Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Ang Batas ng Kalinisang-Puri


Kabanata 17

Ang Batas ng Kalinisang-Puri

Ang Panginoon ay may iisa lamang pamantayan ng moralidad—ganap na kalinisang-puri para sa mga kalalakihan at kababaihan bago ang pag-aasawa at ganap na katapatan pagkatapos niyon.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Sa pagpapayo sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa pakikipagdeyt, pagsusuyuan, at pag-aasawa, binigyang-diin ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kahalagahan ng pamumuhay ng batas ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri at katapatan. Nagbabala rin siya laban sa mga pagtatangka ni Satanas na gawing tila makatwiran o di masama ang paglabag sa batas na ito. Ikinuwento niya ang batang magkasintahang nabiktima ng panlilinlang na ito ng kaaway:

“Sabi ng lalaki, ‘Oo, naakit kami sa isa’t isa, pero hindi namin iniisip na mali iyon dahil mahal namin ang isa’t isa.’ Akala ko mali lang ang pagkaintindi ko sa kanya. Mula pa nang magsimula ang daigdig, napakarami na ng imoralidad, ngunit ang marinig na nangangatwiran pa tungkol dito ang isang kabataang Banal sa mga Huling Araw ay ikinabigla ko. Inulit niya, ‘Hindi, hindi ito mali, dahil mahal namin ang isa’t isa.’

“Inulit-ulit nila ang karumal-dumal na kasalanang ito kung kaya’t napaniwala nila ang kanilang sarili, at natutuhan nilang ipaglaban ito, at habang ipinaglalaban ito ay buong katigasan ng ulo silang nanindigan, halos hindi na masaway pa.”

Sa kanilang pangangatwiran, ang sagot ni Pangulong Kimball ay, “Hindi, mga minamahal kong kabataan, hindi ninyo minahal ang isa’t isa. Sa halip pinagnasaan ninyo ang isa’t isa. … Kung talagang mahal ng isang tao ang isa pa, mas pipiliin pa niyang mamatay para sa taong iyon kaysa saktan siya. Sa oras ng pagnanasa, naitutulak palabas sa isang pintuan ang dalisay na pag-ibig habang unti-unting pumapasok sa isa pang pintuan ang pagnanasa.”1

Nagpatotoo rin si Pangulong Kimball na ang galak at kapayapaan ay nagmumula sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Nakita niya ang mga pagpapalang ito sa buhay ng matatapat na miyembro, tulad ng karanasan niyang ito sa templo:

“Dito ay may kapayapaan at pagkakaisa at sabik na pag-asam. Isang matikas na binata at napakarikit na dalagang nakapangkasal, na ang kariktan ay di mailarawan, ang nakaluhod [sa] altar. Bilang isang may awtoridad, inihayag ko ang makalangit na seremonya na nagkasal at nagbuklod sa kanila para sa kawalanghanggan dito sa mundo at sa mga selestiyal na daigdig. Ang mga dalisay na puso ay naroon. Ang langit ay naroon.”2

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Ipinagbabawal ng batas ng kalinisang-puri ang lahat ng relasyong seksuwal sa labas ng kasal.

Upang maunawaan ang paniniwala ng Simbahan tungkol sa moralidad, ipinapahayag namin nang buong katatagan at walang pagbabago na ito ay hindi tulad ng isang gula-gulanit na damit, kupas, makaluma, at puno ng sulsi, na dapat nang itapon. Ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, at hindi nagbabago ang kanyang mga tipan at doktrina; at kahit wala nang init ang araw at hindi na nagniningning ang mga bituin, ang batas ng kalinisang-puri ay pangunahin pa rin sa daigdig ng Diyos at sa simbahan ng Panginoon. Ang mga dating pinahahalagahan ay pinaninindigan ng Simbahan hindi dahil dati na ang mga ito, kundi dahil wasto ang mga ito.3

Ang ganap na kalinisang-puri bago ang pag-aasawa at ganap na katapatan matapos iyon ang siya pa ring pamantayan kung saan ang bawat paglabag ay tiyak na kasalanan, pagdurusa, at kalungkutan.4

Yaong mga humahamak sa institusyon ng kasal, at makaluma ang tingin sa kalinisang-puri bago ang kasal at sa katapatan pagkatapos niyon, ay tila determinadong magtakda ng sarili nilang bagong pamantayan at iginigiit ito sa iba. Hindi ba nila nakikita ang napakalaking kasakiman na sa bandang huli’y hahantong sa labis na kalungkutan? Hindi ba nila nakikita na, dahil sa udyok ng kasiyahan, palayo sila nang palayo sa kagalakan? Hindi ba nila nakikita na ang uri ng tagumpay nila ay magbubunga ng kahungkagan at kawalang-kabuluhan kung saan walang panandaliang kasiyahan ang makasasagip sa kanila sa bandang huli? Ang batas ng pag-ani ay hindi pa napawawalang-bisa [tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7].5

Ang mga sinaunang apostol at propeta ay nagbanggit ng napakaraming kasalanan na lubos nilang ikinagalit. Karamihan sa mga ito ay kasalanang seksuwal—pakikiapid, walang katutubong pagibig, kahalayan, kataksilan, walang pagpipigil sa sarili, mahahalay na salita, kawalang-kadalisayan, masamang pita, pangangalunya. Kabilang sa mga ito ang lahat ng relasyong seksuwal sa labas ng kasal—mapusok na pagyayapusan at paghahalikan, maling paggamit ng seks, pagpaparaos sa sarili, at sobrang pag-iisip at pagsasalita tungkol sa seks. Kabilang rito ang bawat nakatago at lihim na kasalanan at lahat ng hindi banal at dalisay na pag-iisip at gawa. Isa sa pinakamabigat sa mga ito ang insesto o seksuwal na relasyon ng magkamag-anak.6

Kung ang isang tao ay may pagnanasa at interes [sa kapwa niya lalaki o babae], ang paglaban niya dito ay tulad din ng paglaban niya sa anumang pagnanasa sa mapusok na pagyayapusan at paghahalikan o pakikiapid. Kinokondena at ipinagbabawal ng Panginoon ang gawaing ito tulad ng pagkondena Niya sa pakikiapid at sa iba pang gawaing seksuwal. … Muli, salungat sa paniniwala at sinasabi ng maraming tao, ang [gawaing] ito, tulad ng pangangalunya, ay maaaring mapagtagumpayan at may kapatawaran, ngunit muli, ito’y sa pamamagitan lamang ng taimtim at wastong pagsisisi, na ibig sabihi’y ganap na pagwaksi at lubusang pagbabago ng isip at gawa. Ang katotohanang may ilang pamahalaan at simbahan at maraming tiwaling tao na nagsisikap pagaanin ang bigat ng gayong gawain mula sa pagiging isang krimen tungo sa pagiging personal na pribilehiyo ay hindi nagpapabago sa katangian ni sa bigat ng kasalanan ng gawaing ito. Ang mabubuting tao, matatalinong tao, mga taong may takot sa Diyos saanman ay patuloy pa ring tinutuligsa ang gawaing ito dahil hindi ito karapatdapat sa mga anak na lalaki at babae ng Diyos; at tinutuligsa at kinokondena ito ng simbahan ni Cristo. … Ang karumal-dumal na kasalanang homoseksuwal ay nagaganap sa lahat ng panahon. Maraming lungsod at sibilisasyon ang naglaho na dahil dito.7

Ang dalisay na pagtatalik sa legal na kasal ay pinahihintulutan. May tamang panahon at angkop na paggamit ng lahat ng bagay na mahalaga. Ngunit ang mga pakikipagtalik sa labas ng legal na kasal ay nagiging daan para ang isang tao ay maging isang bagay na gagamitin lamang, pagsasamantalahan, at bagay na maaaring ipagpalit, maabuso, mabibili. …

Ang bawal na relasyong seksuwal ay kasakiman, kataksilan, at kawalang-katapatan. Ang hindi pagtanggap ng responsibilidad ay karuwagan, kawalang-katapatan. Ang kasal ay panghabambuhay at sa kawalang-hanggan. Ang pangangalunya at iba pang paglabag ay para sa kasalukuyan, para sa oras na ito, para sa “ngayon.” Ang kasal o pag-aasawa ay nagbibigay-buhay. Ang pangangalunya ay humahantong sa kamatayan.8

Ang pag-ibig ay kalugud-lugod at di makasarili, ngunit ang pagnanasa ay tiwali at sakim.

Ang isang binata ay hindi tunay na lalaki kung nangangako siya ng popularidad, kasayahan, seguridad, katuwaan, at maging pag-ibig, gayong ang kaya lamang niyang ibigay ay pagnanasa at ang masasamang ibubunga nito—matinding panunumbat ng budhi, pagkasiphayo, poot, pagkasuklam, at sa huli’y pandidiri at posibleng pagbubuntis nang hindi lehitimo at walang dangal. Nagsusumamo siya ng pagmamahal, at ang ibinibigay lamang niya ay pawang pagnanasa. Gayundin naman na ibinebenta ng dalaga ang kanyang sarili sa napakamurang halaga. Ang bunga ay pagkasira ng buhay at kawalan ng puri ng kaluluwa. …

At sinasabi pa rin ng mga kabataang ito na ito ay pag-ibig. Napakalaking paninira sa pinakamagandang salita! Mapait ang bunga dahil bulok ang puno. Sinasambit ng kanilang mga labi ang, “Mahal kita.” Sinasabi ng kanilang mga katawan na, “Gusto kita.” Mabait at kalugud-lugod ang pag-ibig. Ang umiibig ay nagbibigay, hindi umaangkin. Ang umiibig ay naglilingkod, hindi nanamantala. …

Ano ang pag-ibig? Akala ng maraming tao ito ay pisikal na atraksyon lamang at pangkaraniwan lamang sa kanila ang sabihing “umiibig” at “pag-ibig sa unang pagkikita.” … Maaaring kaagad mabighani ang isang tao sa iba, ngunit higit pa sa pisikal na atraksyon ang pag-ibig. Ito ay malalim, ganap, at malawak. Ang pisikal na atraksyon ay isa lamang sa maraming elemento nito; kailangang may pananampalataya at tiwala at pang-unawa at pagtutulungan. Kailangang may iisang mga adhikain at pamantayan. Kailangan ang matinding katapatan at pagsasamahan. Ang pag-ibig ay kalinisan at pag-unlad at sakripisyo at pagpaparaya. Hindi napapagod o nagmamaliw ang ganitong uri ng pag-ibig, kundi nagpapatuloy sa gitna ng karamdaman, at kalungkutan, kahirapan at paghihikahos, tagumpay at kabiguan, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Para magpatuloy ang pagmamahalan, kailangang laging nag-iibayo ang tiwala at pang-unawa, ang madalas at tapat na pagpapakita ng pagpapahalaga at pagmamahal. Kailangang kalimutan ang sarili at palaging magmalasakit sa iba. Ang mga naisin, inaasam, at layunin ay dapat nakatuon tuwina sa iisang landas. …

Ang isang binata na pinangangalagaan ang kanyang kasintahan laban sa lahat ng panggagamit o pang-aabuso, laban sa pangungutya at kabuktutan mula sa kanya mismo o sa iba, ay nagpapahayag ng tunay na pagmamahal. Ngunit ang isang binata na ginagamit ang kanyang kasama bilang laruang magbibigay sa kanya ng panandaliang kasiyahan—iyan ay pagnanasa.

Ang isang dalaga na ginagawang kabigha-bighani ang sarili sa espirituwal, pangkaisipan, at pisikal na aspeto ngunit hindi nagsasalita o nagdaramit o kumikilos para pukawin o gisingin ang pisikal na reaksyon ng katabing kasintahan ay nagpapahayag ng tunay na pagmamahal. Ang dalaga na humahawak at pumupukaw at humahaplos at nanunukso at nanggagamit ay nagpapakita ng pagnanasa at pananamantala. …

Mag-ingat sa panlilinlang ng diyablo na ginagawang mukhang mabuti ang masama sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng kabansagang nagtatago ng tunay na katangian nito. Ang gayong pamamaraan ang nagbibigay-katwiran na ang pagnanasa ay pag-ibig.9

Bagamat ang seks ay mahalaga at kasiya-siyang bahagi ng buhay may-asawa, kailangan nating tandaan na hindi nilayon ang buhay para sa seks lamang.10

Ang pagsasama ng lalaki at babae, ng mag-asawa (at tanging mag-asawa lamang), ay para sa pangunahing layunin na magsilang ng mga anak sa mundo. Ang mga karanasang seksuwal ay hindi kailanman nilayon ng Panginoon na maging laruan lamang o para lamang bigyang-kasiyahan ang simbuyo ng damdamin at pagnanasa. Wala tayong alam na tagubilin mula sa Panginoon na limitado lamang sa paglikha ng bata ang pagtatalik ng magasawa, ngunit marami tayong nakikitang katibayan mula pa kay Adan hanggang sa panahon ngayon na hindi kailanman nagbigay ng kondisyon ang Panginoon hinggil sa pagtatalik na walang pakundangan.11

Dapat nating iwasan ang pornograpiya at iba pang uri ng imoralidad.

Tayo ay mga espirituwal na anak ng Diyos at … tayo ang kanyang pinakadakilang likha. Sa bawat isa sa atin ay naroon ang potensyal na maging Diyos—dalisay, banal, tunay, maimpluwensya, makapangyarihan, malaya sa makamundong puwersa. Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na walang hanggan ang pag-iral ng bawat isa sa atin, na kasama natin ang Diyos sa simula pa (tingnan sa Abr. 3:22). Ang pagkaunawang iyon ang nagbigay sa atin ng kakaibang pagpapahalaga sa dignidad ng tao.

Ngunit may mga huwad na guro sa lahat ng dako na gumagamit ng mga pananalita at pornograpiya, magasin, radyo, telebisyon, malalaswang salita—nagpapalaganap ng karumal-dumal at maling paniniwala na sumisira sa mga pamantayan ng kagandahang-asal, at ito’y upang bigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng laman.12

Kinasusuklaman natin ang pornograpiyang tila laganap na sa lupain. Sinisikap ng batas na supilin ito, ngunit ang pinakamainam na paraan para pigilin ito ay ang pagtayuin ang mga kalalakihan at kababaihan, kasama ang kanilang pamilya, ng harang laban dito. Tatanungin namin kayo, “Gusto ba ninyo, kayong mabubuting mamamayan ng inyong komunidad, na wasakin ng masamang bisyong ito ang inyong mga pamilya at kapitbahay?”13

Kapag nakikita natin ang kasamaan ng napakaraming tao sa ating lipunan sa kanilang determinasyong igiit sa mga tao ang malalaswang pagtatanghal, mahahalay na pananalita, mga bagay na hindi normal na ginagawa, iniisip natin, iniunat na ba ni Satanas ang kanyang masama at imbing kamay upang hilahin sa kanyang panig ang mga tao sa mundong ito? Wala na ba tayong sapat na bilang ng mabubuting tao na pipigil sa kasamaang ito na nagbabanta sa ating daigdig? Bakit patuloy tayong nakikipagkompromiso sa kasamaan at bakit patuloy nating kinukunsinti ang kasalanan?14

Umaasa tayo na hindi kukunsintihin ng ating mga magulang at lider ang pornograpiya. Ito ay talagang basura, ngunit ngayo’y ipinangangalandakang tulad ng isang normal at kasiya-siyang pagkain. … Magkaugnay ang pornograpiya at ang malalaswang pagnanasang seksuwal at di normal na pagtatalik.15

Sa kasawiang-palad ang mga kasalanang dulot ng pornograpiya ay nagiging sanhi pa ng ibang mabibigat na kasalanan, kabilang na ang pagpapalaglag.16

Katawa-tawang sabihin na walang epekto ang pornograpiya. May tiyak itong kaugnayan sa krimen. Ang pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa, prostitusyon, at masamang bisyo ay nauudyukan ng imoralidad na ito. Ang bilang ng nagaganap na krimeng may kinalaman sa seks ay tila nagpapakita ng kaugnayan ng krimen at pornograpiya.

Tunay na wala itong naitutulong na mabuti sa lipunan. Hinihikayat natin ang ating mga pamilya na pangalagaan ang kanilang mga anak hangga’t maaari. Nabubuhay tayo sa daigdig na kakaunti o wala nang mga limitasyon, ngunit kailangan nating tiyakin na hindi tayo magiging bahagi ng daigdig na iyon na walang limitasyon, ang daigdig na iyon na lalo pang lumalala.17

Ang mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako ay hinihikayat na huwag lamang iwasan ang laganap na kapahamakang dulot ng pornograpiya, kundi bilang mga mamamayan ay maging aktibo at patuloy na makibahagi sa paglaban sa mapaminsalang kalaban ng sangkatauhan sa buong daigdig. …

…Turuan ang inyong mga anak na iwasan ang mahahalay na materyal na parang isang salot. Bilang mga mamamayan, makiisa sa paglaban sa kahalayan sa inyong mga komunidad. Huwag magpadala sa pagwawalang-bahala ng mga nakikinabang sa pornograpiya, na nagsasabing ang pag-alis sa pornograpiya ay pagkakait sa mga tao ng karapatang pumili. Huwag ninyong hayaang buong kamalian nilang itanghal na kalayaan ang imoralidad.

Nanganganib ang napakahalagang mga kaluluwa—mga taong malapit at mahal ng bawat isa sa atin.18

Dapat pangalagaan ng mga magulang at lider ang kanilang mga anak at kabataan laban sa imoral na mga impluwensya.

Matututuhan sa inyo ng inyong mga anak hangga’t bata pa sila na hindi sila kailanman dapat makisali sa anumang uri ng imoralidad. Hindi ito dapat minsan lang sabihin sa kanila. Ngunit bago sila mag-asawa dapat maraming-maraming beses na silang napagsabihan, at dapat nilang malaman na hindi lang ang kanilang pamilya at mga magulang ang umaasa sa dakilang paglilingkod na ito, kundi ang Panginoon sa Langit. Inaasahan ni Jesucristo na mananatili silang malinis at malaya sa imoralidad.19

Ang kawalang-puri ang pinakamatinding kasamaan ng panahon. Tulad ng pugita, pinupulupot nito ang kanyang mga galamay sa isang tao. Napakaraming landas ang umaakay sa mga kabataang ito sa ganitong mga kalapastanganan. Hayaan ninyong magbanggit ako ng ilang pamamaraan na sumisira sa moralidad.

Ang ilan ay hindi gaanong nakikibahagi sa aktibidad ng simbahan at inilalayo ang kanilang sarili sa nakadadalisay at nangangalagang impluwensya ng Simbahan. Tila pumapangalawa lamang ang ebanghelyo sa kanilang personal na mga interes. Hindi sila dumadalo sa kanilang mga miting, at hinahayaang manguna ang mga gawain sa eskuwelahan, lipunan, o negosyo o trabaho kaysa sa mahahalagang aktibidad ng simbahan at ebanghelyo hanggang sa manlamig na sila sa Simbahan at sa mga pamantayan nito.

Isa pa sa maraming bagay na humahantong sa kawalang-puri ay ang kawalan ng kahinhinan. Maraming kabataang babae at lalaki ngayon ang nagmamalaki sa kanilang kaalaman sa paggawa ng bata. Akala nila’y alam na nila ang lahat ng sagot. Walang pakundangan nilang pinag-uusapan ang seks na parang ang pinag-uusapan nila ay mga sasakyan at pelikula at damit. At untiunting nabubuo ang diwa ng kawalan ng kahinhinan hanggang sa tila wala ng bagay na sagrado pa.20

Walang dahilan para magsuot ang kababaihan ng damit na litaw na ang dibdib o kaya’y hapit sa katawan dahil lamang sa iyon ang uso. Puwede tayong lumikha ng sarili nating istilo. …

Ni wala ring dahilan para ipaglantaran ng mga kabataang lalaki ang kanilang katawan. Ang mga kabataang ito ay makapagpapakita ng lakas ng loob at mabuting pasiya kung hihikayatin nila ang kanilang mga kaibigang babae na magsuot ng disenteng damit. Kung hindi makikipagdeyt ang isang binata sa isang dalagang hindi maayos ang suot, di-magtatagal ay mababago ang istilo. …

Ipinangako ng Panginoon sa magigiting na, “Iyo ang lahat ng akin.” Upang makamit ang dakila at walang hanggang mga pagpapalang ito, hindi kayo dapat magbakasakali. Panatilihing kalugud-lugod at malinis at dalisay ang inyong buhay, upang hindi mapagkaitan ng mga biyaya kailan man. Upang magawa ito, makabubuti sa inyo na iwasan “ang bawat anyo ng masama” at ang bawat pamamaraang humahantong sa masama.”21

Hindi labis na pagbibigay-diin ang sabihin na ang kawalan ng kahinhinan ay isa sa mga patibong na dapat nating iwasan kung gusto nating malayo tayo sa tukso at mapanatiling malinis ang ating sarili.22

Iminumungkahi ko … ang sumusunod na pamantayan. Ang anumang pakikipagdeyt o pakikipagpareha habang nakikihalubilo sa iba ay dapat munang ipagpaliban hanggang sa edad man lamang na 16 o mas matanda pa, at kahit nasa gayon nang edad kailangan pa ring pag-isipang mabuti ang pagpili at ang kaseryosohan nito. Kailangang magkaroon ng limitasyon ang mga kabataan sa pagiging malapit sa isa’t isa nang ilang taon pa, dahil magmimisyon pa ang lalaki kapag 19 na taong gulang na siya.

Ang pakikipagdeyt at lalung-lalo na ang pakikipagdeyt sa iisang tao lamang sa napakabatang edad ay lubhang delikado. Sinisira nito ang buong plano ng buhay. Pinagkakaitan kayo nito ng makabuluhan at mayayamang karanasan; nalilimitahan nito ang mga pakikipagkaibigan; dahil dito ay nababawasan ang mga pakikipagkilala na napakahalaga sa pagpili ng makakasama sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Talagang may takdang panahon sa pagdalo sa mga sayawan, paglalakbay, pakikihalubilo, pakikipagdeyt, at kahit ang seryosong pakikipagdeyt na hahantong sa pagsusuyuang magdadala sa mga kabataang ito sa banal na templo para sa walang hanggang kasal. At ang tamang panahon ang siyang pinakamahalaga. Mali pa rin ang gawin kahit ang tamang bagay sa maling panahon at maling lugar at sa maling pagkakataon.23

Panatilihing malinis at malaya ang inyong buhay mula sa lahat ng hindi banal at maruming isipan at gawa. Iwasan ang lahat ng samahang humahamak at nagpapababa sa mataas, at mabubuting pamantayang itinakda para sa atin. Sa gayong paraan ay uunlad na mabuti ang inyong buhay at mapupuspos kayo ng kapayapaan at kagalakan.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Ihambing ang magkasintahang inilarawan ni Pangulong Kimball sa pahina 213 sa magkasintahang tinukoy niya sa ikalawang talata sa pahina 215. Ano ang maaaring dahilan ng pagkakaiba sa asal at kilos ng magkasintahang ito na mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Basahin ang ikatlong talata sa pahina 215. Ano ang masasabi ninyo sa isang taong nagsasabi na makaluma ang kalinisangpuri? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 215–217.) Ano ang ilan sa mga kahihinatnan ng pagwawalanghalaga sa batas ng kalinisang-puri? Ano ang ilan sa mga pagpapala ng pagsunod nito?

  • Pag-isipan kung paano ninyo kukumpletuhin ang mga pangungusap na ito: Ang umibig ay _______. Ang magnasa ay _______. (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 217–219.) Paano maiimpluwensyahan ng ating pagkaunawa sa pag-ibig ang ating isipan at kilos?

  • Sa inyong palagay bakit nagbabala noon pa laban sa pornograpiya si Pangulong Kimball at ang maraming lider ng Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 219–221.) Sa anu-anong paraan natin malalabanan ang paglaganap at impluwensya ng pornograpiya? Ano ang magagawa natin sa ating mga pamilya para “makapagtayo ng mga hadlang laban dito”?

  • Rebyuhin ang mga pamantayan sa mga pahina 221–224. Bakit kailangang ituro nang maaga ng mga magulang at lider ang batas ng kalinisang-puri sa buhay ng isang bata? Ano ang magagawa ng mga magulang at lider para matulungan ang mga kabataan na manatiling tapat sa Simbahan at sa mga pamantayan nito? Anu-anong mapagkukunan ang ibinibigay ng Simbahan upang matulungan ang mga kabataan na maunawaan at masunod ang mga pamantayan ng Simbahan?

  • Paanong magkaugnay ang kahinhinan at ang batas ng kalinisang-puri?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging mahinhin sa pamamaraan ng ating pananamit? Sa anu-anong paraan tayo “makalilikha ng sarili nating istilo”? (pahina 222). Ano ang ibig sabihin ng maging mahinhin sa ating pagsasalita at asal? Paano natin matutulungan ang mga kabataan na maunawaan na kailangang maging mahinhin sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 6:9, 18–20; Jacob 2:7; Alma 39:3–5, 9; 3 Nephi 12:27–30; D at T 42:22–23, 40–41; 59:6

Mga Tala

  1. Faith Precedes the Miracle (1972), 151–52, 153, 154.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1971, 153; o Ensign, Dis. 1971, 36.

  3. Faith Precedes the Miracle, 155.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1980, 4; o Ensign, Nob. 1980, 40.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1978, 117; o Ensign, Mayo 1978, 78.

  6. “President Kimball Speaks Out on Morality,” Ensign, Nob. 1980, 95.

  7. Ensign, Nob. 1980, 97.

  8. Faith Precedes the Miracle, 155, 156–57.

  9. Faith Precedes the Miracle, 157–59.

  10. The Miracle of Forgiveness (1969), 73.

  11. “The Lord’s Plan for Men and Women.” Ensign, Okt. 1975, 4.

  12. Ensign, Nob. 1980, 94.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1975, 8–9; o Ensign, Mayo 1975, 7.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1975, 162; o Ensign, Mayo 1975, 109.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1974, 7; o Ensign, Nob. 1974, 7.

  16. “A Report and a Challenge,” Ensign, Nob. 1976, 6.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1974, 7; o Ensign, Nob. 1974, 7.

  18. Ensign, Nob. 1976, 5, 6.

  19. Sa Conference Report, La Paz Bolivia Area Conference 1977, 22–23.

  20. Faith Precedes the Miracle, 162–63.

  21. Faith Precedes the Miracle, 166, 167, 168.

  22. The Miracle of Forgiveness, 227.

  23. Ensign, Nob. 1980, 96.

  24. Ensign, Nob. 1980, 98.

bride and groom at temple

“Ang kasal ay panghabambuhay at sa kawalang-hanggan. … Ang pag-aasawa ay nagbibigay-buhay.”

young couple on date

Si Pangulong Kimball ay nagbigay ng malinaw na mga panuntunan para sa mga kabataang nakikipagdeyt.