“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano Pa ang Kulang sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Mayo 13–19
Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18
“Ano Pa ang Kulang sa Akin?”
Basahin at pagnilayan ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, na nakatuon ang pansin sa mga pahiwatig na natatanggap mo. Pansinin ang mga paramdam na iyon, at magpasiya kung paano ka kikilos ayon sa mga iyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kung may pagkakataon kang magtanong sa Tagapagligtas, ano kaya ito? Noong makita ng isang mayamang binata ang Tagapagligtas sa unang pagkakataon, itinanong niya, “Ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako’y magkaroon ng buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16). Ang sagot ng Tagapagligtas ay nagpakita kapwa ng pagpapahalaga sa mabubuting bagay na nagawa na ng binata at ng magiliw na panghihikayat na gumawa ng iba pa. Kapag pinagnilayan natin ang posibilidad ng buhay na walang hanggan, maaari din nating isipin kung may iba pa tayong dapat gawin. Kapag itinanong natin, sa ating sariling paraan, “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20), mabibigyan tayo ng Panginoon ng mga sagot na kasing-personal ng sagot Niya sa mayamang binata. Anuman ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon, ang pagkilos ayon sa Kanyang sagot ay laging mangangailangan na mas magtiwala tayo sa Kanya kaysa sa sarili nating kabutihan (tingnan sa Lucas 18:9–14) at na ating “[tanggapin ang] kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata” (Lucas 18:17; tingnan din sa 3 Nephi 9:22).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.
Ang pagpapalitang ito ng Tagapagligtas at ng mga Fariseo ay isa sa ilang nakatalang pagkakataon kung kailan partikular na nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa kasal. Matapos basahin ang Mateo 19:1–9 at Marcos 10:1–12, gumawa ng listahan ng ilang pahayag na inaakala mong nagbubuod sa mga pananaw ng Panginoon tungkol sa kasal. Paano ipinauunawa sa iyo ng iyong kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama kung bakit ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos?
Maaaring may kilala kang mga tao na hindi sang-ayon o tutol sa mga pamantayan ng Panginoon tungkol sa kasal.
Itinuro ba ni Jesus na ang diborsyo ay hindi kailanman katanggap-tanggap o na ang mga diborsyado ay hindi dapat mag-asawang muli?
Sa isang mensahe tungkol sa diborsyo, itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na layon ng Ama sa Langit na maging walang hanggan ang pagsasama ng mag-asawa. Gayunman, nauunawaan din ng Diyos na “dahil sa katigasan ng [ating] puso” (Mateo 19:8), kabilang na ang mga maling pasiya at kasakiman ng isa sa mag-asawa o pareho sa mga ito, kung minsan ay kailangan ang diborsyo.
Ipinaliwanag ni Elder Oaks na “pinapayagan [ng Panginoon] na mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito. Kung hindi nakagawa ng mabigat na kasalanan ang miyembrong nakipagdiborsyo, maaari siyang makakuha ng temple recommend batay sa gayunding mga pamantayan ng pagkamarapat na angkop sa iba pang mga miyembro” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 70–71).
Mateo 19:16–22; Marcos 10:17–22; Lucas 18:18–23
Kung magtatanong ako sa Panginoon, ituturo Niya sa akin ang kailangan kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan.
Ang kuwento tungkol sa mayamang binata ay maaari ding ipag-alala maging ng matapat at habambuhay na disipulo. Habang binabasa mo ang Marcos 10:17–22, ano ang nakikita mong katibayan ng katapatan at pagkakaroon ng sinseridad ng binata?
Gaya ng mayamang binata, lahat tayo ay hindi perpekto at may kakulangan, kaya’t bilang mga disipulo kailangan nating itanong, “Ano pa ang kulang sa akin?”—at dapat nating itanong ito habambuhay. Pansinin na ang sagot ay ibinigay dahil sa pagmamahal ng Isa na nakakaalam kung sino tayo talaga (tingnan sa Marcos 10:21). Ano ang magagawa mo para maghandang itanong sa Panginoon kung ano pa ang kulang sa iyo—at tanggapin ang Kanyang sagot?
Tingnan din sa Larry R. Lawrence, “Ano Pa ang Kulang sa Akin?” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 33–35; S. Mark Palmer, “At Pagtitig sa Kanya ni Jesus ay Giniliw Siya,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 114–16.
Lahat ay makatatanggap ng pagpapala ng buhay na walang hanggan, kailan man nila tanggapin ang ebanghelyo.
Makakaugnay ka ba sa karanasan ng sinuman sa mga manggagawa sa ubasan? Anong mga aral ang nakikita mo mismo sa talatang ito? Ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang mga Manggagawa sa Ubasan” (Ensign o Liahona, Mayo 2012, 31–33) ay maaaring makatulong sa iyo na makakita ng mga bagong paraan para maisabuhay ang talinghagang ito. Anong karagdagang mga pahiwatig ang ibinibigay sa iyo ng Espiritu?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Makikinabang ba ang inyong pamilya sa pagtalakay sa mga turo ng Diyos tungkol sa kasal at pamilya? Kung gayon, maaari ninyong basahin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129.) Paano nakakatulong ang mga turo sa pagpapahayag para linawin ang kalituhan at mga kasinungalingan sa mga mensahe ng mundo tungkol sa kasal at mga pamilya?
Ano ang kaibhan sa pagitan ng pagkakaroon ng kayamanan at pagtitiwala sa kayamanan? (tingnan sa Marcos 10:23–24). Habang binabasa mo ang talata 27, maaari mong ipaliwanag ang Joseph Smith Translation na: “Sa mga tao na nagtitiwala sa kayamanan, hindi maaari ito; ngunit hindi imposible sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at iniiwan ang lahat alang-alang sa akin, sapagkat sa gayon ang lahat ng mga bagay na ito ay may pangyayari” (sa Marcos 10:27, footnote a).
Upang ilarawan ang mga alituntunin sa Mateo 20:1–16, maaari kayong gumawa ng isang simpleng paligsahan, tulad ng maikling takbuhan, at mangako na makatatanggap ng premyo ang mananalo. Kapag nakumpleto ng lahat ang paligsahan, bigyan ng magkakaparehong premyo ang bawat isa, nagsisimula sa taong huling nakatapos at nagtatapos sa taong unang nakatapos. Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung sino ang tumatanggap ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa plano ng Ama sa Langit?
Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “ang sinomang magibig na maging una sa inyo, ay magiging alipin ninyo”? (Mateo 20:27). Paano ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng alituntuning ito? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa sa ating pamilya, sa ating ward o branch, at sa ating paligid?
Ano ang natututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa dalawang talinghaga sa mga talatang ito?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.