Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Buong Pusong Pagpapatawad sa Iba


Kabanata 9

Buong Pusong Pagpapatawad sa Iba

Inuutusan tayo ng Panginoon na patawarin ang iba para mapatawad ang sarili nating mga kasalanan at mabiyayaan tayo ng kapayapaan at galak.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Nang magturo si Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa paghingi ng tawad, binigyang-diin din niya ang mahalagang alituntuning magpatawad sa iba. Sa pagsamo sa lahat ng tao na sikaping matutong magpatawad, ikinuwento niya ang sumusunod na karanasan:

“Nahirapan ako sa isang problema sa isang maliit na ward … kung saan dalawang kilalang lalaking namumuno sa mga tao ang hindi magkasundo sa matagal at walang-tigil na alitan. Pinaghiwalay sila ng kung anong di-pagkakaunawaan na may pagkapoot. Sa paglipas ng mga araw, linggo, at buwan, lumaki ang alitan nila. Nagsimulang makialam sa problema ang mga pamilya ng magkagalit na panig at sa huli ay halos buong ward na ang sangkot. Kumalat ang balita at lumabas ang mga samaan ng loob at pinalala pa ito ng tsismis hanggang sa mag-away-away ang maliit na grupo. Ipinadala ako para lutasin ang problema. … Dumating ako sa naguguluhang grupo sa araw ng Linggo, bandang ika-6 n.g., at kaagad kong pinulong ang mga nag-aalitan.

“Hirap na hirap kami! Panay ang pakiusap at babala at pagsamo at pagsaway ko! Parang walang makasawata sa kanila. Bawat katalo ay tiyak na tiyak na tama siya at may katwiran kaya imposibleng baguhin ang isip niya.

“Lumipas ang mga oras—pasado alas-dose na ng hatinggabi, at parang puspos na ng kawalang-pag-asa ang lugar; galit at pagkasuklam pa rin ang madarama. Pare-pareho silang nagmamatigas. Pagkatapos ay may nangyari. Wala sa loob na muli kong binuklat ang Doktrina at mga Tipan ko at naroon ang sagot sa aking harapan. Ilang ulit ko na itong nabasa sa nagdaang mga taon at wala itong espesyal na kahulugan noon. Ngunit sa gabing ito ay iyon mismo ang sagot. Isa iyong pakiusap at pagsamo at babala at tila tuwiran itong nagmumula sa Panginoon. Nagbasa ako [sa bahagi 64] mula sa ikapitong talata, pero ni hindi nakinig ang magkalaban hanggang sa umabot ako sa ikasiyam na talata. At saka ko nakitang napahiya sila, nagulat, at nag-isip. Tama kaya iyon? Sinabi sa atin ng Panginoon—sa ating lahat—‘Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa.’

“Ito ay isang obligasyon. Narinig na nila ito noon. Binanggit nila ito sa pagsambit ng Panalangin ng Panginoon. Ngunit ngayon: ‘… sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon…’

“Sa puso nila, sinasabi siguro nila: ‘Baka patawarin ko siya kung magsisisi siya at hihingi ng tawad, pero siya ang dapat mauna.’ Pagkatapos ay mukhang tinamaan sila sa huling linya: ‘Sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.’

“Ano? Ibig sabihin ba niyan dapat akong magpatawad kahit malamig ang pakitungo ng kaaway ko at wala siyang pakialam at salbahe sa akin? Wala nang iba.

“Ang karaniwang pagkakamali ay ang ideyang dapat humingi ng tawad at magpakumbaba ang nagkasala hanggang sa alabok bago patawarin. Siyempre pa, ang taong nakasakit ang dapat makibagay nang lubusan, pero ang nasaktan naman ay dapat patawarin ang nagkasala anuman ang pag-uugali nito. Kung minsan nasisiyahan ang mga tao kapag lumuluhod at nagsusumamo ang kabilang panig, pero hindi ito ang paraan ng ebanghelyo.

“Gulat na umupo nang tuwid ang dalawa, nakinig, nag-isip sandali, at nagsimulang magbigayan. Ang banal na kasulatang ito at lahat ng iba pang binasa ang nagpalambot sa puso nila. Alasdos n.u. at dalawang magkaaway ang nagkamayan, nakangiti at nagpapatawad at humihingi ng tawad. Dalawang lalaki ang nagyakap nang mahigpit. Banal ang oras na ito. Pinatawad at kinalimutan ang mga dating hinaing, at muling naging magkaibigan ang magkaaway. Hindi na muling nabanggit ang alitan kahit kailan. Inilibing na sa limot ang nakaraan, at lubos nang kinalimutan ang mga dating pagkakamali, at nanumbalik ang kapayapaan.”1

Sa buong ministeryo niya, pinayuhan ni Pangulong Kimball ang mga miyembro ng Simbahan na maging mapagpatawad. “Kung may mga di-pagkakaunawaan, linawin ito, magpatawad at lumimot, huwag hayaang baguhin at maapektuhan ng mga dating hinaing ang inyong kaluluwa, at sirain ang pagmamahalan at buhay ninyo. Ayusin ang inyong tahanan. Magmahalan at mahalin ang inyong kapitbahay, kaibigan, mga taong malapit ang tirahan sa inyo, kapag ibinigay sa inyo ng Panginoon ang kapangyarihang ito.”2

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Dapat tayong magpatawad upang mapatawad.

Dahil tiyak ang pangangailangang magpatawad para magtamo ng buhay na walang hanggan, likas na maiisip ng tao: Paano ako madaling mapapatawad? Isa sa maraming mahahalagang bagay ang namumukod na kailangang-kailangan. Dapat magpatawad ang isang tao para mapatawad.3

“Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan:

“Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong ama ng inyong mga kasalanan.” (Mat. 6:14–15.)

Mahirap gawin? Siyempre. Hindi naman nangako ang Panginoon ng madaling daan, ni simpleng ebanghelyo, ni mababang mga pamantayan, ni mababang huwaran. Malaki ang kapalit, pero sulit na sulit ang mga natatamong gantimpala. Ang Panginoon mismo ay ibinaling ang isa pa niyang pisngi; hinayaan niyang siya ay pahirapan at hagupitin nang walang pagtutol; pinagdusahan niya ang lahat ng kahihiyan subalit hindi siya nanghusga. At ang tanong niya sa ating lahat ay: “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” At ang sagot niya sa atin ay: “Maging katulad ko.” (3 Ne. 27:27.)4

Dapat maging taos-puso at ganap ang pagpapatawad natin sa iba.

Ang utos na magpatawad at ang paghusga dahil sa kabiguang gawin ito ay hindi maipahahayag nang mas malinaw pa kaysa sa makabagong paghahayag kay Propetang Joseph Smith:

“Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.” (D at T 64:8–10.) …

Angkop pa rin sa atin ang aral na ito ngayon. Maraming tao ang nagsasabi, kapag nakipagbati sa iba, na nagpapatawad sila, pero patuloy silang naninira, patuloy na nagsususpetsa, patuloy na hindi naniniwala sa katapatan ng kabilang panig. Ito ay kasalanan, dahil kapag nakipagbati na at nakapagsisi, dapat nang magpatawaran at lumimot ang bawat isa, agad na buuing muli ang nasirang pagtitiwala, at ibalik ang dating pagkakaibigan.

Malinaw na nagpatawad ang mga sinaunang disipulo, at mukha namang nakipagkasundo, ngunit “hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso.” Hindi ito pagpapatawad, kundi isang uri ng pagkukunwari at panlilinlang at panloloko. Gaya ng pahiwatig sa huwarang panalangin ni Cristo, dapat itong maging taospuso at alisin sa isipan [tingnan sa Mateo 6:12; tingnan din sa mga talata 14–15]. Ang pagpapatawad ay paglimot. May isang babaeng “dumanas” ng pakikipagbati sa isang branch at nagkunwari at nagsalita para ipahiwatig ito, at maraming sinambit na mga salita [ng] pagpapatawad. At matalim ang tingin na sinabi niya, “Patatawarin ko siya, pero matalas ang memorya ko. Hinding-hindi ako makalilimot.” Walang halaga at saysay ang pakunwari niyang pakikipagkasundo. Nagtanim pa rin siya ng sama ng loob. Ang pakikipagkaibigan niya ay bitag na tulad ng sapot ng gagamba, ang pakikipagbati niya ay marupok na tulad ng dayami, at siya mismo ay walang kapayapaan ng isipan. Ang mas masama pa, siya ay “nahatulan na sa harapan ng Panginoon,” at nanatili sa kanya ang mas malaking kasalanan kaysa sa taong sabi niya ay nakasakit ng loob niya.

Hindi alam ng palaaway na babaeng ito na hindi siya talaga nagpatawad. Nagkunwari lang siya. Paikut-ikot lang siya, at walang nararating. Sa banal na kasulatang sinipi sa itaas, malalim ang kahulugan ng mga katagang sa kanilang mga puso. Kailangang linisin ang damdamin at isipan at kapaitan. Walang katuturan ang puro salita.

“Sapagkat masdan, kung ang isang taong masama ay nagbibigay ng isang handog, ginagawa niya iyon nang laban sa kalooban; anupa’t ito ay ibinibilang sa kanya na parang nanatili pa rin sa kanya ang handog; kaya nga siya ay ibibilang na masama sa harapan ng Diyos.” (Moro. 7:8.)

Ganito ang pahayag ni Henry Ward Beecher sa kaisipang ito: “Makapagpapatawad ako pero hindi ako makalilimot ay ibang paraan ng pagsasabing hindi ako makapagpapatawad.”

Idaragdag ko na maliban kung patawarin ng isang tao ang mga sala ng kanyang kapatid nang buong puso hindi siya karapatdapat makibahagi ng sakrament.5

Dapat nating ipaubaya sa Panginoon ang paghatol.

Para nasa katwiran tayo dapat tayong magpatawad, at dapat natin itong gawin magsisi man ang kaaway natin o hindi, o gaano man kataimtim ang kanyang pagbabago, o humingi man siya ng tawad sa atin o hindi. Dapat nating sundin ang halimbawa at turo ng Guro, na nagsabing: “… Nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.” (D at T 64:11.) Ngunit kadalasan ay ayaw itong ipaubaya ng mga tao sa Panginoon, sa takot na baka sa sobrang awa ng Panginoon, mas magaang na parusa ang ipataw kaysa nararapat.6

Hindi lang sa hindi kaya o ayaw magpatawad at lumimot ang ilang tao sa mga sala ng iba, kundi gusto pang maghiganti sa pinararatangang nagkasala. Maraming liham at tawag ang dumarating sa akin mula sa mga taong determinadong ilagay ang hustisya sa sarili nilang mga kamay at tiyaking maparusahan ang nagkasala. “Dapat pawalang-bisa ang pagkamiyembro ng lalaking iyan,” pahayag ng isang babae, “at hinding-hindi ako titigil hangga’t hindi siya napaparusahan.” Sabi ng isa pa, “Hindinghindi ako matatahimik, hangga’t miyembro ng Simbahan ang taong iyan.” At sabi pa ng isa: “Hinding-hindi ako magsisimba hangga’t pinapayagang magsimba ang taong iyan. Gusto kong masuri ang kanyang pagkamiyembro.” Isang lalaki ang nagpabalik-balik pa sa Salt Lake City at ilang beses nagpadala ng mahahabang liham ng pagprotesta laban sa bishop at stake president na hindi nadisiplina nang husto ang isang taong ayon sa kanya ay nilabag ang mga batas ng Simbahan.

Sa mga gayong maglalagay ng batas sa sarili nilang mga kamay, muli nating basahin ang positibong pahayag ng Panginoon: “ … mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.” (D at T 64:9.) Pagpapatuloy ng paghahayag: “At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.” (D at T 64:11.) Kapag naiulat na sa angkop na mga opisyal ng Simbahan ang mga alam na paglabag, maaari nang ipaubaya ng taong iyon ang kaso at responsibilidad sa mga opisyal ng Simbahan. Kung hahayaan ng mga opisyal na iyon na magkasala ang kapwa nila opisyal, malaking responsibilidad nila ito at mananagot sila.7

Hahatol ang Panginoon ayon sa panukat na ginamit natin. Kung marahas tayo, wala tayong dapat asahan kundi karahasan. Kung maawain tayo sa mga nakasakit sa atin, maaawa rin siya sa atin sa ating mga pagkakamali. Kung hindi tayo mapagpatawad, hahayaan niya tayong magdusa sa sarili nating mga kasalanan.

Kahit malinaw ang pahayag sa mga banal na kasulatan na hahatulan ang tao ayon sa panukat na ginagamit niya sa kanyang kapwa, kahit ang makatarungang paghatol ay hindi ipinagkaloob sa karaniwang tao, kundi sa angkop na mga awtoridad ng Simbahan at estado. Ang Panginoon ang hahatol sa huling pagsusuri. …

Mahahatulan ng Panginoon ang mga tao sa kanilang mga iniisip gayundin sa kanilang sinasabi at ginagawa, dahil batid niya kahit ang mga layon ng kanilang puso; ngunit hindi ito kayang gawin ng mga tao. Naririnig natin ang sinasabi ng mga tao, nakikita ang kanilang ginagawa, pero dahil hindi natin maunawaan ang kanilang iniisip o nilalayon, madalas tayong magkamali sa paghatol kapag pinipilit nating arukin ang kahulugan at mga motibo ng kanilang mga kilos at binibigyan ito ng sarili nating interpretasyon.8

Kahit mukhang mahirap, kaya nating magpatawad.

Sa konteksto ng pagpapatawad, isang butihing kapatid ang nagtanong sa akin, “Tama, iyan ang dapat gawin, pero paano gawin iyon? Kailangan ba, superman ka?”

“Oo,” sabi ko, “pero inutusan tayong maging mga superman. Sabi ng Panginoon, ‘Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.’ (Mat. 5:48.) Tayo ay mga diyos na nabubuo pa lang sa sinapupunan, at gusto ng Panginoon na maging perpekto tayo.”

“Oo, pinatawad ni Cristo ang mga nanakit sa kanya, pero higit pa siya sa tao,” dugtong pa niya.

At ang sagot ko ay: “Pero maraming tao ang nakaalam na posibleng magawa ang kabanalang ito.”

Tila maraming kagaya ng butihing kapatid na ito na naniniwala sa teoriyang ang mapagpatawad na espiritu … ay humigitkumulang na tanging sa mga tauhan sa banal na kasulatan o kathang-isip lang makikita at mahirap asahan sa mga karaniwang tao sa daigdig ngayon. Hindi ito totoo.9

May kilala akong isang bata pang ina na nabalo sa asawa. Maralita ang pamilya at ang nakuhang seguro ay $2,000 lamang, pero para itong hulog ng langit. Agad nagpadala ng tseke ang kumpanya para sa halagang iyon nang maipakita ang katunayan ng pagkamatay. Naisip ng batang balo na maitatabi niya ito para sa mga emerhensiya, kaya idineposito niya ito sa bangko. Batid ng iba ang kanyang impok, at kinumbinsi siya ng isang kamag-anak na dapat niyang ipahiram dito ang $2,000 sa mataas na patubo.

Lumipas ang mga taon, at wala siyang natanggap na bayad sa puhunan ni sa tubo. Napansin niya na iniiwasan siya ng umutang at walang linaw na mga pangako ang ginawa nito nang maningil siya. Ngayon ay kailangan niya ang pera at wala siyang makuha.

“Kinamumuhian ko siya!” sabi niya sa akin, at ramdam ang galit at kapaitan sa boses niya at matalim siyang tumingin. Lokohin ba naman ng isang lalaking malaki ang katawan ang isang batang balo na may pamilyang susuportahan! “Kinasusuklaman ko siya!” paulit-ulit niyang sinabi. Pagkatapos ay ikinuwento ko sa kanya ang isang lalaking pinatawad ang pumaslang sa kanyang ama. Mataman siyang nakinig. Nakita kong humanga siya. Sa pagwawakas ay may luha sa kanyang mga mata, at ibinulong niya: “Salamat. Salamat talaga. Dapat ko rin palang patawarin ang aking kaaway. Aalisin ko na ngayon ang kapaitang ito sa puso ko. Hindi ko inaasahang mabalik ang pera kahit kailan, pero bahala na ang Panginoon sa nagkasala sa akin.”

Pagkaraan ng ilang linggo, nakita niya akong muli at ipinagtapat na ang mga linggong iyon ang pinakamaligaya sa buhay niya. Nilukob siya ng panibagong kapayapaan at naipagdasal niya ang nagkasala at napatawad ito, kahit hindi siya binayaran nito kahit isang kusing.10

Kapag pinatawad natin ang iba, pinalalaya natin ang ating sarili sa pagkamuhi at kapaitan.

Bakit sinabi sa inyo ng Panginoon na mahalin ang inyong kaaway at gantihan ng kabutihan ang kasamaan? Para makinabang kayo rito. Hindi nasasaktan ang taong labis ninyong kinamumuhian kapag namuhi kayo sa kanya, lalo na kung malayo siya at walang kontak sa inyo, pero bubulukin ng pagkamuhi at kapaitan ang puso ninyong ayaw magpatawad. …

Marahil kilala ni Pedro ang mga taong patuloy na nagkakasala sa kanya, at itinanong niya:

“Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? …”

At sabi ng Panginoon:

“Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.” (Mateo 18:21–22.) …

…Kapag nagsisi na sila at lumuhod para humingi ng tawad, karamihan sa atin ay nakapagpapatawad, pero iniutos ng Panginoon na kailangan nating magpatawad kahit hindi sila magsisi ni humingi ng tawad sa atin. …

Dapat maging malinaw sa atin, kung gayon, na dapat pa rin tayong magpatawad nang hindi gumaganti o naghihiganti, dahil gagawin ng Panginoon ang kailangan para sa atin. … Nasasaktan ang taong masama ang loob; ito ay nagpapatigas at nagpapababa at nagpapabulok.11

Madalas mangyari na nagkakasala ang tao nang hindi sinasadya. May nasabi o nagawa siyang mali ang pagkaintindi o pagkaunawa. Dinidibdib ng nasaktan ang pagkakasala, at pinalalala pa ito ng ibang bagay na nagbibigay-katwiran sa kanyang paniniwala. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kaya iniutos ng Panginoon na ang nasaktan ang unang dapat makipagbati.

“At kung ang inyong kapatid na lalaki o babae ay magkasala sa inyo, siya ay haharapin ninyo nang kayo lamang; at kung siya ay umamin kayo ay magkasundo.” (D at T 42:88.) …

Tayo ba ay sumusunod sa utos na iyon o nagmumukmok sa sama ng loob, naghihintay na malaman ito ng nagkasala sa atin at lumuhod siya sa atin sa pagsisisi?12

Maaaring magalit tayo sa ating mga magulang, o guro, o sa bishop, at pawalang-halaga ang ating sarili habang tayo ay nangunguluntoy at nanliliit sa lason ng kapaitan at pagkamuhi. Habang patuloy ang buhay ng kinamumuhian, na ni hindi alam na nagdurusa ang namumuhi, niloloko ng huli ang kanyang sarili. …

…Ang paghinto sa pagsisimba para lang pasakitan ang mga lider o maglabas ng sama ng loob ay panloloko sa sarili.13

Sa gitna ng sala-salabat na pagkamuhi, kapaitan at paghihiganting madalas ipahayag ngayon, nagpapagaling ang malamyos na himig ng pagpapatawad. Malaki ang epekto niyon sa nagpatawad.14

Kapag pinatawad natin ang iba, nagkakaroon tayo ng galak at kapayapaan.

Sa inspirasyon ng Panginoong Jesucristo, binigyan tayo ni Pablo ng lunas sa mga problema sa buhay na nangangailangan ng pag-unawa at pagpapatawad. “At magmagandang-loob kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.” (Efe. 4:32.) Kung magkakaroon ng diwang ito ng mabuti at magiliw na pagpapatawad sa isa’t isa sa bawat tahanan, mawawala ang pagkamakasarili, kawalang-tiwala at kapaitang nagwawasak sa maraming tahanan at pamilya at mabubuhay nang payapa ang mga tao.15

Pagpapatawad ang mahimalang sangkap na tumitiyak ng pagkakasundo at pagmamahalan sa tahanan o sa ward. Kung wala ito magkakaroon ng alitan. Kung walang pagkakaunawaan at patawaran magkakaroon ng pagtatalo, na susundan ng di-pagkakasundo, at nauuwi ito sa kawalan ng katapatan sa mga tahanan, branch at ward. Sa kabilang dako, ang pagpapatawad ay naaayon sa diwa ng ebanghelyo, na may Espiritu ni Cristo. Ito ang diwang dapat nating taglaying lahat kung gusto nating mapatawad sa sarili nating mga sala at maging walang bahiddungis sa harapan ng Diyos.16

Madalas makahadlang at nagiging balakid sa atin ang kapalaluan. Pero kailangan itong itanong ng bawat isa sa ating sarili: “Mas mahalaga ba ang kapalaluan mo kaysa sa iyong kapayapaan?”

Kadalasan, ang isang taong maraming kahanga-hangang bagay na nagawa sa buhay at nakagawa ng malaking kontribusyon ay tutulutang mawala ang malaking gantimpalang nakalaan sana sa kanya dahil sa kapalaluan. Dapat tayong laging magkaroon ng mapagpatawad na puso at nagsisising espiritu, laging handang tunay na magpakumbaba, na tulad ng maniningil ng buwis [tingnan sa Lucas 18:9–14], at hilingin sa Panginoon na tulungan tayong magpatawad.17

Hangga’t may mortalidad nabubuhay tayo at nakikihalubilo sa mga taong di-perpekto; at magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan, samaan ng loob, at pananakit ng damdamin. Madalas magkamali ang pag-unawa sa napakagagandang motibo. Nakasisiyang makita ang marami na dahil sa pagmamahal sa iba ay naitama ang kanilang pag-iisip, kinalimutan ang sarili, at pinatawad ang damdam nila ay mga pang-iinsulto. Marami pang ibang nagdaan sa mga mapanganib, malungkot, matinik na landas sa kawalangpag-asa, na sa huli ay tinanggap ang pagwawasto, kinilala ang mga pagkakamali, inalis ang kapaitan sa kanilang puso, at muling napayapa, ang minimithing kapayapaang iyon na kapansin-pansin kapag nawala. Ang mga kabiguan ng pamimintas, kapaitan, at ang resultang paghihiwalay ay napalitan ng init at liwanag at kapayapaan.18

Magagawa ito. Masusupil ng tao ang kanyang sarili. Magtatagumpay ang tao. Mapapatawad ng tao ang lahat ng nagkasala sa kanya at tatanggap ng kapayapaan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.19

Kung hahangarin natin ang kapayapaan, at tayo ang makikipagbati—kung tayo ay magpapatawad at lilimot nang buong puso—kung lilinisin natin ang ating kaluluwa sa kasalanan, kapaitan, at kasamaan bago tayo magbintang o magparatang sa iba—kung patatawarin natin ang lahat ng tunay o inakalang mga pagkakasala bago natin ihingi ng tawad ang ating mga kasalanan—kung babayaran natin ang ating mga utang, malaki man o maliit, bago natin singilin ang mga may utang sa atin—kung papahirin natin ang nakabubulag na puwing sa ating mga mata bago pahirin ang muta ng iba—kayluwalhating daigdig nito! Mababawasan nang husto ang diborsyo; mawawala ang malulungkot na proseso sa mga hukuman sa araw-araw; magiging makalangit ang buhay-pamilya; bibilis ang pagtatayo ng kaharian; at ang kapayapaang iyon na di-masayod ng pag-iisip [tingnan sa Filipos 4:7] ay maghahatid sa ating lahat ng galak at kaligayahang “ni hindi pumasok sa puso ng tao.” [Tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9.]20

Nawa ay basbasan tayong lahat ng Panginoon na patuloy nating dalhin sa ating puso ang tunay na diwa ng pagsisisi at pagpapatawad hanggang sa mapasakdal natin ang ating sarili, na umaasa sa mga kaluwalhatian ng kadakilaang naghihintay sa mga pinakatapat.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Rebyuhin ang kuwento sa mga pahina 109–112. Bakit kung minsan ay napakahirap mapatawad ng mga tao ang isa’t isa? Ano ang kahulugan sa inyo ng mga salitang “Sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan” (D at T 64:9)?

  • Rebyuhin ang Mateo 6:14–15, na binanggit ni Pangulong Kimball sa pahina 112. Sa palagay ninyo bakit natin dapat patawarin ang iba para tayo mapatawad ng Panginoon?

  • Ano ang ilang pag-uugali at kilos na nagpapakitang taos-puso at ganap nating pinatawad ang isang tao? (Tingnan sa mga pahina 113–115.) Bakit dapat “manggaling sa puso” ang pagpapatawad?

  • Rebyuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 115. Anong mga turo ng ebanghelyo ang maghahanda sa atin na ipaubaya sa Panginoon ang paghatol?

  • Habang binabasa ninyo ang kuwento tungkol sa bata pang ina sa mga pahina 117–118, hanapin kung ano ang nakahadlang sa kanya, sa simula, na magpatawad at paano niya nakayang magpatawad sa huli. Paano natin malalabanan ang mga balakid na humahadlang sa mga hangarin at pagsisikap nating patawarin ang iba?

  • Anu-ano ang ilang kahihinatnan ng hindi pagpapatawad? (Tingnan sa mga pahina 118–120.) Anong mga pagpapala ang naranasan ninyo nang patawarin ninyo ang isang tao? Pag-isipan kung paano ninyo magagamit ang diwa ng pagpapatawad sa may mga kaugnayan sa inyo.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 5:43–48; Lucas 6:36–38; Colosas 3:12–15; D at T 82:23

Mga Tala

  1. The Miracle of Forgiveness (1969), 281–82.

  2. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 243.

  3. The Miracle of Forgiveness, 261.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1977, 71; o Ensign, Nob. 1977, 48.

  5. The Miracle of Forgiveness, 262–64.

  6. The Miracle of Forgiveness, 283.

  7. The Miracle of Forgiveness, 264.

  8. The Miracle of Forgiveness, 267, 268.

  9. The Miracle of Forgiveness, 286–87.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1977, 68–69; o Ensign, Nob. 1977, 46. Tingnan din sa The Miracle of Forgiveness, 293–94.

  11. Faith Precedes the Miracle (1972), 191, 192.

  12. Faith Precedes the Miracle, 194, 195.

  13. “On Cheating Yourself,” New Era, Abr. 1972, 33, 34.

  14. The Miracle of Forgiveness, 266.

  15. The Miracle of Forgiveness, 298.

  16. The Miracle of Forgiveness, 275.

  17. The Miracle of Forgiveness, 297.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1955, 98.

  19. The Miracle of Forgiveness, 300.

  20. Faith Precedes the Miracle, 195–96.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1949, 134.

President Kimball speaking

Pinayuhan ni Pangulong Kimball ang mga miyembro ng Simbahan: “Magpatawad at lumimot, huwag hayaang baguhin at maapektuhan ng mga dating hinaing ang inyong kaluluwa, at sirain ang pagmamahalan at buhay ninyo.”

Sermon on the Mount

Itinuro ni Jesucristo, “Kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan” (Mateo 6:14).

mother and daughter hugging

“Pagpapatawad ang mahimalang sangkap na tumitiyak ng pagkakasundo at pagmamahalan sa tahanan o sa ward.”