Ang Buhay at Ministeryo ni Spencer W. Kimball
Isang gabi ng taglagas noong mga unang taon ng 1900s, tumigil si Orville Allen sa tahanan ni Andrew Kimball para maghatid ng mga kalabasa. Habang idinidiskarga ng dalawang lalaki ang mga kalabasa, di sinasadyang narinig nila ang anak ni Andrew na si Spencer na nasa kamalig, na kumakanta habang ginagatasan ang mga baka. Sinabi ni Brother Allen kay Andrew na, “Parang ang saya ng anak mo.” Sumagot si Andrew: “Oho, palagi siyang masaya. Siya’y malinis at masunuring bata at laging ginagawa ang ipinagagawa ko sa kanya. Inilaan ko na siya sa Panginoon at sa Kanyang paglilingkod. Malaki ang magiging impluwensya niya sa Simbahan.”1
Sa loob ng maraming taon ng paghahanda, si Spencer ay naging makapangyarihan ngang tao. Ang Panginoon ay “hindi lamang naghahanda ng isang negosyante, ni ng lider ng lipunan, ni ng tagapagsalita, ni makata, ni isang musikero, ni teacher—bagamat magiging ganito rin siya. Ang inihahanda Niya’y isang ama, isang patriarch para sa kanyang pamilya, isang apostol at propeta, at pangulo para sa Kanyang simbahan.”2
Pamana
Ang pamilya ni Spencer W. Kimball ay matagal nang miyembro sa ipinanumbalik na Simbahan. Ang kanyang mga lolo sa magkabilang panig ay bantog o kilala noong nagsisimula pa lang ang gawain sa mga huling araw. Si Heber C. Kimball ay tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol nang itatag ito noong 1835. Sa huli’y naglingkod siya bilang Unang Tagapayo kay Pangulong Brigham Young sa loob ng dalawang dekada at naging matapat na lingkod ng Panginoon sa buong ministeryo niya. Si Edwin D. Woolley, lolo ni Spencer sa panig ng kanyang ina, ay dating Pennsylvania Quaker na tumanggap sa ebanghelyo noong panahon ni Joseph Smith. Siya’y respetadong bishop sa Salt Lake Valley. Paulit-ulit din siyang naglingkod bilang manedyer ng mga personal na lakad at negosyo ni Brigham Young. Ang pagmamalasakit ni Bishop Woolley sa mga nangangailangan at ang kanyang walang-sawang katapatan sa ebanghelyo ay pangmatagalang pamana sa kanyang mga inapo.
Ang lola ni Spencer na si Ann Alice Gheen Kimball ay “isang matapat na babae, … mahiyain sa harap ng mga tao, matangkad at simple lang ang hitsura, na may malambot na puso para sa mahihina at maysakit.”3 Si Andrew Kimball ang kanyang pangatlong anak na lalaki. Ang isa pang lola ni Spencer na si Mary Ann Olpin Woolley, ay mula sa England at naging ina ng labing-isang anak, na ang pang-anim ay pinangalanang Olive.
Pinakasalan ni Andrew Kimball si Olive Woolley noong Pebrero 2, 1882, sa Salt Lake City, kung saan sila nanirahan. Makalipas ang mga tatlong taon, nakatanggap si Andrew ng tawag na iwan ang tahanan at maglingkod sa Indian Territory Mission, na matatagpuan sa kasalukuyang estado ng Oklahoma. Matapos maglingkod sa loob ng dalawa’t kalahating taon bilang full-time na misyonero, tinawag siyang maging pangulo ng misyon. Gayunman, sa bagong katungkulan ay nagawa niyang tumira sa kanyang tahanan, kung kaya’t tumira siya sa Utah nang sumunod na 10 taon kasama ang kanyang pamilya habang pinamamahalaan ang misyon sa pamamagitan ng pagliham at pagbibiyahe papunta sa area.
Ang 12 taong paglilingkod ni Andrew sa Indian Territory Mission ay nasundan kaagad ng isa pang tungkulin, sa pagkakataong ito kailangan siyang manirahan sa Gila Valley ng southcentral Arizona. Doon siya’y mamumuno bilang stake president ng mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa rehiyong iyon, na itinatag bilang St. Joseph Stake. Noong 1898, nagimpake na sina Andrew at Olive at ang kanilang anim na anak (kabilang ang tatlong taong gulang na si Spencer) at nagsimulang naglakbay nang 600 milya papuntang timog mula sa Salt Lake City.
Kabataan
Si Spencer Woolley Kimball ay isinilang noong Marso 28, 1895, ang pang-anim sa labing-isang anak nina Andrew at Olive Kimball.
Sa paggunita sa tanawin sa Arizona noong kanyang kabataan, isinulat niya, “Iyon ay isang tigang na bayan, gayunman naging mabunga ito sa kamay ng masisipag na manggagawa.”4 Nagunita rin niya na: “Tumira kami sa maliit na bukirin sa katimugang gilid ng Thatcher, Arizona. Nasa sulok ang aming tahanan at malawak ang bukirin sa timog at silangan. Nasa likuran ng bahay ang balon, ang bomba ng tubig, ang mulino (windmill), ang malaking tangke ng tubig na yari sa kahoy, ang lagayan ng mga kasangkapan at kagamitan, at sa gawing likuran pa ay naroon ang napakaraming panggatong. At nagkaroon ng mga kulungan ng baboy, kural, mga mandala o bunton ng dayami, at kamalig.
Natutuhan ni Spencer ang mahahalagang aral ng ebanghelyo mula sa kanyang mga magulang. “Natatandaan ko noong bata pa ako,” sabi niya, “na naglalakad akong kasama ng nanay ko sa maalikabok na kalye papunta sa bahay ng bishop noong panahon na madalas naming ipambayad bilang ikapu ang aming ani at mga alagang hayop. Habang naglalakad kami, sinabi kong, ‘Bakit dinadala po natin kay bishop ang mga itlog?’ Ang sagot niya’y, ‘Dahil mga ikapung itlog ito at ang bishop ang tumatanggap ng ikapu para sa Ama sa Langit.’ Pagkatapos ay ikinukuwento ng aking inay na gabi-gabi ay dinadala ang mga itlog sa bahay, ang unang itlog ay inilalagay sa maliit na basket at ang susunod na siyam na itlog ay napupunta sa malaking basket.”6
Ang halimbawa ng matapat na paglilingkod ni Andrew Kimball ay nakaimpluwensya nang malaki kay Spencer, na nagsabi sa huli na: “Ang mga unang impresyon ko ng pagtatrabaho ng isang stake president ay mula sa pagmamasid ko sa sarili kong ama. … Naniniwala ako na talagang naglingkod si Itay sa kanyang mga tao kung kaya’t natupad ang basbas na ibinigay sa kanya ni Pangulong Joseph F. Smith, na nangakong ‘titingalain siya’ ng mga tao sa Gila Valley ‘tulad ng mga anak sa kanilang magulang.’ Bagamat natitiyak kong hindi ko nabigyan ng pagpapahalaga noon ang kanyang halimbawa, ang ipinakita niyang pamantayan ay marapat lamang sa sinumang stake president.”7
Simple lang ang naging buhay ng pamilyang Kimball. “Hindi namin alam na mahirap lang pala kami,” paggunita ni Spencer. “Akala namin maganda na ang buhay namin.”8 Ang mga damit nila’y gawa lang sa bahay at mga pinaglumaan na. Simple lang ang mga pagkain nila, karne mula sa mga alaga nilang hayop at ani mula sa kanilang bakuran.
Tumulong si Spencer sa mga gawain sa bukid. “Ako dati ang tagabomba ng tubig para madiligan ang halamanan,” paggunita niya, “at natutuhan ko ring gatasan ang mga baka, pungusan ang mga bungang-kahoy, ayusin ang mga bakod, at lahat ng iba pang gawain. May dalawa akong kuya, at para sa akin, ay kinuha nila ang lahat ng madadaling trabaho at iniwan sa akin ang lahat ng mabibigat na trabaho. Pero hindi ako nagrereklamo; pinalakas ako nito.”9 Simula noong siyam na taong gulang siya, isinaulo ni Spencer ang Mga Saligan ng Pananampalataya, ang Sampung Utos, at ang karamihan sa mga himnong nasa himnaryo ng Simbahan habang ginagatasan niya ang mga baka at pinaiinom ang mga kabayo sa bawat araw.
Noong 11 taong gulang na si Spencer, namatay ang kanyang ina. Isa ito sa mga pinakamalaking pagsubok noong bata pa siya. Inisip niya kung paanong patuloy na mamumuhay ang pamilya nila. “Ngunit nalaman ko noon,” sabi niya, “tulad ng maraming beses ko nang nalaman simula noon, na makakayang tiisin ng kahit sino ang halos lahat ng bagay.”10 Lumipas ang panahon, muling nag-asawa si Andrew Kimball, at si Josephine Cluff ang naging pangalawang ina ni Spencer. Hindi kayang palitan nang lubusan ni “Josie,” gaya ng tawag sa kanya ng mga kaibigan, ang puwang ni Olive sa buhay ni Spencer, ngunit ang kanyang kakayahan at pagiging matiyaga ay nakaragdag sa katatagan ng pamilyang Kimball.
Noong kanyang kabataan, hindi lamang mabibigat na trabaho ang natutuhan ni Spencer sa baku-bakong lupain kundi natutuhan din niya ang ilang kasanayan na naghanda sa kanya para lalong makapaglingkod balang-araw. Natuto siyang kumanta at kumumpas at nahirang na stake chorister sa edad na 15. Bagamat “maiikli at mabibilog”11 ang daliri niya ayon sa kanya, sinikap niyang mabuti na matutong bumasa ng nota ng musika at tumugtog ng piano. Napagbuti naman niya hanggang sa makatugtog na siya ng mga himno at makasali sa isang maliit na orkestra. Makalipas ang maraming taon, nakipaghalinhinan siya kay Elder Harold B. Lee sa pagtugtog sa lingguhang mga miting ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Medyo nahuli sa pagpasok sa paaralan si Spencer kumpara sa karamihan, gaya ng nakasaad sa sumusunod na salaysay: “Inakala ng ina ni Spencer na hindi pa husto ang edad ng mga bata para mag-aral hangga’t wala silang pitong taon, kaya’t nang magsimula si Spencer ay huli na siya ng isang taon sa iba pang mga bata. … Sa tanghali karaniwan ay tatlong kanto ang tinatakbo niya mula eskuwelahan hanggang bahay para magbomba ng tubig para sa mga hayop, pakainin ang mga baboy, at kainin ang kanyang tanghalian. Isang araw sinabi ng kanyang ina, ‘Bakit narito ka sa bahay eh recess pa lang? Hindi pa naman tanghali.’ Nagmamadali siyang tumakbo pabalik sa eskuwelahan at nakitang nasa silid na ang mga kaklase niya matapos ang maikling recess. Nagtawanan ang lahat—maliban sa guro, na sinamantala ang pagkakataong iyon para sabihin sa klase na nangunguna si Spencer sa lahat ng mga estudyante ng ikalawang grado at ililipat at isasama na siya sa mga batang kaedad niya.”12
Nang makatapos sa mababang paaralan, nag-aral si Spencer sa Gila Academy na pag-aari ng Simbahan. Doon ay palaging matataas ang marka niya, sumali siya sa mga larong pampalakasan, at naging pinuno sa eskuwelahan.
Nadagdagan din ang karanasan ni Spencer sa Simbahan at halos walang palya sa pagsisimba. Priyoridad niya ang pagganap sa mga tungkulin sa priesthood, gaya ng inilalarawan sa salaysay na ito: “Bilang bahagi ng kanilang trabaho, isinisingkaw ng mga deacon ang kabayo at bagon bawat buwan bago sumapit ang araw ng ayuno at nagbabahay-bahay para mangolekta ng mga handog para sa mga maralita ng Simbahan. Pagkatapos ay dinadala nila ang nalikom nila sa bishop—mga botelya ng prutas, harina, kalabasa, pulot-pukyutan, at kung minsan ay kalahating dolyar o mga barya-barya. Gustung-gusto ni Andrew na ituro sa kanyang anak ang mga tungkulin nito kung kaya’t walang naging sagabal sa pagkolekta ni Spencer sa araw na iyon. Laging naroon ang kabayo at bagon ng mga Kimball para gamitin sa gawain ng korum ng mga deacon. Kung hindi darating ang isa pang batang inatasang mangolekta na kasama niya, mag-isang umaalis si Spencer at tinatapos ang gawain.”13
Bukod sa mga responsibilidad niya sa kanyang tahanan, paaralan, at Simbahan, si Spencer ay nagtrabaho din bilang sekretaryo ng kanyang ama. Maraming naisulat na liham si Andrew, mga anim sa bawat araw. Isinusulat ni Spencer ang idinidikta ng ama at pagkatapos ay minamakinilya ang mga liham.
Ang mga karanasang ito noong bata pa si Spencer ang nagturo sa kanya ng kahalagahan ng trabaho, isang aral na ipinamuhay at itinuro niya habambuhay. Makalipas ang maraming taon bilang Apostol na nasa mga edad 70 na, may mga araw na pakiramdam niya’y pagod na pagod siya. Ganito ang isinulat niya tungkol sa isang araw na tulad nito: “Nagsimula akong lungkot na lungkot at nag-iisip kung makakaya ko ba ang maghapon, pero … masyado akong naging abala sa trabaho ko kaya’t nalimutan ko ang sarili ko at naging maganda ang araw na iyon.”14
Paglilingkod Bilang Misyonero
Noong 1914, nagtapos si Spencer mula sa Gila Academy, na umaasang makapag-aral sa University of Arizona sa taglagas. Gayunman, habang ginaganap ang pagtatapos, ibinalita ni Andrew Kimball na tatawaging magmisyon si Spencer.
Bilang paghahanda sa kanyang misyon, nagtrabaho si Spencer sa Globe, Arizona, sa pagawaan o tindahan ng mantikilya, gatas, at keso. Ito ang kauna-unahang paninirahan niya sa labas ng pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ng Gila Valley. Natuklasan niya na, kaya niyang makibagay sa mga tao kahit kaiba ang mga pamantayan nila, nang hindi ikinokompromiso ang kanyang sariling mga pamantayan. Nakuha niya ang respeto ng mga kasamahan niya sa trabaho. Nang matapos ang tag-init, ang amo ni Spencer, na naninigarilyo at hindi Banal sa mga Huling Araw, ay nagbigay ng salu-salo bilang pamamaalam sa kanya at niregaluhan siya ng gintong relo na may nakaukit na pangalan niya.
Mula Oktubre 1914 hanggang Disyembre 1916, naglingkod si Spencer bilang full-time na misyonero sa Central States Mission, na ang headquarter ay nasa Independence, Missouri. Dito rin sa lugar na ito naglingkod ang kanyang ama, ang kanyang pangalawang ina, at ang isa sa kanyang mga kuya.
Ang full-time na paglilingkod ni Elder Kimball sa misyon ay naging panahon ng pag-unlad. Naharap siya sa mga pisikal na pagsubok. Inutusan ng kanyang mission president ang mga elder na humanap ng makakain at makituloy sa mga taong tinuturuan nila. Bunga nito, maraming gabing naging balisa si Elder Kimball sa maliliit na barung-barong sa kanayunan ng Missouri, na kasama sa higaan ang mga surot habang maingay ang mga lamok sa paligid. Maraming araw na gutom siya, at kapag inalok ng pagkain, kinakain niya ang kahit anong ihapag o ihain sa kanya.
Mahirap ang magbahay-bahay, at iilan lang ang taong nagpapabalik sa kanya. May kuwento tungkol sa kakaibang paraan na ginamit minsan ni Elder Kimball:
“Habang nagbabahay-bahay sa St. Louis napansin niya ang isang piano dahil sa pintong bahagyang nakabukas, at sinabi niya sa babae, na akmang pagsasarahan siya ng pinto, ‘Ang ganda ho ng piano ninyo.’
“ ‘Kabibili lang namin nito,’ ang may pag-aatubiling sinabi ng babae.
“ ‘Kimball ho siguro ang tatak niyan? Iyan din ho ang pangalan ko. Kaya ko hong tugtugin diyan ang isang awitin na maaaring magustuhan ninyo.’
“Gulat na napasagot ang babae ng, ‘Aba sige, tuloy ka.’
“Nakaupo sa bangko, tinugtog at kinanta ni Spencer ang, ‘Aking Ama.’
“Ang alam ni Spencer hindi kailanman sumapi sa Simbahan ang babaeng ito, pero hindi iyon dahil sa hindi sinubukan ni Spencer.”15
Pinagtibay ng misyon ni Spencer ang natutuhan niya noong bata pa siya sa Arizona: pananampalataya sa Panginoon, masipag na pagtatrabaho, katapatan, tahimik na paglilingkod, at sakripisyo.
Kasal at Pamilya
Noong tag-init ng 1917, mga pitong buwan matapos makauwi si Spencer Kimball mula sa kanyang misyon, napansin niya ang isang pabatid sa lokal na pahayagan. Si Camilla Eyring, na lumipat sa Gila Valley noong 1912 kasama ng kanyang pamilya, ay magtuturo ng home economics sa Gila Academy. Habang paulitulit na binabasa ni Spencer ang lathalain, nagpasiya siyang balang-araw ay pakakasalan niya si Camilla Eyring. “Nagkataon” namang nakita niya si Camilla na naghihintay sa bus stop malapit sa paaralan at nagsimula siyang makipag-usap kay Camilla. Tumabi siya kay Camilla sa bus, kung saan patuloy silang nagusap, at pinayagan niya si Spencer na bumisita sa kanya.
Gustung-gusto ng inay ni Camilla ang batang si Spencer Kimball. Palagi niya itong niyayayang kumain ng hapunan tuwing bibisita ito kay Camilla. At si Brother Eyring, na napakaistrikto tungkol sa kalidad ng mga manliligaw ng kanyang anak, ay hindi naman tumutol. Makalipas ang 31 araw, si Spencer ay halos palagi nang nasa tahanan ng mga Eyring. Nagpasiyang magpakasal ang magkasintahan, ngunit naapektuhan ang kanilang mga plano dahil sa Unang Digmaang Pandaigdig noon. Napilitan si Spencer na manatili sa Thatcher, Arizona, para hintayin ang posibleng pagkapasok sa hukbo, kaya’t hindi sila makapaglakbay nang malayo papunta sa isang templo sa Utah. Ikinasal sila sa huwes noong Nobyembre 16, 1917, ngunit inasam na kaagad mabuklod sa templo hangga’t maaari. Natupad ang mithiin nang sumunod na Hunyo sa Salt Lake Temple.
Sina Spencer at Camilla ay nagkaroon ng apat na anak: tatlong lalaki at isang babae (Spencer LeVan, Andrew Eyring, Edward Lawrence, at Olive Beth). Bilang mga magulang ipinadama nila sa kanilang mga anak hindi lamang ang pagmamahal at suporta kundi maging ang pagtitiwala sa paggawa nila ng mga desisyon. Naalaala ng isa sa kanilang mga anak na lalaki:
“Kapag nagtatanghal ang mga anak sa paaralan, sa Simbahan o kahit saan, naroon lagi ang aking mga magulang, kahit nangahulugan iyon ng kanilang pagsasakripisyo. Palagi silang nagpapakita ng malasakit sa amin at ipinagmamalaki nila kami.
“Sa aming pamilya, dama namin ang ugnayan ng bawat isa, at hindi kami parang isang bagay lang na pag-aari ng mga magulang namin. Pananagutan namin ang aming mga gawa. Ang mga magulang namin ay nanghihimok at gumagabay, ngunit hindi nag-uutos.”
Ganito pa ang sinabi ng anak ding ito tungkol sa kanyang ama:
“Wala akong ibang kilala na mas bukas-palad kaysa sa aking ama. Siya’y mabait at maunawain, na halos pagkakamali na iyon. May tendensiya ang mga anak na isiping ang mga magulang nila ay makapangyarihang tao, at walang mga pangangailangan. Pero alam ko kung gaano ang pasasalamat ng tatay ko sa taos-pusong papuri o salita ng pasasalamat. At walang katumbas ang pasasalamat o pagmamahal na nagmumula sa kanyang sariling pamilya.
“Alam kong walang higit na nagbibigay ng kasiyahan sa kanya—matapos madamang sang-ayon ang Panginoon sa ginawa niya—maliban sa makita ang kanyang pamilya na sumusunod sa kanyang mga yapak sa pamumuhay nang matuwid.
“Kung maaari kong piliin ang huhusga sa akin sa huling araw, wala akong ibang pipiliin kundi ang aking ama.”16
Buhay Propesyonal, mga Tungkulin sa Simbahan, at Paglilingkod sa Komunidad
Dahil kay Camilla na nasa kanyang tabi at sa mga responsibilidad niya sa pamilya, sinimulan ni Spencer ang kanyang buhay propesyonal bilang isang clerk ng bangko. Sa paglipas ng mga taon, mula sa trabaho sa bangko ay lumipat siya sa life insurance o seguro at sa real estate development. Dahil sa mahirap na pamumuhay noong panahon ng Matinding Kahirapan (1929–39) nagkaroon ng mga problema si Spencer sa kanyang mga negosyo, ngunit nalampasan iyon ng kanyang pamilya.
Namatay ang tatay ni Spencer noong 1924, matapos maglingkod bilang stake president sa loob halos ng tatlong dekada. Nang muling isaayos ni Pangulong Heber J. Grant, ikapitong Pangulo ng Simbahan, ang stake presidency, ang 29-anyos na si Spencer ay tinawag na maglingkod bilang pangalawang tagapayo.
Bukod sa kanyang buhay may pamilya, pagsisikap sa kanyang propesyon, at paglilingkod sa Simbahan, si Spencer ay aktibong tagaambag sa komunidad. Tumulong siya sa pagtatayo ng unang lokal na istasyon ng radyo. Siya’y aktibong miyembro noon ng Rotary Club, isang samahan na nakatuon sa paglilingkod, at sa huli’y naging tagapamahala siya ng distrito nito.
Noong 1938 ay nahati ang St. Joseph Stake, at si Spencer ay tinawag na maging pangulo ng bagong Mount Graham Stake. Sa pag-aalala na baka sumama ang loob sa kanya ng ilan sa mga pamumunuan niya, binisita nina Spencer at Camilla ang mga taong maaaring may gayong damdamin para “maiwasan ang gayong problema.”17
Noong Setyembre 1941, habang naglilingkod siya bilang stake president, nagkaroon ng malaking baha sa komunidad. Tumaas ang tubig sa Gila River dahil sa patuloy na pag-ulan hanggang sa umapaw ito at umagos sa mga kalye ng ilan sa mga panirahan. Inanod ng tubig ang mga tahanan at binaha ang mga bukirin. Ang mga residente, na halos lahat ay mga miyembro ng Simbahan, ay lubos na nangailangan ng tulong. Nang marinig ang nangyaring pinsala, pinuno ni Spencer ang kanyang kotse ng pagkaing mula sa mga imbakan ng Simbahan at nagpunta sa mga bayan na naapektuhan ng pagbaha. Ipinalinis niya ang maruruming damit. Tinulungan niya ang mga magsasaka na makakuha ng ipapakain sa mga alagang hayop. Di nagtagal ay dumating ang trak na puno ng pagkain at mga kasuotan. Sa loob ng isang linggo, ang mga nasalanta nang husto sa pagbaha ay nakakabawi na. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagpakita ng walang-tigil na pagmamagandang-loob. Si Spencer ang nangasiwa sa pag-alam kung ano ang mga kinakailangan at sa pamamahagi ng mga bagay-bagay. Sa lahat ng ito, nakipag-ugnayan siyang mabuti kay Elder Harold B. Lee ng Korum ng Labindalawang Apostol, dahil kabilang sa tungkulin nito ang programang pangkapakanan.
Ang Pagka-Apostol
Noong Hulyo 8, 1943, tinawagan ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. ng Unang Panguluhan si Spencer sa tahanan nito. Sinabi niyang tinawag si Spencer para punan ang isa sa dalawang bakanteng upuan ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang sagot ni Spencer dito ay: “O, Brother Clark! Hindi po ako? Hindi kayo seryosong ako? Baka nagkamali lang po. Sigurado po akong mali ang narinig ko. … Parang napakaimposible. Masyado akong mahina at pangkaraniwang tao lang at limitado ang kaalaman at walang kakayahan.”18 Tiniyak ni Spencer kay Pangulong Clark na isa lang ang maaaring isagot sa tawag ng Panginoon, pero hindi kaagad nanaig ang kahandaan niyang maglingkod sa damdamin ng kawalan ng kakayahan at pagiging di-marapat.
Tumindi ang damdaming iyon nang sumunod na ilang araw, at halos kakaunti o hindi makatulog si Spencer. Habang siya’y nasa Boulder, Colorado, para bisitahin ang kanyang anak na lalaki, naglakad siya paakyat sa mga burol isang umaga. Habang umaakyat siya, inisip niyang mabuti ang bigat ng tungkulin ng apostol. Nahirapan siya talaga dahil naisip niyang baka hindi niya magampanang mabuti ang tungkulin, na baka nagkamali lang sa pagtawag sa kanya. Habang nasa ganitong kaisipan, nakarating siya sa tuktok ng bundok na kanyang inaakyat, at doo’y lumuhod siya para magdasal at magmuni-muni. “Nagdasal ako nang taimtim!” paggunita niya. “Nahirapan akong mabuti! Tumangis ako! Nagsikap akong mabuti!” Habang siya’y nagdadalamhati, nakinita niya ang kanyang lolong si Heber C. Kimball at “ang dakilang gawaing nagawa niya.” Napanatag ng kaalamang ito ang puso ni Spencer. “Nakadama ako ng kapayapaan at katiyakan, napawi ang pag-aalinlangan at mga pagtatanong. Parang naalis ang isang mabigat na pasanin. Naupo ako sa matiwasay na katahimikan habang pinagmamasdan ang magandang lambak, na nagpapasalamat sa Panginoon sa kasiyahan ng kalooban at katiyakan ng sagot sa aking mga dalangin.”19 Noong Oktubre 7, 1943, sa edad na 48, si Spencer W. Kimball ay naordenan na Apostol.
Ang paglilingkod ni Elder Kimball sa Korum ng Labindalawa ay tumagal nang tatlumpung taon. Noong panahong iyon, naglakbay siya sa maraming lugar, na pinatatatag ang mga miyembro at tumutulong sa pag-unlad ng kaharian. Sa pamamagitan ng espesyal na asaynment mula kay Pangulong George Albert Smith, pinagtuunang mabuti ng pansin ni Elder Kimball ang mga inapo ng propetang si Lehi ng Aklat ni Mormon—ang mga katutubo ng North, Central, at South America. Mahusay siyang tagapagsalita noon para sa kanilang kapakanan kapwa sa matatandang korum ng Simbahan at sa mga miyembro sa pangkalahatan. Pinulaan niya ang lahat ng di pantay na pagtingin sa lahi at panghahamak sa mahihirap.
Sa kanyang mga sermon, si Elder Kimball ay puwedeng maging makata bagamat simpleng manalita. Madalas niyang talakayin ang maseselang paksang pinoproblema ng pangkaraniwang miyembro ng Simbahan. Bilang karagdagan sa napakarami niyang mga talumpati, siya ang sumulat ng aklat na The Miracle of Forgiveness. Ang aklat na ito’y bunga ng matagal na karanasan ni Elder Kimball bilang Apostol, na nagpapayo sa mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Sa aklat ay inilarawan niya ang mga inaasahan sa atin ng Panginoon, ang ating banal na potensyal, at ang landas na kailangan nating sundin para makapagsisi at matanggap ang katiyakan ng ganap at banal na kapatawaran. Pinatotohanan ni Elder Kimball sa mambabasa na ang Panginoon ay maawain at patatawarin Niya ang mga taos-pusong nagsisisi.
Mga Hamon sa Kalusugan
Noong nabubuhay pa siya, si Spencer W. Kimball ay nagkaroon ng iba’t ibang pinsala at karamdaman. Dalawang malalaking hamon sa kalusugan ang nagkaroon ng malaking epekto noong siya’y isang Apostol. Ang unang karamdaman ay nag-iwan ng palatandaan kay Elder Kimball na halatang-halata sa tuwing magsasalita siya. Sa dakong huli ng 1956, nakadama siya ng pamamalat sa kanyang tinig. Ayon sa pagsusuri iyon ay kanser sa lalamunan. Isang operasyon noong Hulyo 1957 ang naging dahilan ng pagkatanggal ng isang vocal cord at bahagi ng isa pa. Bunga nito, ipinahinga niya ang kanyang boses para sa pinakamainam nitong paggaling. Sa mga gabing hindi siya makatulog, inisip ni Elder Kimball kung makapagsasalita pa siyang muli.
Anim na buwan matapos ang operasyon, sinabi ng mga doktor na magaling na ang lalamunan ni Elder Kimball. Ikinuwento ni Elder Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paanong nagpapatawa si Elder Kimball kapag ipinaririnig sa mga tao ang kanyang bagong tinig o boses:
“At dumating ang pagsubok. Makapagsasalita ba siya? Makapangangaral ba siya?
“Muli siyang umuwi [sa Arizona] para sa kauna-unahan niyang talumpati. … Doon, sa isang kumperensya ng St. Joseph Stake, … siya’y tumayo sa pulpito.
“ ‘Bumalik ako dito,’ sabi niya, ‘para makapiling ang mga kababayan ko. Sa lambak na ito’y namuno ako bilang stake president.’ Siguro naisip niya na sakaling mabigo siya, makakapiling niya dito ang mga taong lubos na nagmamahal sa kanya at makauunawa.
“Damang-dama ang matinding pagmamahal. Napawi ang pagkabahala sa madulang tagpong ito nang magpatuloy siya, ‘Kailangan kong sabihin sa inyo ang nangyari sa akin. Nagpunta ako sa Silangan, at habang naroon ay nagilitan ako sa leeg. …’ Matapos iyon ay hindi na mahalaga pa kung ano ang sinabi niya. Nagbalik na si Elder Kimball!”20
Ang bagong boses niya ay mahina, malalim, at magaspang. Sabi ni Elder Packer, iyon ay, “payapa, mapanghikayat, malamig, banayad, kaakit-akit na tinig, isang tinig … na minahal ng mga Banal sa mga Huling Araw.”21
Nagkaroon din si Elder Kimball ng mabigat na problema sa puso. Matapos maging Apostol, nagkaroon siya ng sunud-sunod na atake sa puso. Noong 1972, habang naglilingkod bilang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa, sumailalim siya sa isang maselang operasyon. Si Dr. Russell M. Nelson ang doktor sa puso ni Pangulong Kimball nang panahong iyon. Sa bandang huli, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ikinuwento ni Elder Nelson ang nangyari sa operasyon: “Hindi ko malilimot kailanman ang nadama ko nang muling pumintig ang kanyang puso, na tumitibok nang buong lakas at sigla. Sa sandaling iyon mismo, ipinaalam sa akin ng Espiritu na ang espesyal na pasyenteng ito ay mabubuhay para maging propeta ng Diyos sa lupa.”22
Pangulo ng Simbahan
Noong gabi ng Disyembre 26, 1973, si Pangulong Harold B. Lee, ang ika-11 Pangulo ng Simbahan, ay biglaang namatay. Sangayon sa orden ng pagkakasunod-sunod ng mga apostol sa Simbahan, noong Disyembre 30, 1973, si Spencer W. Kimball, bilang pinakamatagal na miyembro ng Korum ng Labindalawa, ang naging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ikinagulat ito ng mga miyembro ng Simbahan—at lalo na ni Pangulong Kimball. Siya’y naorden na Apostol dalawang taon at kalahati matapos maorden si Harold B. Lee. Yamang apat na taon ang tanda ni Pangulong Kimball kaysa kay Pangulong Lee at, kung tutuusin ay mas sakitin pa, naisip ni Pangulong Kimball na hindi siya ang magiging kasunod ni Pangulong Lee. Nang gunitain niya sa bandang huli: “Damang-dama ko na mamamatay ako, kapag dumating na ang oras ko, bilang pangulo ng Labindalawa. … Binanggit ko sa libing ni Pangulong Lee na wala nang mas titindi pa sa pagdarasal namin ni Sister Kimball para sa muli niyang paggaling at sa patuloy niyang paggaling.”23
Si Pangulong Kimball ay sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1974. Hindi niya hinangad ang posisyong ito, kundi pinili siya ng Panginoon na maging Kanyang propeta, tagakita, at tagapaghayag at mamuno sa Kanyang Simbahan at kaharian sa lupa.
Kaugnay ng pangkalahatang kumperensyang iyon sa buwan ng Abril, nagsalita si Pangulong Kimball tungkol sa gawaing misyonero sa isang miting para sa mga lider ng Simbahan. Si Elder William Grant Bangerter, na sa huli’y naging miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, ay regional representative noon at naroon sa miting. Sa huli’y ginunita niya ang epekto ng mga salita ni Pangulong Kimball:
“Natanto namin na binubuksan ni Pangulong Kimball ang espirituwal na mga dungawan at tinatawag tayo para makasama niya sa pagtitig sa mga plano ng kawalang hanggan. Para bang hinahawi niya ang mga tabing na nakatalukbong sa layunin ng Makapangyarihan at iniimbita tayong pagmasdang kasama niya ang tadhana ng ebanghelyo at makinita ang ministeryo nito.
“Duda ako na malilimutan ng sinumang naroon nang araw na iyon ang pangyayari. Ako mismo, ay halos miminsan lang nabasang muli ang mensahe ni Pangulong Kimball mula noon, ngunit ang pinakadiwa ng sinabi niya ay malinaw na nakakintal sa aking isipan na mabibigkas ko halos ang karamihan nito ngayon mismo.
“Ang Espiritu ng Panginoon ay na kay Pangulong Kimball at mula sa kanya’y napasaamin at damang-dama namin ang presensya nito, na minsa’y kapwa nakaaantig at nakayayanig. Ipinakita Niya sa amin ang isang maluwalhating pangitain.”24
Ang mensahe ni Pangulong Kimball sa pagkakataong iyon ang sentrong paksa ng kanyang ministeryo bilang Pangulo ng Simbahan:
“Mga kapatid, naiisip ko lang kung ginagawa nga ba natin ang lahat ng ating magagawa. Nasisiyahan na ba tayo sa ginagawa nating pagtuturo sa buong mundo? Mga 144 na taon na tayong nagtuturo ng ebanghelyo. Handa ba tayong dagdagan ang ating pagsisikap? Na lawakan ang ating pananaw?…
“Natanto ko, mga kapatid, na hindi ito madaling gawin. Hindi ito magagawa nang walang pagsisikap, ni hindi ito magagawa sa loob ng napakaikling panahon. Ngunit nananalig ako na maaari tayong sumulong at dagdagan ang ating pagsisikap sa gawaing misyonero nang mas mabilis pa kaysa ginagawa natin sa ngayon. …
“… Sa palagay ko kung lahat tayo’y iisa sa puso’t isipan at iisa ang ating layunin, tayo’y makasusulong at mababago ang ating pananaw na para bang ‘Ayos naman ang ating ginagawa. Huwag na tayong “lumikha pa ng mga problema.” ‘ ”25
Dahil dito’y nagsimula ang kakaibang dekada ng pag-unlad at pagbabago. Bagamat gawaing misyonero ang pangunahing binigyang-diin, di nagtagal ay naging malinaw sa mga miyembro ng Simbahan na si Pangulong Kimball ay hindi interesadong manatili na lamang sa isang aspeto ng mabuting hangarin.
Gawaing Misyonero
Hinangad ni Pangulong Kimball na mabuksan ang mga pintuan ng ibang bansa sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang pagkakahati ng tinatawag na “Cold War” sa pagitan ng mga demokratikong gobyerno at mga gobyernong komunista ang naging hadlang sa pagtuturo ng ebanghelyo sa maraming bansa ng Europa at Asia. Ang mga patakaran din naman ng Simbahan tungkol sa ordenasyon sa priesthood ang naglimita sa gawaing misyonero sa Africa, mga bahagi ng South America, at Caribbean. Tiningnan ni Pangulong Kimball ang bawat oportunidad para mapalawak ang lupaing nasasakupan ng Simbahan.
Kasabay nito, binigyang-diin niya na ang mas malalaking pagkakataon na maturuan ang mga bansa ay batay sa kahandaan ng mga miyembro ng Simbahan na samantalahin ang mga pagkakataong iyon. Para sa mga kabataang lalaki na karapat-dapat at handang-handa na, ang serbisyo ng misyonero ay hindi dapat ituring na isang opsiyon kundi banal na tungkulin at oportunidad. Ang obligasyong ito ay nasa balikat ng mga kabataang lalaki saan man sila nakatira. Ang mga kabataang babae ay maaari ring maglingkod bilang mga misyonera pero hindi sila obligadong tulad ng mga kabataang lalaki. Bukod dito, ang mga nakatatandang mag-asawa ay hinikayat na magmisyon. Nang magsimulang maglingkod si Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan, 17,000 full-time na mga misyonero ang naglilingkod sa buong mundo. Nang mamatay siya makalipas ang mga 12 taon, ang bilang na iyon ay umabot nang halos 30,000. Malaki ang ibinunga ng karagdagang pagsisikap ng mga misyonero: Ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan na mula 3.3 milyon ay umabot nang halos 6 na milyon.
Sa pagsasalita sa isang grupo ng mga kabataang miyembro ng Simbahan noong 1975, sinabi ni Pangulong Kimball: “Alam ba ninyong mga kabataang lalaki kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa inyo? Makikisig kayong mga binata. Mukha kayong malakas at malusog at masaya. Sino ang nagbigay sa inyo ng inyong kalusugan? Sino ang nagbigay sa inyo ng inyong mga mata? Sino ang nagbigay sa inyo ng inyong mga tainga? Sino ang nagbigay sa inyo ng inyong tinig? Naisip na ba ninyo iyan? Tiyak na may isang taong nagbigay sa inyo ng mahahalagang pagaaring ito.”
Pagkatapos ay inilarawan niya ang karanasan niya nang operahan siya sa lalamunan at kung paanong bahagi na lamang ng kanyang tinig ang itinira nito. Sa pagpapatuloy, sinabi niya: “Hayaan ninyong itanong ko kung ilan sa inyo ang handang isuko ang inyong tinig? Binili ba ninyo ito o nagbigay ng kapalit para dito? May nagbigay ba nito sa inyo? Binigyan ba kayo ng Panginoon ng tinig para masabi ninyo ang nasa loob ninyo? Kung gayon, bakit hindi kayo humayo sa mundo at sabihin ang pinakadakilang kuwento sa mundo, at sabihin sa mga tao na naibalik na ang katotohanan; na patuloy ang pagtawag ng Panginoon ng mga propeta mula kay Adan hanggang sa ngayon; at taglay ninyo mismo ang banal na priesthood, at gagampanan ninyo itong mabuti habang nabubuhay kayo? Sabihin ninyo iyan sa mundo! Kailangan nila ito!
“Kaya’t muli kong itatanong sa inyo, sino ang nagbigay ng inyong tinig? Bakit?—para lamang makaawit o makapagsalita kayo o masiyahang kasama ng mga tao? O ibinigay niya ang tinig na iyan sa inyo para maituro ninyo ang ebanghelyo? …
“Ngayon sa palagay ko mas makabubuting magmisyon tayo, hindi ba?—bawat karapat-dapat na lalaki.”26
Gawain sa Templo
Bilang Pangulo ng Simbahan, pinamahalaan ni Spencer W. Kimball ang pagdami ng mga itinatayong templo. Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon, 15 ang gumaganang templo; nang mamatay siya makalipas ang mga 12 taon, umabot sa 36 ang bilang nito, mahigit doble. Si Pangulong Gordon B. Hinckley, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpatotoo na, “Ang malaking puwersang ito sa pagtatayo ng templo ay dulot ni Pangulong Kimball ayon sa paghahayag mula sa Panginoon.”27
Ganito ang sinabi ni Pangulong Kimball tungkol sa gawain sa templo: “Paparating na ang araw at malapit nang mangyari iyon na ang lahat ng mga templo sa mundong ito ay bubuksan sa araw at gabi. … Magkakaroon ng mga grupo ng manggagawa na kikilos sa araw at gabi at halos mapagod na, dahil sa kahalagahan ng gawain at sa dami ng bilang ng mga namatay na nasa kawalang hanggan na nananabik na mabuti at nangangailangan ng mga pagpapalang maaaring mapasakanila.”28
Pamamahala sa Simbahan
Noong 1975 at 1976, ipinag-utos ni Pangulong Kimball ang muling pagsasaayos at pagpapalawak ng pamamahala sa Simbahan para makaagapay sa pag-unlad ng Simbahan. Bilang bahagi ng ihahayag na organisasyon at mga responsibilidad ng mga General Authority, ang Unang Korum ng Pitumpu ay muling binuo at pagsapit ng Oktubre 1976 ito’y kinabilangan ng 39 na kalalakihan. “Sa pagkilos na ito,” paliwanag ni Pangulong Kimball, “ang tatlong namamahalang korum ng Simbahan na ipinaliwanag sa pamamagitan ng mga paghahayag,—ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawa, at ang Unang Korum ng Pitumpu,—ay isinaayos sa dapat kalagyan ng mga ito ayon sa pagkakahayag ng Panginoon. Dahil dito’y posibleng mapangasiwaang mabuti ang kasalukuyang dami ng trabaho at makapaghanda para sa dagdag na paglaganap at pagbilis ng gawain, na inaasam ang araw ng pagbabalik ng Panginoon para direktang mangasiwa sa Kanyang simbahan at kaharian.”29 Ang paghahayag na ito mula sa Panginoon tungo sa Kanyang propeta ang naging dahilan ng iba pang mga pagbabago sa pamamahala ng Simbahan na kinakailangan sa “gawain sa ubasan” (D at T 107:96).
Mga Banal na Kasulatan
Noong 1976, ipinag-utos ni Pangulong Kimball na idagdag ang dalawang paghahayag, ang isa ay kay Propetang Joseph Smith at ang isa ay kay Pangulong Joseph F. Smith, sa tuntunin ng banal na kasulatan (tingnan sa D at T 137 at 138). Sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Kimball, inilathala ang LDS na edisyon ng King James Bible noong 1979, at isang bagong edisyon ng tatlong pinagsamang aklat ng banal na kasulatan (ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas) ang inilathala noong 1981. Sa pagtukoy sa paglitaw ng mga edisyong ito ng pamantayang mga banal na kasulatan, sinabi ni Elder Boyd K. Packer na, “Sa paglipas ng mga henerasyon, ito ay ituturing sa kasaysayan, bilang pinakamalaking nagawa sa administrasyon ni Pangulong Spencer W. Kimball.”30
Sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Kimball, ang mga banal na kasulatan din ang naging batayan ng kurikulum ng Sunday School sa Simbahan.
Pagpapasimple
Sa paglaki at paglawak ng pagpapatakbo ng Simbahan, natanto ni Pangulong Kimball at ng iba pang mga lider ng Simbahan na kailangang simplihan ang iba-ibang programa ng Simbahan upang ang lubos na kailangan ay madaling makuha kahit paano ng mga nasa pinakabagong tatag na branch at gayundin ng matatagal nang ward. Sinabi ni Pangulong Kimball:
“Ang misyon ng Simbahan sa mga miyembro nito ay ang mapasakanila ang mga alituntunin, programa, at priesthood na siyang paraan upang maihanda ang kanilang sarili sa kadakilaan. Ang tagumpay natin, bawat isa at bilang Simbahan, ay mababatay nang malaki sa kung gaano natin katapat na pinagtutuunan ng pansin ang pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan. Kapag nakita na nating mabuti ang mga responsibilidad ng bawat tao at ang papel ng ating mga pamilya at tahanan, doon pa lang natin mauunawaan na ang mga korum ng priesthood at organisasyon ng auxiliary, sa ward at stake, ay umiiral unang-una para tulungan ang mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo sa tahanan. Pagkatapos ay mauunawaan natin na ang mga tao ay mas mahalaga kaysa mga programa, at ang mga programa ng Simbahan ay dapat palaging sumuporta at hindi makabawas sa mga aktibidad ng pamilya na nakasentro sa ebanghelyo. …
“Ang ating pangako na ipamuhay sa tahanan ang ebanghelyo ang dapat maging malinaw na mensahe ng bawat programa ng priesthood at auxiliary, na binabawasan, kung kailangan, ang ilan sa mga opsiyonal na aktibidad na lumalayo sa dapat pagtuunan ng pansin sa pamilya at tahanan.”31
Ang isang mahalagang pagbabago noong administrasyon ni Pangulong Kimball ay ang pagpapasimula ng tatlong-oras na iskedyul ng miting sa araw ng Linggo. Pinagsama-sama nito ang iba’t ibang miting mula Lunes hanggang Biyernes at sa araw ng Linggo at ginawang simple at mas kumbinyenteng mga miting sa araw na lamang ng Linggo. Ang pagpapasimula ng pinagsamang iskedyul na ito noong 1980 ay nakabawas nang malaki sa nagugugol na oras at pera ng mga miyembro ng Simbahan para lamang makasali sila sa lahat ng programa ng Panginoon.
Pagpapahayag Tungkol sa Priesthood
Ang isa sa mga pinakamahalagang pagbabagong nangyari noong si Spencer W. Kimball pa ang pangulo ay ang paghahayag tungkol sa priesthood (tingnan sa Opisyal na Pahayag 2 sa Doktrina at mga Tipan).
Noong Hunyo 1, 1978, si Pangulong Kimball, at ang iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagpulong sa silid sa itaas ng Salt Lake Temple. Si Pangulong Gordon B. Hinckley, na naroon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nag-ulat kalaunan:
“Ang tanong tungkol sa pagkakaloob din ng mga biyaya ng priesthood sa mga itim o negro ay nasa isipan ng marami sa mga Kapatid sa paglipas ng mga taon. Paulit-ulit itong tinalakay ng mga Pangulo ng Simbahan. Masyado itong ikinabahala ni Pangulong Spencer W. Kimball.
“Matagal din niyang ipinagdasal ang tungkol sa mabigat at mahirap na tanong na ito. Gumugol siya ng maraming oras sa silid sa itaas ng templo na mag-isang nananalangin at nagmumuni-muni.
“Sa pagkakataong ito binanggit niya ang katanungang ito sa kanyang mga Kapatid—ang kanyang mga Tagapayo at ang mga Apostol. Kasunod ng talakayang ito sama-sama kaming nanalangin nang napakataimtim. Si Pangulong Kimball mismo ang nagalay ng panalanging iyon. … Naroon ang Espiritu ng Diyos. At sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nadama ng propeta ang katiyakan na ang bagay na ipinagdarasal niya ay tama, na dumating na ang panahon, at ngayon ang kagila-gilalas na mga pagpapala ng priesthood ay dapat nang ipagkaloob sa karapat-dapat na mga kalalakihan saan man sila naroon anuman ang kanilang lahi.
“Bawat isa na nasa bilog na iyon, ay gayundin ang nadama sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
“Payapa at napakadakila ng sandaling iyon. …
“… Wala ni isa sa amin na naroon sa okasyong iyon ang tulad pa rin ng dati matapos iyon. Ni ang Simbahan ay hindi na tulad ng dati.”32
Ibinalita ang tungkol sa paghahayag sa pamamagitan ng isang liham na may petsang Hunyo 8, 1978, sa lahat ng pangkalahatan at lokal na mga pinuno ng priesthood sa Simbahan: “Bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahin kasama ang kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kasama na ang mga pagpapala ng templo” (D at T, Opisyal na Pahayag 2).
Naalaala ni Pangulong Hinckley: “Ang liham ay ipinalabas sa Simbahan at sa mundo. Hindi ko na kailangang sabihin pa sa inyo ang matinding epekto nito sa damdamin kapwa sa loob at sa labas ng Simbahan. Marami ang umiyak, mga luha ng pasasalamat hindi lamang sa panig ng mga napagkaitan noon ng priesthood at biglaang nakinabang sa balitang ito, kundi maging sa kalalakihan at kababaihan ng Simbahan sa buong mundo na katulad namin ang damdamin hinggil sa bagay na ito.”33
Makalipas ang mga tatlong buwan, ganito ang sinabi ni Pangulong Kimball, tungkol sa paghahayag: “Isa sa mga Kapatid ang nagsabi kahapon na dumating na ang isa sa mga pinakamalaking pagbabago at pagpapalang nalaman ng tao. … Maliban sa iilang tao na palaging salungat, tinanggap ng mga tao sa daigdig ang pagbabagong ito nang may pasasalamat. … Kung kaya’t maligayang-maligaya kami tungkol dito, lalo na doon sa mga napagkaitan noon ng mga pagpapalang ito.”34
Pagmamahal sa mga Tao at sa Gawain ng Panginoon
Sa paglalarawan kay Pangulong Kimball, sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Puno ng pagmamahal ang paglilingkod ng taong ito. Ang mapagmahal ngunit mapanuri niyang mga mata, ang pag-akbay niya, ang kanyang banal na halik, ang pagiging magiliw niya—na nadama ng marami—ay lumikha ng karapat-dapat na damdaming nakapalibot sa taong ito, hindi damdamin na mahirap siyang lapitan, kundi ng espesyal na kagiliwan. Dama ng lahat ang kanyang pagmamahal; walang hindi nakadama nito. Maaaring akalain ng bawat General Authority na siya ang paborito ni Pangulong Kimball, dahil mahal na mahal niya ang bawat isa sa amin! Paano nga ba namang hindi ganoon ang maiisip namin?”35
Sinabi ni Pangulong Kimball sa mga miyembro ng Simbahan, “Gusto kong makilala ako bilang isang taong nagmamahal sa kanyang mga kapatid.”36 Nadama ito ng mga Banal sa mga Huling Araw at bilang ganti’y minahal din nila siya, na ipinagpasalamat naman niya. Sabi niya: “Lagi kong sinasabi sa mga tao kapag sinasabi nilang mahal nila ako na, ‘Nakakatuwa, dahil diyan ako nabubuhay.’ At totoo ang sinasabi ko.”37
Sa kanyang magiliw ngunit determinadong paraan, hinikayat ni Pangulong Kimball ang mga Banal sa mga Huling Araw na lalo pa silang magsikap sa paglilingkod sa Panginoon, alisin ang kawalang-malasakit, daigin ang kasalanan, o ang iba pang mga problemang hadlang sa kanilang pagsulong. Sa buhay niya mismo, nagsilbi siyang halimbawa ng taong sumusulong sa paglilingkod sa Panginoon, anuman ang mga balakid sa daan.
Ganito ang sinabi ni Elder Robert D. Hales, na noo’y miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, tungkol kay Pangulong Kimball: “Siya ang taong gumagawa, na ipinakita ng simpleng karatulang nasa kanyang mesa na nagsasabing, ‘Gawin Mo.’… Ang halimbawa niya’t pagmamahal ay humihikayat sa mga sumusunod sa kanyang halimbawa na kamtin ang mas matataas na mithiin at dagdagan pa ang pagsisikap nila para maging ganap.”38
Sa isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1979, isinalaysay ni Pangulong Kimball ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Caleb, na, nang maharap sa mga hamong kaugnay ng pagpasok sa lupang pangako, ay nagsabing, “Ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito” (Josue 14:12). Sa pagtukoy sa mga salitang ito, sinabi ni Pangulong Kimball:
“Ito ang nadarama ko sa gawain sa sandaling ito. May malalaking hamon tayong kakaharapin, malalaking oportunidad na masasagupa. Tanggap ko ang mangyayari at nais kong sabihin sa Panginoon, nang buong pagpapakumbaba, ‘Ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito,’ ibigay mo sa akin ang mga hamon na ito.
“Mapagpakumbaba kong ibinibigay ang pangakong ito sa Panginoon at sa inyo, minamahal kong mga kapatid, mga kapwa manggagawa sa sagradong layunin ni Cristo: Susulong ako, nang may pananampalataya sa Diyos ng Israel, nalalaman na gagabayan at papatnubayan niya tayo, at aakayin tayo, sa huli, sa pagsasakatuparan ng kanyang mga layunin at papunta sa ating lupang pangako at sa mga ipinangakong pagpapala sa atin. …
“Buong sigasig at taimtim kong hinihimok ang bawat isa sa inyo na gawin din ang pangako at pagsisikap na ito—bawat lider ng priesthood, bawat babae sa Israel, bawat kabataang lalaki, bawat kabataang babae, bawat bata.”39
Noong Nobyembre 5, 1985, matapos ang halos 12 taong paglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, si Spencer W. Kimball ay pumanaw. Nang siya’y mamatay, ipinahayag ng tagapayo ni Pangulong Kimball na si Pangulong Gordon B. Hinckley na: “Malaking pagkakataon at pribilehiyo para sa akin ang makasama ni Pangulong Kimball sa gawain ng Panginoon. Minsan ay sinubukan ko siyang pabagalin nang kaunti, at sinabi niyang, ‘Gordon, ang buhay ko’y tulad ng aking mga sapatos—mapupudpod sa paglilingkod.’ Ganoon nga ang naging buhay niya. Ganoon nga siyang namatay. Naroon na siya sa piling Niya na pinaglingkuran niya, maging ang Panginoong Jesucristo, na sinaksihan at pinatotohanan niya.”40