pag-aaral, ay pawang makabuluhang lahat kahit isang kaluluwa lang ang nagpakita ng pagsisisi at pananampalataya at naghangad na mabinyagan. Isipin kung gaano kasaya ang madarama ninyo kapag sinabi nilang “kapag narito kayo, at pinag-uusapan natin ang mga bagay na ito, parang naaalala ko ang mga bagay na alam ko na noon pa man,” o kaya’y, “Hindi kayo makaaalis dito hangga’t hindi ninyo sinasabi sa amin ang lahat ng tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan.”3

Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan sa ating sariling buhay, pinalalaki ang ating puso at kaluluwa alang-alang sa iba, pinalalakas ang ating pananampalataya, pinatitibay ang ating ugnayan sa Panginoon, at pinalalawak ang ating pang-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo.4

Nangako ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa atin ayon sa kung gaano natin pinagbuti ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Tatanggap tayo ng tulong mula sa kabilang tabing kapag nagaganap ang espirituwal na mga himala. Sinabi sa atin ng Panginoon na higit na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pagdadala natin ng mga kaluluwa kay Cristo at pananatiling matatag sa pagpapatotoo sa sanlibutan, at tunay na bawat isa sa atin ay naghahanap ng karagdagang tulong upang mapatawad sa ating mga kasalanan. (Tingnan sa D at T 84:61.) Sa isa sa mga pinakamagandang banal na kasulatan para sa mga misyonero, na bahagi 4 ng Doktrina at mga Tipan, sinabihan tayo na kung paglilingkuran natin ang Panginoon sa gawaing misyonero “nang [ating] buong puso, kakayahan, pagiisip, at lakas,” kung gayon tayo ay “maka[ka]tayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw” (talata 2).

At sinabi pa ng Panginoon:

“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:15–16.)

Kung ang isang tao’y gagawa sa buong buhay niya at makapagdadala ng kahit isang kaluluwa! Napakalaking kagalakan! Isang kaluluwa! Napakahalaga! Oh, nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng gayong uri ng pagmamahal para sa mga kaluluwa!5

Ipinagkatiwala ng Panginoon sa lahat ng miyembro ng Simbahan ang responsibilidad na maglingkod bilang Kanyang mga sugo.

Sana mas epektibo nating maituro at buong katapatang mailagay sa puso ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang pagkaunawa na kung sapat na ang edad ng tao para maging miyembro, sapat na rin ang edad niya para maging misyonero; at hindi na siya kailangan pang italaga lalo na sa tungkuling iyon. Ang bawat miyembro ay may obligasyon at tungkulin na ihatid ang ebanghelyo sa mga nakapaligid sa kanya. Nais natin na magampanang mabuti ng bawat lalaki, babae at bata ang responsibilidad na nakaatang sa kanya. Napakahalaga nito. Sapagkat ito ang mensahe ng ebanghelyo: Tumatanggap tayo ng mga pagpapala mula sa ebanghelyo, at pagkatapos ay humahayo tayo at ibinabahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba.

Ngayon, tayo’y mga taong abala; ngunit hindi sinabi ng Panginoon, “Kung nakaluluwag sa inyo, puwede ba kayong mangaral ng ebanghelyo.” Sinabi niyang, “Ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin” (D at T 107:99) at “Masdan … nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa.” (D at T 88:81.)

Dapat nating alalahanin na kapanalig natin ang Diyos sa bagay na ito. Tutulungan Niya tayo. Bubuksan Niya ang daan, sapagkat siya ang nagbigay ng kautusan.6

Nakakatuwa, minamahal kong mga kapatid na kapwa miyembro ng kaharian ng Diyos, na mapagkatiwalaan ng Panginoon na maglingkod bilang mga sugo ng Kanyang salita sa mga kapatid natin na di miyembro ng Simbahan. Panandalian nating ipagpalagay na nabaligtad ang pangyayari—na hindi kayo miyembro ng Simbahan kundi ang kapitbahay ninyo ngayon ay isang Banal sa mga Huling Araw. Gusto ba ninyong ibahagi niya ang ebanghelyo sa inyo? Magagalak ba kayo sa bagong mga katotohanan na natutuhan ninyo? Madaragdagan ba ang inyong pagmamahal at paggalang sa inyong kapitbahay na nagbabahagi ng mga katotohanang ito sa inyo? Siyempre, ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay: Oo!7

Mga kapatid, iniisip ko kung ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin. Kampante na ba tayo sa ating tungkulin na ituro ang ebanghelyo sa iba? Handa na ba tayong magsikap nang husto? Na pagbutihin pang lalo ang ating pagsisikap?8

Ang panahon ng pagdadala ng ebanghelyo sa mas maraming lugar at tao ay narito at ngayon na. Dapat nating isaisip ang ating obligasyon na ibahagi ang mensahe sa halip na isipin ang sarili nating kaginhawahan. Ang mga tawag mula sa Panginoon ay bihirang maging madali. Ngayon na ang panahon na dapat maging mahalagang elemento sa Simbahan ang pagsasakripisyo. Kailangan nating dagdagan ang ating katapatan upang magawa natin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon. … Ang iniwang mga salita ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol bago Siya umakyat sa langit ay, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

“Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” (Marcos 16:15–16.)

Hindi tayo dapat magsawa sa paggawa ng mabuti. Dapat tayong maging mas masigasig. Hindi lamang ang sarili nating kapakanang walang hanggan ang nanganganib, kundi maging ang walang hanggang kapakanan ng ating mga kapatid na hindi ngayon mga miyembro ng totoong Simbahang ito. Natutuwa ako sa mga salita ni Propetang Joseph Smith mula sa Nauvoo noong Setyembre 6, 1842: “Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong. … Lakasan ang loob… at humayo, humayo tungo sa tagumpay!” (D at T 128:22.)9

Sa pamamagitan ng ating mabubuting impluwensysa at gawain matutulungan natin ang iba na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang pinagsamang gawain ng miyembro at misyonero ay susi sa paglaki ng Simbahan sa hinaharap.10

Nadarama kong inilagay ng Panginoon, sa likas na paraan sa ating grupo ng mga kaibigan at kakilala, ang maraming taong handang pumasok sa kanyang Simbahan. Hinihiling namin na tukuyin ninyo nang may panalangin ang mga taong iyon at pagkatapos ay hingin ang tulong ng Panginoon para maipaalam sa kanila ang ebanghelyo.11

Dapat maging malinaw sa atin na kailangan muna nating kaibiganin ang ating mga kapitbahay bago natin sila balaan nang wasto. Dapat madama ng ating kapitbahay ang ating tunay na pakikipagkaibigan at pakikipagkapatiran. Nais naming hikayatin ng mga miyembro ang mga kapitbahay nila, at hindi pagsabihan o takutin sila.12

Totoo ang ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pamumuhay sa mga alituntunin nito at paghahangad sa tulong ng Espiritu Santo, malalaman ng sinumang masigasig na naghahanap mismo sa kanyang sarili na ito ay totoo. Subalit napakadaling maunawaan at matanggap ito kung makikita rin ng mga naghahanap ng katotohanan ang mga alituntunun ng ebanghelyo sa buhay ng iba pang naniniwala. Wala nang higit na mas dakilang paglilingkod na maibibigay sa tungkulin ng misyonero ng Simbahang ito maliban sa pagiging halimbawa ng mabubuting katangian ng Kristiyano sa ating buhay.13

Ang mabubuting miyembro, na ipinamumuhay ang ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa, gayundin sa alituntunin, ang pinakamagandang pagpapakilala sa Simbahan.14

Ang dapat gawin ng bawat miyembro, sa pamamagitan ng mabuting halimbawa at pagpapatotoo, ay ipakita sa mga hindi miyembro ang kagalakang dulot ng pamumuhay at pang-unawa sa ebanghelyo at nang sa gayon makatulong sa pagdadala sa kanila sa puntong tatanggapin nila ang mas pormal na pagtuturo.15

Ang totoong mithiin para sa epektibong paghahanap ng matuturuan ay, ang mga miyembro mismo ang maghahanap at ang mga full-time na misyonero ang magtuturo. … Kapag ang mga miyembro ang naghahanap ng matuturuan personal nilang kakaibiganin ang mga tao, mas kaunti ang bilang ng mga investigator na mawawala bago ang pagbibinyag, at ang mga nabinyagan ay malamang na manatiling aktibo.16

Ang dapat maging layunin natin ay matukoy kaagad kung sino sa mga anak ng ating Ama ang espirituwal na handa upang magpatuloy hanggang sa mabinyagan sa kaharian. Ang isa sa mga pinakamainam na paraan ng pagtukoy ay ang ipakilala kaagad ang inyong mga kaibigan, kamag-anak, kapitbahay, at kakilala sa mga full-time na misyonero.17

Kung minsan nalilimutan natin na mas mabuting isapalaran nang kaunti ang kaugnayan sa isang kaibigan kaysa pagkaitan siya ng buhay na walang hanggan sa hindi pagkibo o pananahimik.18

Huwag patagalin ang pakikipagkaibigan ni maghintay ng tama, at perpektong sandali. Ang kailangan ninyong gawin ay alamin kung sila’y hinirang. “Ang aking mga hinirang ay naririnig ang aking tinig, at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso.” (D at T 29:7.) Kung makikinig sila at bubuksan ang puso sa ebanghelyo, makikita ito kaagad. Kung hindi sila makikinig at ang kanilang mga puso ay pinatigas ng pagdududa o negatibong puna, hindi sila handa. Sa ganitong situwasyon, mahalin pa rin sila at makipagkaibigan at hintayin ang susunod na pagkakataon para malaman kung sila’y handa na. Hindi mawawala ang inyong pagkakaibigan. Kayo’y igagalang pa rin nila.

Siyempre pa, may mga kabiguan, ngunit walang nawala. Walang sinuman ang nawalan ng kaibigan dahil lamang sa ayaw na niyang ituloy ang pagtuturo ng mga misyonero. Maipagpapatuloy ng miyembro ang pakikipag-ugnayan nang walang banta sa kanyang pakikipagkaibigan o espesyal na ugnayan sa pamilyang iyon. Kung minsan mas matagal para sa ilang tao ang pumunta sa Simbahan kaysa iba. Dapat magpatuloy sa pakikipagkaibigan ang miyembro at subukang muli sa ibang araw kung maaari na silang magbalik-loob. Huwag mawalan ng pag-asa dahil lamang sa panandaliang kawalan ng progreso. May daan-daang kuwento tungkol sa kahalagahan ng mahabang pagtitiis sa paglilingkod bilang misyonero.19

Ang gawaing misyonero ay kinapapalooban ng pagmamahal at masigasig na pakikipagkaibigan sa mga bagong miyembro at di-gaanong aktibong miyembro.

Kapag nabinyagan natin ang isang tao, kasalanan ang hayaan silang unti-unting mawala sa Simbahan at ebanghelyo dahil sa kawalan ng pakikipagkaibigan. Ang pakikipagkaibigan ay mahalagang responsibilidad. Dapat nating kaibiganin ang lahat ng dumarating sa Simbahan. Iyan ang dahilan kung bakit nais naming gumawa ng gawaing misyonero ang mga miyembro at humingi ng tulong mula sa mga misyonero. Nais naming ang mga miyembro … ay humayo at gawin ang gawaing ito sapagkat sila pa rin ang kapitbahay, matapos mabinyagan ang tao. Maaari pa rin nila silang kaibiganin; puwede pa rin nilang sunduin at isama nila sa miting sa priesthood; maaari pa rin nila silang hikayatin at tulungan sila sa kanilang mga home evening at marami pang iba.20

Hindi na natin mabibigyang-diin pa dahil talagang kailangan nating gawin ang gawaing misyonero ayon sa magkakaugnay na gawaing sakop ng priethood upang makaibigan pa rin ang mga investigator at matali sa mga programa ng Simbahan nang sa gayon ay agad silang maging aktibo at matatapat na miyembro. Ito, kung gayon, ay isa pang paraan kung saan ang lahat ng mga miyembro ng Simbahan ay magiging aktibo at patuloy na gagawa ng gawaing misyonero—sa pamamagitan ng pakikipagkapatiran, pakikipagkaibigan, at panghihikayat sa mga bagong miyembro ng Simbahan.21

Napakahalaga na ang mga nabinyagan na mga nagbalik-loob ay mabigyan kaagad ng mga home teacher na mismong kakaibigan at magmamalasakit sa kanila. Dapat tiyakin ng mga home teacher na ito, na nakikipagtulungan sa mga lider nila sa priesthood, na bawat nabinyagan na nasa hustong gulang ay mabibigyan ng mga aktibidad na hahamon sa kanilang kakayahan at gayundin ng pagkakataon at panghihikayat na palawakin ang kanyang kaalaman sa ebanghelyo. Dapat siyang tulungan sa pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Simbahan nang sa gayo’y hindi niya madamang nag-iisa siya sa pagsisimula ng kanyang buhay bilang aktibong Banal sa mga Huling Araw.22

Nagbibigay-inspirasyon at galak ang makitang … tinatanggap at tinutulungan at ipinagdarasal ng mga Banal ang mga taong araw-araw na pumapasok sa kaharian ng ating Panginoon. Patuloy na tulungan ang isa’t isa—at ang marami pang papasok sa Simbahan. Malugod silang tanggapin at mahalin at kaibiganin sila.23

Ang ating responsibilidad bilang magkakapatid sa Simbahan ay tulungan ang mga tila naliligaw na mahanap ang kanilang landas, at tulungan ang mga nawalan ng napakahalagang bagay na matagpuang muli ang kanilang yaman. Malinaw na itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na bawat miyembro ay may tungkuling patatagin ang mga kapwa niya miyembro.

Mapagmahal na binigyang-diin ito ng Tagapagligtas nang sabihin niya kay Pedro, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong kapatid” (Lucas 22:32). Hayaan ninyong sabihin ko rin ito sa inyo: Kapag kayo’y nakapagbalik-loob na, mangyaring palakasin ang inyong mga kapatid. Napakarami ng nagugutom, na kung minsa’y hindi nalalaman ang dahilan ng kanilang pagkagutom. May mga espirituwal na katotohanang maaaring maging matibay na pundasyon sa kanilang buhay, kaligtasan sa kanilang kaluluwa, kapayapaan sa kanilang mga puso at isipan kung itutuon lamang natin ang ating mga panalangin at matinding pagmamalasakit sa kanila. …

Maaaring may magsabing, “May kilala kaming lalaki o babae na hindi kailanman maaantig.” Siyempre pa, maaari pa rin siyang maantig. Mapagpapala at matutulungan siya tuwina. May pangako sa banal na kasulatan. Ganito ang nakasaad, “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.” (I Cor. 13:8.) Hindi kailanman! Ang pag-ibig, na sapat na ipinamuhay ay hindi kailanman nagkukulang sa pagdadala ng himala nito sa bawat tao, sa atin, sa ating dalawa, o sa nakapaligid sa bawat tao.

…Naniniwala ako na walang hindi magbabalik-loob—o masasabi kong mapapaaktibong muli—kung gagawin ng tamang tao ang tamang paglapit sa tamang panahon sa tamang paraan na may tamang diwa. Alam ko na ang mga pagpapala ng ating Ama sa Langit ay tutulong sa ating mga gawain kung ihahanda natin ang ating sarili, at kung masaya nating ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at kung hihingin natin ang tulong ng ating Ama sa Langit. …

Hayaan ang mga home teacher ng korum ng priesthood, visiting teacher ng Relief Society, mag-asawa, magulang at mga anak, at miyembro sa lahat ng dako na nagmamahal sa Panginoon at hinahangad na gawin ang kanyang utos, na bumaling at gawin nang may pagmamahal at inspirasyon ang mabubuting gawain sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Hindi makakamit ng panandaliang pagpapakita ng interes at sigasig ang hinahangad na resulta. Ngunit ang hinahangad nating mga resulta ay darating, at darating nang mas madalas kaysa inaasahan nating lahat, kung pag-iibayuhin natin ang ating mga pagsisikap nang may panalangin. Hindi lamang ang mga piling pagpapala ng Panginoon ang darating sa inyong buhay at sa buhay ng iba, kundi mas mapapalapit tayo sa Panginoon at madarama ang Kanyang pagmamahal at Kanyang espiritu.24

Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda para sa full-time na misyon.

Kailangan natin ang mga kabataang lalaki ng Simbahan na nasa edad na para magmisyon na humayo at damihan pa ang kanilang bilang kaysa sa bilang nila sa ngayon upang magampanan na nila ang kanilang responsibilidad, pribilehiyo, at pagpapala bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon sa layunin ng misyonero. Magiging napakalakas natin at nila kung ihahanda ng lahat ng kabataang lalaki ang kanilang sarili para sa gawain ng Panginoon!25

Sa paghingi ko ng mas maraming misyonero, hindi ako humihingi ng mas maraming misyonero na walang patotoo o hindi karapat-dapat. Hinihiling kong mas maaga tayong magsimula at mas sanaying mabuti ang ating mga misyonero sa bawat branch at ward sa mundo. Iyan ang isa pang hamon—na maunawaan ng mga kabataan na napakalaking pribilehiyo ang magmisyon at kailangang malusog sila sa pangangatawan, kaisipan, at sa espiritu, at “ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot.” [Alma 45:16.]

Humihingi ako ng mga misyonero na naturuan nang mabuti ng ebanghelyo at sinanay ng pamilya at mga organisasyon ng Simbahan, at nagpunta sa misyon nang may malaking hangarin. Hiling ko … na sanayin nating mabuti ang magiging mga misyonero nang mas maaga, mas matagal, nang sa gayo’y asamin ng bawat isa ang kanilang misyon nang may malaking kagalakan.26

Isipin natin ang mas malaking bilang. Dapat nating ihanda nang mas mabuti ang ating mga misyonero, hindi lamang sa pagsasalita kundi sa mga banal na kasulatan at higit sa lahat nang may patotoo at nag-aalab na apoy na magbibigay-kapangyarihan sa kanilang mga salita.27

Ipadala ang inyong mga anak na lalaki sa misyon. Sa sandaling yakapin ninyo sila bilang mga sanggol, ay sinisimulan na ninyo silang turuan. Naririnig nila ang inyong mga panalangin, araw at gabi. Naririnig nila kayo na nagdarasal sa Panginoon na tulungang buksan ang mga pintuan ng lahat ng bansa. Naririnig nila ang tungkol sa gawaing misyonero. Naririnig nilang ipinagdarasal ninyo ang inyong mga bishop at mission president at lahat ng iba pa, na naglilingkod sa inyo, at ito’y unti-unting nagiging bahagi nila.28

Halos sa tuwing makakakita ako ng batang lalaki, sinasabi kong, “Magiging isa kang mahusay na misyonero, di ba?” Itanim ang binhi sa kanyang isipan. Ito’y tulad ng mga halaman at iba pang pananim. Palaki ito nang palaki, at kung kakausapin ng ama at ina ang kanilang maliliit na anak na lalaki … tungkol sa pagmimisyon—habang mga sanggol pa sila, halos—ang munting binhing iyon ay lalaki nang lalaki.29

Makabubuti sa mga magulang na simulang ihanda ang kanilang mga anak na lalaki habang bata pa sa pag-iipon ng pera. Hayaan mapasakanila ang diwa ng pag-iipon. Hayaan din silang magkaroon ng hangaring pag-aralan at ipagdasal ang tungkol sa ebanghelyo, tuklasin sa kanilang sarili kung paano kumikilos ang ebanghelyo sa kanilang sariling buhay at sa buhay ng mga nasa paligid nila. Hayaan silang magkaroon ng hangarin na maglingkod sa kanilang paglaki at maranasang tumulong sa iba na talakayin ang mga kagalakan ng mga mensahe ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Hayaang sanayin nila ang sarili sa mga klase nila sa seminary at institute para magtamo ng espirituwal na kaalaman na napakahalaga sa kanilang sarili at sa iba. Hayaan silang maghanda sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis at karapat-dapat ang kanilang buhay at paghahangad na tulungan ang Panginoon na dalhin ang ebanghelyo sa mga taong handa na para dito.30

Umaasa ako na nagdaraos ng family home evening ang bawat pamilya tuwing Lunes ng gabi nang walang palya. Ang gawaing misyonero ay isa sa magagandang paksa na mapag-uusapan sa family home evening; at ang ama at ina at mga anak ay maghahalinhinan sa pananalangin na nakasentro sa mahahalagang bagay na ito—na ang mga pintuan ng mga bansa ay mabuksan sa atin at ang pangalawa, na ang mga misyonero, ang mga kabataang lalaki at babae ng Simbahan, ay maging masigasig na magmisyon at dalhin ang mga tao sa Simbahan.31

Kailangan ng Simbahan ang mga mag-asawa para maglingkod bilang mga misyonero.

Kung itinutulot ng kalusugan at ng iba pang kalagayan, makaaasa ang mga magulang na balang-araw, sila rin ay makapagmimisyon.32

Parang nakalimutan na natin, tayong matatanda, na mga retirado na at madaling makahanap ng lugar na pagkakampingan at ng iba pa nating mga oportunidad. Nakahanap tayo ng madaling paraan para mapaniwala ang ating sariling isipan at konsensya na kailangang matuloy ang gawain—sinasabi nating ipadadala natin ang ating mga anak na lalaki.

Lahat tayo ay may responsibilidad dito. Hindi lahat sa atin ay kayang magmisyon, subalit maraming-marami sa atin ang maaaring makapagmisyon.33

Magagamit natin ang daan-daang mag-asawa, mga mas nakatatandang tulad ng ilan sa inyo mga kapatid, na napalaki na ang mga pamilya, nagretiro na sa kanilang trabaho, na maaaring humayo … upang ituro ang ebanghelyo. Magagamit natin ang daan-daang mag-asawa. Pumunta lang kayo sa inyong bishop at kausapin siya—ito lang ang kailangan ninyong gawin. Sabihin ninyo sa kanya, “Handa kaming umalis, kung mapapakinabangan mo kami.” Sa palagay ko matatawag kayo.34

Ito ang gawain ng Panginoon. Nasa paglilingkod Niya tayo. Tuwiran niya tayong inutusan, gayunpaman, tayo’y di kilala ng maraming tao sa mundo. Panahon na para bigkisan ang ating mga balakang at humayo na may panibagong pagtutuon ng pansin sa dakilang gawaing ito. Nakipagtipan tayo, ikaw at ako, na gagawin ito. Nawa’y masabi nating lahat sa kabataang iyon na natagpuan sa templo ng kanyang nag-aalalang mga magulang na nakaupo sa gitna ng mga guro, “Dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.” [Lucas 2:49.]35

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Sa paanong paraan isang “pakikipagsapalarang espirituwal” ang gawaing misyonero? (pahina 307). Sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo, anong mga karanasang “nakasisiya at mapagpala” ang mararanasan natin? (Para sa halimbawa, tingnan ang kuwento sa pahina 306.)

  • Rebyuhin ang mga pahina 307–309 para hanapin ang mga pagpapalang natatanggap natin kapag nagbabahagi tayo ng ebanghelyo. Kailan ninyo naranasan ang alinman sa mga pagpapalang ito?

  • Basahin ang buong unang talata sa pahina 310. Sa inyong palagay ano ang ibig sabihin ng “magsikap nang husto” at “pagbutihin pang lalo ang ating pagsisikap?” Paano natin masusunod ang payo na ito sa gawaing misyonero?

  • Rebyuhin ang bahagi na nagsisimula sa pahina 311. Pag-isipan o talakayin ang isang partikular na payo na nakita ninyo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamilya at mga kaibigan. Halimbawa: (a) Ano ang magagawa natin upang “mahalin ang ating kapwa”? (b) Sa paanong paraan tayo magiging isang “pagpapakilala” para sa Simbahan? (c) Ano ang ilang maaaring di magandang resulta ng paghihintay sa “tama, at perpektong sandali” para ibahagi ang ebanghelyo? (d) Paano tayo tutugon kung hindi tinanggap ng mga kapamilya at kaibigan natin ang ating paanyayang pag-aralan ang ebanghelyo?

  • Ano ang ilang pangangailangan ng mga bagong miyembro? ng di gaanong aktibong miyembro? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? Tingnan sa mga pahina 313–316.)

  • Anong mga katangian ang hinahanap ng mga lider ng Simbahan sa mga full-time na misyonero? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 316–318. Ano ang magagawa ng mga magulang at iba pa upang matulungan ang mga anak na magkaroon ng mga katangiang ito? Ano ang ilang paraan na masusunod ng mga magulang at anak ang payo ni Pangulong Kimball tungkol sa pag-iipon ng pera para sa misyon?

  • Hinikayat ni Pangulong Kimball na magmisyon ang matatandang mag-asawa (mga pahina 318–319.) Ano ang ilang opsiyon at oportunidad na ibinibigay ng Simbahan sa mga mag-asawang misyonero? Ano ang magagawa ng mga magasawa para makapaghandang maglingkod? Paano ninyo ginagawa ang gawaing misyonero sa buhay ninyo ngayon?

Kaugnay na mga banal na kasulatan: Mosias 3:20; Alma 26:1–16; Helaman 6:3; Moroni 6:3–4; D at T 84:88.

Mga Tala

  1. Edward L. Kimball at Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball (1977), 354.

  2. “Are We Doing All We Can?” Ensign, Peb. 1983, 5.

  3. “It Becometh Every Man,” Ensign, Okt. 1977, 7.

  4. Ensign, Peb. 1983, 4

  5. “President Kimball Speaks Out on Being a Missionary,” New Era, Mayo 1981, 50.

  6. Ensign, Peb. 1983, 3.

  7. Ensign, 1977, 3.

  8. “When the World Will Be Converted,” Ensign, Abr. 1984, 4.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1982, 5; o Ensign, Nob. 1982, 5, 6.

  10. Seminar ng mga regional representative, Okt. 3, 1980, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2.

  11. Ensign, Peb. 1983, 4.

  12. Seminar ng mga regional representative, Set. 30, 1976, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2.

  13. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 555.

  14. Seminar ng mga regional representative, Okt. 3, 1980, 2.

  15. “President Kimball Speaks Out on Service to Others,” New Era, Mar. 1981, 48–49.

  16. Ensign, Okt. 1977, 6.

  17. Ensign, Okt. 1977, 6.

  18. Seminar ng mga regional representative, Abr. 3, 1975, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 7.

  19. Ensign, Okt. 1977, 6.

  20. Sa Conference Report, Glasgow Scotland Area Conference 1976, 23.

  21. Ensign, Okt. 1977, 7.

  22. Sa Conference Report. Okt. 1977, 67; o Ensign, Nob. 1977, 45.

  23. “Always a Convert Church: Some Lessons To Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 4.

  24. “Helping Others Obtain the Promises of the Lord,” Ensign, Hunyo 1983, 3, 5.

  25. Ensign, Peb. 1983, 3.

  26. “When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 7.

  27. Seminar ng mga regional representative, Abr. 5, 1976, Archives of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 14.

  28. Sa Conference Report, Glasgow Scotland Area Conference 1976, 6.

  29. The Teachings of Spencer W. Kimball, 556.

  30. Ensign, Peb. 1983, 5.

  31. Sa Conference Report, Okt. 1978, 66; o Ensign, Nob. 1978, 46

  32. “Therefore I Was Taught,” Ensign, Ene. 1982, 4.

  33. The Teachings of Spencer W. Kimball, 551.

  34. The Teachings of Spencer W. Kimball, 551.

  35. New Era, Mayo 1981, 50.

Elder Kimball and missionary companion

Si Elder Spencer W. Kimball bilang full-time na misyonero sa Central States Mission, Hunyo 1915. Nasa kaliwa si Elder Kimball katabi ang kanyang kompanyon na si L. M. Hawkes.

missionaries teaching family

“Ang tunay na mithiin sa epektibong paghahanap ng matuturuan ay ang mga miyembro ang naghahanap at ang mga misyonero ang siyang nagtuturo.”

family home evening

“Umaasa ako na ang bawat pamilya ay nagdaraos ng family home evening tuwing Lunes ng gabi nang walang palya. Ang gawaing misyonero ay isa sa mga paksang maituturo rito.”