Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: ‘Nang S’ya’y Makapiling’


Kabanata 1

“Nang S’ya’y Makapiling”

Ang tanging paraan na mahahanap natin ang kagalakan, katotohanan, at kasiyahan ay ang mamuhay nang naaayon sa plano ng Ama sa Langit.

Mula sa Buhay ni Spencer W. Kimball

Gustung-gusto ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang awitin sa Primary na “Ako ay Anak ng Diyos,” dahil sa simple ngunit malalim na mensahe nito sa kung sino tayo, bakit tayo narito sa mundo, at ano ang mga pangako ng Panginoon kung matapat tayo. Si Sister Naomi W. Randall ang sumulat ng titik ng awitin noong 1957, noong si Elder Spencer W. Kimball ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong panahong iyon, ang koro ng awitin ay nagtatapos sa mga salitang “Ituro ang dapat kong alamin nang Siya’y makapiling.”

Habang dumadalo sa isang stake conference, pinakinggan ni Elder Kimball ang isang grupo ng mga batang Primary na umawit ng “Ako ay Anak ng Diyos.” Kaagad pagkatapos niyon, nagbigay siya ng puna tungkol sa awitin sa pakikipag-usap niya sa isang miyembro ng Primary General Board. “Gustung-gusto ko ang awitin ng mga bata,” sabi niya, “pero medyo di ko gusto ang isang salita. Hindi ba mamasamain ni Sister Randall kung ang salitang alamin ay papalitan ng salitang gagawin?1

Pumayag si Sister Randall na baguhin ang awitin. Ngayon ang koro ay nagtatapos sa mga salitang “Turuan ng gagawin nang S’ya’y makapiling.”2 Makikita sa mga salitang ito ang alituntuning binigyang-diin ni Pangulong Kimball sa buong ministeryo niya: “Ang buhay selestiyal ay makakamit ng bawat kaluluwang sumusunod sa mga kinakailangan nito. Hindi sapat ang malaman. Kailangang gumawa ang isang tao. Ang kabutihan ay mahalaga at kailangan ang mga ordenansa.”3 Itinuro niya na ang ebanghelyo ay “paraan ng pamumuhay, ang plano ng personal na kaligtasan, at nakabatay ito sa personal na responsibilidad. Ginawa ito para sa tao, ang anak ng Diyos. Ang tao ay isang binhi ng Diyos at taglay niya ang mga kakayahan para maging Diyos, at kung gugustuhin niya, mataas ang kanyang mararating.”4

Mga Turo ni Spencer W. Kimball

Sa buhay bago tayo isinilang, itinuro ng Ama sa Langit ang Kanyang plano para sa ating kadakilaan.

Noon bilang mga espirituwal na nilalang, na ganap na organisado at kayang mag-isip at mag-aral at makaunawang tulad Niya, ganito ang sinabi sa atin ng ating Ama sa Langit: “Ngayon, minamahal kong mga anak, sa kalagayan ninyo bilang espiritu ay naabot na ninyo ang dapat ninyong marating. Para maipagpatuloy ang inyong pag-unlad, kailangan ninyo ng mga katawang pisikal. Balak kong maglaan ng plano kung saan patuloy kayong uunlad. Gaya ng alam ninyo, uunlad lang ang isa sa pamamagitan ng pagdaig o paggapi.

“Ngayon,” sabi ng Panginoon, “kukunin natin ang mga elementong narito at bubuo tayo ng isang mundo, lalagyan natin ito ng pananim at mga hayop, at pabababain kayo dito. Sa lugar na ito kayo susubukin. Bibigyan namin kayo ng mayamang mundo, na sagana sa lahat ng bagay para sa inyong kapakanan at kasiyahan, at titingnan namin kung mananatili kayong tapat at gagawin ang mga bagay na ipagagawa sa inyo. Magkakaroon tayo ng kasundaan. Kung papayag kayong kontrolin ang inyong mga hangarin at patuloy na susulong tungo sa kaganapan at pagiging Diyos batay sa planong ibibigay ko, bibigyan ko kayo ng katawang pisikal na laman at mga buto at isang mayaman at saganang mundo, na may araw, tubig, mga kagubatan, metal, lupa, at lahat ng iba pang mga bagay na kailangan para kayo’y makakain at madamitan at magkaroon ng tirahan at maibigay sa inyo ang bawat kasiyahan na angkop at makabubuti sa inyo. Bukod dito, gagawin kong posible na sa huli’y makabalik kayo sa akin habang pinagbubuti ninyo ang inyong buhay, at dinadaig ang mga balakid at papalapit sa pagiging perpekto o ganap.”

Sa pinakabukas-palad na alok na ito, tayo bilang mga anak ng ating Ama sa Langit ay tumugon nang may pasasalamat.5

Malinaw na ibinalangkas ng Panginoon ang plano at mga kondisyon at pakinabang nito. … Ibibigay sa tao ang kalayaang pumili upang makagawa siya ng mga sariling pagpili.

Ang buhay ay magkakaroon ng tatlong yugto o kalagayan: premortal, mortal, at imortal. … Ang gagawin sa isang estado o kalagayan ay makaaapekto nang malaki sa susunod na mga kalagayan. Kung napanatili ng isang tao ang kanyang unang kalagayan, papayagan siya sa ikalawang kalagayan o sa mortal na buhay na karagdagang panahon ng pagsubok at karanasan. Kung pagbubutihin niya ang kanyang ikalawang kalagayan, ang kanyang karanasan sa lupa, buhay na walang hanggan ang maghihintay sa kanya.6

Bagamat hindi natin maalaala ang ating pre-mortal na buhay, bago tayo naparito sa mundong ito ay naunawaan nating lahat ang layunin ng pagpunta natin dito. Inaasahan na magkakaroon tayo ng kaalaman, makapag-aaral, at matuturuan ang ating sarili. Kailangang kontrolin ang silakbo ng ating damdamin at mga hangarin, supilin at kontrolin ang simbuyo ng ating damdamin, at daigin ang ating mga kahinaan, kapwa maliit at malaki. Kailangan nating alisin ang kasalanan ng di-pagsunod at ng paglabag sa ipinag-uutos, at sundin ang mga batas at kautusang ibibigay sa atin ng ating Ama. …

Naunawaan din natin na matapos ang isang panahon, na maaaring ilang segundo o kaya’y dekada ng mortal na buhay, tayo’y mamamatay. Ang mga katawan natin ay babalik sa Inang Lupa na pinagmulan ng pagkalikha nito, at ang ating mga espiritu ay pupunta sa daigdig ng mga espiritu, kung saan magkakaroon tayo ng dagdag na pagsasanay para sa ating patutunguhan sa kawalang hanggan. Makalipas ang ilang panahon, magkakaroon ng pagkabuhay na muli o ng muling pagsasama ng katawan at ng espiritu, na siyang daan para maging imortal tayo at posible na tayong sumulong pa tungo sa pagiging perpekto o ganap at sa pagkadiyos. Ang pagkabuhay na muling ito ay mapapasaatin sa pamamagitan ng sakripisyo ng Panginoong Jesucristo, ang Manlilikha ng mundong ito, na nagsagawa ng walang-kapantay na serbisyong ito para sa atin—isang himala na hindi natin magagawa para sa ating sarili. Dahil dito’y nabuksan ang daan para magkaroon tayo ng imortalidad at—kung karapat-dapat tayo—kadakilaan sa huli sa kaharian ng Diyos.7

Naunawaan nating mabuti bago tayo naparito sa lambak ng kalungkutan na magkakaroon ng mga kapighatian, kabiguan, mabigat na gawain, dugo, pawis, at mga luha. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, dumungaw tayo at nakita ang mundong ito na inihahanda para sa atin, at nasabi natin na, “Opo, Ama, sa kabila ng lahat ng iyan ay nakikita ko ang mga pagpapalang mapapasaakin bilang isa sa inyong mga anak. Sa pagkakaroon ng katawan nakikita ko na sa huli’y magiging imortal akong tulad ninyo, upang madaig ko ang mga epekto ng kasalanan at maging ganap, kung kaya’t sabik akong mapunta sa mundo sa unang pagkakataon.” At naparito nga tayo.8

Ang mortalidad ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos.

Tayong mga mortal na nabubuhay ngayon sa mundong ito ay nasa ating pangalawang kalagayan. Ang pagkabuhay nating ito sa mga mortal na katawan ay patunay na “napanatili” natin ang ating unang kalagayan. Ang ating espiritu ay walang hanggan at kasabay na nabuhay ng Diyos, ngunit binuo ito at ginawang mga katawang espiritu ng ating Ama sa Langit. Ang ating mga katawang espiritu ay dumaan sa matagal na panahon ng pagsulong at pag-unlad at pagsasanay at, dahil matagumpay na naipasa ang pagsusulit, tinanggap rin tayo sa wakas sa mundong ito at sa mortalidad.

Ang tiyak na layunin ng pagparito sa mundo ng ating mga espiritu at pagdanas ng mortal na kalagayan ay para magkaroon ng katawang pisikal. Daranasin ng katawang ito ang lahat ng kahinaan, tukso, karupukan at limitasyon ng mortalidad, at mahaharap sa hamon na daigin ang sarili.9

Ipinadala kayo dito sa lupa hindi para magsaya o bigyang kasiyahan lamang ang mga pita o silakbo ng damdamin o mga hangarin … at mapasainyo ang tinatawag ng mundo na “kasiyahan.”

Mabigat ang layunin ng pagkapadala sa inyo sa mundong ito. Sa madaling salita’y ipinadala kayo sa eskuwelahan, para magsimula bilang sanggol at umunlad sa kagila-gilalas na paraan sa karunungan, paghatol, kaalaman, at kapangyarihan.10

Ang isa sa mga pinakamalalang depekto ng tao sa lahat ng panahon ay pagpapaliban, ang pagtangging tumanggap ng personal na pananagutan ngayon. Alam ng mga tao na naparito siya sa mundo para mag-aral, magsanay at umunlad, at gawing ganap ang kanilang sarili, ngunit marami ang pumayag na malihis sila at maging … lulong sa katamaran ng isipan at espiritu at sa paghahangad ng makamundong kasiyahan.11

Ang mortal na buhay na ito ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos, na siyang una nating responsibilidad. Yamang natanggap na natin ang ating katawan, na naging permanenteng tirahan ng ating mga espiritu hanggang sa kawalang hanggan, kailangan naman natin ngayong sanayin ang ating mga katawan, ating isipan, at ating espiritu. Kung gayon, pinakamahalaga sa lahat na gamitin natin ang buhay na ito para gawing ganap ang ating sarili, kontrolin ang laman, makontrol ng espiritu ang katawan, para madaig ang lahat ng kahinaan, pamahalaan ang sarili para mapamunuan ang iba, at maisagawa ang lahat ng kinakailangang mga ordenansa.12

Itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo ang ating landas pabalik sa ating Ama sa Langit.

Karaniwan ay sa mapa tayo tumitingin para matukoy ang isang destinasyon na hindi pa natin napuntahan. … Ang Panginoong Jesucristo, na ating Manunubos at Tagapagligtas, ay nagbigay sa atin ng mapa—isang kodigo ng mga batas at kautusan kung saan maaari tayong maging perpekto, at sa huli, ay marating ang pagka-Diyos. Ang set na ito ng mga batas at ordenansa ay kilala bilang ebanghelyo ni Jesucristo, at ito ang tanging plano na magpapadakila sa sangkatauhan. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging pinagkatiwalaan ng kabuuan ng napakahalagang programang ito, na natatamasa ng mga taong tumatanggap nito.13

Ibinalik ng Panginoon ang kanyang kaharian nitong mga huling araw, pati na ang lahat ng kaloob at kapangyarihan at mga pagpapala. Maaaring malayo ang marating ninyo sa buhay na ito sa pamamagitan ng ilang simbahan na alam ninyo, at magdudulot ito sa inyo kahit paano ng kapayapaan at kaligayahan at biyaya, ngunit wala itong magagawa para sa inyo sa kabilang buhay. Ang Simbahan ni Jesucristo ang tutulong sa inyo sa panig na ito ng tabing at, kung sinusunod ninyo ang mga kautusan, ay parang walang anuman na ihahatid kayo nito sa tabing hanggang sa mga kawalang hanggan tungo sa kadakilaan.14

Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ang walang hanggang plano ng kaligtasan. Ito ang planong binalangkas at ipinahayag ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan, para sa kaligtasan ng lahat ng maniniwala at susunod.15

Para makamtan ang mithiin na buhay na walang hanggan at kadakilaan at pagkadiyos, kailangang tanggapin ang tao sa kaharian sa pamamagitan ng binyag, na isinagawa sa wastong paraan; kailangan niyang tanggapin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay na binigyan ng kapahintulutan; ang lalaki ay kailangang maordena sa priesthood ng mga awtorisadong maytaglay ng priesthood; kailangang maendow at mabuklod ang tao sa bahay ng Diyos sa pamamagitan ng propeta na mayhawak ng mga susi o ng taong pinagkatiwalaan ng mga susi; at kailangan siyang mamuhay nang matwid, malinis, dalisay at naglilingkod. Walang makapapasok sa buhay na walang hanggan kung hindi sa pamamagitan ng wastong pintuan—si Jesucristo at ang kanyang mga kautusan.16

Ginawang ganap ni Jesus ang kanyang buhay at naging ating Cristo. Pinadanak ang napakahalagang dugo ng isang diyos, at naging Tagapagligtas natin siya; ibinuwis ang perpektong buhay niya, at naging Manunubos natin siya; makakabalik tayo sa ating Ama sa Langit dahil sa kanyang pagbabayad-sala.17

Ang dakila at kahanga-hanga at mahimalang benepisyong dulot ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi magkakaroon ng ganap na nakapagliligtas na epekto sa atin maliban kung magsisisi tayo.18

Lubos tayong nagpapasalamat na biniyayaan tayo ng ating Ama sa Langit ng ebanghelyo ng pagsisisi. Ito ang sentro ng lahat ng bumubuo sa plano ng ebanghelyo. Pagsisisi ang batas ng Panginoon sa pag-unlad, ang kanyang alituntunin sa pagsulong, at kanyang plano para sa kaligayahan. Taimtim tayong nagpapasalamat na nasa atin ang kanyang walang katapusang pangako na kapag may pagkakasala at pagkakamali, maaari itong sundan ng taos-puso at sapat na pagsisisi na gagantihan din naman sa huli ng kapatawaran.

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin,” ang sabi ng Guro. (Mat. 11:28.)

Ang kagila-gilalas na bagay tungkol sa buong konsepto ng pagsisisi ay kung paanong puno ang mga banal na kasulatan ng mga utos niya na magsisi tayo, baguhin ang ating buhay at iayon ito sa kanyang kahanga-hangang mga turo, gayundin naman na punung-puno ang mga ito ng katiyakan mula sa Panginoon na magpapatawad siya.

Mabait ang Diyos. Handa siyang magpatawad. Nais niyang maging perpekto tayo at patuloy na makontrol ang ating sarili. Ayaw niyang makontrol ni Satanas o ng ibang tao ang ating buhay. Kailangan nating malaman na ang pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit ay sumasagisag sa tanging landas ng lubusang pagkontrol sa ating sarili, ang tanging paraan para matagpuan natin ang kagalakan, katotohanan, at kasiyahan sa buhay na ito at sa kawalang hanggan.19

Ang kabang-yaman ng kaligayahan ay nabubuksan sa mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo nang buong dalisay at sa simpleng paraan. … Ang kasiguruhan ng sukdulang kaligayahan, ang katiyakan ng matagumpay na buhay dito at ng kadakilaan at buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay, ay dumarating sa mga nagpaplanong mamuhay nang naaayon sa ebanghelyo ni Jesucristo—at pagkatapos ay nananatiling sumusunod sa itinakda nilang landasin.20

Tanging ang magigiting at matatapat ang dadakilain.

Kung tayo’y tunay at tapat, tayo’y magbabangon, hindi lamang sa imortalidad kundi tungo sa buhay na walang hanggan. Ang imortalidad ay ang mamuhay nang habampanahon sa isang itinalagang kaharian. Ang buhay na walang hanggan ay pagkakamit ng kadakilaan sa pinakamataas na langit at mamuhay bilang magpapamilya.21

Sinabi ng isang tao noong isang araw na ang tanging hindi niya gusto sa Simbahang Mormon ay ang pagsasabi nitong ito lang ang makapagliligtas sa tao. Ang sabi ko, “Hindi ho, wala kaming sinasabing ganyan. Ang sinasabi namin ay bawat mabuting relihiyoso at bawat mabuting tao na hindi relihiyoso ay maliligtas ngunit may mga antas ng kaligtasan. …”22

Ang mga namuhay ayon sa paraan ng mundo ay mapupunta sa isang kahariang telestiyal na ang kaluwalhatian ay tulad ng mga bituin.

Ang mga naging disente at matwid at namuhay nang kagalanggalang at mabuti ay mapupunta sa isang kahariang terestriyal na ang kaluwalhatian ay tulad ng buwan.

Ang mga naniwala kay Cristo, na tumalikod sa mundo, na tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay at handang isakripisyo sa Diyos ang lahat, ang mga sumunod sa mga utos ng Diyos—lahat sila’y mapupunta sa isang kahariang selestiyal na ang kaluwalhatian ay tulad ng araw.23

Ang landas ng buhay ay itinurong mabuti batay sa banal na layunin, ang mapa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring makuha ng mga manlalakbay, ang destinasyon ng buhay na walang hanggan ay ipinakitang mabuti. Sa destinasyong iyon ay buong pag-asang naghihintay ang ating Ama, sabik na batiin ang pabalik niyang mga anak. Nakakalungkot na marami ang hindi makararating.24

Bakit iilan lamang ang magkakamit ng kadakilaan sa kahariang selestiyal? Hindi dahil sa hindi nila ito makukuha, hindi dahil sa hindi nila alam ang tungkol dito, hindi dahil sa hindi naibigay sa kanila ang patotoo, kundi dahil sa ayaw nilang sikaping iayon ang kanilang buhay at itulad ito sa buhay ng Tagapagligtas at maging talagang matatag sila upang hindi sila malihis hanggang sa huli.25

Maraming … miyembro ng Simbahan ang medyo pabaya at walang-ingat at patuloy na nagpapaliban. Hindi nila tapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Nasunod nila ang ilang kailangan ngunit hindi sila magiting sa pagsunod. Wala silang nagawang mabigat na krimen pero bigo silang gawin ang mga bagay na kinakailangan—tulad ng pagbabayad ng ikapu, pagsunod sa Word of Wisdom, pagkakaroon ng pampamilyang panalangin, pag-aayuno, pagdalo sa mga miting, paglilingkod. …

…Hindi isasalin ng Panginoon sa mga gawa ang mabubuting mithiin at hangarin ng isang tao. Tayo ang kailangang gumawa nito para sa ating sarili. …

Tanging ang magigiting ang dadakilain at tatanggap ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatian, kaya nga “marami ang tinawag, subalit iilan ang napili.” (D at T 121:40.) Gaya ng sabi ng Tagapagligtas, “… makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.” At sa kabaligtaran, “… maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok.” (Mat. 7:13, 14.)

Totoo na maraming Banal sa mga Huling Araw, na nabinyagan at nakumpirmang mga miyembro ng Simbahan, at natanggap pa ng ilan ang kanilang endowment at nang maikasal at mabuklod sa banal na templo ay nadama nila ang katiyakan ng pagpapala ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. Ngunit hindi ganito. May dalawang bagay na kailangang magawa ng bawat kaluluwa dahil kung hindi ay di niya makakamit ang iniaalok na mga dakilang pagpapala. Kailangan niyang tanggapin ang mga ordenansa at kailangan siyang maging tapat, at daigin ang kanyang mga kahinaan. Kaya nga, hindi lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay magkakaroon ng kadakilaan.

Ngunit para sa magigiting na Banal sa mga Huling Araw, na buong katapatan at ganap na sumusunod sa mga kailangan, ang mga pangako ay maluwalhati at halos di mailarawan:

“Pagkatapos sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan; samakatwid sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay magpapatuloy; sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila. Sa gayon sila ay magiging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay saklaw nila.” (D at T 132:20.)26

Kapag natanto ng tao ang lawak, yaman, ang kaluwalhatian ng “lahat” ng ipinapangako ng Panginoon na ipagkakaloob sa matatapat sa kanya, sulit ang lahat ng pagtitiyaga, pananampalataya, sakripisyo, pawis at mga luha. Ang mga pagpapala ng kawalang hanggan na nakapaloob sa “lahat” ng ito ang naghahatid sa tao ng imortalidad at buhay na walang hanggan, ng walang hanggang pag-unlad, banal na pamumuno, walang hanggang pagsulong, pagiging ganap, at kasama ng lahat ng ito, ang pagkadiyos.27

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xii.

  • Rebyuhin ang unang talata sa pahina 3 at ang unang buong talata sa pahina 4, kung saan inilarawan ni Pangulong Kimball ang pagtugon natin noon sa buhay bago tayo isinilang ukol sa plano ng Ama sa Langit. Bakit kaya ganoon ang naging pagtugon natin?

  • Rebyuhin ang huling talata sa pahina 4 at unang talata sa pahina 5. Ano ang ginagawa ninyo para masiyahan sa buhay nang hindi nawawala sa isipan ang inyong “mabigat na layunin”?

  • Pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Kimball tungkol sa mga layunin ng mortalidad na nasa mga pahina 4–6. Batay sa mga turong ito, bakit kaya pagpapaliban ang “isa sa mga pinakamalalang depekto ng tao”? Paano natin madadaig ang ganitong gawi?

  • Itinuro ni Pangulong Kimball na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tulad ng isang mapa na aakay sa atin tungo sa kadakilaan (mga pahina 6–8). Isiping mabuti kung nasaan na kayo sa paglalakbay na ito at ano ang magagawa ninyo para patuloy na umunlad.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging magiting sa ebanghelyo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 8–11 at sa kuwento sa pahina 1–2). Bakit hindi sapat ang pagiging miyembro ng Simbahan at kaalaman sa ebanghelyo para matiyak ang kadakilaan sa kahariang selestiyal?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Santiago 1:22; Alma 34:30–41; 3 Nephi 27:13–22; D at T 76:50–93; Abraham 3:22–26

Mga Tala

  1. Sa Robert D. Hales, “Friend to Friend: I Am a Child of God,” Friend, Mar. 1978, 9.

  2. Mga Himno, blg. 189.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1964, 94; o Improvement Era, Hunyo 1964, 496.

  4. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 28.

  5. “Absolute Truth,” Ensign, Set. 1978, 5.

  6. The Miracle of Forgiveness (1969), 4.

  7. The Miracle of Forgiveness, 5–6.

  8. The Teachings of Spencer W. Kimball, 31.

  9. The Miracle of Forgiveness, 5.

  10. The Teachings of Spencer W. Kimball, 31.

  11. The Miracle of Forgiveness, 7.

  12. “Beloved Youth, Study and Learn,” sa Life’s Directions (1962), 177–78.

  13. The Miracle of Forgiveness, 6.

  14. The Teachings of Spencer W. Kimball, 49–50.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1978, 108; o Ensign, Nob. 1978, 71.

  16. The Miracle of Forgiveness, 6.

  17. “President Kimball Speaks Out on Profanity,” Ensign, Peb. 1981, 5.

  18. “The Gospel of Repentance,” Ensign, Okt. 1982, 5.

  19. Ensign, Okt. 1982, 2.

  20. The Miracle of Forgiveness, 259.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1978, 109; o Ensign, Nob. 1978, 72.

  22. The Teachings of Spencer W. Kimball, 50.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1978, 109; o Ensign, Nob. 1978, 72.

  24. The Miracle of Forgiveness, 19.

  25. The Teachings of Spencer W. Kimball, 51–52.

  26. The Miracle of Forgiveness, 7–8, 9.

  27. The Miracle of Forgiveness, 311.

family singing

Tulad ng mungkahi ni Pangulong Kimball, ang koro ng “Ako ay Anak ng Diyos” ay nagtatapos sa mga salitang, “Turuan ng gagawin nang S’ya’y makapiling.”

newborn baby

“Ang isang tiyak na layunin ng pagparito sa mundo ng ating mga espiritu at pagdanas ng mortal na kalagayan ay para magkaroon ng katawang pisikal.”

Christ in Gethsemane

“Ginawang perpekto ni Jesus ang kanyang buhay at naging ating Cristo. … Makakabalik tayo sa ating Ama sa Langit dahil sa kanyang pagbabayad-sala.”